“SINO palang maiiwan kasama nung dalawang baliw?” tanong ni Theon nang palabas na kami ng bahay. Nagtutulakan silang dalawa ni Keij dahil nagpapaunahan sila sa sasakyan dahil ang mauuna daw ang magmamaneho. Kasunod ko si Kol na naglalakad at nasa gilid ko si Jahann.
“Si Enzo. Hindi mo naman maaaya ‘yun, eh…” natatawang sabi ni Keij bago itinulak si Theon at tumakbo papunta sa sasakyan nito. “I won,” pang-aasar pa nito kay Theon bago inilahad ang kamay para hingiin ang susi ng sasakyan.
“Tangina mo,” iiling-iling na kinuha ni Theon ang susi mula sa bulsa nito at inabot kay Keij na mahina niyang sinuntok. Iiling-iling naman na binuksan ni Kol ang pinto at pinapasok ako. Si Jahann ay sa kabilang pinto pumasok. Nasa harap naman si Theon at si Keij ang magmamaneho.
“Sa susunod, huwag niyo na uutusan si Enzo na bumili ng alak, ha?” sabi ni Theon sa amin. Kumunot naman ang noo ko. Wala naman kaming alam sa pag-uutos nila kay Enzo.
“Tangina ‘non, ‘yung libro niya di niya nakalimutan, yung alak, ni isa, walang dala…” sabi naman ni Keij habang nagmamaneho ito.
“Kapag kinasal ‘yun, ‘yung bride niya librarian…” natatawang sabi naman ni Theon. Silang dalawa lang ni Keij ang tumatawa. Masyadong seryoso sa buhay ang dalawang katabi ko para tawanan ang biro na binitiwan ni Theon.
Nakatingin lang sa labas si Jahann habang nakasandal at nakapikit naman si Kol sa gilid ko. Sumandal na lang din ako at tumingin sa daan na tinatahak namin. Lagi nilang sinasabi na mahirap intindihin ang mga babae, mas mahirap naman intindihin ang mga lalaki kung tutuusin. Hindi sila nagsasabi kaya naman, hindi din naman malalaman ng babae kung ano ang nasa isip nila, hindi tulad sa babae na madali mo namang malalaman kung ano ang iniisip o nararamdaman.
“Cherinna, pwede naman na kayong uminom nila Aly, dib—“
“Don’t try, Theon. Hindi sila iinom,” agad na pintol ni Jahann ang sinasabi ni Theon. Nilingon naman ito ni Keij. “Huwag kang KJ, Jahann. Umiinom naman si Aly, eh…” sabi nito bago muling itinuon ang atensyon sa pagmamaneho.
“Hindi sila iinom, Keij. That’s final,” malamig na sabi ni Jahann bago niya ako nilingon. Wala naman siyang ibang sinabi sa akin dahil agad niya ding iniwas ang tingin sa akin. Panay pa din naman ang asaran ng dalawang nasa harap hanggang sa makarating na kami sa may convenience store. Nagbabaan na kami nang maipark ni Keij ang sasakyan.
“Ilang alak ba bibilhin natin?” tanong ni Theon sa amin.
“Just enough for us. Puro lalaki lang naman ang iinom, eh…” sagot ni Kol dito na nagtitingin-tingin sa mga naroon.
“Tayo naman ang kasama ng mga babae, bakit ba natatakot kayong painumin sila?” tanong ni Keij sa kakambal nito.
“I already said it, Keij. Hindi sila iinom,” seryosong sabi ni Kol.
Wala namang kaso sa akin kung pagbabawalan akong uminom. Hindi naman talaga ako umiinom ng alak. Hindi din naman pinagbabawalan si Aly nila Daddy, may tiwala sila dito, isa pa ay kasama naman namin si Jahann. Si Lean at Ate Caryl ay ganon din naman dahil minsan, sa Blue’s Haven kami nananatili kapag walang klase at gusto namin na magsama-sama. Sabi kasi ni Keij, kailangan ni Enzo ng maraming tao sa paligid nito.
Walang tao sa store na iyon maliban sa amin at sa dalawang cashier na tila naestatwa na sa mga kasama ko. Nakatingin lang sila sa mga pinsan ko at kapatid ko. Napailing na lang ako. Kung makikilala naman nila ng husto ang mga ‘yan, hindi sila matutulala ng ganyan. Baka nga magsawa pa ang mga ito na sila ng sila na lang ang laging kasama.
“Cherinna, kuha ka ng chips para sa mga inyo nila Aly. Kami na ni Theon kukuha ng drinks na pandagdag…” ani Keij sa akin. “Diba, may dala na kayong pagkain? Kulang pa ba ‘yon?” tanong ko sakanila. Ang alam ko kasi ay namili naman na sila bago pa man kami bumiyahe. Si Jahann at Enzo pa nga ang inatasan nila na magluluto ng pagkain namin.
“Baka kulangin, maganda na ‘yung may sobra…” sabi ni Theon bago inabot sa akin ang maliit na basket na naroon. “Mahirap pa naman kayong gutumin, tinotopak kayo, eh…” dagdag pa nito bago kumindat sa akin.
“Hindi mo kinagwapo, Theon,” inirapan ko siya bago ko kinuha ang maliit na basket at nag-isip ng kukunin na chips doon.
“Tsaka sabi ni Dad sa akin, dapat ang babae, pinapakain talaga. Pero mas madalas talaga, babae ang kinakain at—“
“Fuck off, Keij,” agad na hinawakan ni Jahann ang braso ko. Nilingon ko naman siya at wala akong mabasang ekspresyon sa mukha niya. Hindi naman nagsalita pa si Keij. Natatawa lang ito na tila inaasar pa si Jahann. “Come with me,” hinila ni Jahann ang kamay ko at dinala ako papunta sa pwesto ng ice cream doon sa may store.
Ganoon pa rin ang ekspresyon ng mukha ni Jahann katulad kanina. Wala akong mabasang kahit na ano. Huminga ako ng malalim bago kumuha ng ice cream doon.
“Can you smile for me?” tanong ko sa kanya nang hindi siya nililingon. Kaninang umaga ko pa napapansin na masyado siyang seryoso. Hindi ko alam kung may problema din ba siya o ano.
“What?” nagbaba siya ng tingin sa akin.
“I’m asking you, can you smile for me?” nag-angat ako ng tingin sa kanya. Hindi naman siya nagsalita. I filled my lungs with air before I smiled. “I don’t know what your problem is, pero I’m just here…”
Nakatingin lang siya sa akin at hindi nagsasalita.
“Tara na?” aya ko na lang sa kanya. “Kukuha pa daw ng chips, eh…” Ibinigay ko sa kanya ang kinuha kong ice cream bago nagpunta sa pwesto ng mga chips. Si Jahann na din ang nagdala ng basket na pinaglalagyan namin ng pinipili kong pagkain.
“Wait here…” sabi ni Jahann sa akin bago biglang lumayo dala-dala ang mga chips na kinuha ko na. Napakunot na lang ang noo ko at muling ibinalik ang atensyon sa pamimili ng chocolates dahil favorite iyon ni Aly.
Hindi naman nagtagal ay bumalik na si Jahann. Hindi na niya dala ang mga kinuha namin kanina. “Nasan na?” tanong ko sa kanya habang hawak-hawak ang mga chocolates na pinili ko.
“Akin na ‘yan,” sabi na lang niya bago kinuha ang mga hawak ko at naglakad na papunta sa may cashier. Naroon na sila Theon at Keij. Si Kol naman ay nakita kong nasa labas na at nakasandal sa may sasakyan.
“Miss, hanggang anong oras kayo bukas?” tanong ni Theon sa babaeng naroon na namumula na ang pisngi. Hindi ko mapigilang mapailing at mapaismid.
“Baka kasi bumalik kami, pwede pa ba?” ngumiti pa si Theon sa babae.
“Add these…” sa likod ako ni Theon pumuwesto para naman marinig niya talaga ako. Nilingon naman niya ako at sinimangutan.
“Kanino ‘tong isang tub ng caramel ice cream?” tanong ni Keij habang nakatingin doon. “Sa’yo ‘to, Cherinna?” tanong niya sa akin sabay pakita ng ice cream tub na caramel flavor nga.
“Hindi naman ako kumuha niyan, ah?” sagot ko kay Keij bago lumingon kay Jahann. Hindi naman siya nakatingin sa akin at hindi din nagsasalita.
“Oh, Theon bayaran mo na…” sabi ni Keij kay Theon nang matapos na ang cashier.
“Tangina mo, bakit ako?” tanong naman ni Theon kay Keij. “Hindi ko dinala ‘yung wallet ko…”
“Ba’t ‘di mo dinala, gago ka ba?” nakakunot ang noo na tanong ni Keij dito. Sabay silang lumingon sa akin.
“Can I pay using card?” napatingin kami kay Jahann na inilabas na ang wallet nito.
Natulala din ang babae habang nakatingin kay Jahann.
“Miss…” he called her again. Lumapit na lang ako kay Jahann. “Miss, he’s asking you if he can pay using his card, pwedeng magfocus ka at huwag mo siyang titigan na parang gusto mo siyang kainin?” hindi ko mapigilang sabi sa babae.
Nilingon ko si Jahann at nakita kong bahagya siyang nakangiti.
Siniko ko siya upang tumingin siya sa akin. Tinaasan ko naman siya ng kilay nang tumingin nga siya pero nakangiti naman. Kanina, ayaw ngumiti. Ngayon naman, parang tangang ngingiti bigla.
Matapos magbayad ni Jahann ay inilagay na nila Theon sa sasakyan ang mga pinamili namin. Si Jahann ay tahimik pa rin ngunit kahit papaano ay may ngiti na sa mukha niya.
“Napano ka?” tanong ni Kol dito.
“Nabaliw…” ako ang sumagot bago naunang pumasok sa sasakyan.
Pagbalik namin sa bahay na tinutuluyan namin ay nakita namin si Aly at si Lean na nakaabang sa amin. Pareho pa silang nakakrus ang kamay sa may bandang dibdib at nakatingin sa amin.
“Saan kayo galing?” tanong ni Aly sa amin nang makababa kami. “Hindi niyo man lang kami sinama!” pagrereklamo pa nito bago lumapit sa akin. “Akala ko ba kambal tayo?” hinawakan pa nito ang magkabilang braso ko.
“Kambal nga tayo, anong problema mo?” tanong ko sa kanya.
“Alam niyo bang hindi man lang kami pinapansin ni Enzo? Para kaming may kausap na bato ni Aly kanina…” reklamo din ni Lean sa amin.
“Sana kinausap mo sarili mo,” sagot naman ni Theon dito.
“Kausap ba kita?” mataray na sabi ni Lean kay Theon. “Kausap mo na ako ngayon,” nagkibit-balikat naman ang pinsan ko bago tinalikuran si Lean para kunin ang mga binili namin.
“Let’s go inside, malamig na…” sabi sa amin ni Jahann. Hinawakan naman ni Aly ang kamay ko at hinila na ako papasok.
Maaga pa naman kaya pinilit nila Aly at Lean si Enzo at Jahann na magluto. Si Keij at Theon naman ay nagpaalam na maliligo habang si Kol ay nagpaalam na iidlip na muna.
“Kambal!” tawag sa akin ni Aly. Nasa kabilang upuan lang naman siya pero ang lakas-lakas ng boses.
“Ano ‘yon?” tanong ko. Ibinigay ko na sa kanya ‘yung chocolates na binili namin kaya hindi na niya ako dinadramahan na iniwan ko siya… kahit na inaya lang naman ako ni Kol na sumama dito kanina.
“Mamaya, ayain mo si Ian na saluhan tayo sa pagkain…” kinikilig na sabi nito sa akin. “Naeexcite na talaga ako sa lovelife mo, twin!”
“Oo nga. Ipakilala mo na din siya ng maayos sa lahat para naman matanggap agad nila. Knowing them, imposibleng makalusot agad ‘yung si Ian sakanila…” pagsang-ayon naman ni Lean. Napasandal na lang ako napapikit. Hindi ata talaga nila ako titigilan sa kaka-Ian nilang dalawa.
“Maliligo na lang muna ako,” paalam ko sa dalawa bago tumayo.
“Uy, nagreready for Ian later…” pang-aasar ni Aly sa akin. Tinitigan ko siya ng masama. “Stop it, Aly.”
Hindi naman siya nagpaapekto sa masamang titig ko. Sa halip, mas nang-asar pa siya. “Kikilatisin ko pa din naman siya kung papasa siyang brother-in-law ko, eh… pero gwapo naman siya, Twin… pwede na din…” sinundan ito ni Aly ng pagtawa.
“Ewan ko sa inyo, diyan na nga kayo…” iiling-iling na tumalikod na lang ako at umakyat sa taas. Ang alam ko’y mag-iinuman pa sila Keij mamaya kaya pwede siguro na mauna kaming matulog. Hindi pa naman ako inaantok pero parang mas gusto ko na lang magpahinga na muna.
Napahinto ako sa paglalakad nang may humawak sa balikat ko. Agad akong nag-angat ng tingin at nakita ko si Ian na nakatingin sa akin. Magulo ang buhok niya at tila kagigising lang niya base sa pamumungay ng mga mata niya.
“Pwede bang tumingin ka sa dadaanan mo at mag-ingat ka naman?” sabi niya sa akin sa iritableng paraan. Medyo paos din ang boses niya. Napaatras naman ako at muling napayuko.
Hindi ko pa din alam kung paano ako makikipag-usap sa kanya dahil sa nangyari sa school. Hindi ko alam kung paano siya titignan.
Narinig ko ang paghinga niya ng malalim bago naglakad at nilagpasan na ako. Tsaka ko lamang din pinakawalan ang malalim na buntong-hininga.
“This is bad…” mahinang sabi ko bago dumiretso na ako ng lakad papunta sa kwarto ko. Mabilis lang akong naligo at nagbihis. Nagsusuklay na ako ng buhok nang kumatok si Jahann sa kwarto namin at binuksan ang pinto.
“You’re done?” tanong niya ng hindi pumapasok. Napangiti ako.
“No, I’m naked…” pagbibiro ko dito.
“Fuck,” narinig kong sabi niya kaya hindi ko mapigilang matawa. “Just go downstairs, okay?” nakita kong hinila na nito ang pinto kaya naman agad kong nagsalita.
“I was just kidding. Nakabihis na ako…” natatawang sabi ko sa kanya.
“You’re not funny, Cherinna…” bakas ang inis sa tinig nito kaya naman tumayo na ako at pinuntahan siya sa may pinto.
“Sorry…” I smiled at him. “Let’s go?” aya ko sa kanya. Ako na ang nagsara ng kwarto namin nila Lean at magkasunod kaming bumaba ni Jahann. Naabutan naman namin silang lahat na nasa living area at may mga alak na, na naroon at pagkain. Magkatabi si Keij at Theon as usual, nasa tabi naman ni Keij si Kol. Sa kabilang upuan naman ay si Enzo, Lean at Aly. Umupo na ako sa isang upuan na naroon at tumabi na sa akin si Jahann.
“Aly, I allowed you to drink but make you sure you can handle it, alright?” sabi ni Jahann kay Aly bago nito kinuha ang isang bote na nasa lamesa.
“Don’t drink too much,” mahinang sabi ko sa kanya.
“I won’t…” ngumiti siya ng tipid sa akin bago uminom.
Pinayagan din ni Enzo si Lean na uminom. Ako lang ang hindi umiinom sa amin kaya naman ikinuha ako ni Jahann ng juice.
“You allowed her to drink, kapag nagkalat ‘yang dalawang ‘yan, kayo ni Enzo paglilinisin ko…” pagbabanta ko kay Jahann nang maupo siyang muli sa tabi ko.
“Alright,” sagot niya sa akin bago muling uminom.
Kinukulit nila Aly at Lean si Theon at Keij tungkol sa girlfriend daw ng dalawang lalaki. Nakatingin lang ako sakanila habang tumatawa.
“Guys, there’s nothing wrong kung maggigirlfriend kayo, pero make sure isa lang! Wag kayong malandi masyado…” sabi ni Aly kay Keij at kay Theon.
“Wala pang kalahati naiinom mo, lasing ka na,” natatawang sabi ni Keij kay Aly. Inirapan naman ito ni Aly. Matagal bago malasing si Aly kaya sigurado akong hindi pa siya lasing.
“Aly, you’re just wasting your time,” sabi naman ni Lean na nasa tabi nito. “Yang mga ‘yan, for sure hindi makukuntento sa isang babae ‘yan. Nakakaawa lang ‘yung mga magkakagusto diyan…” dagdag pa nito bago uminom.
“Wow, Lean, ah? Bitter mo sa amin,” sagot ni Theon dito.
Napailing na lang ako. Wala pa din naman kasing ipinapakilalang girlfriend sa amin si Keij at Theon… actually, lahat naman sila ay walang ipinapakilala sa amin. Lagi nilang sinasabi na ayaw pa nilang mag-girlfriend. Wala namang kaso sa amin ‘yon pero wala ding kaso kung magkakagirlfriend na sila.
“Kol, diba ikaw ‘yung may balak ligawan?” biglang sabi ni Keij sa kakambal nito. Naglingunan naman kaming lahat kay Kol.
“Who’s the lucky girl, Kol?” tanong ko sa kanya.
“Wag kayong naniniwala diyan kay Keij,” ismid nito bago uminom sa bote na hawak nito.
“Okay…” Aly sighed. Sumandal pa ito bago tumingin sa akin. “Kung wala kayong love life, let’s ask my twin, instead!” bigla itong tumayo at lumapit sa akin. “Jahann, lipat ka muna dun…” sabi nito kay Jahann na tinutulak pa para umalis sa tabi ko.
“Bumalik ka na lang sa upuan mo, Aly…” sagot naman ni Jahann dito. She rolled her eyes and looked at him. “Dali na!” hinila nito si Jahann at umupo sa tabi ko.
“So… what’s with you and Ian?” tanong niya sa akin.
“Ang gwapo niya, Cherinna, in fairness…” singit naman ng kinikilig na si Lean.
“Diba, kamukha ng kuko mo sa paa mo ‘yon? Ganon pala tipo ni Lean. Mukhang kuko…” sabi ni Theon kay Keij na napalakas kaya naman narinig naming lahat.
“Mind your own business, Theon…” inirapan ito ni Lean bago muling bumaling sa akin.
“So, nanliligaw na ba siya sa’yo?” tanong ulit sa akin ni Aly.
“Aly! Hindi siya nanliligaw. Hindi nga kami nag-uusap, eh…” sabi ko dito.
“I saw the two of you earlier. Hawak niya ‘yung balikat mo… tapos ang lapit-lapit niyo pa sa isa’t isa. Bagay kayo, swear!” hawak-hawak niya ang dalawang kamay ko habang bakas ang saya sa mukha nito.
I sighed.
“Classmate ko lang siya, okay? Walang kami ni Ian…” sabi ko na lang ulit. Sana naman ay tigilan na ako ni Aly sa usaping Ian dahil wala namang kami talaga.
“Wala pa sa ngayon. But I know, magiging kayo din…” ngumiti siya ng pagkatamis-tamis bago bumaling kay Jahann. “Diba, Jahann, bagay sila?” tanong nito sa kapatid namin.
“I’ll just go get some ice…” sabi nito sa halip na sagutin ang tanong ni Aly.
“Don’t be so protective. Ikaw nga may Iris, eh…” malakas na sabi ni Aly bago tumawa.
Nagkuwentuhan pa sila ng tungkol sa kung ano-ano habang nag-iinuman. Halos mag-aalas dos na ng magdesisyon silang magpahinga.
Inalalayan ni Jahann si Aly papunta sa kwarto namin at si Enzo naman ang nakaalalay kay Lean. Si Keij at Theon din ay nagpunta na sa kwarto ng mga ito.
Naiwan lang kaming dalawa ni Kol na naroon.
“Is that true, Kol?” tanong ko dito habang nagliligpit ng kalat. Nilingon naman niya ako. “Ang alin?” tanong niya bago nag-iwas ng tingin.
“You like someone?” ngumiti ako. “I am sure, whoever that girl is… may qualities siya na stand out sa iba kaya mo siya nagustuhan…”
Hindi naman nagsalita si Kol. Bumalik si Jahann para tulungan kami.
“Natulog na din si Enzo. Do you need help?” tanong niya sa akin. Umiling naman ako. “You should rest. Nagdrive ka pa kanina, tapos nagluto ka pa. Kaya ko na ‘to. Pahinga na kayo ni Kol…” sabi ko sakanila.
“Magpahinga ka na din. Bukas na lang ‘yan,” sabi ni Jahann sa akin. Tumango ako sa kanya. “Sige na, matulog na kayo. Aakyat na din ako. Maghuhugas lang ako ng kamay…” sabi ko sakanila.
Tumango lang sa akin si Kol bago umakyat na sa kwarto nila.
“Jahann, I’m fine. Don’t worry…” ngumiti ako sa kanya bago siya tinulak na para umakyat. “Go to sleep. Goodnight, sweet dreams…” sabi ko dito. Humarap naman siya sa akin.
“Goodnight,” sabi niya sa akin bago huminga ng malalim at umakyat na din.
Hindi din naman ako makakatulog agad dahil sigurado akong wala akong mahihigaan sa kwarto namin. Malikot si Aly matulog lalo na kapag nakainom.
Nilinis ko na lang ang mga kalat ng kasama ko. Maybe I’ll just stay in the couch for the meantime.
Naghuhugas na ako ng kamay nang biglang may magsalita sa likod ko.
“You’re still up?”
Agad akong napalingon at nakita ko si Ian na nakatingin sa akin.
“Yeah, obviously…” mahinang sagot ko.
Mukhang hindi magandang idea ang magstay dito sa baba. Mas mabuti pang sa kwarto na lang ako at subukang matulog kahit alam kong gagawin lang akong human pillow ni Aly.
Nakita ko siyang nagtimpla ng kape sa may gilid ko. Huminga ako ng malalim bago nagsalita. “Sige, aakyat na ako. Maiwan na kit—“
“Can you stay with me?” putol niya sa sinasabi ko. Nilingon ko naman siya at may inabot siya sa akin na isang mug. “Please?” dagdag niya pa.
Inabot ko na lang iyon at tumango sa kanya.
Ano bang iniisip ko? Dapat ay tumanggi na lang ako…
Pero hindi ko naman magawang iwan si Ian.
Naupo siya sa may couch na naroon kaya naman sa may kabilang upuan ako naupo. Hindi siya nagsasalita. Halatang malalim ang iniisip niya.
Hindi ko din naman alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Bubuksan ko ba ‘yung topic tungkol sa ginawa niya?
Tinignan ko siya. Nakayuko lang siya sa mug niya na akala ko ay kape pero hot chocolate pala ‘yung tinimpla niya kanina.
Mas mabuti pa siguro na magpaalam na lang sa kanya at bumalik sa kwarto namin nila Aly. “I—“
“I’m sorry…” biglang sabi niya sa akin. Huminga siya ng malalim bago ako tinignan. “I am so fucked up, Cherinna…” nakikita ko sa mga mata niya na naguguluhan siya pero hindi ko alam kung bakit. Hindi ko alam kung para saan ‘yung pain na nakikita ko sa mga mata niya.
Hindi ako nagsalita. Nakatingin lang ako sa kanya at naghihintay ng sasabihin niya pa.
“I want to ask you to stay away from me…” muling sabi niya sa akin. Kanina ko pa nararamdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Humigpit ang hawak ko sa mug habang nakatingin lang sa laman noon.
I closed my eyes and sighed. “Kung gusto mo akong lumayo sa’yo, then I will and—“
“Ayoko…”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. He was looking at me, too.
Hindi ko na siya naiintindihan. Hindi ko alam kung ano talaga ang gusto niyang mangyari.
“I like you, Cherinna…” mahinang sabi niya sa akin. Hindi ako nakapagsalita. Ngumiti siya sa akin. “Don’t look at me like that… baka hindi ako makapagpigil at halikan kita ngayon. Kahit pa nandito ang mga kapatid mo…”
Napaiwas ako ng tingin sa kanya at kinagat ang labi.
“Don’t worry, I won’t kiss you unless you’re my girlfriend,” narinig kong sabi niya. “Manliligaw na muna ako. Wala ka namang boyfriend, diba?” tanong niya sa akin.
Hindi naman ako nakasagot agad. Lumapit siya sa akin at yumukod.
“Go to sleep now, Cherinna. Goodnight,” mahinang sabi niya.
Natigilan ako nang maramdaman ko ang labi niya sa noo ko.
Bago pa man ako nakapagreact ay tumalikod na si Ian sa akin at naglakad papalayo sa akin.