Stallion Island Series Chapter 12

Romantic date in paradise. Di siya naiiba sa ibang mga babae na gustong makapasok sa Stallion Riding Club at pati sa Stallion Island at maka-date ng isang guwapo at makisig na Prince Charming. Pero kung si Jayden lang ang makakasama niya sa paraiso, matutulog na lang siya o kaya ay tutunganga sa isang tabi para mangangarap ng gising.

Matamis siyang ngumiti at pinagpag ang balikat nito. Sigurado siya na hindi naman talaga romantic date ang plano nito. “Jayden, umamin ka nga sa akin.” Pinaggiyagis niya ang ngipin niya. “Ikaw ba may babaeng pinagtataguan?”

Umiling agad ito. “Wala. Mukha ba akong may pinagtataguan?”

“Kilala kita! Unang beses na niyaya mo akong makipag-date, ihinarap mo ako sa isang babae na muntik nang mamikot sa iyo. Ipinakilala mo akong girlfriend mo. At kapag di ako ang pinakasalan mo, aalisan ka ng mana nila Ninang!”

Fourth year high school siya noon. Kasagsagan na nakikipag-ligawan at nagkaka-boyfriend na ang mga kaedad niya. May mga manliligaw naman siya pero di niya type. Si Jayden naman ay heartthrob noon pa. Kaya nang yayain siya nito ng date, pakiramdam niya ay diyosa siya ng kagandahan. Pumayag agad siya. Para lang pala ipanakot sa babaeng naghahabol dito.

“Hindi mo ba naisip na nasagip mo ako? Dapat nga matuwa ka. Saka niyaya ulit kitang mag-date, di ba? Sa Puerto Galera pa nga tayo.”

“Oo. Bayad iyon para magpanggap pa rin akong girlfriend mo at di ka sundan ng stalker mo.” Hindi siya matahimik noon. Napapraning siya dahil baka basta na lang humatak sa buhok niya o manampal sa kanya dahil dito.

Mental at emotional torture ang inabot niya. Kahit naman sweet sa kanya noon si Jayden at mukhang nagliligawan ang tingin sa kanila ng marami ay hindi niya ma-appreciate. Palabas lang nito ang lahat.

“Ang tagal na no’n, Imhan. Saka hindi ba posible na yayain kita sa isang totoong romantic date?”

Bakit naman hindi? Mukha naman itong seryoso. Pero malay niya kung may hidden agenda ito. And there was another nagging idea inside her head.

Nangalumbaba siya at nagsalubong ang kilay. “Baka naman inutusan ka ni Tatay na makipag-date sa akin.”

Twenty-six na siya at nauungutan na siya ng mga magulang niya na magkaroon na ng boyfriend sa lalong madaling panahon. Di na siya bumabata. May matatag na siyang trabaho. Kulang na lang sa kanya ay magkaroon ng isang pamilya. Iyon na lang ang hiling ng magulang niya.

Hinawakan ni Jayden ang balikat niya. “Sa ganda mong iyan, kailangan pa bang makiusap ni Tito Em sa akin para lang I-date ka?”

Umingos siya. “Maganda naman talaga ako. At kung inaakala mo na walang nanliligaw sa akin, meron! Si Remus!” Anak ito ng may-ari ng ospital na pinapasukan niya at isang surgeon. “Dapat nga nandito siya kundi lang may conference siyang pinuntahan.”

“Remus?” Lumabi ito na parang di nagustuhan ang pangalan ng manliligaw niya. “Pangalan pa lang parang di na gagawa ng maganda. Ipinakita sa akin ni Tita Es ang picture. Di naman kaguwapuhan.”

“Yeah, right! At ikaw lang ang guwapo sa mundo.”

Lumapad ang ngiti nito. “Ikaw ang nagsabi niyan, hindi ako.” Parang masayang-masaya pa ito sa sinabi niya. Akala ba nito ay talagang naguguwapuhan siya dito? Ni di man lang pinansin kung ano ang tono ng boses niya.

“Sarcastic ako nang sabihin ko iyon,” aniya at tinalikuran ito.

Sinundan siya nito. “Hindi ko napansin na sarcastic ka. Kasi naramdaman ko na galing talaga sa puso mo iyon. Ako lang ang guwapo sa mundo sa paningin mo.”

Umawang ang labi niya. Pagdating talaga sa confidence, walang tatalo dito. “Maghanap ka na lang ng kausap mo. At kung hahanap ka ng ka-date, maraming willing makipag-date sa iyo.” Si Einjel na lang ang alukin nito para di ito mabago.

“We still need another couple for our Trip to Jerusalem!” anunsiyo ng host ng program. “Para po ito sa mga nakatatanda.”

“Jayden!” narinig niyang sigaw ng Ate Iwho niya at kasama pang naki-cheer ang mga pamangkin niya. Lahat tuloy ng tao ay natuon ang atensiyon kay Jayden.

Kinuha na ni Yolie ang microphone. “To our guest na Stallion hunk, pwede bang sumali ka sa game?”

Napakamot sa ulo si Jayden. “Nakakahiya! Center of attention pa ako.”

Itinulak niya ito. “Kunyari ka pa! Gusto mo naman talagang maging center of attention. Ayun na ang prinsesa mo, o! Naghihintay sa iyo.” At inginuso niya si Einjel na nakangiti kay Jayden.

“Huwag kang magseselos na si Einjel ang partner ko, ha?” anang si Jayden at puno ng kompiyansa na naglakad palapit sa kay Einjel. Kumaway pa ito nang magpalakpakan ang mga tao na animo’y artista.

Selos? Siya? Mabuti na ngang ibang babae na lang ang dikitan nito. At kahit pa tubuan ng puno ang planetang Mars, nunca na magselos siya dito.

Biglang nagpapadyak si Einjel at hindi mapakali. Noong una akala niya ay kinikilig lang ito kay Jayden hanggang maging distorted ang mukha nito. Hinawakan ni Einjel ang kamay ni Yolie na may hawak ng microphone. “W-Wait lang! Wrong timing kasi ang tiyan ko. P-Pwede bang hintayin ninyo ako?” At saka nito nilingon ang restroom. Mukhang sasabog na ang pinipigil ni Einjel.

“Ako na lang ang magiging partner ng Stallion hunk na iyan!” prisinta ng matronang guest na kakwentuhan ng nanay niya.

Nagtawanan ang lahat habang si Einjel ay nagtatakbo na sa restroom. Napailing na lang si Yolie. “Pasensiya na sa anak ko. Masyado yata siyang excited na maka-partner ang Stallion hunk natin. Pero mukhang hindi na natin siya mahihintay. Kaya sino ang gustong maka-partner si Jayden?”

Kanya-kanyang taas ng kamay ang mga kababaihan. Kahit may asawa na at anak o kahit ang may apo na ay gustong mapili ni Jayden. Basta may tatak ng Stallion Riding Club o Stallion Island sa noo, hindi magsasayang ng pagkakataon ang mga kababaihan para madikit ang bango nito.

Nagulat siya nang biglang hawakan ni Jayden ang kamay niya at itinaas. “Si Imhan, gusto daw akong maka-partner.”

NATILIHAN si Imhan nang pagtinginan siya ng mga tao. Para namang ginusto niya na magtaas ng kamay. Ayaw nga niyang ma-associate kay Jayden sa kahit anong paraan. Pumiksi siya at kumawala sa pagkakahawak nito. “Ayoko ngang maka-partner ka! Kapal mo naman!”

Subalit di siya nito pinakawalan. He even tucked her hand with his hands. “Huwag ka nang mahiya. Matagal mo nang pangarap ito. Elementary pa lang tayo ako na ang pinipili mong maka-partner kapag may school programs, di ba?”

“Naawa lang ako sa iyo. Magaling akong sumayaw noon at parehong kaliwa ang paa mo.” Ang totoo ay gusto niyang mapuri siya ng mga magulang at makita kung gaano siya kagaling sumayaw kumpara kay Jayden.

“Huwag ka nang kumontra. Ako na ang ka-partner mo,” deklara nito. “Dapat nga maging masaya ka dahil ikaw ang chosen one.”

Nawalan siya ng pagpipilian nang tawagin na ni Yolie ang mga pangalan nila. Binawi muna niya ang kamay kay Jayden at humalukipkip. Chosen one? Daig pa niya ang bakang dadalhin sa slaughter house.

“Here’s the mechanics of the game,” anang host. “Katulad ng Trip to Jerusalem, iikot kayo sa mga upuan at kapag tumigil ang tutog mag-uunahan kayong umupo. Here’s the twist. Kailangan nakakandong sa mga partners nila.”

Napaungol siya bilang pagtutol habang ngiting-ngiti naman si Jayden. “Anong nginingiti-ngiti mo diyan?” mataray niyang tanong.

“Sa palagay ko kayang-kaya nating ipanalo ito.”

Inirapan niya ito. “Mag-isa kang maglaro kung gusto mo.” Kung iba siguro ang ka-partner niya, she could do it for fun. But not where Jayden was concerned.

“Anak, galingan mo!” narinig niyang pagtsi-cheer ng nanay niya. Katabi naman nito ang tatay niya at nakikita ang suporta ng mga ito. Kahit man lang sa simpleng Trip to Jerusalem game ay mapasaya niya ang pamilya niya. Iyon ang gusto niya. Ang suportahan siya ng mga ito. Pagtitiyagaan na lang niya si Jayden.

Nang tumugtog ang usong dance music ay kusang lumakad ang paa niya. Di niya maiwasang ngumiti nang makita ang mga kalaban sa game. Naroon pati ang matandang katiwala nila sa welfare center at ang asawa nito. May party hat pa na suot ang mga ito pero walang pakialam dahil nag-e-enjoy ang mga ito. Kahit ang clown nilang si Lee ay kasali sa game. Ka-partner pa nito ang crush na si Pinay.

Nagulat na lang siya nang biglang tumigil ang tugtog. Natuliro siya at hindi alam ang gagawin nang makitang nagkanya-kanya nang upo ang mga kalaban niya. Masyado siyang nalibang kaya nawala sa isip niya na naglalaro pala sila.

Isang kamay ang humila sa kanya. Nagpatangay na lang siya at natagpuan ang sarili sa kandungan ni Jayden. Pumaikot ang bisig nito sa baywang niya habang ang isang kamay nito ay nakahawak sa likod niya para alalayan siya.

“Okay ka lang?” tanong nito.

Habol niya ang paghinga nang matitigan ito nang malapitan. Drat! Kapag pala mas malapit ang mukha ni Jayden ay guwapo ito. In fact, she couldn’t even utter a word. Naramdaman na lang niya na sobrang bilis ng tibok ng puso niya.

Marahan nitong hinawakan ang kamay niyang hinablot nito kanina. “Masakit yata ang pagkakahawak ko sa iyo. Huwag kang magalit, ha? Ginawa ko lang iyon para hindi tayo matalo,” malambing nitong sabi.

Napalunok siya. He was using those soothing tones and it usually annoyed the hell out of her. Ngayon naman ay parang kinikiliti ang puso niya. “O-Okay lang.”

His face lit up. “Talaga? Hindi ka galit?”

“I am fine!” Dali-dali siyang tumayo para hamigin ang sarili. She always tried to keep her distance from Jayden. Kapag nagdidikit sila, parang lagi na lang silang sasabog. And now, there was something different about him. Or maybe it was her.

Nagsayaw ulit sila paikot sa mga upuan. Pinili niyang huwag na lang pansinin ang naunang reaksiyon kay Jayden. Baka di na iyon maulit sa susunod.

Naging alisto na siya nang sumunod na tumigil ang music. Umupo agad siya sa bakanteng upuan. Nasa kabilang side si Jayden at tumakbo sa tapat niya. “Ikaw ba ang kakandong sa akin?” tanong nito. “Di mo ako kaya.”

Bahagya siyang umusod para doon ito sa tabi niya umupo. “Ayan!”

“Kandong! Hindi magkatabi,” puna agad ng host nila. “May libreng romantic date para sa mga mananalo.”

Napilitan siyang umangat sa upuan para makaupo kay Jayson. Nang kumandong siya dito ay tinalikuran. Romantic date? Parang di yata iyon ang magandang price. Pwede bang perahin na lang nang mai-donate sa charity? Nag-flash ang isang candlelit dinner kasama si Jayden at mga bituin lang ang makikita nila sa madilim na kalangitan. Romantic nga. Nanlalambot ang tuhod niya lalo na kung hahaplusin nito ang buhok niya.

“Stallion Shampoo din pala ang gamit mo,” puna ni Jayden na hawak ang ilang hibla ng buhok niya. Parang tulad ng ini-imagine niya kanina. Nagsisimula na namang pumalya ang tibok ng puso niya.

“Ano ngayon? Iyan ang shampoo ng halos lahat ng babae dito.”

“Ibig sabihin gusto mo ring makaakit ng Stallion boy. Gusto mo talaga akong akitin, no?”

Bigla siyang tumayo at hinarap ito. “Di mo ba ako titigilan?”

Hindi na nga niya maintindihan ang sarili niya, manunukso pa ito. Hindi na siya natutuwa dito. Di na rin siya natutuwa sa nararamdaman niya.

“May problema ba?” tanong ni Simmy na siyang host nila.

“Sabi ko kasi maganda siya kapag galit. Nagalit tuloy,” katwiran ni Jayden.

“Gusto lang palang masabihan ng maganda, girl!” natatawang sabi ni Simmy. “Tuloy ang ligaya! Tuloy ang party!”

Di na lang niya nilingon pa si Jayden. Iinit lang ang ulo niya. Bahala na kung maubusan sila ng upuan mamaya. Pero wala siyang planong manalo. Mas mabuti na iyong ma-out na sila kaysa sumabog na naman siya. Mas maganda kung di na lang magsasalita si Jayden.

“Swerte mo naman sa ka-partner mo,” anang isa sa mga contestant na babae. “Hot siguro siya.”

Hot? Duh! Bakit ba nuknukan ng guwapo at perpekto ang tingin ng lahat kay Jayden? Kahit obvious na naiinis na siya dito, parang ito pa rin ang tama. Nakakabulag talaga ang kaguwapuhan at kakisigan.

Nang sumunod na kumandong siya kay Jayden ay pinakatitigan niya itong mabuti. Hinahanapan niya ito ng kahit isang flaw para ayawan ng isang babae. His nose was a bit crooked. Pero nakadagdag lang sa appeal nito.

“Naku! Maa-out na sila Manang!” bigla ay sabi ni Jayden. “Imhan, I’m sorry.”

“Ha? Bakit?” tanong niya.

Hinawakan nito ang balikat niya at sinenyasan siyang tumayo. Sumunod naman siya. At tinawag nito si Mang Arnaldo. “Manong, dito na po kayo.”

Saka niya naintindihan na ino-offer ni Jayden ang upuan sa matandang mag-asawa. Isinusuko nito ang pag-asang inisin siya at akitin siya para sa iba.

Yumakap dito ang pamangkin niyang si Ella. “Tito Jayden, talo po kayo?”

“Hindi na dapat ibigay ang upuan sa nakakatanda?” anang si Jayden at pinisil ang ilong nito. “Saka di importante na nanalo kami ni Tita Imhan. Ang importante nakapagpasaya kami ng ibang tao. Di ba, Tita Imhan?”

“Oo naman,” sang-ayon niya at iniwan ang mga ito. Tumuloy siya sa buffet table at ikinuha ito ng cake at brownies. Nilagyan din niya ng chocolate sprinkle at marshmallow ang brownies.

It was a good side of Jayden. Mukha itong bida sa paningin ng marami pero di siya naiinggit. In fact, she was glad of what he did. Nasanay siya na makita si Jayden na ang alam lang na paligayahin ay ang sarili nito. Palibhasa ay nag-iisa itong anak mula sa isang may kayang pamilya. But he definitely cares. Tulad ng ginawa nitong pag-aalala kanina nang hatakin siya nito.

Nilapitan niya si Jayden na nakikipagkulitan sa mga pamangkin niya. Di pala masama na matuwa siya kay Jayden paminsan-minsan. “O! Bakit di mo pa kinakain ang cake mo?” untag ni Jayden sa kanya.

“Para talaga sa iyo iyan. Di ka halos nakakain kanina sa dami ng mga fans mo.”

“Thank you!” anito at sumubo agad ng cake. Mukhang gutom na gutom nga ito. “Ang bigat mo kasi kanina. Napagod tuloy ako.”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Anong mabigat ako?” Nagiging mabait na nga siya dito, iniinis na naman siya nito.

Pinisil nito ang braso niya. “Totoo namang bumibilog ka.”

Bigla tuloy siyang na-conscious. Medyo nadagdagan nga ang timbang niya. Di naman kasi diet ang priority niya. Masarap kasing magluto at kumain. Bakit kailangan pa niyang problemahin? Ito lang namang si Jayden ang pumupuna. Asar!

“Kung wala kang masabing matino, manahimik ka na lang at kumain diyan.” Isang malaking pagkakamali na dinalhan pa niya ito ng pagkain. Dapat ay di na lang siya na-touch sa kabaitan nito. Patay-malisya na lang sana siya. Tutal mas sanay naman siyang mainis dito.

“Unti-unti kang bumibilog at nagiging mundo ko.”

Pinigilan niyang matawa sa corny na pagpapa-cute nito. “Gutom ka lang, Jayden. Kapag di ka nagtigil, papatingnan kita sa psychiatrist namin.”

“Oo na. Di ka maniniwala kapag sinabi kong maganda ka,” malungkot nitong usal at matamlay na sumubo. “Sayang talaga iyong romantic date. Kung tayo siguro ang nanalo, di mo ako masyadong susungitan.”

Nakonsensiya naman siya nang maisip niya kung ano ang isinuko nito para sa iba. “Oo na. Huwag ka nang magdrama. Thank you rin dahil di mo hinayaang ma-out sila Manang. Para naman makapag-relax sila.”

“Gusto ko lang maging masaya lahat. Tulad ng mga parents natin. Kahit na matanda na sila, di pa rin sila naghihiwalay. Gusto ko rin kasi ganoon kapag na-in love ako. Habambuhay kaming magkakasama ng babaeng mamahalin ko.”

Parang sinibat ang puso niya sa deklarasyon nito. Karamihan kasi ng kilala niyang lalaki ay di interesado sa pangmatagalang relasyon. Pero kaya naman kayang pangatawanan ni Jayden ang babaeng mamahalin nito?

“Magtino ka naman kaya kapag in love ka na talaga?” tanong niya.

“Malalaman mo iyon kapag nakipag-date ka sa akin. Sumama ka na kaya sa akin sa Stallion Island ngayon?”

“Sabi na nga ba, diyan din ang balik natin!” Pinaiikot lang siya nito.

Tumayo ito. “Sige di na ako magtatagal. Baka kasi di ko na mahabol pa ang flight pabalik ng isla. Kailangan kasi nila ako sa isla. Magpapaalam na ako.”

“Aalis ka na agad?” Ang akala niya ay magpapa-cute pa ito sa mga tao doon.

“Nagpunta lang naman ako para makita ka.” Tipid itong ngumiti pero mas maganda ang ngiti ng mga mata nito. “Thank you! I had a great time.”

“Ako din,” mahina niyang usal habang tanaw ang kotse nitong papalayo. Nag-enjoy din siya kahit sa ilang sandali kasama si Jayden.

Sa ngayon lang iyon. Sa susunod ay di na iyon pwede. Di pa rin siya makikipag-date dito. At di niya ito bibigyan ng espesyal na bahagi sa puso niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.