“Ano? Umalis na ng isla si Fafa TJ ko?” bulalas ni Pinay nang makausap ang jeepney driver na laging naghatid sa kanya sa villa ni TJ noong una. Pangatlong araw na niya sa pagvi-vigil sa harap ng bahay ni TJ. Malapit na itong lumabas sa tunay na mundo at makihalubilo sa guests at members. Sa mga pagkakataong nakausap niya si TJ ay mabait ito sa kanya. Siguro dahil kasama niya si Lee na member din ng Stallion Island. Siguro naman ay pwede na niya itong makausap ng solo sa susunod. Pero bago pa niya maituloy ang balak niya ay ito na ang nangyari.
“Oo. Ako pa nga ang naghatid sa kanya kanina. Narinig ko may kausap yata siyang babae. Babalik nga daw siya sa Maynila agad.”
“Gaano daw siya katagal doon, Manong?”
“Di ko alam. Basta sinasabi ko lang ang narinig ko. Nagmamadali nga siyang pumunta sa terminal. Paliparin ko daw. Paano naman ako lilipad? Jeep lang ‘to.”
Bumagsak ang balikat niya. Sino kaya ang babaeng iyon na sumira ng kaligayahan niya? Sinadya siguro iyon para maputol ang pag-iibigan nila ni TJ. Malapit na silang maging close! “Paano na kami ni TJ?” Ibig bang sabihin ay kailangan na niyang lisanin ang isla dahil wala naman ito doon.
“Huwag kang malungkot, Ma’am. Dalawa naman ang boyfriend mo dito sa isla, hindi ba? Doon ka na lang pumunta sa isa mo pang boyfriend.”
“Sinong isa mo pang boyfriend?”
Ngumisi ito. “Si Sir Lee.”
Supportive talaga si Lee pagdating kay TJ. Naghihinala nga siya. Parang sa kilos ni Lee ay gusto pa rin siya nito. Pero di naman ito gumagawa ng paraan para tigilan niya ang kahibangan niya kay TJ. Baka naman bumabawi lang ito sa mga kapalpakan nito dati.
“Sige, Manong. Pakidala po ako sa querido ko,” pabiro niyang wika.
Sa Banyan Tree Restaurant siya idinala ng driver. Kumakain si Lee kasama ang ibang member ng Stallion Island. Tumayo agad ito nang makita siya at iniwan ang mga kasamahan. “O! Akala ko pupunta ka kay TJ?”
Nanghaba ang nguso niya. “Wala na siya. Bumalik na daw sa Manila. Sa palagay ko kailangan ko na ring umuwi.”
Sayang. Nagsisimula na siyang magustuhan ang isla. Madami pa siyang bahaging di nakikita. Gusto rin niyang makilala pa ang iba’t ibang member ng isla. Nakasundo nga niya si Quillian na isang TV producer. Nakakabalitaktakan kasi niya ito sa iba’t ibang isyu sa pulitika. Pati si Noah na cute flower boy. Too bad. Wala nang rason para manatili pa siya doon. Si TJ l ang naman ang ipinunta niya doon.
“You can stay if you want,” anito. “Kahit na gaano pa katagal. Malay mo bumalik agad si TJ.”
“Talaga? Okay lang sa iyo?” tanong niya.
Hinawakan nito ang balikat niya. “Of course!”
Parang naglaho ang madilim na ulap sa paligid nito. Parang mas naging guwaop nga si Lee sa paningin niya nang ngumiti ito at ang mga mata nito. Nitong nakakaraang araw kasi ay parang lagi itong malungkot at matamlay. She wanted to see him smile more. Gusto pa niya itong makasama.
Hinawakan niya ang kamay nito. “Thank you, Lee!”
“So what do you want to try first?”
“Horseback riding!”
MAHIGPIT ang hawak ni Pinay sa hita ni Lee. Nakasakay sila sa kabayong si Firewind. “Leigh Armaund! Oras na ihulog ako ng kabayo mo, gugulpihin ko kayong mag-amo! I swear!” mariin niyang sigaw at lalong humigpit ang kapit sa hita nito.
Marahan lang naglalakad ang kabayo nito paikot sa trail papunta sa Mist Valley Village. Gusto kasi niyang makita ang falls. Pero malay ba niyang mawawala ang katapangan niya kapag sakay na ng kabayo. Nang makita niya si Firewind kanina ay nagdadadamba ito. Parang ayaw magpasakay. Na-imagine niya ang itsura niya habang sakay ng nagwawalang kabayo. Tiyak na patay siya.
“Ako naman ang papatayin mo kahahawak sa hita ko.”
Bigla niyang binawi ang kamay. “S-Sorry!”
Mukhang mana ang kabayo ni Lee dito. Pareho kasi siyang nawawala sa sarili kapag kasama ang mag-amo. Mukhang gusto niyang magsisi na nagpaiwan pa siya sa isla. Sana ay sumabit na lang siya sa buntot ng eroplano ni TJ kung alam lang niyang mamamatay siya sa takot sa pagsakay sa kabayo.
Iniyakap nito ang kamay sa harap ng balikat niya at kinabig siya pasandal sa dibdib nito. “Relax, Pinay! Kung matetensiyon ka, pareho lang tayong malalaglag. Mabagal lang naman ang takbo natin.”
Pero parang nakikipagkarera naman sa bilis ng tibok ang puso niya. She smelled the faint scent of his perfume. It was so sexy. Kaunti pa at magtataksil na siya kay TJ. Parang masarap kasi itong singhut-singhutin,
Wrong timing talaga ang pagbalik ni Lee sa buhay niya. Bakit di na lang ito nagpakita sa kanya dati. Noong pwede pa niyang ibigay dito ang puso niya. Noong handa siyang isuko ang takot niya para mahalin lang siya nito ulit.
“Idilat mo na ang mata mo. Enjoy the view.”
Dahan-dahan niyang idinilat ang mata niya. She could see the view of the majestic falls from afar. The cascading water looked pretty and romantic. Musika din sa pandinig niya ang lagaslas ng tubig. Marami palang gandang naitatago ang isla. Akala niya ay sapat na ang white sand beaches nito para mang-akit.
“Lee, gusto kong pumunta diyan.” At itinuro niya ang isang bahay sa gilid ng falls. It was Japanese Shinto temple inspired.
“Mist Fusion? Kung gusto mo dadalhin kita diyan para mag-yoga. Makakatulong iyon para ma-improve ang martial arts skills mo.”
Tiningala niya ito nang may pagtataka. “Okay lang sa iyo na ma-improve ang martial arts skills ko?” Hindi ba nakaka-degrade iyon sa lalaking tulad nito?
“It comes in handy. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may dedepensa sa iyo. Mas gusto kitang makitang ipinagtatanggol ang sarili mo kaysa naman makita kong sinasaktan ka ng ibang tao.”
Ngumiti siya at tinapik ang kamay nito. “Thank you.” Ibang Lee na ang nakikita niya ngayon. Mas malawak na ang pang-unawa nito. Kung noon pa niya narinig ang mga salitang iyon, baka di sila naghiwalay. “Next time na lang tayo sa Mist Fusion. Gusto ko pang makita ang ibang parte nitong isla.”
“Sa Butterfly Farm naman tayo.”
Mas magaan na ang loob niya kay Lee ngayon. Parang isang malaking bago na nakadagan sa dibdib niya ang nawala. She could laugh freely with him. Di na rin siya naiilang dito. Parang bumalik ang dati nilang samahan. Maybe even better.
“ABA! Mukhang masyado kang nag-e-enjoy diyan sa isla! Sabi mo isang linggo ka lang diyan para makapiling si TJ at akitin. Wala na iyong aakitin mo nandiyan ka pa rin. Mukhang iba na ang inaakit mo diyan,” anang si Einjel. Nahimigan niya ang panunukso sa dulo ng sinabi nito.
Nag-alala kasi ang Tita Yolie niya dahil di siya nakauwi agad. Akala nga ng mga ito ay uuwi na agad siya pero nagtaka ang mga ito dahil pinili niyang magtagal pa sa isla kahit wala na si TJ.
Kausap niya ito sa cellphone habang nasa wooden pathwalk siya ng Summer Snowflake. Isa iyong section ng isla na puro overwater cottages at nakalinya ang mga overwater cottages na parang hugis snowflake. Ang gitna na siyang joint point ng lahat ng mga pathwalk ay ang Stallion Wave Restaurant. Naroon si Lee at ka-meeting si Chrome, ang stable master ng Stallion Island. Gusto kasi nitong malaman kung saan magandang I-invest ang ipon nito.
“Magtigil ka nga diyan! Magkaibigan lang kami ni Lee. Nagmamagandang-loob lang siya na tulungan ako kay TJ. Saka sayang naman kung di ako magliliwaliw dito sa isla. Nandito na ako. Saka masarap mag-review dito. Walang sagabal, maganda ang view…”
“At may kasama ka pang guwapo. Halos wala ka namang naikwento sa amin kundi si Lee. Iyong kwento mo kay TJ mga fifteen minutes lang tapos babalik na naman kay Lee ang usapan.”
“Paano nga kami ang laging magkasama kaya mas marami kaming moment.”
Ini-adjust ni Lee ang schedule ng mga meeting nito para lang ma-accommodate ang pamamasyal niya sa isla. Ayaw nitong basta-basta siyang mamasyal nang di ito kasama. She enjoyed his company more. Nakita niya ang isang Lee na mas matured at mas sigurado sa sarili mo pero wala ang senyales ng pagiging chauvinist. Di ito masyadong nagkukwento tungkol sa pagvo-volunteer nito sa Sulong Kababaihan. Ginto ang oras para sa tulad nito pero pinili nitong mag-donate ng oras nito kaysa magbiga lang ng pera. Marami itong itinatago sa kanya.
“Nai-in love ka ulit kay Lee, no?” direkta nang tanong nito.
Inilayo niya ang cellphone sa tainga. “Ha? Di na kita marinig. Choppy ka!” At kinatok niya ang mouthpiece. “Bye, Einjel!”
Ang bruhang pinsan niya. Parang nandedemonyo. Magkaibigan na nga lang sila ni Lee. Subalit natigilan siya sa tinatakbo ng isip nang hawiin ni Lee ang buhok nitong nililipad ng hangin. He really looked good. Kahit ang simpleng paghawi nito ng buhok ay maganda sa paningin niya.
Dati nang nangyari iyon sa kanya. Wala siyang ginawa kundi sundan ang bawat kilos ni Lee noong kasagsagan ng pagka-in love nito. “I love you, Lee!”
Natutop niya ang bibig nang mausal iyon. Ano bang pinagsasasabi niya? Sinapian ba siya ng espiritu ng nakaraan? Past is past. Tapos na ang relasyon nila ni Lee. Iba na ang gusto nila sa buhay. Basta si TJ na ang hihintayin niya.
Naputol ang iniisip niya nang may marinig ang boses ng isang babae. “Sir, pakawalan po ninyo ako. Marami pa ako ng gagawin.” Waitress pala iyon sa restaurant. Hawak ng isang guest ang braso nito at ayaw bitiwan.
“Ayaw mong sumama sa aking makipag-date mamayang gabi?” Dinuro nito ang babae. “I am John Paul Cacerez. Mayaman ako! Kayang-kaya kong bilhin ang restaurant na pinapasukan mo. Ngayon pa nga lang kaya na kitang sesantehin.”
Mangiyak-ngiyak na lang ang babae at di alam ang gagawin. Ngising-ngisi naman ang walang modong lalaki. The worthless scum! Buhay pa pala ang hinayupak na maniac at sa Stallion Island naman nante-terrorize. Ang masama pa ay mukhang nakainom ito at wala sa tamang huwisyo.
Di na siya nakatiis. Kailangan niyang sagipin ang babaeng iyon dahil tiyak na mapapahamak lang ito sa maniac na si John Paul.
Pinigilan niya ang kamay ni John Paul na nakahawak sa babae at tinabig. “Huwag mong pilitin ang ayaw sa iyo.”
Matalim ang mata nitong bumaling sa kanya. “At sino kang pakialamera ka?” Di na nga siya nito makilala sa kalasingan nito.
“I am Filipina Cornejo. I am a paralegal. Pwede kang makulong sa ginagawa mong pangha-harass sa kanya.”
Isang mali lang nito, babalian niya ito ng buto. Gigil na gigil talaga siya sa mga lalaking kung akala mo ay makakalusot sa kalokohan nito.
“Hindi mo ako pwedeng ikulong.” Ikinumpas ni John Paul ang isang kamay. “I can even buy this whole damn island if I want to! Lalo naman kayo. Magkano lang ba kayo? Barya lang kayo sa paningin ko.”
“Then huwag mo nang guluhin ang mga barya.” Hinawakan niya ang kamay ng babae. “Ipapadampot natin iyan sa security para maipatapon sa labas ng isla. Ilang beses ka nang binastos ng lalaking iyan?”
“Mula po kahapon. Walang ipinagkaiba kung lasing siya o hindi. Bastos po talaga siya. Niyaya ba naman ako agad sa hotel kahapon. Magkano daw ako. Hindi naman po ako masamang babae, Ma’am.”
“Kayong dalawa! Huwag ninyo akong talikuran!” sigaw ni John Paul. “Ang mga bastos dapat turuan ng leksiyon!”
Nang lumingon siya ay isang bote ng alak ang iwinawasiwas ni John Paul patungo sa direksiyon niya. Masasapol na siya niyon at di niya alam kung paano siya makakaiwas pa.
Mariin siyang pumikit at hinintay ang pagpalo nito. Narinig na lang niya ang pagbagsak ng bote at pagtama ng isang katawan sa mesa. Nang dumilat siya ay nakangudngod na si John Paul sa mesa. Isang lalaki ang pumipigil sa nakapilipit nitong kamay. “Ahhh! Pakawalan mo ako!” protesta ni John Paul.
“Dream on! Di ko hahayaang saktan mo si Pinay. Babalatan kita ng buhay!”
Nagulat siya nang makilala ang may-ari ng boses. It was Lee. Tama ba ang pagkakaintindi niya? Ito ang nagpabagsak kay John Paul at pumilipit sa kamay nito? It was something that she didn’t expect from Lee. Na maagap siya nitong masasagip mula sa disgrasya. Bigla siyang nanlambot. Muntik nang mabasag ang bote sa mukha niya kundi dahil sa tulong ni Lee.
Naramdaman na lang niya ang pagdaloy ng luha sa mata niya. Naalala niya ang pagkakataon na hinampas ng bote ng Papa niya ang Mama niya sa ulo. It was the day her mother died. She felt so helpless. Pakiramdam niya ay siya ang nanay niya kanina na hahampasin ng bote ng tatay niya at mamamatay na lang.
“Babae lang iyan, pare!” wika ni John Paul.
Lalo lang inginudngod ni Lee si John Paul at pinilipit pa ang braso. “Hindi mo ako pare. At hindi lang babae si Pinay. Wala kang karapatan na saktan ka at bastusin ang kahit sinong babae. Di sila basta babae lang.”
Dumating ang security expert na si Ridge at inawat si Lee. “Tama na iyan! Kami na ang bahala diyan.”
“Palabasin ninyo iyan palabas nitong isla!” utos ni Lee at mukhang seryoso ito. She thought Lee was like her father. Na sasaktan din siya nito sa kahit anong paraan. Pero sa nakita niya kanina ay ipinagtanggol siya nito.
“Kami na ang bahala. Asikasuhin mo ang girlfriend mo,” payo ni Ridge.
Namutla si Lee nang makita siyang umiiyak. Dinalawang hakbang siya nito at niyakap. “Pinay, are you okay? May masakit ba sa iyo?” Hinaplos nito ang buhok niya. “Tinamaan ka ba ng bote kanina? Nabubog ba ang paa mo?”
Nanlalaki ang mata niya habang nakatitig sa nakalahad niyang palad. “Lee, maraming dugo. May dugo sa kamay ko.”
Hinawakan ni Lee ang kamay niya. “Wala namang dugo.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “Pinay, anong nangyayari sa iyo?”
“Lee, iuwi mo na siya,” wika ni Alexandros, isa sa village lords na siyang head ng Stallion Island para sa araw na iyon. “Pasusunurin ko si Doc Nataniella sa inyo.”