Skylander Series Chapter 31

Nagpunta sa Sagada si Jenna para takasan ang press na humahabol sa kanya at para rin maka-recover sa pagpapakasal ng boyfriend niyang artista sa ka-loveteam nito.

Nagulat siya nang ang magbukas ng pinto sa kanya ay ang super crush niyang si James Lizardo. Isang taon na itong nawala sa mundo ng taekwondo at walang sinuman ang nakakaalam kung nasaan ito.

“James? Michael James Lizardo?” Natutop niya ang bibig sa labis na gulat. Muntik na siyang mapasigaw. “Where have you been? More than a year kang nawala.”

Dumilim ang mukha nito. Hindi pa man nito nasasagot ang tanong niya ay ibinilabag na nito ang pinto sa mukha niya.

“Go away, Miss! Or else, I will throw you out myself!”

Halos mapasigaw si Jenascia sa tuwa habang papalayo sa building ng condo niya ang taxi na sinasakyan niya. She was free again. Sa loob ng ilang araw ay ngayon lang ulit siya nakahinga nang maluwag.

Gulat na napalingon sa kanya ang matandang taxi driver. “Mukhang masayang-masaya po kayo, Ma’am.”

“Tama kayo, Manong,” sang-ayon niya pero hindi na niya sinabi pa kung bakit. Sa wakas, tapos na rin ang kamiserablehan niya dahil sa pagbuntot na parang aso ng mga press sa kanya. She finally outwitted them. They can camp to her condo all they want pero walang lalabas na Jenascia Almayda doon.

Ilang araw na siyang ginugulo ng mga reporters. She hated being mobbed by those press from hell. Kahit saan siya magpunta ay nakasunod ang mga ito. Umuusok na rin ang linya ng telepono niya at ang cellphone niya. Everybody wanted to get an interview or even just a glimpse or picture of her sorrowful face. They wanted to draw blood from her. Gustong malaman ng mga ito kung nagluluksa nga siya dahil sa kataksilan ng boyfriend niyang si Iñigo.

Iñigo was a matinee idol. Kahit saang sulok ng bansa ay kilala ito dahil isang magaling na artista. Sikat din naman siya being a young fashion designer. But she was not a star. Marami ang nagprotesta nang siya ang ligawan nito at naging girlfriend. Dahil ang gusto ng mga tao ay ang ka-loveteam nitong si Henriette.

Ngayon ay buntis na si Henriette at si Iñigo ang ama. Kaya gusto ng lahat na magsalita siya. Pero ayaw niya. Ano naman ang gusto ng mga ito na gawin niya? Ang mag-iiyak siya sa harap ng TV at magwala? Alam naman niyang nagsasaya ang buong Pilipinas dahil ikakasal na ang pinakasikat na loveteam. Walang makikisimpatya sa kanya. They can all go to hell for all she cares.

Pero ayaw siyang tigilan ng mga reporters. Para makalabas ng condo niya ay nagsuot siya ng wig at makapal na sunglasses na makapal ang rim. Saka siya nagsuot ng baduy na damit. Para walang makapansin sa kanya.

“Miss, nasa Blue Ridge na tayo,” untag ng taxi driver sa kanya. Saka niya napansing naroon siya sa harap ng bahay ng kapatid niyang si Jemarra.

Nagmamadali niyang inabot ang bayad. “Keep the change,” aniya at maingat na bumaba ng taxi.

Luminga-linga muna siya sa paligid. Mabuti nang sigurado dahil baka masundan pa siya ng mga press o baka may nag-aabang sa labas ng kapatid niya. Ayaw niyang pagkaguluhan na lang basta ng mga ito.

Nag-doorbell siya habang parang paranoid na patingin-tingin sa paligid. Maya maya pa ay lumabas na ang kapatid niya. “Yes, Miss?” tanong nito.

Bahagya niyang ibinaba ang sunglasses upang makita nito ang mata niya. “Papasukin mo ako, Ate. Si Jenna ako.”

Napasinghap ito dahil gulat na gulat sa kakaiba niyang ayos. “Jenna? Bakit ganyan ang itsura mo?”

“Mamaya ka na magtanong, Ate. Papasukin mo ako bago pa may makakilala sa akin,” aniya habang pasimpleng sumulyap sa paligid. Na parang may humahabol pa rin sa kanya at may nakatutok na camera. Paranoid na yata siya.

Binuksan nito ang gate at pinapasok siya. Pagdating niya sa sala ay ibinagsak agad niya ang sarili sa sofa. “Akala nila hindi ko sila matatakasan,” ngingisi-ngisi niyang sabi at tinanggal ang wig.

“Ano ba ang nangyari sa iyo? Bakit ganyan ang itsura mo? Saan ka nanggaling? Akala ko ba wala ka sa Pilipinas,” tanong ni Jemarra habang kumukuha sa kusina ng juice. “Hindi kita ma-contact sa condo mo o sa cellphone mo. Ni hindi ka man lang nagpasabi kung nasaan ka.”

“Wala akong katahimikan. Ayaw tumigil ang cellphone at telepono ko sa pagri-ring. Paano ako makakalayo kung nakapaligid ang mga press na iyon sa akin? They were all over me. Mula nang mabalita ang paghihiwalay namin ni Iñigo, hindi na ako makapaglakad sa labas nang walang reporter na nakasunod sa akin.”

They gave her hell. She will also give them hell. They won’t get the piece of news that they want.

Inabot nito ang baso ng juice sa kanya at umupo sa sofa sa tapat niya. “Mabuti naman at nakatakas ka,” concerned nitong sabi.

Tumayo siya at umikot sa harap nito na parang model. “Sa palagay mo ba makikilala nila ako sa baduy kong ayos lalo na’t suot ko ang wig ko?” pagmamalaki niya. She was known as a fashion icon. Weird siyang manamit pero hindi baduy. Walang sinuman sa mga reporter ang nakapansin sa kanya dahil pang-manang ang suot niya. Effective talaga ang pagdi-disguise niya.

“Sa ngayon, nakatakas ka. Paano sa susunod?” iiling-iling nitong tanong. “Kung nakinig ka sana sa akin noon. Na walang mangyayari sa relasyon ninyo ng Iñigo na iyon, hindi ka sana magkakaganito.”

Dalawa lang silang magkapatid. Pareho nang nasa ibang bansa ang mga magulang nila. Gusto sana silang I-petisyon ng mga ito ngunit maganda na ang career niya sa Pilipinas. Isang photographer-writer sa isang internet company ang ate niya. Habang namamayagpag naman siya sa mundo ng fashion. Ilang buwan na lang ay ikakasal na ito sa nobyong si Rui na isang henyo sa computer.

Silang dalawa lang ang laging nagdadamayan. Pero kahit na may ate siya, mas gusto pa rin niyang maging independent. Noong nasa fashion school pa siya, nakaya niyang tustusan ang sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang junior designer. Nang manalo siya sa isang fashion competition ay unti-unti na rin siyang nagkapangalan sa fashion industry.

Naitirik niya ang mata nang simulan na nito ang sermon. “Oo na. Naniniwala na akong dapat akong makinig sa nakatatanda sa akin.”

“Wala naman talagang buting naidulot sa iyo ang Iñigo na iyon. Puro yabang lang naman ang alam. Kita mo na. Naging faithful ba siya sa iyo? Hindi. Kung bakit sinagot mo pa rin,” paninisi nito.

“He was the most well dressed among my suitors.”

She fell in love with Iñigo’s fashion sense. Hindi kasi ito baduy tulad ng ibang lalaki. Kahit anong damit, kahit pa basahan ay kaya nitong dalhin. At sino ba naman ang hindi maa-attract sa isa sa pinakasikat na artista sa bansa?

Their relationship was like you and me against the world. Halos lahat ng tao ay tutol sa relasyon nila. She experienced being mobbed by his fans. Siya daw ang salot sa loveteam nina Iñigo at Henriette. Ngayong magpapakasal na ang mga ito, marahil ay masaya na ang lahat. Maliban sa kanya na hanggang ngayon ay ayaw pa ring tantanan ng mga tsismis.

“At dahil na-in love ka sa galing niyang magdala ng damit at sa maganda niyang ngiti, ano na ang mangyayari sa iyo ngayon? Saan ka pupunta?”

Tumabi siya dito at yumakap. “Dito na lang ako sa bahay mo, Ate. Habang hindi pa ako tinatantanan ng mga press na iyon.” Maybe they wanted to see her cry with blood. At hinding-hindi mangyayari iyon.

“Hindi pwede. Baka masundan ka pa rin nila dito. Saka aalis din ako sa isang araw dahil dadalawin namin ang Mommy ni Rui sa States. Kasama namin si Lola Inez,” tukoy nito sa lola ni Rui.

Lumabi siya. “Dadalawin mo pala ang future mother-in-law mo.”

Hindi niya maiwasang mainggit dito. Dahil kahit hindi sikat ang boyfriend nitong si Rui, ideal naman ang relasyon ng mga ito. At alam niyang hindi pagtataksilan ni Rui ang ate niya. Hindi katulad niya. Hindi lang si Henriette ang naging karibal niya. Kasama pa ang mga fans ng mga ito na gusto siyang kalbuhin tuwing makikita siya. So much for being a star.

Ngumiti ito at napapitik. “I got an idea. Bakit hindi ka na lang pumunta sa bahay nila Rui sa Sagada? Walang tao doon ngayon.”

“Sagada?” she asked in horror.

“Yes. Sagada. Clean fresh air, lots of pine trees, walang masyadong tao and it has lots of scenic places.”

“Malayo sa civilization. Almost three hundred kilometers away from the nearest city. Half a day travel from Manila.” Hinawakan niya ang sentido. “Hindi mo ako mapapapunta sa isang lugar na walang bar, walang mall, walang sinehan at nakabahag ang mga tao. Hindi ko ma-imagine ang sarili ko na magbabakasyon kasama ang mga taong bundok. What if they skin me alive?”

“Jenascia!” saway nito sa kanya. “They are nice. Nicer than the people you meet in your circle. Sibilisado ang mga tao doon. May cable pa nga ang mga TV nila. And hindi na sila nakabahag.”

“I saw the pictures you took during their celebration. They wear their ethnic costumes. Nakabahag pa rin sila.”

“Only during celebration and festivities,” depensa nito.

Humalukipkip siya. “Basta! Mas gusto ko pa ring magbakasyon sa Boracay o kaya sa ibang classy na resorts sa ibang bansa.”

“Sa airport pa lang, hahabulin ka na ng press. Tingnan natin kung makaalis ka nang buhay. At kahit makatakas ka pa, posibleng may makita kang kakilala sa pupuntahan mo. Hindi ka rin makakapagpahinga. Wala ka ring katahimikan.”

Hindi siya makakibo dahil tama ito. Wala siyang maiisip na idea para sa bagong concept ng fashion show niya kung may press na bubulabog sa kanya.

“Ate, wala bang fans sina Henriette at Iñigo doon?” tanong niya.

Umiling siya. “Wala. Iba yatang group ng artist ang sikat doon. Kaya wala ring mga taong babato sa iyo kung saka-sakali. Pwede ka ring mag-fresh vegetable salad araw-araw dahil mura ang gulay.”

“Salad? Gulay?” excited niyang sabi. “Ibigay mo na sa akin ang susi. At ngayundin, magpapa-reserve na ako ng ticket papunta doon.”

“That place is heaven, Jenna. Hindi ka magsisisi sa pagpunta doon. There is something about that place that heals. Baka pagbalik mo dito, maka-recover ka na. Who knows? Baka doon mo matagpuan ang right man for you.”

Umingos siya. “I won’t fall in love with a mountain man.”

“MISS, gising!” anang kondoktor kay Jenna at bahagya siyang tinapik sa balikat. Nang idilat niya ang mga mata ay nasa loob siya ng jeep na sinakyan niya mula sa Bontoc. At hindi sa eleganteng eroplano patungo sa Miami katulad ng nasa paniginip niya. Isang binatilyo ang bumungad sa kanya, hindi isang magandang stewardess.

“Nasaan na ako?” tanong niya at luminga sa paligid.

“Nasa Sagada na tayo, ineng,” anang isang matandang lalaki na nakaupo sa tapat niya. “Ang totoo ay malapit na sa Poblacion ito. Saan ka ba bababa?”

Kinapa niya ang bag at inilabas ang maliit na papel na may address ng tutuluyan niya. “Sa bahay daw po ni Inez Alfredo.”

“Ah, sa may Bokong iyon,” anang kondoktor. “Malapit na iyon, Miss.”

“Pakibaba na lang ako doon,” aniya at niyakap ang sarili dahil nagsisimula nang manuot ang lamig sa katawan niya.

Umuulan na nang dumating siya sa Banaue. At dahil matatakutin siya sa matataas na lugar at ayaw niyang makita ang mga banging dinadaanan nila sa gilid ng bundok ay natulog na lang siya. Mangilan-ngilan lang ang bahay na nadadaanan niya. Pero sabi ng Ate Jemarra niya ay may mga bahayan naman malapit sa bahay na pag-aari ng nobyo nitong si Rui.

“Dito ka na, Miss,” anang kondoktor at kinuha ang malaking backpack niya.

“Saan ang papunta sa bahay ni Lola Inez?” tanong niya nang makababa ng sasakyan. Bahagya nang may tikatik ng ulan ngunit nagbabanta iyong lumakas.

“Umakyat ka sa hagdan na iyan. Iyong pinakahuling bahay sa trail na iyan ang bahay ni Lola Inez.”

“Salamat,” sabi niya at naglakad na paakyat ng hagdan. Para sa kanya na sanay sa escalator at elavator, hindi madali ang umakyat ng hagdan habang nakasukbit sa likuran niya ang mabigat na backpack.

Kaunti na lang, wika niya sa sarili. Pagdating mo sa bahay, matutulog ka na lang at magpapahinga maghapon.

Subalit ilang minuto na siyang naglalakad ay wala pa rin siyang makitang dulo ng bahayan. Nang sa wakas ay natanaw niya ang bahay na gawa sa troso at may chimney. Katulad iyon ng istraktura ng bahay sa ibang bansa. Hindi siya na-disappoint dahil akala niya noong una ay sa bahay kubo siya titira.

Subalit hindi pa siya maaring makapasok sa bahay. Dahil wala sa kanya ang susi. Ayon sa bilin ng Kuya Rui niya, kunin daw niya iyon sa katabing bahay. Hanapin daw niya si Sapphire dahil iyon ang may hawak ng susi.

Kaya sa halip na tumuloy sa bahay nila Rui ay inakyat niya ang hagdan patungo sa malaking bahay na pula. At dahil wala siyang payong ay nabasa siya nang lalong lumalakas ang ulan.

“Grabe! Hindi na ba matatapos ang pag-akyat at paglalakad ko? I hate you, Ate! Bakit pa ako nakinig sa advice mo na dito magbakasyon? I hate this rain! Alam namang wala akong dalang payong kung bakit pa umulan. Pagkatapos ng bakasyon ko dito, hinding-hindi na ako babalik sa bundok na ito. Never!”

Huwag sanang doon manirahan ang Ate Jemarra niya kapag pinakasalan sa Kuya Rui niya. Kundi, hindi talaga niya ito dadalawin kahit kailan. Kahit na itakwil pa siya nito bilang kapatid.

Basang-basa na siya ng ulan nang marating ang bahay na pula. She impatiently knocked on the door. Iniisip na niya ang malambot na kama at ang mainit na tubig kapag nag-shower niya. Bigla pa siyang nagutom nang maamoy ang mabangong sopas na niluluto sa loob ng bahay. Kung mabait lang sana ang kapitbahay ng Kuya Rui niya, yayain sana siya nitong kumain.

“Yes, Miss?” anang boses ng isang lalaki.

Bigla siyang napadilat. Sa kaiisip niya sa pagkain, hindi na niya napansin ang pagbukas ng pinto. Ngunit higit siyang nagulat nang mapagmasdan ang lalaking nasa harap. He was almost six feet tall. Matangkad na siya sa height na 5’7” but he dwarfed her. Layered ang buhok nito at medyo may kahabaan kaysa sa karaniwang buhok ng lalaki. He was slightly tanned. Bahagyang singkit ang mga mata nito.

She could imagine him kicking the bad guys on TV for a commercial of an energy drink. Kumurap siya at hindi dala ng gutom ang nakikita niyang imahe sa harap. He was her favorite figure in the sport’s world.

“James? Michael James Lizardo?” Natutop niya ang bibig sa labis na gulat. Muntik na siyang mapasigaw. Lumakas din ang tibok ng puso niya. Parang isang teenager na nakita ang paborito nitong artista. “Gosh! Anong ginagawa mo dito? Where have you been? More than a year kang nawala.”

Dumilim ang mukha nito. Hindi pa man nito nasasagot ang tanong niya ay ibinilabag na nito ang pinto sa mukha niya. Nagulat siya sa inasal nito. Imposible naman sigurong nagkamali siya. Alam niyang ito ang sikat na taekwondo artist na si Michael James Lizardo. Natitiyak niya iyon.

Kinalabog niya ang pinto. “Hey! Buksan mo ang pinto! Ikaw si James, di ba?”

“Go away, Miss! Or else, I will throw you out myself!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.