After twenty-one years...
Kahit ang masayang Christmas song na malakas na pumapailanlang sa buong condo unit ni Jing-jing ay hindi sapat upang mapalis nang tuluyan ang pagka-irita niya nang makita ang laman ng kitchen cabinets niya. Hindi lang pala niya kundi kitchen cabinets niya at ng dalawa pang kaibigan niya na kasama niyang nakatira sa condo unit na iyon. Kasama kasi niya ang mga kabandang sina Lucibelle at Chrisma na umuupa roon. Hati-hati silang tatlo sa water bill, phone bill, electric bill, groceries at kung ano-ano pang gastusin sa bahay.
Pero nitong mga huling linggo at araw na nagdaan, mas parang kanya na lang ang mga kitchen cabinets na iyon pati na ang iba pang mga silid, gamit, appliances at dekorasyon sa three-bedroom condo unit na iyon. Dahil ang magagaling niyang mga kaibigan na dating kasama niyang nagrerenta sa unit na iyon ay nilayasan na yata siya.
Okay, okay, slight exaggeration iyon. Dahil sa kaso ni Lucibelle, hindi naman talaga lumayas na ng unit nila ang kaibigan niya kundi bibihira lang umuwi nitong mga nakaraang linggo. Bilang maid of honor ng ikakasal na half-sister nitong si Courtney, punong abala rin kasi si Lucibelle sa paghahanda sa nalalapit na kasal ni Courtney. At dahil dalawang linggo na lang ang natitira sa buwan ng November at December twenty na ang kasal ni Courtney, madalas ay sa bahay na nina Courtney tumutuloy ngayon si Lucibelle. Para nga naman mas madali itong makakausap ni Courtney kung may mga aberya sa paghahanda para sa kasal.
At siguro hindi rin naman masasabing nilayasan na sila nang tuluyan ni Chrisma. Dahil naroon pa rin naman sa silid ni Chrisma ang ibang mga gamit nito. Hindi pa rin naman nito binibitbit ang mga appliances na binili nito. Iyon nga lang, dahil kailangan ni Chrisma na alagaan at palakihin ang mga pamangkin nito na dito iniwan ng yumaong pinsan nitong si Michelle, sa dating bahay na nina Michelle tumutuloy si Chrisma ngayon. Katuwang ni Chrisma sa pag-aalaga sa mga pamangkin nito si Wayne Domingo, ang brother-in-law ni Michelle. Pero bukod sa pagiging brother-in-law ni Michelle ay secret true love din ni Chrisma si Wayne. Hindi, mali pala, hindi pala secret true love kasi hindi naman sini-secret ni Chrisma ang pagtangi nito kay Wayne.
Kaya bukod sa pagiging Ulirang Ina of the Year na ang drama sa buhay ni Chrisma ngayon, sinusubukan rin ni Chrisma na masungkit ang korona as the future Mrs. Wayne Domingo.
Iiling-iling na napabuga ng hangin si Jing-jing habang isinasara ang wala na palang laman na kitchen cabinets. Dahil nga missing in action ang dalawang housemates niya, wala tuloy siyang maidahilan sa pinsan niyang si Yang nang makiusap ang babae sa kanya kung maaari bang dito na muna ito sa condo niya pansamantalang tumuloy. Nag-alsa balutan kasi ang gaga matapos hayagang tutulan ng mga magulang nito ang pagpapakasal nito sa nobyo nitong si Chris. Ang totoo, sang-ayon siya sa desisyon ng mga magulang ni Yang. Kahit siya kasi ay tutol sa pagpapakasal ni Yang sa nobyo nitong sabi nga ni Chrisma ay mukhang crossbreed nina Kermit the Frog at ng buwaya ng Lacoste. Ni hindi pa yata umaabot ng apat na buwan ang relasyon ni Yang sa Chris na iyon pero gusto na nitong pakasalan?
Sina Yaya Dub at Alden nga ay nagliligawan pa rin sa Kalyeserye tapos si Yang gusto nang pakasalan agad ang Chris na iyon? Lalo tuloy tumitibay ang paniniwala niya na kinulam, binarang at ginayuma nga ng lintik na Chris na iyon ang pinsan niya.
Kaya naman hindi niya maaaring awayin si Yang at palayasin dito sa unit niya. Baka lalo itong magpursigeng pakasalan na si Chris kung walang matutuluyan. Ang kaso, siya naman ang napeperwisyo ng presensya nito dito sa bahay niya.
Dalawang araw pa lang ang nakakalipas mula nang huling mamili ng groceries si Jing-jing. Pero tulad ng madalas mangyari mula nang makitira sa kanya si Yang mag-iisang buwan na ngayon ay simot na naman ang laman ng kitchen cabinets niya. Ni isang lata ng sardinas ay wala itong itinira. Iyong karaniwan ay umaabot ng two weeks nilang stock, ngayon wala pang isang linggo ay ubos na. At ang mga salarin ay ang mga kapwa call center agents ni Yang na pawang adik yata sa mga de-latang pagkain kaya laging nasisimot ang mga de-lata niya kapag dito nakikain. Ang mas masaklap pa halos dito na sa kanila araw-araw nakikikain ang mga ito bago magsipasok dahil sinusundo si Yang.
Hindi man lang inisip ni Yang na ang groceries na iyon ay hindi lang naman kanya kundi kay Lucibelle rin. Buti ba naman sana kung si Yang ang nago-grocery kapag nasimot ang laman ng cabinets dahil sa mga kasamahan nito. Pero hindi rin naman nito ginagawa iyon. Ni isang kusing nga ay hindi ito nagkukusang mag-abot. But then again, her cousin never did anything that was inconvenient for her. Hindi na kataka-taka kung bakit napapansin niya na pinakikisamahan lang ito nina Lucibelle at Chrisma para sa kanya. Alam niya nahihiya lang ang dalawang kaibigan niya na tapatin at diretsahin siyang maldita to the nth level ang pinsan niya.
Mula pagkabata ay naniwala kasi si Yang na umiikot ang mundo para dito. Bagay na siyang ipinamulat dito ng ina nitong si Tita Bibette. Karaniwan sa isang pamilya, kung sino ang bunso ay siya ang spoiled pero hindi sa pamilya nito. Tulad sa pamilya nila. Siya ang bunso sa kanilang apat na magkakapatid kaya naman spoiled siya hindi lang sa mga magulang niya noong nabubuhay pa ang mga iyon kundi maging sa mga kuya niya.
Ngunit iba sa pamilya nina Yang. Dahil bagamat dalawang taong mas bata kaysa kay Yang ang kapatid nitong si Roma, ito pa rin ang itinuring na ‘baby’ ika nga ni Tita Bibette. Kaya naman tuloy si Roma ay mas gustong maglagi sa bahay nila na buti na lamang at nasa kabilang kalye lang ng bahay ng mga ito. Sa kanila kasi, kahit papaano ay nakakatanggap ito ng pagmamahal at atensyon mula sa mga magulang niya at sa kanilang magkakapatid, hindi nila ito itinuturing na ala-Cinderella na siyang drama ng buhay nito kapag nasa sariling bahay nito ito, salamat kina Tita Bibette at kay Yang.
Biglang nag-ring ang cellphone ni Jing-jing. Ringtone ng opening soundtrack ng American TV series na WALKING ZOMBIES ang pumapailanlang mula sa cellphone niya kaya awtomatikong umangat ang mga kilay niya. Sadyang nakalaan kasi sa tatatlong tao ang ringtone na iyon. Una, para sa Kuya Tom niya na madalas kontrabida sa buhay niya. Pangalawa, sa least favorite pinsan niyang si Yang. At pangatlo, sa numero unong nemesis, kontrabida at least favorite tao niya in the whole wide world, ang kababatang si Alexander Graham Bell Andrews!
Nang damputin ni Jing-jing ang cellphone niya at makita ang litrato ng isang lalaking zombie sa screen niya ay agad nalukot ang mukha niya. GOVERNOR CALLING. Ibig sabihin ang Kuya Tom niya ang tumatawag.
Kung mukha ng zombie version ng character na si Lori ang lumitaw at LORI CALLING ang nakalagay, si Yang ang tumatawag. Kung SHANE CALLING naman ang lumitaw at mukha ng zombie version ng character na si Shane ang lumabas sa screen, ibig sabihin si Bell ang tumatawag. Pawang mga natigok nang characters sa WALKING ZOMBIES ang tatlo. Natigok na mga kontrabida. Maliban na lang siguro kay Lori na asawa ng bida ng show na si Rick Grimes. Pero asar din kasi siya sa character ni Lori kaya para sa kanya kontrabida rin ang babae.
Oo na, aaminin na niya, hindi lang niya basta paboritong TV show ang WALKING ZOMBIES, adik siya sa WALKING ZOMBIES. At matibay ang paniniwala niya na posibleng mangyari ang zombie apocalypse. Lalo na sa dami ng mga walang konsensyang tao sa mundo na any moment now ay tiyak na makakaisip na namang lumikha ng biochemical weapon na pwedeng pagmulan ng mutated virus na magiging sanhi ng zombies!
Kaya naman tinitiyak niya na tuwing aalis siya ng bahay ay nasa bag niya ang lahat ng mga bagay na posibleng maggamit niya para maka-survive sa gitna ng zombie apocalypse. Iyon rin ang dahilan kung bakit gusto niya ay laging puno ang stock ng canned goods at prepackaged foods sa mga kitchen cabinets nila. Para sakaling magganap nga ang zombie apocalypse at ma-trap sila dito sa loob ng unit nila ay may makakain sila.
She sings and plays the keyboards for her band Silver Belles. Pero kahit na hindi siya ang drummer nila, may dalawang drum sticks din siyang nakasuksok lagi sa bag niya. Bawal kasing magdala ng deadly weapons sa mga pampublikong lugar. Kahit pa hindi naman machete, katana, crossbow, shotgun o handgun ang dala mong deadly weapon. Paano niya nalaman iyon? Ilang beses na kasing nakumpiska sa entrances ng mga pinupuntahan niyang lugar ang mga baon niyang kutsilyo, ice pick, bolo, martilyo at garden shears. Mga bagay na perpekto sanang panlaban sa mga zombies kung wala kang baril, katana o crossbow.
Pero dahil bawal nga magdala ng mga ganun sa mga lugar na madalas niyang pinupuntahan, nagkasya na lang siya sa mga inuumit niyang drum sticks mula sa drummer nila.
At nang malaman ng drummer ng banda nila na si Cinda ang pang-uumit niya sa mga drum sticks nito, sa halip na magalit ay eksasperadong napailing at natawa na lang ito. Ani pa ni Cinda, malamang daw kung ang ibang tao ay nagpa-panic na sakaling mangyari na nga ang end of the world via the attack of the flesh-eating zombies, tiyak siya lang raw ang bukod-tanging tao na magsisirko-sirko sa tuwa. Dahil may karapatan na siyang ipagsigawan sa pagmumukha ng lahat ng taong nag-iisip na praning siya na tama siya sa ginagawa niyang paghahanda ng mga supplies na gagamitin niya para maka-survive.
Hindi maunawaan ni Cinda kung paanong ang isang tulad niyang babae ay nag-i-enjoy sa panonood sa mga zombies na kumakain ng mga tao. But then again, kahit naman kasi mukhang tigasin at astig si Cinda, may maitim na sikreto itong pinakatago-tago. Hindi ito mahilig manood ng horror movies dahil madali itong matakot.
Ang akala ng marami ay isang babae si Cinda dahil sa palayaw nito. Pero si Sirioco Silverino Jacinda ito sa totoong buhay. At walang makaka-isip na babae o may pusong-babae ang naturang drummer nila sandaling makita na nila ito sa personal sa kabila ng mahigpit nitong pag-ayaw sa horror movies. Because Cinda looked like a tattooed badass who had perfected the silent, brooding look that makes people take a step back when they first meet him.
Eksaktong kabaligtaran ito ng pinsan nitong si Santi, ang isa pang lalaking miyembro ng banda nila. Si Santi naman kasi ang approachable type, kaibigan ng lahat at kahit estranghero, kung ituring nito ay tila best friend na nito mapangiti lang rito.
Javier Silverino Santiago sa birth certificate nito si Santi. At si Santi ang classic example ng isang zero to hero na lalaki. Mahirap mang paniwalaan pero totoo na dati ay mukha itong kalansay na bubuyog dahil sa sobrang kapayatan nito at laki ng suot na salamin sa mata. Tukso nga nila nina Lucibelle dito nang makita nila ang highschool pictures nito, ito si Malnourished Jollibee. Dahil sa hitsura at pagiging nerd nito noon, biktima ito madalas ng pambu-bully. Pero ngayon, ang lead guitarist nilang ito ang perpektong deskripsyon ng isang playboy rockstar. At isang suicidal na tao lang ang makakaisip na i-bully pa si Santi ngayon. Dahil sa laki ng mga muscles ni Santi ngayon, tila kayang-kaya nitong i-bench press ang sinumang mambu-bully rito.
Si Lucibelle naman ang kanilang bokalista at bukod tangi sa kanilang lahat na hindi humahawak ng instrumento kahit na marunong naman itong mag-gitara, mag-drums at mag-keyboards. Si Chrisma ang basisst nila at vocals din. Habang siya naman ay keyboardist at vocals din.
Kung silang tatlo nina Chrisma at Lucibelle ang Belles sa Silver Belles na pangalan ng banda nila dahil magagandang babae naman talaga sila, ang magpinsang sina Cinda at Santi naman ang kanilang Silver dahil sa apelyido ng mga ito na Silverio. Nagkakilala silang lima sa ikatlong taon sa kolehiyo nang maging magkakaklase sila sa isang subject. Iba-iba sila ng kursong kinukuha pero dahil seatmates sa isang subject, nagkakakwentuhan sila. At noon nila natuklasan ang pagkahilig nilang lima sa musika. Kaya napagkasunduan nilang bumuo ng banda. Noong una laro-laro lang iyon. Hobby lang kumbaga. But until now, four years later, they’re all still together.
Bumunot muna ng malalim na paghinga si Jing-jing bago idinikit sa tainga niya ang hawak na cellphone.
“Hello, Kuya? Kumusta ka na? Maayos ba ang pakiramdam mo? Masaya ka ba sa mga nangyayari sa buhay mo? Talaga? Good, good! I’m happy for you! It was nice talking to you! Goodbye!” sunod-sunod na malakas at masiglang bungad agad niya para hindi na makasingit ang kuya niya. Sigurado kasing sesermunan na naman siya nito. Pero bago pa niya maputol ang tawag ay napaigtad na siya sa dumadagundong sa lakas na pagsigaw ng kuya niya sa pangalan niya.
“Jinnee Jizah Mahusay! Umuwi ka rito ngayon din! Huwag mo nang hintaying sunduin pa kita diyan!”
“Asar, asar, asar! Nasaan si Daryl kapag kailangan mo? Nasaan si Glenn kapag kailangan mo? Nasaan si Rick Grimes kapag kailangan mo?! Wala! Wala! Wala!” pagmamaktol ni Jing-jing tukoy ang mga bidang karakter sa paboritong TV series. Nakapameywang na sinipa pa niya ang gulong ng kotse niya sabay pukol ng masamang tingin sa nakabukas na hood ng kotse.
Kung kailan naman malapit na siya sa bahay ng mga magulang niya ay saka pa siya nasiraan. Parang nang-aasar lang. At nasiraan pa siya sa bahaging puros mga punong-kahoy at damuhan lang ang makikita. Bakante pa kasi ang mga lote sa kalsadang iyon.
Walang duda iisipin na naman ni Kuya Tom na sinadya niyang tagalan ang pag-uwi kaya dagdag na naman iyon sa sermon na aabutin niya mula rito.
Maraming bagay na itinuro sa kanya ang tatlong mga kuya niya habang lumalaki siya. Paano sumuntok, paano mag-basketball, paano umakyat ng puno, paano tumakbo ng matulin, paano lumangoy na parang pating sa bilis at kung ano-ano pa. Pero ang bukod tanging skill na hindi naituro ng mga ito sa kanya ay kung paano mag-ayos ng makina ng sasakyan. Dahil mahirap daw siyang turuan. Mas mahirap pa raw sa pagtuturo sa kanyang magmaneho.
Mabilis kasi siyang mainip kaya imbes na aralin at kilalanin ang bawat piyesa ng sasakyan, mas gusto niyang paghahaltakin na lang at ipagtatapon ang lahat ng mga nakikitang nakausling bagay sa loob ng makina. Akala kasi niya kapag ginawa niya iyon ay mas madaling maaayos ang sasakyan. Hindi pala.
“Wala pa ring tumutulong sa iyo? Sinunod mo ba ang payo ko? O sadyang wala lang talagang epekto ang legs mo sa kahit na sino’ng lalaki?” biglang komento mula sa likod niya ng boses ng napakagaling na lalaking sadya yatang inilagay sa ibabaw ng Earth para subukan ang pasensya at pagmamalasakit niya sa kapwa tao niya.
Hindi miminsan kasi na natutukso siyang burahin na sa mundong ibabaw ang lalaki. And the mere fact that she had not done it yet is a clear testament to her patience and purity of heart. Sige na nga, isali na ring ayaw niyang makulong ng habang buhay sakaling tuluyan nga niya ang lalaki.
Parang mas bagay kasi na pinangalanan si Bell ng mga magulang nito ng Alexasar Gagong Bell imbes na Alexander Graham Bell. Wala na kasing ginawa ang lalaki kundi asarin siya sa tuwing magtatagpo sila. Nagpapasalamat nga siya at nabawas-bawasan ang mga pagkakataong nagkikita sila ng binata mula nang lumipat siya sa condo unit nila nina Lucibelle at Chrisma. Ngayon nagkikita na lang sila kapag umuuwi siya sa bahay ng pamilya niya tuwing weekends.
Inis na napabuga siya ng hininga at nilingon ang lalaki. Hindi niya narinig ang pagdating nito dahil nakasakay ito sa bike at hindi sa motorsiklo nito. May kutob siyang siya ang dahilan ng pagbabalik nito sa kalsadang iyon. Nasa iisang subdivision lang ang bahay ng pamilya niya at ang bahay ng pamilya ni Bell. Halos sabay silang lumaki sa lugar na iyon. Pero mas matanda ng apat na taon si Bell kaysa sa kanya. Ang talagang kaedad at kaibigan nito ay ang Kuya Ace niya.
Kanina nang dumaan si Bell lulan ng motorsiklo nito ay saglit itong huminto. Akala niya naghimala ang langit at mag-aalok ito ng tulong. Pero ang bwisit na lalaki nakangising hinagod lang siya ng tingin sabay payo sa kanya na subukan daw niyang magmukhang kaawa-awa saka ililis niya ng kaunti ang below the knee floral skirt niya para malantad ang legs niya.
Baka may ibang lalaking mapadaan raw doon na biglang magpasyang tulungan siyang ayusin ang sasakyan niya. Tutulungan siya hindi dahil naaakit daw sa kanya kundi dahil naaawa iyon sa ibang makakakita sa karima-rimarim na tanawing ipapakita niya. Saka ito malakas na humahalakhak na humarurot palayo lulan ng motorsiklo nitong ipinagdasal niyang mawalan ng preno o ‘di kaya ay idiretso na ito sa impiyerno.
Inismiran niya ang lalaki.
“Tulad nga ng sabi ni Gloria Steinam. ‘A woman without a man is like a fish without a bicycle.’”
“Or a woman without a man is just too ugly to get a man. Just admit it, Jing-jing. Wala namang mawawala kung magiging tapat ka, hindi ba? Tutal tayong dalawa lang naman ang nandito. At matagal ko nang tanggap kung ano ka talaga. Hindi mo na kailangang magpanggap na meron kang kagandahan kung wala naman talaga. Sadyang malupit lang talaga ang mundo sa ibang tao,” nakakaloko ang ngising wika ni Bell.
Ang mas nakaka-asar sa lahat ng nakaka-asar, gwapo ang lokong ito. Itim na itim ang buhok nitong kapag nakalugay ay umaabot hanggang sa balikat nito. Pero kadalasan, tulad ngayon ay naka-man bun ito. Bagay na hindi niya maintindihan. Dahil kung mas gusto lang din naman pala nito na laging nakatali ang buhok nito, bakit hindi pa nito pagupitan iyon? Sa kabilang banda, nakapanghihinayang nga naman na pagupitan nito ang buhok nito. Kasi mas malambot at mas makintab pa iyon kaysa sa sariling buhok niya.
Kasing asul ng payapang dagat ang mga mata ni Bell kapag kalmado ito. Pero kapag galit ito o napipikon, nagiging sing asul ng nag-aalimpuyong dagat sa gitna ng bagyo ang mga mata nito. Makakapal ang itim na itim na mga kilay nito. Napakatangos rin ng ilong nito. Likas na mamula-mula ang maninipis na mga labi. Matitigas ang anggulo ng mukha kaya kapag seryoso o galit ito ay talaga namang nakakatakot ang anyo. Pero medyo malalaki ang mga tainga nito. Kaya siguro ayaw nitong magpaikli ng buhok. Naitatago nga naman kasi ng mahabang buhok nito ang mga tainga nito.
Nasa five-ten lang ang taas nito. Matangkad na higit sa karamihan sa mga lalaking Filipino pero medyo maliit para sa mga may halong dugong banyaga tulad nito. Mas matangkad pa nga rito ang Kuya Ace niyang nasa six-two ang taas. At minsan kapag nakasuot siya ng five-inch
na heels, nagiging mas mataas pa siya ng one inch kaysa kay Bell.
Kahit araw-araw yatang mag-ahit si Bell, parati pa ring may anino ng bigote at balbas ito. Palibhasa may lahing Kanluranin kaya sadyang hairy. Hairy din kaya ang chest nito? Eh ang mga binti? At ang beep-beep?
‘Jinnee Jizah! Iyang berdeng isip mo! Remember, si Gagong Bell iyan, hindi si Colin Farrel kahit na mukha siyang younger version ni Colin Farell!’ sawata niya sa sarili bago pa lumiko sa kung saan ang takbo ng isip niya.
“I wonder what you’re thinking now. Must be about me,” kunot-noong komento ni Bell habang bumababa mula sa bike nito. Isinampa ng binata sa sidewalk ang bike nito, itinayo ang stand niyon saka lumapit sa kotse niya.
“Bakit mo naman nasabi iyan?” biglang kinabahang untag ni Jing-jing.
Napatagal ba ang pagtitig niya rito? Namula ba ang mga pisngi niya dahil sa direksyong tinatahak ng malisyosang isip niya? Sumpa man, magpapasagasa siya sa susunod na daraang naka-bike kung nahulaan nga ni Bell ang iniisip niya. Dahil nungka, never, hindi kailanman at never ever talaga na papayag siyang isipin nitong may gusto siya rito.
“You’re grinning like you want to chop my head off with a dull axe.”
“Buti alam mo. At kung ayaw mong mawalan ng ulo, lumayas ka na habang nakapagpipigil pa ako,” ani Jing-jing na agad nakahinga ng maluwag nang marinig ang sagot ni Bell.
Tahimik na napabulong siya ng pasasalamat na hindi siya nito kayang basahin ng tama sa kabila ng matagal nang pagkakakilala nila. Kung nagkataon kasing nahulaan nito na napatunganga na naman siya dahil sa hindi makatarungang kagandahang lalaki nito, lolobo na namang lalo ang pagkalaki-laki na ngang ego nito. Hindi siya papayag na isipin nitong isa siya sa mga nagkakandarapang babae rito.
Sa halip naman na umalis na ay yumuko pa si Bell sa ilalim ng nakataas na hood ng kotse niya. Sinuri ng binata ang makina ng kotse niya.
“Ano’ng ginagawa mo?!” nagdududang untag niya rito.
Pinalo niya pa ang kamay nitong akmang may bubutingtingin sa loob ng makina. Dagli niyang hinawakan ang hood ng kotse. Magkamali lang ang lalaki na galawin ang alinman sa mga piyesa ng sasakyan niya ay talagang iipitin niya sa ilalim ng hood ang mga kamay nito. Baka imbes na simple lang ang sira ng kotse niya ay mas lumala pa iyon sa sandaling galawin ng lalaki. Ni hindi siya magugulat kung biglang magkakalas-kalas ang buong kotse niya matapos hawakan nito.
Kilala ni si Jing-jing si Bell. Imposibleng kusang-loob na tulungan
siya ng lalaki sa pag-aayos sa kotse niya nang wala itong ibang motibo. Mas malamang sa hindi ay balak lang nitong sirain lalo ang kotse niya. At kapag ginawa naman nito iyon, natural gagantihan niya ito. At muli magre-restart na naman ang walang katapusang away-bati nilang pakikitungo sa isa’t isa.
Mula pa pagkabata ay magka-away, magkaribal, magkalaban at magkatunggali na sila. Maliban kasi sa kanilang apat na magkakapatid ay si Bell at ang nakababatang kapatid nitong si Marie lang ang mga bata noon sa kalye nila. Kaya wala silang choice kundi pagtiyagaan ang isa’t isa para may makalaro silang iba.
Sa malas, hindi maganda ang unang impresyon nila ni Bell sa isa’t isa. O siguro mas tamang sabihing pangalawang impresyon nila sa isa’t isa. Ayon kasi sa kwento ng Mama niya noon sa kanya, nagkatagpo na sila ni Bell noong dalawang taong gulang pa lamang siya at anim na taong gulang naman si Bell. Ang totoo, naroon pa nga raw sila sa ospital nang manganak sa kapatid na babae ni Bell ang ina nito.
Nakilala raw ng Mama niya ang ina ni Bell sa loob ng mall nang araw na iyon. At kahit noon pa raw ay panlalait na agad ang tinamo niya mula sa anim na taong gulang pa lang na si Bell. Nag-uusap raw ang Mama niya at ang ina ni Bell nang biglang mamilipit sa sakit ang tiyan ng ina ni Bell. Ang Mama at Papa raw ni Jing-jing ang nagdala sa ina ni Bell sa ospital. Sa malas, nang araw na rin iyon naulila si Bell sa ina. Namatay ang babae sa panganganak kay Marie.
Iyon daw ang una’t huling beses na nakita ng Mama niya si Bell.
Ngunit makalipas ang tatlong taon ay muling nag-krus ang mga landas nila. Limang taong gulang na si Jing-jing noon at siyam na taong gulang naman si Bell. Pumisan sina Bell at Marie sa bahay ng Lola Josephine ng mga ito. Inabandona na kasi ang dalawa ng ama ng mga ito. Dalawang bahay lang ang pagitan ng bahay ng pamilya niya sa bahay ni Lola Josephine. Kaya naman naging magkaibigan sina Bell at ang Kuya Ace niya. Habang siya naman at si Bell ay naging magkaaway. Ito at ang kapatid nitong si Marie ang sumpa sa kanya habang lumalaki siya.
Siguro kung alam lang niya noon na mangyayari iyon, hindi na siya bumuntot pa sa Kuya Ace niya nang magpunta ang kuya niya sa bahay nina Bell para kaibiganin si Bell. Nang malaman kasi niya noon na may iba nang batang babae sa street nila na maaari niyang makalaro, sabik na sabik na ginusto rin niyang makipagkilala sa bata.
Pero kung nasaan si Marie ay naroon din si Bell. At kung ano ang ginagawa ni Bell noon ay awtomatikong ginagaya ni Marie. At dahil ang bungad na bati ni Bell sa kanya noon ay ganito, “You’re the ugly baby! Why are you still ugly?” natural na ginaya iyon ni Marie. Binansagan siyang ‘Ugly’ ng bwisit na magkapatid.
Kaya paano’ng hindi niya aawayin si Bell? Hindi na niya matandaan kung ano ba ang una niyang ginawa nang sugurin niya ito. Hindi niya alam kung sinuntok ba niya ito, sinabunutan o sinipa. Basta ang tanda niya ay pilit siyang inilalayo ng yaya nito at ng Kuya Ace niya mula sa nakadapa na sa lupa at nakapamaluktot na katawan ni Bell. Hindi gumanti ng pananakit sa kanya si Bell kahit na kung tutuusin ay kayang-kaya siya nito dahil higit na mas maliit siya kaysa rito.