Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 29

Malungkot na pinagmasdan ni Aiesha ang mga pictures ng Gangan sa computer. Ang rice terraces, ang lawa, ang mga tao. Wala na siyang ginawa maghapon kundi magkulong sa kuwarto at tingnan ang mga iyon.

Partikular na tumigil ang mga mata niya sa nakangiting close-up picture ni Silang. Hinaplos niya ang mukha nito sa monitor. Hindi siya nagsasawang pagmasdan ang mukha nito. Sumasakit lang ang kalooban niya kapag naaalalang ang guwapong mukhang iyon ay may pasa nang huli niyang makita.

Bumukas ang pinto ng kuwarto niya. Sa halip na lingunin ang dumating ay ini-off niya ang monitor. Sagrado sa kanya ang mga larawang kuha niya sa Gangan at ayaw niyang makita ng iba. Iyon lang ang nagpapanatili ng katinuan niya.

“Hey, girl!” sabi ni Portia at hinalikan siya sa pisngi. “Nakaka-miss ang beauty mo. Magsa-shopping tayo. I’m planning a double date. Isama mo si Aldrich.”

Tumayo siya at lumipat sa kama. “Ayokong umalis.”

Nagsawa na siya sa mga parties at pakikipagsosyalan. Sawa na siya sa modernong tugtog. Mas gusto niya ang musikang nilikha ng gong, noseflute at ang tunog ng kalikasan. Ayaw na niyang makisalamuha sa mga plastik na tao.

Itinirik nito ang mga mata at inokupa ang swivel chair na inalisan niya. “Mula nang bumalik ka galing sa tribo na iyan, nagkulong ka na dito sa kuwarto. Anong problema? Hindi ko tuloy maiwasang isipin na nakulam ka.”

Matabang siyang ngumiti. “Mas acceptable yata sa akin ang nakulam kaysa sabihan ng kailangan ng psychiatrist.”

“Sino ang nagsabi sa iyo?”

“Si Aldrich,” aniya at parang may asido sa labi niya nang sambitin ang pangalan ng kasintahan.

“Nag-aalala na nga siya sa iyo. Kahit siya ayaw mong kausapin. Mabuti nga ako kinakausap mo ngayon. Hanggang kailan ka ba magmumukmok dito?”

Nagtungo siya sa mini-ref at naglabas ng canned juice. Ibinigay niya dito ang isa. “Gusto kong bumalik sa Gangan.”

Naibagsak nito ang hawak na juice sa carpeted na sahig. Mabuti at hindi pa nito nabubuksan. “What for?”

“To apologize. May kasalanan ako sa kanila.”

Hindi niya makakalimutan ang pananahimik ng mga magulang ni Silang at ang matinding galit ni Inana. Maaring ganoon din ang sentimyento ng buong tribo. At hindi siya matatahimik hangga’t hindi siya nakakahingi ng tawad.

“Kung bakit gumagalaw ka nang wala akong alam. Ganoon ka na ba kadesperada na mabawi si Aldrich at kinidnap mo ang sarili mo? Malamang galit na galit na sila sa iyo. Paano kung pagbalik mo iihaw ka nila nang buhay?”

Mahigpit niyang hinawakan ang canned juice. “Stop treating them like barbarians, Portia! Mga sibilisado sila!”

Itinaas nito ang mga kamay. “I’m sorry. Pero walang mangyayari sa iyo kung magpipilit kang bumalik sa tribo. Bakit hindi mo na lang isipin ang kasal mo. Bago ka umalis papuntang Gangan, optimistic ka na magkakabalikan kayo ni Aldrich. Ngayon, halos magmakaawa na siya makausap ka lang pero ayaw mo siyang makita. Ayusin ninyo ang relasyon ninyo. After all, you hatched this plan because you love him.”

Binuksan niya ang canned juice at tinungga iyon. Nanikip ang dibdib niya dahil sa matinding galit. Pinakamalaking katangahan na naging desperada siyang ibalik ang isang lalaking walang kwenta. “Ayoko nang magpakasal sa kanya.”

“Oh, that’s good to hear!” sabi nito at niyakap siya. “Mabuti at tapos na ang kamartiran mo. All you have to do now is break your engagement and start dating again. Magsama sila ng sekretarya niya.”

“I don’t want to meet other guys like Aldrich. Pare-pareho lang sila na ang habol ay ang kayamanan ng Daddy ko. All I want to do is go back to Gangan.”

“Wait!” Pinag-aralan nitong mabuti ang mukha niya. “Gangan ba talaga ang gusto mong balikan o si Silang? Na-in love ka na ba sa kanya?” Ibinaba niya ang tingin at hindi kumibo. Sapat na ang hindi niya pagsagot para malaman nito ang sagot. “Sabi na nga ba, maa-attract ka rin sa kanya.”

“Not physically,” depensa agad niya. “Wala siyang pakialam kung mayaman man ako. I thought Aldrich is a man of integrity and principles. Iyong iniisip ang kabutihan ng iba bago ang sarili. Lahat ng iyon, kay Silang ko nakita. Siya rin ang klase ng lalaki na kapag nagmahal ng babae, hindi na titingin pa sa iba. In a short span of time, he made me fall for him without even trying.”

Hinilot nito ang sentido na parang biglang sumakit ang ulo. “I can’t blame you for falling for him. Kung hindi nga lang ako nadismaya sa kasupladuhan niya, baka hanggang ngayon attracted pa rin ako sa kanya. Pero hindi kayo bagay.”

“Because he is not socially acceptable?” Sardoniko siyang ngumiti at humalukipkip. “I don’t care. Para sa akin, mas mataas pa ang status niya kaysa sa sinumang lalaking nakilala ko. Money and prestige isn’t everything. At wala akong pakialam kung ayaw man sa kanya ng mga matapobre at judgmental na taong magtataas ng kilay kapag nalamang siya ang minahal ko.”

“Kahit pati ang magulang mo?”

“Especially them. Puso ko ang pinag-uusapan dito.” Handa siyang ipaglaban si Silang kahit na tanggalan pa siya ng mana ng mga magulang.

“Ano ang sasabihin mo sa kanila kapag nilait nila si Silang?”

“Na dapat matuwa sila. Itanong mo nga kung sino sa mga lalaking kilala mo ang may-ari ng rice terraces. Sige nga,” hamon niya. “May mansion sila at may island. But it was nothing as grand and as unique as the rice terraces.”

Maugong itong tumawa hanggang hindi na halos makahinga. “I can’t believe this. Ilang bundok ba ng rice terraces ang pag-aari niya?” Natigilan ito at nawala ang ngiti sa labi nang makitang seryoso siya. “Okay, in love ka nga sa kanya. Pero galit siya sa iyo pati ang mga katribo niya. Sa tingin mo tatanggapin ka nila?”

Sumilay ang determinasyon sa mga mata niya. “I don’t care. Basta gusto ko siyang makita. At gagawin ko ang lahat mapatawad lang ako.” Kahit pa siguro ilagay siya sa kawan ng kumukulong tubig, makabawi lang siya.

“Handang-handa ka nang ipagpalit si Aldrich sa kanya? Si Aldrich, kahit taksil alam mong ikaw ang pakakasalan. Pero kay Silang, hindi tayo nakakatiyak. Baka mapahiya ka lang.”

Binuksan niya ang french door at hinayaang pumasok ang hangin. Sa loob ng isipan niya, nararamdaman na niya ang pagbabalik niya sa Gangan. “Isa iyon sa dahilan kung bakit gusto kong bumalik. Gusto kong malaman ang nararamdaman niya para sa akin.” Nagbabaka-sakali siya na may espesyal ring pagtingin si Silang sa kanya. Importante rin sa kanya na malaman nito ang nararamdaman niya.

“Ang tanong, papayagan ka kayang umalis ng parents mo?” anito at tumayo sa tabi niya. “Tingnan mo nga sa baba, daig pa ang Malacañang Palace.”

Santambak ang mga guwardiyang itinalaga para bantayan siya. Ideya iyon ng mga magulang niya at ni Aldrich para daw hindi na makalapit si Silang sa kanya.

“Basta, aalis pa rin ako,” matigas niyang wika. Kung kailangang lumipad siya para lagpasan lang ang mga guwardiya at tuluyang makatakas, gagawin niya.

Ginagap nito ang kamay niya at ngumiti. “Ako ang bahala. May naisip na akong plano para tuluyan ka nilang payagang bumalik sa Gangan.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.