PATIENT X & SAVING GRACE (Filipino) Chapter 10

NAKAKATAKOT isatinig ang mga pribadong bagay tungkol sa buhay ko. Lalo at ako ang tipo ng tao na hindi sanay gawin iyon. Siguro dahil lumaki akong nasanay kumikilos at nag-iisip para sa sarili ko dahil nag-iisang anak ako at parehong nagtatrabaho sa ibang bansa ang mga magulang ko kahit noon pa mang high school ako. Nasanay ako na sinasarili ang lahat. Kahit pa may mga kaibigan naman ako, mas taga-pakinig ako sa mga hinaing nila kaysa kabaligtaran.

Kaya naging mahirap para sa akin ang sabihin kay Dr. Martin ang tungkol sa pagkuha ni James sa virginity ko. Damang-dama ko ang init ng mukha ko habang nagsasalita. Bukod sa may bumibikig sa lalamunan ko at kumikirot ang puso ko kapag naiisip kong isa na lamang alaala ang mga namagitan sa amin ni James. Na iniwan na niya ako at ipinagpalit sa iba.

Maraming beses na ginusto kong itigil na ang paglalahad. Pero sa tuwing naglalakas loob akong tumingin sa mga mata ni Dr. Martin at wala akong makita ni katiting na panghuhusga o kahit ano pa man, lumalakas ang loob ko. Ni hindi nga siya sumisingit ng salita. At sa tuwing napapahinto ako ay hindi siya nagtatangkang susugan akong magpatuloy. Para bang hindi siya naiinip kahit pa abutin ng bukas bago pa ako matapos magsalita.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa amin pagkatapos kong sabihin ang tungkol sa unang gabing may nangyari sa amin ni James. Maya-maya ay may kumatok sa pinto ng hospital room ko.

“Dinner po,” magalang na sabi ng babaeng may dalang tray ng pagkain bago tuluyang pumasok sa silid ko. Inilapag sa lamesa ang tray, nakangiting nagpaalam at saka muling lumabas.

Napatingin ako sa labas ng bintana. Papadilim na nga sa labas. Ni hindi ko namalayan na ilang oras na pala ang lumipas.

Mukhang kahit si Dr. Martin ay noon lang napansing inabutan na siya ng dilim sa silid ko. Tumayo siya at isinuksok ang mga kamay sa magkabilsang bulsa ng puting coat na suot niya. “Sa susunod na natin ituloy ang pinag-uusapan natin. Kumain ka at magpahinga ng maaga. Tawagan mo ang kaibigan mo. Papayagan na kita makauwi bukas. Reresetahan kita ng gamot. Just a dose of anti-depressants to keep your hormones in normal condition. Pero kailangan mo ipangako na babalik ka. We’ll set an appointment. Okay ba iyon?”

Hindi ako agad sumagot. Pinagmasdan ko muna ang mukha niya. Wala talaga akong makitang kahit na anong reaksiyon sa ipinagtapat ko. Na para bang tungkol lang sa panahon ang ilang oras naming pinag-usapan. Siguro para sa kaniya ay normal lang ang kaso ko. Siguro, hindi lang ako ang babaeng ganito.

May nakapa akong pag-asa sa puso ko. Kung totoo nga iyon, hindi ako nag-iisa. At kung may naging kaso na rin si doc Martin na katulad ko, ibig sabihin ay hindi naman ako sobrang abnormal para sa kaniya. Na baka nga maintindihan niya ako.

Na baka maibalik niya ako sa normal. Na baka matulungan niya akong makalimot.

Sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong linggo, ngayon lang may kumudlit na pag-asa sa puso ko.

“Joy? Maipapangako mo ba na pupunta ka sa appointment natin? Will you come see me?” untag ni Dr. Martin sa akin.

Huminga ako ng malalim at tumango. Pinakatitigan niya ako, parang sinisiguro kung nagsasabi ako ng totoo. Saka may sumilay na ngiti sa mga labi niya at lumambot ang masungit na ekspresyong palagi kong nakikita sa mukha niya.

Sumikdo ang puso ko dahil pamilyar sa akin ang ngiti niya. Pero bago ko pa maisip kung bakit ay nagsalita na siya.

“Good. See you then.” Saka siya tumalikod at lumabas ng silid ko.

ISANG linggo pagkatapos ang araw na ma-discharge ako sa ospital, natagpuan ko ang sariling nakatayo na naman sa labas niyon para sa appointment ko kay Dr. Martin. Humigpit ang hawak ko sa strap ng shoulder bag ko. Ilang beses na ba sa nakaraang mga araw na nagdalawang isip ako kung pupunta ngayon? Ilang beses ako natakot?

Tumiim ang mga labi ko, nanuyo ang lalamunan at nanlamig. Pero hinamig ko ang sarili at lakas loob na humakbang papasok sa ospital, papunta sa departamento ni Dr. Martin kung nasaan ang opisina niya. Bago ako lumabas ng ospital ay dinala niya ako roon para daw alam ko kung saan ako pupunta sa susunod. Alam daw niya na ang mga pasyente niya ay nakakahiyaan magtanong sa front desk kung nasaan ang opisina niya. Dahil karamihan ng mga pasyente ay ayaw ipinapaalam na nakikipagkita sila sa isang psychiatrist.

“Sa kasamaang palad, hindi pa rin naalis ang stigma ng mental disorder sa bansang ito. Tingin agad ng karamihan, kapag nagpatingin sa psychiatrist ay baliw kaagad. When in fact, there are many reasons why people consult a psychiatrist. Personally, hindi ko ginagamit ang salitang ‘baliw’. It’s not a scientific term. Sa kasamaang palad, may prejudice na ang mga tao na mahirap alisin.” Iyon ang sinabi sa akin ni Dr. Martin isang linggo ang nakararaan. At tama siya. Kahit ako, kung hindi ako na-admit sa ospital ay malabong lumapit ako sa isang psychiatrist. Baka nga kung may magsuhestiyon sa akin na gawin iyon ay magagalit ako.

Pero ngayon ay alam ko na kailangan ko talaga si Dr. Martin. Kailangan ko ng makakausap. Kailangan ko ng tutulong sa aking buuin muli ang sarili ko. Hindi ba sinabi na nila sa akin na ang unang hakbang para gumaling ay ang aminin na kailangan ko ng tulong? Kaya naroon ako ngayon.

Pagdating ko sa labas ng opisina niya ay siya namang pagbukas ng pinto at paglabas ng isang maganda at sopistikadang babae mula roon. Sandaling napatingin siya sa akin at nakita kong kagagaling lamang niya sa pag-iyak. Nag-iwas siya ng tingin, nagsuot ng sunglasses at saka malalaki ang hakbang na naglakad palayo. Hindi siya mukhang may problema sa pag-iisip o kahit emosyonal. She looks like an independent woman who has everything. Pero siguro sa mata ng ibang tao ay ganoon din ako. Mukhang normal. Pero hindi.

O siguro, ang mga taong mukhang malusog, malakas, independent at walang problema sa buhay, sila talaga ang may kahinaan. Sila ang kailangan ng tulong dahil sila ang tipo ng tao na sinasarili ang lahat lalo na ang negatibong emosyon. Hindi ba kahit ano namang lagayan kapag sobra na ang laman ay umaapaw? At kapag hindi nakalabas ang kinikimkim ay nasisira ang lagayan. Sa tingin ko ganoon din ang tao. If the emotions are too much, a person will break.

Katulad ko. Katulad ng iba pang mga taong lumalabas at pumapasok sa opisina ng psychiatrist na katulad ni Dr. Martin.

Sandali akong napasunod ng tingin sa sopistikadang babae bago pumasok sa opisina ng doktor.

Nakita ko siyang nakaupo sa likod ng isang lamesa. Nakayuko at abala sa pagsusulat sa isang nakabukas na folder. “Sit down. Tatapusin ko lang ito,” hindi tumitingala na sabi niya sa akin.

Sandali akong nagdalawang isip kung uupo ba ako sa silya sa tapat ng lamesa niya o sa sofa set ilang dipa ang layo mula sa akin. Mukhang tungkol sa umalis niyang kliyente ang ginagawa niya kaya sa sofa na lang ako pumuwesto.

Iginala ko ang tingin sa opisina na simple lang ang interior at halatang psychiatrist talaga ang umookupa dahil sa mga posters at kung anu-ano pang parapernalya tungkol sa isip at behavior ng tao. Ibinalik ko ang tingin sa lamesa niya na may mga nakapatong na mga libro at mga folder. Isang fortune plant lang ang disenyo. Ni walang nameplate ni Dr. Martin. Weird. Hindi ba ang mga doktor may nameplate na nakapatong sa lamesa nila?

Nakakunot pa rin ang noo ko nang dumeretso ng upo ang lalaki, isara ang folder at mag-angat ng tingin. “I’m glad you came.”

Lumunok ako. “May usapan tayo,” sabi ko na lang.

Umangat ang gilid ng mga labi niya at tumayo. Lumapit siya. Saka umupo sa couch na katapat ng kinauupuan kong sofa. “So, here’s the thing,” umpisa niya.

Napaderetso ako ng upo at naging alerto.

“Alam ko na hindi magiging madali sa iyo, pero gusto kong malaman ang mga sumunod na pangyayari sa sinabi mo na sa akin last week. Alam ko na magiging masakit para sa iyong alalahanin ang lahat, pero kailangan mong gawin. Ayokong maging maligoy ang mga session natin dahil matatagalan ang recovery mo kung ganoon. Kailangan ko malaman ang lahat ng namagitan sa inyo ng taong ugat ng kalagayan mo ngayon. And from there, we will start your exposure therapy.”

Kumurap ako. “E-exposure therapy?”

“Yes. I don’t really rely solely on talk therapy, miss Madrid. I believe in hardline treatment. I expose my patient to the very thing that traumatized her. At maniwala ka sa akin na lahat ng mga naging pasyente ko ay gumaling. Ganoon din ang mangyayari sa iyo basta ibigay mo lang sa akin ang buong pagtitiwala mo.”

Namilog ang mga mata ko. Sumagi sa isip ko ang lahat ng mga ginawa namin ni James at ang isiping kailangan kong gawin ang lahat ng iyon ulit… sa presensiya ni Dr. Martin? To do every dirty things James and I did… and more…with my doctor?

“Doc. M-may naging pasyente ka na ba na katulad ko?”

Ilang segundo ang lumipas bago siya nagsalita. “Inaamin ko na ang kaso mo ay… iba sa mga naging pasyente ko na.”

Pakiramdam ko ay parang nalaglag ang puso ko sa sahig. Marahas akong napatayo. Hindi ko na nakontrol ang pagkatarantang naramdaman ko. Niyakap ko ang sarili ko. “Hindi. Hindi ko ito kayang gawin. A-aalis na ako.” Humakbang ako papunta sana sa pintuan pero maagap na nakatayo si Dr. Martin at humarang sa daraanan ko.

“Kaya mo,” giit niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.