Napangiwi si Chrisma nang makita ang reaksyon nina Matt at Rachel pagkakita kay Wayne. Animo isang estranghero kung masdan ng dalawang bata ang tiyuhin. Ni batiin si Wayne ay hindi ginawa ng mga bata. Sa halip, tila natatakot pa nga sa lalaki na mahigpit na nagsikapit ang mga ito sa baywang niya.
“Kids, si Uncle Wayne iyan. Big brother ni Daddy, remember?” aniya sa mga bata.
Malakas na tumikhim naman si Wayne.
“Hello, Matt. Hello, Rachel,” animo mga delegado sa APEC ang mga kaharap na pormal na bati naman ni Wayne sa mga bata. Animo robot na ini-extend pa nito ang kamay na may hawak ng paper bag na naglalaman ng hiniling na fastfood ng mga bata. “Para sa inyo ito.”
“Uncle Wayne?” atubili ang tonong sambit ni Rachel na nahihiyang tiningala ang tiyuhin.
“Yes?”
“Bakit tagal mo hindi visit sa amin? Are you mad at Matt and me?”
Tila biglang tinamaan ng pana sa dibdib ang hitsura ni Wayne. Shock and surprise were etched on his face. Nanghihingi ng tulong na sumulyap pa ang lalaki kay Chrisma. Malinaw na hindi nito alam kung ano ang isasagot sa tanong ng pamangkin nila.
“Are you, huh? Are you mad at me and Rachel?!” pag-uulit naman ni Matt sa tanong ni Rachel.
Pero kung si Rachel ay tila nahihiya at nag-aatubili ang tono, si Matt naman ay tila may bahid ng galit ang maliit na boses. Chrisma felt weird as she looked at Matt’s little boyish face. Para kasi siyang nakatingin sa mukha ni Wayne noong bata pa ito. Kung ibang tao ang makakakita sa magtiyo, malamang iisipin niyon na mag-aama ang tatlo. Magkakamukha kasi ang mga ito. Kunsabagay, malaki naman talaga ang pagkakahawig nina Wayne at Xander.
“Of course not! Hindi galit si Uncle Wayne sa inyo,” sagot ni Chrisma para kay Wayne na nananatiling nakatitig sa maliit at galit na mukha ni Matt. At kung hindi siya nagkakamali, pagdalamhati at sakit ang emosyong nakabakas sa mga mata ni Wayne. Hindi mahirap hulaang sa pagkakatitig ni Wayne kay Matt ay naalala ni Wayne ang anyo ni Xander noong nasa parehong edad ni Matt.
“Hindi namin siya bati! Ayaw niya sa amin! Hindi na namin siya bati!” sigaw naman ni Matt na biglang lumapit sa tiyuhin.
At bago pa sila makakilos, malakas na sinipa ni Matt sa tuhod si Wayne. Napauklo si Wayne sa sakit at malakas na napabulalas. Napasinghap naman sa gulat at panggigilalas si Chrisma. Pero maagap napigilan ni Wayne si Matt na tangkang hihilahin sa kamay si Rachel para marahil tumakbo palayo.
“Oh no, you don’t, kid. Sino’ng nagturo sa iyo na pwede kang manipa ng ibang tao?” mababa man ang boses ay hindi naman ikinukubli ni Wayne ang nangangastigong tono nito.
“Wayne!” sambit ni Chrisma sa pangalan ng lalaki. Alam niyang mali na kunsintihin ang ginawa ni Matt pero mas lalo lang lalayo ang loob ni Matt dito kung pagagalitan nito ang bata ngayon. Pero hindi siya pinansin ni Wayne. Sa halip, lumuhod ito sa harap ni Matt upang magpantay ang mga mukha ng mga ito.
“Nalimutan mo na ba ang sinabi ko sa iyo noon, Matt? Hindi tama na basta ka na lang manakit ng ibang tao kapag masama ang loob mo. Kung may kasalanan ako sa iyo, kausapin mo ako. Sabihin mo sa akin nang maayos para maintindihan ko,” mariing wika ni Wayne sa bata.
Nangilid ang luha ni Matt at nanginig ang mga labi. Samantalang si Rachel ay pumalahaw na agad ng iyak. Bigla namang nabuhay ang damdaming ina ni Chrisma na hindi makatiis na makitang umiiyak ang mga inakay niya. Pero akmang papagitna pa lang siya sa magtitiyo ay sinulyapan na siya ni Wayne at pinukol ng makahulugang tingin. Malinaw ang isinasaad ng tingin nito sa kanya. Huwag siyang makialam at hayaan niya itong suhetuhin ang pamangkin nila. Labag man sa loob ay pinilit ni Chrisma na itikom ang bibig. Pero mamaya, talagang gigiyerahin niya ang lalaki.
“Ano’ng dapat mong sabihin kapag nakaggawa ka ng mali, Matt?”
“Sorry, Uncle Wayne,” mahinang sabi ni Matt na kinukuskos na ng dalawang kamay ang mga matang tuluyan nang napaluha.
“Sorry, Uncle Wayne,” panggagaya ni Rachel kay Matt.
Masuyong pinunasan ni Wayne ang mga basang pisngi ni Rachel gamit ang panyong binunot ng lalaki mula sa bulsa nito. Pagkuwan ay ang mga luha naman ni Matt ang pinunasan ni Wayne. At dahil sa nakikita ni Chrisma na panlalambot ng anyo ni Wayne habang nakamasid sa mga pamangkin ay dagli na ring napawi ang inis niya rito.
“Good. And to answer your question, no, I’m not mad at you or Rachel. I was just busy these past weeks. I’m sorry. I hope you can forgive me?” seryoso ang anyong wika ni Wayne sa mga bata.
Sunod-sunod na tumango naman sina Matt at Rachel. And just like the adorable and lovable kids they are, they enthusiastically hugged their errant uncle and smothered his face with kisses. Nakita ni Chrisma ang sakit na mabilis na dumaan sa mukha ni Wayne pero kagyat ding iyong napalitan ng tuwa habang gumaganti ito ng yakap sa mga bata.
“Ngayong hindi na ako masyadong busy, babawi ako sa inyong dalawa. I’ll visit you everyday and if I can’t come, we’ll talk on the phone,” mariing pangako pa ni Wayne habang nakatitig diretso sa mga mata ng mga bata. At natitiyak ni Chrisma na hinding-hindi babaliin ni Wayne ang pangakong iyon.
“Hindi ka na aalis, Uncle Wayne?” tanong ni Rachel.
“Dito ka na lagi like Tita Chrisma? Or will you go to heaven like Mommy and Daddy?” dugtong na tanong pa ni Matt.
“I’ll always be here for you, kids. If you need me, just ask Tita Chrisma to call me and I’ll be here. Pero hindi ako pwedeng dito tumira. Wala nang kwarto pa para sa akin. Araw-araw naman akong bibisita sa inyo. O kaya kayo ang bibisita sa bahay ko.”
“Pero malaki naman ang bed sa room ni Tita Chrisma! Doon na lang kayong dalawa!” suhestyon ng magaling na si Matt.
“Or you can sleep in Mommy and Daddy’s room! Malaki ang bed nila! Wala pa naman sila dito. Pero pag-uwi nila, doon na lang kayo sa room namin ni Matt!” segunda pa ni Rachel.
Napapangiti na sana si Chrisma dahil napatunayan niyang hindi siya nagkamali na madaling mapapatawad at matatanggap ng mga bata ang presensya ng tiyuhin ng mga ito. Pero dahil sa sinabi ni Rachel ay dagli ring napalis ang ngiti niya. Nagkatinginan sila ni Wayne. Obviously, hindi pa rin tanggap ni Rachel na hindi na babalik ang mga magulang nito. Si Matt, kahit papaano ay napapansin ni Chrisma na nauunawaan nang hindi na babalik ang mga magulang nito.
“I’m hungry! Kumain na tayo,” pag-iiba ni Chrisma sa usapan.