Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 14

Naalimpungatan si Aiesha nang sumigid ang malamig na hangin sa kanyang balat. Subalit nanatiling nakapikit ang mga mata niya dahil naramdaman niya ang mainit na katawan sa tabi niya at lalo siyang sumiksik doon.

“Gumising ka na. Malapit na tayong bumaba,” bulong boses ng isang lalaki. At sa kanyang diwa, isang matipuno at guwapong mandirigma ang may-ari niyon. At siya naman ang prinsesa na sinagip nito sa mga dragon. Ngayon ay nakasakay sila sa isang kabayo na magdadala sa kanya pabalik sa palasyo.

“Pwede bang dito na lang tayo?” Ayaw niyang umalis sa kung nasaan sila dahil mas ligtas ang pakiramdam niya.

“Hindi pwede,” anito at magaang tinapik ang pisngi niya. “Gising na.”

Idinilat niya ang isang mata nang makilala kung sino ang may-ari ng boses. Boses iyon ni Silang. At hindi ito matipunong mandirigma. Lalong hindi isang kabayo ang sinasakyan nila. Nasa bubong sila ng jeep. At puro bundok pa rin ang nasa paligid niya. Subalit sa pagkakataong ito ay puro ulap halos ang nakikita niya.

Nagulat pa siya nang malamang nakayakap siya dito. Bigla siyang lumayo dito na parang napaso. “Bakit mo ako niyakap?” nanlalaki ang mata niyang tanong. Siguro ay may pagnanasa ito sa kanya at sinamantala nito ang pagtulog niya.

Itinuon nito ang atensiyon sa pag-aayos ng bag. “Masyadong malamig dito sa taas dahil bumababa na ang ulap. Nangangaligkig ka sa lamig. Hindi kaya ng windbreaker mo ang lamig. Isa pa, kailangan kitang alalayan dahil baka hindi kita mahabol kapag gumulong ka pababa. Kargo de konsensiya pa kita.”

“Nagtatanong lang po,” pabulong niyang usal.

Napahiya siya. Kung bakit kasi kung anu-ano ang tumatakbo sa isip niya. At asa pa siyang pagnanasaan nito. Mukha namang wala itong interes sa magandang taga-Maynila na tulad niya. Baka mas type nito ang mga katribo nito.

Kinatok nito ang bubong ng jeep bilang hudyat na bababa sila. Inalalayan siya nitong bumaba. Nag-inat-inat siya nang nakatapak na siya sa lupa. Ilang oras din siyang bumiyahe nang walang nakita kundi bundok, bangin, ulap at damo.

“Sa wakas, nandito na tayo!” sabi niya at bahagyang nagtatalon para alisin ang pamimitig ng paa sa matagal na pag-upo. “Saan nga pala ang tribo ninyo?” Tulad ng nadaanan nila kanina, maganda rin ang tanawin sa binabaan nila. Pero wala siyang nakikitang kahit isang bahay.

“Hindi pa tayo dito. Malayo pa ang lalakarin natin,” sabi nito at isinukbit ang mountaineering bag niya. Habang ipinasa naman nito ang maliit na knapsack nito sa kanya. “Ikaw na magdala nito para hindi ka mabigatan.”

“Ilang bundok ba ang lalakarin natin?” pabiro niyang sabi at kunwari ay sinipat ang bundok na abot ng kanyang paningin. Siguro naman ay sa pagtawid lang ng tulay na nakikita niya ang tribo nito. Baka nagtatago lang sa mga puno ang mga bahayan kaya hindi niya nakikita.

Lumapit ito sa kanya at tumuro sa bandang tulay. “Tatawirin natin ang tulay. Tapos, nakikita mo ang bundok na iyan?” Tumango naman siya. “Mga tatlong bundok pa ang lalagpasan natin bago makarating sa amin.”

Natigagal siya habang pilit na inaaninag ang bundok na posibleng kinalalagyan ng tribo nito. “Prinsipe Silang, doon din ba natin matatagpuan ang Ibong Adarna?” pabiro niyang tanong at ngumiti.

Nawala ang ngiti niya nang makitang seryoso ito. Nanlulumo niyang ibinalik ang paningin sa bundok na nasa harap. Hindi pa siya nakakapag-hike nang ganoon kalayo. Baka lawit na ang dila niya bago makalagpas sa bundok pa lang na iyon. Paano pa ang tatlong higit niyon? Baka bato na siya kapag narating nila ang tribo.

Tinapik nito ang balikat niya. “Simulan na nating maglakad,” anito at humakbang na palayo.

Napaupo siya. “Seryoso kang lakarin iyan? Hindi ba tayo sasakay?”

Nilingon siya nito at tumigil sa paglalakad. “Umuurong ka na? Pwede ka pang tumuloy sa Poblacion. May dumadaang sasakyan dito papunta doon. Ipagtanong mo na lang kung saan ang lodging inn. Tapos, bumalik ka na rin bukas sa Banaue. Pabor na pabor iyon sa ating dalawa.”

Napasimangot siya nang mahimigan ang pagtataboy nito. Akala marahil ay susuko na siya at mawawala na siya sa landas nito. Pero hindi siya maaring sumuko. Nakasalalay dito ang kinabukasan niya. Kapag sumuko siya, baka tuluyan nang mawala sa kanya si Aldrich.

Iinot-inot siyang tumayo. “Maglalakad na po.” Wala siyang karapatang magreklamo. Siya ang nagpilit na sumama dito kaya kailangan niyang magtiis.

Pilit niyang inaliw ang sarili sa tanawin. Tahimik lang si Silang sa paglalakad at parang walang pakialam sa kanya. Ni ayaw siyang kausapin.

Ilang sandali pa ay umupo siya sa gilid ng daan at uminom ng mineral water. “Pwede bang magpahinga muna tayo?” humihingal niyang sabi. Pakiramdam niya ay habambuhay na silang naglalakad.

Ibinaba rin nito ang bag at umupo di kalayuan sa kanya. Hindi yata ito nakakaramdam ng pagod. Dala na nito ang bag niya pero ni hindi yata ito hinihingal o pinagpapawisan. “Anong laman ng bag mo? Parang dinala mo na buong bahay ninyo. Hindi ka na ba uuwi?”

Ngumiti siya at inabot ang isang bote ng mineral water. “Kung aampunin mo ba ako, hindi na ako uuwi.”

Tinanggal nito ang selyo ng takip. “Bibigyan kita ng ilang araw para manatili sa amin. Iyon ay kung papayag ang mga pinuno namin.”

Tumayo siya at humarap sa bangin. Sa baba ay naroon ang ilog. Iyon pala ang sinusundan nila. “Pati ba naman bisita mo kinukwestiyon ng mga pinuno ninyo?”

“Maingat ang mga katribo ko sa pagpapatuloy sa mga bisita. Sensitibo ang sitwasyon namin dahil sa sumpa. Baka mamaya may dala kang malas.”

Pinamaywangan niya ito. Nakaka-insulto kayang mapagbintangang malas. “Tingnan mo nga ako. Sa ganda ko bang ito, mukha akong malas? Swerte ako. Nang ipanganak ako, saka nagsimulang umunlad ang business ni Daddy,” depensa niya. Kung alam lang nito, swerte rin ang dala niya sa tribo nito. Siya ang hahango sa mga ito sa lahat ng kamalasan. Iyon ay kung magtatagumpay ang plano niya.

Isinukbit nito ang bag sa balikat upang magpatuloy sa paglalakbay. “Basta huwag mong gawin ang pagsigaw mo kanina.”

“Killjoy din ba ang mga katribo mo?”

“Hindi sila killjoy. May panuntunan lang kami sa kagandahang asal lalo na sa mga kababaihan. Ayaw naming mapintasan ng mga tagapatag na tulad mo.”

Inismiran niya ito. Parang sinabi na rin nito na wala siyang breeding. Pero wala siyang reklamo sa tanawing nakikita niya. Kahit na naikot na halos niya ang buong mundo, hindi pa siya nakadama ng ganoong ginhawa. Nanunuot sa ilong niya ang amoy ng pine trees. Hindi niya masyadong naramdaman ang pagod.

“Mukhang masarap dito. Sa palagay ko makakapag-isip akong mabuti.”

“Kung tatagal ka,” may pasubaling sabi nito.

“Tatagal ako dito ng isang linggo. Pustahan pa tayong dalawa,” malakas ang loob niyang hamon.

Pumalatak ito. “Hindi ka tatagal. Baka isang gabi pa lang, umiiyak ka nang bumalik sa Manila,” kampante nitong sabi.

“I can stay here for a week,” aniya at humalukipkip. “At kapag nagawa ko iyon at napag-isipan kong ayoko nang pakasalan si Aldrich, ikaw na lang ang pakakasalan ko bilang panalo ko sa pustahan natin.”

“Miss Wayne!” pasaway nitong bulalas.

“Tawagin mo na lang akong Aiesha. Nasa gitna tayo ng bundok tapos Miss Wayne ang tawag mo sa akin. Saka hindi ka ba tumatanggap ng joke?”

Tumiim ang labi nito. “Hindi ko gusto ang biro mo.”

“Bakit? May girlfriend ka na ba?”

Hindi naman siya pangit para ayawan nito kung sakali. Kung tutuusin, maraming lalaki pa rin ang nagkakandarapa sa kanya kahit noong boyfriend na niya si Aldrich. Hindi lang sa Maynila kundi sa iba pang lugar na napuntahan na niya.

Iniwas nito ang mga mata sa kanya. “Wala akong girlfriend.”

Pilit niyang hinuli ang mga mata nito. “Bakit? Strict ba parents mo?”

Seryoso ang itsura nito nang lingunin siya. “Hindi ito ang panahon para mag-asawa ako. Isa pa, hindi ko ugaling gawing biro ang tungkol sa kasal. Sagrado iyon.”

Bigla siyang nakadama ng panlulumo nang makita kung gaano katindi ang pagpapahalaga nito sa matrimonyo ng kasal kahit pa nga iba ang kultura nito. “Sana katulad ka ni Aldrich,” aniya at napayuko.

“Maraming oras para isipin mo siya. Unahin muna nating makauwi sa amin dahil ayokong abutin tayo ng gabi sa daan,” anito at inabot ang kamay sa kanya.

Nakangiti niyang tinanggap iyon at sumabay sa paglakad dito. Kung pareho lang sana sina Silang at Aldrich, hindi siguro siya mapapadpad sa kabundukan para lang tiyakin na siya nga ang mahal nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.