“Tama na!” Di na napigilan ng dalaga na magtaas ng boses. Napapatda ang mga magulang niya. Di makapaniwala ang mga ito na magagawa niyang magalit. “Kahit kailan wala na kayong ginawa kundi mag-away sa harapan ko. Para pa rin kayong mga bata. Matatanda na kayo, Nay, Tay.”
“Ito kasing nanay mo…”
At sinikmatan naman ito ng ina. “Ano ako?”
“Tama na sabi,” bulyaw niya dahilan para tuluyang tumigil ang dalawa. Humihingal si Yana sa galit. “Mga makasarili kayong magulang. Sarili lang ninyo ang iniisip ninyo.” At naluluha niyang pinagpapalit-palit ang tingin sa mga ito. “Kahit ba minsan tinanong ninyo kung ayos lang ako? Nasabi ba ninyo sa akin minsan kung nami-miss ninyo ako? Ikaw, Tatay, ni hindi ninyo ako nagawang sulatan o silipin man lang mula nang magkahiwalay kayo ni Nanay. Kailangan pang ako ang mag-reach out sa inyo para lang ipaalala sa inyo na may anak kayong naghihintay ng kalinga ninyo at kaunting atensyon.”
Yumuko si Manong Lando. “Anak, alam mo naman na mahirap lang ang buhay ko. S-Saka kapag dinalaw kita b-baka itaboy mo rin ako noon o kaya hindi ka rin ipakita sa akin ng nanay mo.”
Parang tinadyakan ang dibdib ni Yanamarie. “Di ninyo alam dahil hindi ninyo sinubukan. Mas takot pa kayo na itaboy o mapahiya kaysa sa makita ako. Pride ninyo ang importante sa inyo. Pero di naman kayo nag-alangang humingi ng tulong sa akin at tumanggap ng tulong sa akin ‘no?” di mapigilan niyang sumbat dito. “Kapag para sa pamilya ninyo na iba, di kayo nahihiya.”
“Anak, bakit tayo nauuwi sa sumbatan? Akala ko okay lang tayo?” tanong ni Mang Lando na bakas ang sakit sa mukha.
Ngumisi si Yana. “Akala ko nga po okay lang tayo. Akala ko kasi maipaparamdam ko sa inyo ang pagmamahal ko kapag natulungan ko kayo. Baka sakaling mapalapit ako lalo sa inyo. Na sana ma-appreciate ninyo na ni minsan di ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo o nagsalita ng masama kahit na iniwan mo kami ni Mama. Na minahal ko kayo sa kabila ng kakulangan n’yo. Pero hanggang ngayon wala naman kayong pakialam sa akin.”
Yumuko ang ama niya. “Mahirap lang kasi ako.”
“Hindi sa hirap iyon, ‘Tay. Huwag na kayong magpalusot. Mahal ninyo ang sarili ninyo at ibang pamilya ninyo pero hindi ako,” usal ni Yanamarie at humikbi.
“Kaya layuan mo na lang ang anak natin. Tutal pera lang naman ang habol mo sa kanya,” nakangising sabi ng ina at niyakap siya. “Nandito pa rin ako para sa iyo, anak.”
Nakatingin lang siya Yana nang tuwid at di gumanti ng yakap sa ina. “Pareho lang kayo ni Tatay, ‘Nay. Di naman kayo ang nag-alaga sa akin nang maghiwalay kayo. Nakahanap kayo agad ng ibang pamilya at lalaking magmamahal sa inyo. Sabi ni Lola kayo ang nagpaaral sa akin pero ang totoo ayaw lang niya na sumama ang loob ko sa inyo at isiping pinabayaan ninyo ako.” Pinahid niya ang sariling luha. “Yung pamana ni Lola na bahay at lupa sa akin ibinigay ko sa inyo. Pati sweldo ko di ako nag-alinlangan na ipambayad sa utang ninyo. Di ako natutulog para sustentuhan ang mga pami-pamilya ninyo ni Tatay. Kahit wala akong bagong damit o di ako makapasyal sa magagandang lugar kasama ang mga kaibigan ko, basta meron kayo. Pero ako ba tinanong ninyo kung ano ang magpapasaya sa akin? Magkasundo lang kayo, masaya na ako pero di ninyo magawa para sa akin.”
“Paano mo ako nagagawang sumbatan, Yanamarie? Ako ang nanay mo. Magkakampi tayo. Di mo na ba naaalala?” tanong ng nanay niya at pilit na hinuli ang mga mata niya. “P-Pero malungkot mag-isa, anak. Kailangan ko rin ng makakatuwang sa buhay.”
Mapait na ngumiti ang dalaga kahit na tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata. “Hindi tayo magkakampi, ‘Nay. Kayo na ang nagsabi na takot kayong mag-isa. Di ninyo ako itinutiring na kasama o kakampi. Bumuo kayo ng sariling pamilya nang wala ako. Masaya ako para sa inyo, ‘Nay. Para sa inyo ni Tatay. Oras na rin po siguro para matuto akong umasa na di ninyo ibabalik ang pagmamahal ninyo sa akin. Oras na rin siguro para sarili ko ang isipin ko at di na kayo dumepende sa akin. Makakaalis na kayo.”
“Lumabas na daw po kayo.O magpapatawag ako ng security,” sabi ni Yulia na nakatayo sa pinto.
Nanlaki ang mata ng inang si Razela. “Hindi mo magagawa sa akin iyan.”
“Anak, nangako ka sa akin sa pera na kailangan ko. Huwag mo naman akong tikisin,” sabi naman ng ama niya at hinawakan siya sa braso.
“Tiyo Lando, hindi ninyo palabigasan si Yanamarie. Huwag na muna ninyo siyang kakusapin maliban kung kayo ang magbabayad ng hospital bill niya,” pananalakab ng pinsan.
“Sinasabi mo ba na mukha akong pera?” sikmat ng ama niya.
“Kung may malasakit po kayo sa anak ninyo, hayaan niyo siya magpahinga at paghanapin ninyo ng trabaho ang pamilya ninyo,” pambabara dito ni Yulia.
“I want to take care of my daughter,” anang ina niyang si Razela. “Yanamarie, remember how I used to take care of you when you were a young girl?”
Humikbi ang dalaga nang maalala kung paanong nagalit sa kanya ang ina noong anim na taon siya at nakikipagtalo sa ama niya kung sino ang magbabantay sa kanya sa ospital nang magka-pneumonia siya matapos makalimutan ng mga ito na sunduin siya sa eskwelahan. Mag-isa siyang umuwi at nabasa sa ulan. Na kesyo abala daw siya sa pagtatrabaho nito. It was a heartbreaking memory. Kung kailan tumanda siya ay saka nabuksan ang mga mata niya sa trato ng magulang sa kanya mula noong bata pa siya. At masakit pala dahil nawalan na siya ng pag-asa na makuha ang pagmamahal na gusto niya mula sa mga ito.
Ngayon na lang niya hinayaang madama ang sakit. Ngayon na lang niya nakita ang tunay na kalagayan sa buhay ng mga magulang. At mahihirapan na ang mga ito na lumapit sa kanya ngayon. She was broken. Too broken.
“Tiyang, kami ni Lola ang nag-alaga sa anak ninyo. Ni hindi nga ninyo siya masilip kapag may sakit siya. Ayaw na ayaw nga ninyo na may sakit siya, di ba? Baka mahawa kayo,” pambabara dito ni Yulia. “At mas maganda siguro kung ibenta na lang po ninyo ang mga alahas ninyo para naman magastusan ang luho ninyo at makabayad sa utang. Kita naman ninyo na may sakit si Yanamarie. Di niya kayo matutulungan. Kayo na ang papatay sa anak ninyo.”
“How dare you talk to me like that!” bulyaw ng nanay niya. “Yana is my daughter. Ang sabihin mo, baka ikaw ang nakikinabang sa sweldo niya. Gusto mong solohin.”
Humalakhak nang nang-iinsulto ang pinsan. “Tiya, totoo na mas malaki ang sweldo ni Yanamarie sa akin pero lahat po halos nauuwi sa kanya. For your information, ako pa ang bumili ng bagong laptop para sa kanya nang masira ang laptop niya noong isang taon. Kasi nakakahiya naman daw sa inyo dahil it is a matter of life and death daw na makapag-Hong Kong kayo. Bigay ko na po iyon sa kanya. Di ko kailangan ang sweldo niya. Pero kailangan ko na pong tumawag ng security para kaladkarin kayo palabas ng ospital dahil lalong magkakasakit si Yanamarie inyo.”
“H-Hindi ko susukuan ang anak ko. M-Magpapahinga lang ako sa ngayon,” sabi ng ina niya. “Bukas ako naman ang magbabantay sa kanya.” At nakaismid na umalis.
“Huwag na po kayong bumalik. Ipapa-ban ko na kayo sa security.” Inabutan siya ng tubig ni Yulia at pinainom. “Ano? Natauhan ka na ba?”
Tumango siya. “Oo. Sorry rin kung hindi ako nakinig sa iyo dati. Sino ba namang anak ang gustong tanggapin na walang kwenta ang pagsisikap niya para mahalin siya ng mga magulang niya?”
Noon pa siya sinasabihan ng pinsan na inaabuso na siya ng nanay at tatay niya. Na nariyan lang ang mga ito kapag may kailangan sa kanya. Para sa isang anak na nangungulila sa magulang, masaya na siya sa konting atensyon na ibinibigay ng mga ito. Parang importante sa pakiramdam niya kapag tumatakbo ang mga ito sa kanya para humingi ng tulong. Di niya alintana kahit siya ang nahihirapan.
“Oo. Magulang mo sila pero nakalimutan mo naman na mahalin ang sarili mo. Bigay ka lang nang bigay sa kanila at kabig lang sila nang kabig. Kahit magkasakit ka na wala pa rin silang pakialam.”
“Natatakot kasi ako na baka lumayo na naman sila sa akin kapag wala na akong maibigay sa kanila. Ayoko na ng iniiwan, Yulia.”
Niyakap siya nito. “Oo. Naiintindihan ko. Pero paano naman ang mga opportunities mo na nawala dahil sa pag-intindi mo sa kanila? ‘Yung trip mo sa Palawan na di ka biglang sumama kasi mas kailangan ng pambili ng gown ng kapatid mo. ‘Yung trip to Hong Kong na premyo mo bilang top employee, in-encash mo pa para lang ipang-shopping ng madrasta mo at anak niya. ‘Yun bang ipinampa-caesarian ng malandi mong stepsister naibalik kahit singko? Tapos itong love life mo puro nauunsiyami dahil hinihigop nila ‘yung pang-Jeju mo. Ano ka na? May pasalamat ba sa iyo? Wala kahit plastic na thank you. Martir na martir ka na. Oras na para intindihin mo ang sarili mo.”
“P-Pero hindi ba ako masamang anak kung tatanggihan ko sila na tulungan?”
Umiling ito. “Tama na ‘yang pagpapakamartir mo. Ngayon, sabihin mo sa akin kung may isang lugar na gustong-gusto kang puntahan paglabas mo dito, saan iyon?”
Pumikit siya at naalala ang magandang panaginip niya kanina. “Korea. Gusto kong pumunta sa Korea. Gusto ko nang makita si Dong Uk.”
May pinindot ito sa cellphne. “Okay. South Korea. Hmmm…Jeju…”
Ikiniling niya ang ulo. “Anong ginagawa mo?”
“Ipinagbu-book kita ng flight sa Jeju Island. Siguro naman nakalabas ka na dito sa ospital after one week.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Baliw ka ba? Isang linggo lang?”
“Kailan pa, aber? Kapag time is up ka na sa taning sa iyo ni Dong Uk? Hindi ka naman niya forever hihintayin. Napapagod din ‘yung tao. Saka naka-credit card naman itong plante ticket mo. Hulugan mo nalang.”
Hinawakan niya ang braso ng pinsan. “S-Sandali. Wala akong pocket money.”
Pinanlakihan siya nito ng mata. “Meron. Ipinagtatabi kita ng pera in case of emergency. ‘Yung budget natin para sa bahay, kinukuha ko ‘yung one thousand kada nag-aabot ka sa akin. Alam ko kasi na darating ang panahon na kakailanganin mo iyon dahil wala ka namang aasahan sa pamilya mo. Okay na. Pwede ka nang pumunta sa lupain ng mga oppa?”
Muli na namang nanariwa ang luha sa mga mata niya at niyakap ang pinsan. “Yulia, ikaw talaga! Pinapaiyak mo na naman ako. Thank you.”
“Bilin sa akin ni Lola alagaan kita. Masyado daw kasing malambot ang puso mo. Ibang tao ang lagi mong inuuna at nakakalimutan mo ang sarili mo. Di kita pwedeng pabayaan. Ikaw ang bestfriend ko. Kasama ako sa mga tao na tinitiyak mo na masaya kaya gusto rin kitang makita na masaya. Huwag mo naman pagkaitan ang sarili mo.”
Humupa na ang pag-iyak niya pero nagsimula muling gumapang sa katwaan niya. Happiness was starting to wash over her. “Jeju Island. Makakapunta na talaga ako ng Jeju Island. Makakasama ko na si Dong Uk.”
“Makakasama mo na ang oppa mo.”
At sabay silang tumili na magpinsan sa kilig saka nagyakap. Parang nawala ang mabigat na bloke sa dibdib ng dalaga. Lahat ng alalahanin at pagod niya ay naglaho. Malaya siya sa responsibilidad. Sa wakas ay sarili lang niya ang iintindihin niya. Makakasama na niya ang lalaking matagal nang naghintay sa kanya.
Parating na ako, Dong Uk.