“Ma’am Tin, ang galing-galing ninyo. Grabe! Total performer,” bungad ni Aya sa kanya nang mag-breaktime niya.
Ninenerbiyos siya noong una pero nang magsimula na siyang kumanta, parang sarili na niya ang stage. Nakalimutan na niya ang kaba niya. Just like the old days. First love niya ang pagkanta pero mas gusto ng tatay niya na magkaroon siya ng trabaho na may normal na sweldo kaya niya iniwan ang dating grupo. And it felt so good to be back even for just a while.
“Kumusta naman ang music lounge?” pormal niyang tanong. Katatapos lang ng first set ng kaya pagkakataon na niya iyon para gawin pa ang isang trabaho. Ang pagiging manager ng music lounge.
“Okay na okay, Ma’am,” report ni Aya. “Nakita ba ninyo na nag-enjoy ang lahat ng nasa audience? Saka puno rin tayo dahil sa inyo. Kahit iyong mga members na di naman dapat pupunta dito, biglang napasugod nang malaman na kayo ang magpe-perform. Nagsisiksikan na nga sila dito sa loob.”
“Kahit si Sir Reid natuwa. Baka daw ikaw na ang kunin na regular performer at di na daw manager kung laging ganito kapuno ang music lounge kung ikaw ang magpe-perform,” dagdag naman ni Dianne. “Ibang level na kayo, Ma’am. Hindi na kayo maabot. Sikat!”
Hinaplos niya ang buhok niya. “Talaga? Napansin din ba ninyo si Philippe?”
“Hindi, Ma’am,” sabi ni Aya.
Bumagsak ang balikat niya. “Akala ko pa mandin makakarating siya. Nag-practice pa mandin ako ng kakantahin ko para sa kanya. Ipina-rehearse ko pa mandin iyon sa banda tapos wala naman pala siya.”
“Baka dadating din iyon, Ma’am,” pagpapalakas-loob sa kanya ni Dianne. “Di ba, nangako sa inyo si Sir Reichen na dadalhin siya dito?”
“Magkakatotoo naman kaya iyon?” Nawawalan na kasi siya ng pag-asa na makikita niya si Philippe sa gabing iyon. “Baka mamaya ayaw talaga ni Philippe pumunta dito o kaya pagod na siya sa training niya.”
“May ibang araw pa naman, Ma’am,” sabi ni Dianne.
“Di nga pwede sa ibang araw. Ngayon lang may lisensiya na kumanta si Ma’am Tintin para kay Fafa Philippe, di ba?” paalala ni Aya.
Dali-daling pumasok si Jinky sa dressing room. “Ma’am, tapos na daw po ang breaktime. Ano pang ginagawa ninyo dito?”
“Aba! At parang ikaw na ang manager kung makapagtanong ka,” aniya at namaywang. “Opo. Lalabas na, Ma’am Jinky.”
“Ma’am, ayusin muna ninyo ang make up ninyo. Iyong magandang-maganda kasi nandiyan na si Fafa Philippe,” sabi nito.
Napatili silang tatlo nila Aya. “Lumabas na kayo. Magpapaganda pa ako. Asikasuhin ninyo ang mga customers natin lalo na si Fafa Philippe. Ibigay ninyo ang lahat ng gusto niya,” utos niya.
“Let’s go, Malisyosa,” yaya ni Aya. Mukhang excited din ang mga ito dahil naroon na si Philippe. Tulad niya ay wala ring hinintay ang mga ito kundi ang binata.
She was fired up when she went up on stage. Hinagilap ng mga mata niya si Philippe. Nakaupo ito sa VIP seat kasama si Reichen at si Reid. Nagulat ito nang makitang siya ang performer sa gabing iyon.
Malakas na malakas ang kaba sa dibdib niya at parang na-pressure siya. Dapat performance level ako dahil nandito na si Philippe.
She started the second set with a very lively song. I Love the Nightlife ang una niyang kinanta. Naging isang malaking party ang gig niya dahil napuno ang dance floor. Maging ang ibang mga guest na di makasingit sa dance floor ay nakatayo sa mga upuan at sumasayaw.
Nakaupo lang si Philippe subalit sa kanya nakatutok ang atensiyon nito. Kinakausap ito ng ka-date ni Reichen pero tumatango-tango lang ito dahil siya lang ang tinitingnan nito. Iyon pala ang pakiramdam ng kumakanta nang kaharap ang taong gusto niya. Nanginginig ang tuhod niya sa titig pa lang nito pero di pwedeng lumugmok na lang siya doon sa sobrang kilig.
“Our next song is for our special guest tonight,” sabi niya. “Mr. Philippe Jacobs, this is for you.” She started with a hum. Boses lang niya ang naririnig sa buong music lounge. And everyone was mesmerized even Philippe. Maya maya pa ay in-accompany na siya ng keyboard. “I tried to tell you so many times these feelings of mine. But its not easy letting you know how I love you so.”
Napahiyaw at nagpalakpakan ang mga babae na guests. It was the song We Belong by Toni Gonzaga. Tulad niya, paborito rin iyon ng ibang babaeng guest na malapit sa kanya. But with Philippe’s eyes on her, she knew that she got him. Parang sila lang ang tao sa music lounge and she was singing the song only for him.
Nang chorus na ay bigla itong tumayo. Lalapit ito sa kanya. She was thrilled. Di niya alam na magiging ganoon ito ka-forward. She got the effect that she wanted. Pero sa halip na lumapit sa stage ay lumabas ito ng music lounge.
Sa isang iglap ay nagdilim ang mundo niya. She was deeply hurt. She was giving her all in the song. Lahat na ng emosyon at nararamdaman niya ay naroon. Ang gusto lang naman niya ay ma-appreciate siya ni Philippe.
Patuloy siya sa pagkanta pero parang robot na lang siya. Kumakanta na lang siya ayon sa kakayahan niya. Nobody knew what she was feeling inside. Na gumuho na ang mundo niya dahil kay Philippe.
MATAPOS ang lahat ng naka-set na kanta niya ay nagpunta muna siya sa restroom. Hinayaan muna niya ang banda na pakantahin ang mga guest. Kung magtatagal pa siya sa stage ay di na niya kakayaning hawakan pa ang emosyon. Sasabog na siya. And she wouldn’t want to jeopardize everything just because of Philippe.
Puro papuri ang nakuha niya. Natutuwa siya sa appreciation na ipinakita ng mga guest at kaibigan niya. Subalit di niya maramdaman ang saya sa puso niya. At kasalanan na naman iyon ni Philippe. He made her feel that she was no good at all.
Paglabas niya ng powder room ay nakita niya si Philippe na nakasandal sa pader na parang may hinihintay. Tumuwid ito ng tayo nang makita siya subalit nilagpasan lang niya ito. She was so mad and she felt so rotten. Wala siyang pakialam kahit na guest pa ito. Wala siya sa mood batiin ito.
“Hi, Tintin!” bati nito sa kanya.
Natigilan siya sa paglalakad at nilingon ito. “Good evening, Sir.”
Sa wakas ay Tintin ang tawag nito sa kanya at di Miss Gonzalo. Pero lalo lang siyang nainis dito. Feeling close naman ito sa kanya at Tintin na ang tawag sa kanya.
“Bakit Sir ang tawag mo sa akin? Di ba PJ ang tawag mo sa akin?” nakangiti nitong sabi at lumapit sa kanya.
“Guest namin kayo kaya dapat na Sir ang itawag ko sa inyo.”
“Huwag na lang, Sir. PJ na lang. Naiilang kasi ako ng Sir.”
“If that is what you want, PJ. Customer is always right, after all,” walang kangiti-ngiti niyang sabi.
“You sing nicely,” papuri nito.
“Thanks,” matabang niyang pasaslamat.
“Akala ko manager ka lang nitong music lounge. Hindi ko alam na singer ka rin pala.” Nang di siya nag-react ay nagpatuloy ito sa pagsasalita. “Thanks for dedicating that to me song a while ago.”
Tumaas ang kilay niya. “Bakit ka naman nagte-thank you? Ni hindi mo nga pinakinggan ang kanta ko. Basta ka na lang lumabas, di ba?”
Nagulat ito nang makita ang galit sa mata niya. “I-Iyon ba? Kasi…”
“Kasi napapangitan ka sa boses ko? Di mo type ang performance ko? Kasi kung nagagandahan ka sa boses ko, di ka sana basta-basta aalis. Artista ka, di ba? Alam mo ba ang feeling kapag di na-appreciate ng ibang tao ang performance mo. Para sa akin, ininsulto mo ang kanta ko.”
Galing pa mandin sa puso niya ang kantang iyon. Sana di na lang siya nag-dedicate dito para di siya napahiya at nasaktan.
Lumungkot ang mga mata nito. “I didn’t mean to offend you. Di ko alam na iyon pala ang magiging epekto ng paglabas ko…”
“Well, you did!” putol niya sa paliwanag nito. “You made me feel like I am the worst singer in the world. Mas mabuti nga kung ngayon pa lang sabihin mo na sa akin na ayaw mo sa pagkakakanta ko. Alam ko naman na di ako kasing galing ng mga performer na nakakasama mo so just tell it to my face, will you? Hindi ko kailangan ng mga pakunwari mong papuri.”
“Will you listen to me first?” mas mariin nitong tanong. “Wala akong masamang ibig sabihin sa paglabas ko kanina…”
Itinaas niya ang kamay para patigilin ito sa pagsasalita. “Salamat na lang sa paliwanag mo at sa pagso-sorry mo. But I don’t really need it.” Nasaktan na siya nito. That was enough. Di naman maaalis ng paliwanag nito ang sakit na nararamdaman niya. “Excuse me. Babalik na ako sa trabaho ko. Just pretend that it didn’t happen.” Pilit siyang ngumiti. “Pero sana bumalik pa rin kayo, Sir. Bukas mas maggagaling ang performer namin. Just bear with us tonight. HIndi naman na ulit ako magpe-perform pa sa stage. This is my last.”
What he did was unforgivable. Ayaw niya sa mga taong iniinsulto ang pagkanta niya. She gave her heart to the song. Tapos ay babalewalain lang nito. Kung ayaw nito sa kanya, mas lalong ayaw niya dito. Kahit na ito pa ang pinaka-guwapong lalaki sa mundo.
NAKASIMANGOT si Celestine habang naghahanda sila sa pagbubukas ng music lounge. Nagbibigay siya ng instruction sa barista nila. “Bruce, linisin mong mabuti ang counter. Ayokong makakita ng kahit katiting na alikabok. Kapag nakita ni Sir Reid na madumi iyan, pare-pareho tayong mapuputukan.”
Paglabas niya sa bar ay naabutan niyang nagkukwentuhan ang mga babaeng staff habang naglilinis. “Ang bait talaga ni Fafa Philippe,” kinikilig na sabi ni Ericka. “Pumayag siyang magpa-picture kami.”
“Ang bango-bango nga niya,” sabi ni Lorna.
“Baka naman may humalik sa inyo kay Fafa Philippe, ha?” sabi ni Aya.
“Nate-tempt nga ako,” sabi ni Dianne. “Pero siyempre, para kay Ma’am Tintin lang ang karangalang halikan siya.”
“Mamaya na ninyo pag-usapan ang lalaking iyan kung pwede. Marami pa tayong trabaho. Itong counter hindi pa malinis. Iyong sahig di pa nama-mop,” aniya.
Nilapitan siya ni Jinky na may hawak ng mop. “Ma’am Tintin, tama ba ang narinig ko? Tinawag ninyong ‘lalaking iyon’ si Fafa Philippe? Nagunaw na ba ang mundo? I can’t believe it!”
“Oo. Lalaking iyon na lang ang Philippe na iyon,” paglilinaw niya.
“Naku! Ang sungit ninyo ngayon, Ma’am Tintin,” sabi ni Lorna. “May sapi ba kayo ni Sir Reid at pati si Fafa Philippe nadadamay sa kasungitan ninyo? Dapat nga masaya kayo dahil dinalaw niya kayo.”
“Anong masaya? Sana nga di na lang niya ako dinalaw. Sana di na lang siya pumunta dito kung sisirain lang niya ang araw ko,” may kalakasan niyang sabi.
“May LQ kayo, Ma’am?” tanong ni Amber.
“Anong LQ?” naniningkit ang mata niyang tanong. “Ang LQ para sa lovers lang. And we are not lovers because I don’t love him. I hate him!”
Matapos ang galit niyang sigaw ay nakatulala na lang sa kanya ang mga staff niya. Parang nakakita ito ng monster sa katauhan niya. Madalang naman kasi siyang makitang magalit ng mga ito. And that was her worst outburst.
Tinalikuran niya ang mga ito. “Ituloy lang ninyo ang trabaho ninyo,” mas mahinahon niyang sabi subalit may kapormalan pa rin.
“Ma’am, saan po kayo pupunta?” tanong ni Aya nang makasalubong siya palabas ng music lounge.
“Maglalakad-lakad lang ako sandali dahil masakit ang ulo ko,” sabi niya. “Ikaw na muna ang bahala dito.”
Sa paglakad-lakad niya ay sa wooden dock siya ng lake nakarating. Solo niya ang lugar kaya naman tahimik. Walang iistorbo sa kanya. She realized that she was losing her control. Di na iyon normal. Kailangan ay di siya mawala sa huwisyo at di siya basta-basta magagalit lang dahil lang sa rejection ni Philippe. Mas mabuti pa nga noong nasa TV ito, basta lang siya pinasasaya nito. Pero ngayong nakita niya ito sa personal, sama lang ng loob ang nakukuha niya.
Naramdaman niya na may nakatingin sa kanya. Nagulat siya nang makitang nakatayo si Philippe sa bandang likuran niya. “What are you doing here?”
“Wala. I am just looking at you. Ayoko kasing maistorbo ka.”
Namaywang siya. “Well, naistorbo mo na ako. Ano pang kailangan mo?”
Dahan-dahan itong naglakad palapit sa kanya. “Dumaan ako sa music lounge at sabi ng mga staff nandito ka daw. Kaya sinundan kita.”
“What do you want from me this time?” Di pa ba ito masaya na sumama ang loob niya dahil sa kagagawan nito? She had enough. Kahit na wala itong ginagawang masama, nasasaktan pa rin siya.
Inabot nito ang bouquet ng bulaklak sa kanya. “For you.”
Tinaasan lang niya ng kilay ang mga bulaklak. “Aanhin ko iyan? Ilalaga ko at gagawin kong tsaa? Iyan na ba ang bagong therapeutic wonder ngayon?”
“I want to apologize for what I did,” he said with sincerity in his voice. “Hindi ko gustong insultuhin ka. Believe me. Hindi ako napapangitan sa boses mo. In fact, you have one of the nicest voices I ever heard. Hindi bola iyon.”
“Iyon naman pala, eh! Nagagandahan ka sa boses ko. Bakit? Ayaw mo ba sa mga magaganda ang boses?”
“No. It is just the song.”
Nagsalubong ang kilay niya. “What is wrong with the song?”
Ibinaba nito ang mata. “It makes me feel sad.”
“Ang ganda-ganda ng kanta tapos malulungkot ka lang. Kita mo naman, pumili pa talaga ako ng kanta na ide-dedicate sa iyo.”
“It makes me feel nostalgic. Mga parte ng buhay ko na ayoko nang maalala. Isa pa, lumabas ako kasi ayokong makita ng ibang tao na malungkot ako. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon kaya kong maging artista.”
“I am sorry. Di ko naman alam na malulungkot ka pala sa kanta ko para sa iyo. Sana pala tinanong kita kung anong kanta ang gusto mo.”
“I want lively songs. It makes me happy. Ayoko kasi ng love songs.”
Gusto sana niyang tanungin dito kung ano ang naalala nito sa malulungkot na kanta. May babae bang nanakit dito. But she decided not to pry. Pribado nito iyong buhay. Di naman siya pwedeng magtanong maliban na lang kung ito mismo ang nagku-kwento sa kanya. Bilang isa sa mga empleyado ng riding club, responsibilidad niya na pangalagaan ang privacy ng mga members at guests.
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko talaga maintindihan ang mga lalaki. Ano naman ang masama kung makita ng ibang tao na malungkot ka? Nakakabawas ba iyon sa macho image ninyo? Tao lang naman kayo.”
“You can call it whatever you want,” anito at tumingin sa malayo. “But for someone who works to make other people happy, I can’t afford to let them see me in such a mood. Kasi malulungkot din sila para sa akin.”
“Do you really have to do that? Ayaw mo lang malungkot para di malungkot ang ibang tao? Di naman robot ang trabaho mo. Artista ka lang. Umarte ka sa harap ng camera pero pag-aari mo pa rin ang nararamdaman mo.”
“I don’t know if it is right or wrong. I simply do it.”
Sobra naman ang dedication nito sa craft nito. Sa isang banda, sanay na siya sa sentimyento ng mga lalaki na ayaw makita ng ibang tao na malungkot ito. Sa riding club, pumupunta ang mga tao para itago ang kalungkutan ng mga ito. It was a world where even their weakness could be perceived as strength.
Kinuha niya ang bulaklak dito. “Akin na nga.”
“Galit ka pa sa akin?”
Inamoy niya ang bulaklak. “Hindi na. Nag-sorry ka naman, eh!”
Ngumiti ito. “Now I feel better. Pwede na akong matulog nang mahimbing.”
“Matutulog ka na agad?”
“I have to. Maaga pa ang training ko bukas kay Reichen.” Nag-inat ito. “Masakit na nga ang katawan ko. I am sorry if I can’t visit the music lounge tonight. Gusto ko lang talagang ibigay sa iyo ang mga bulaklak at mag-sorry.”
“Ibig sabihin masakit rin ang katawan mo kagabi?” Mukha kasing intense na intense ang training nito. Stress was written all over him.
“Oo. Pero pumunta pa rin ako dahil nag-promise ako sa iyo na pupunta ako. Kaso nasira ko pa yata ang araw mo.”
Umiling siya. “It is not your fault.” Nakonsensiya naman siya. Pagod na nga ito sa trabaho at dinalaw pa niya. Tapos ay inaway pa niya ito. “Saka okay na tayo, di ba? Hindi na ako galit.”
Inalalayan siya nito sa braso. “Halika, ihahatid na kita sa music lounge. Nag-aalala ang mga staff mo sa iyo dahil masama daw ang pakiramdam mo.”
“I feel better now.” Kasama kasi ulit niya ito. At wala na rin ang galit niya dito. Nang makita niya ang mga bulaklak, alam niyang patatawarin din niya ito. Bahagya niya itong itinulak nang makarating sila sa pinto ng music lounge. “Sige na. Magpahinga ka na. Kailangan mong magpahinga dahil maaga pa ang training mo.”
He caressed her hair. “Goodnight!”
“Sweet dreams,” dagdag niya at saka kinikilig na pumasok ng music lounge.
Pinagkulumpunan agad siya ng mga babaeng staff nang makita siya. “Uy, may flowers si Ma’am Tintin,” tukso ni Amber. “Kay Fafa Philippe ba galing iyan?”
“Yes.” Abot-tainga na nga ngiti niya nang isubsob ang mukha sa bulaklak. “Ang sweet ni PJ, hindi ba?”
“Akala ko ba hate ninyo si Fafa Philippe,” tanong ni Ericka.
“Ay! Hindi na! Mahal ko na siya ulit.” Niyakap niya ang bulaklak. “I love you, PJ!”