“Reid Alleje, nasaan ka na? Hanggang kailan ako naghihintay dito?” nakapangalumbabang tanong ni Tamara habang nakaupo sa granite garden set. Subalit walang Reid na sumagot sa kanya.
Alas dos na ng hapon noon. Umaga pa lang ay naghihintay na siyang ipasyal ni Reid. Madaling-araw pa lang ay umalis na ito. Nagbilin ito na oras na maging maluwag ang trabaho nito ay susunduin siya nito para ipasyal.
“Ma’am, pumasok na kayo sa loob. Kanina pa po kayo dito,” wika ni Maureen.
“Oo nga. Tinubuan na ata ako ng damo dito.” Tumayo siya at nag-inat. “Maglalakad-lakad lang ako diyan sa baba, ha?”
“Di po pwede. Baka po magalit si Sir Reid kapag nalamang umalis kayo nang walang kasama. Siya lang po ang pwedeng sumama sa inyo.”
Lumabi siya. “Sobrang tagal niya. Saka diyan lang ako maglalakad sa tabi-tabi. Sawa na kasi ako dito sa garden. Kita mo, pagbalik ko wala pa rin si Reid,” aniya habang dahan-dahang naglalakad. Nang malapit na sa pababang daan ay tumakbo na siya. “Tawagan mo na lang ako kapag nandito siya, ha?”
“Ma’am!” Akmang hahabulin siya ni Maureen pero nakalayo na siya.
Tumawa siya nang malakas. It felt so good. Isang buong araw sa grand villa habang hinihintay si Reid ay nakakabaliw. She needed to see him.
Saan kaya ito nagpunta? Di man lang nito naisip na naroon siya at naghihintay dito. Baka naman ka-date nito ang girlfriend nito. Hindi na nahiya sa kanya. Siya ang legal wife. Di nito iyon dapat na kalimutan.
“Ma’am, sasakay po kayo?” tanong ng driver ng golf cart na dumaan.
“Pwede po ba?”
Tumango ang driver. “Yes, Ma’am. Ito po ang service ng mga members at mga guest dito. Ihahatid ko po kayo kahit saan ninyo gusto.”
“Talaga?” Dali-dali siyang sumakay sa golf cart. “Saan kaya ako pupunta? Sa lakeside na lang siguro.” Simula pa lang ay naakit na siya sa magandang view ng lake. And besides that place was rightfully hers.
Habang papalayo sa grand villa ay nakalimutan na niya ang paghihintay kay Reid. Nalibang siya sa pagmamasid sa riding club. It was a paradise indeed. Cultured grass was everywhere. Napakaganda ring pagmasdan ng mga kabayo na tumatakbo sa damuhan. It was picture perfect.
Di rin maikakaila ang ganda ng mamahaling villa na nadaanan niya malapit sa gubat. Napakadami pang pwedeng makita sa riding club.
“May kasama po kayo, Ma’am?” tanong sa kanya ng driver.
“Oo. Pero marami pa kasi siyang trabaho.”
“Mag-ingat na lang po kayo, Ma’am. Hindi po ina-advise sa mga babae na walang escort na maglakad-lakad dito sa riding club. Maliban na lang po kung naghahanap talaga kayo ng ka-date.”
“Hindi ko po kailangan ng ka-date.” Subalit nagtataka siya kung bakit di siya pwedeng maglakad ng walang kasama. May rapist ba doon?
Maya maya pa ay humimpil na ang sasakyan sa harap ng lake. “Dito na po kayo sa boardwalk, Ma’am. Iyan po ang nagkokonekta sa dock at Lakeside Café. Enjoy your visit at the Stallion Riding Club.”
Matapos magpasalamat ay bumaba na siya. Saglit niyang pinagmasdan ang ilang mamahaling yate na nakadaong sa dock. Saka siya naglakad-lakad sa boardwalk para hanapin ang lake cabin na pag-aari ng mommy niya. Nakalagay sa kontrata nila ni Reid na kailangan nitong ipreserba ang lugar na iyon. Lagi na lang ay ang abogado niya ang tumitingin sa kalagayan ng property.
Luminga-linga siya. Iba na kasi ang istraktura ng lugar kumpara nang huli siyang pumunta doon. Dati ay ang lake cabin lang ang makikita niyang bahay sa tabi ng lawa. Ngayon ay may mga villa na at kung anu-anong establishment sa lugar. Si Reid lamang ang nakakaalam kung nasaan iyon.
Habang di pa niya alam kung saan pupunta ay nag-ring ang cellphone niya. “Hello, Ma’am Tamara. Tumawag po si Sir Reid. Papunta na daw po siya dito para sunduin kayo. Bumalik na po kayo.”
“Sige. Papunta na ako diyan,” wika niya at bumaba ng boardwalk para maghintay ng dadaang golf cart. Ayaw niyang abutin ng galit ni Reid.
“Are you okay, Miss?” tanong ng isang lalaki na moreno ang balat. He was handsome in a very Filipino way. Nakilala niya ito bilang isa sa mga Stallion boys na nasa commercial. He was Rolf Guzman, a former car racer.
“I am okay. Pagaling na ang sugat ko,” nakangiti niyang wika.
“Do you need company?”
Umiling siya. “No, thanks.”
“I can treat you for a cup of coffee if you want. Or even dinner,” anang isa pang lalaki na lumapit sa kanya. He was as tall as the first one. But this one had a very exotic Spanish feature. Kahawig nito ang mga mata ni Reid. Ang kaibahan lang ay laging nakangiti ang mga mata nito. He was Reichen Alleje, Reid’s brother. Isa itong sikat na horse rider.
“Teka, mukhang kinakaribal mo ako,” anang si Rolf at pinigilan sa dibdib si Reichen. “Nakita mo namang ako ang unang lumapit sa kanya.”
“I am just saving the lady from you. Mukha namang hindi siya interesado sa iyo. Kukulitin mo lang,” wika ni Reichen.
Pumagitna siya sa dalawa. “Excuse me. But I have to go.”
“Wala ka bang gusto sa aming dalawa, Miss?” tanong ni Rolf.
Umiling siya. “A-Ano… next time na lang. I am on a hurry.” Oras na malaman ni Reid na wala siya sa villa, aabutin na naman siya ng galit nito.
Humalukipkip si Reichen. “Wait. You can’t leave without your choice. Mamili ka muna kung sino sa aming dalawa ang ide-date mo.”
“O kaya daanin na lang natin sa horse sports para makapag-decide siya,” hamon naman ni Rolf kay Reichen.
“Ako ba ang hinahamon mo?” maangas na tanong ni Reichen.
Mag-aaway pa yata ang dalawa para sa kanya. Masyado naman siyang maganda para pag-awayan ng dalawang guwapo. “Guys, I am afraid I already have a date with Reid Alleje,”
Parehong natigilan ang dalawa at sabay na nagtawanan. “In your dreams, Miss. Hindi makikipag-date sa iyo si Kuya Reid,” wika ni Rolf.
“Ako na lang ang piliin mo para di masayang ang pagpunta mo sa riding club. Tutal di nalalayo ang kaguwapuhan niya sa aming dalawa,” anang si Reichen at akmang aakbayan siya.
“Touch her or you are dead!”
Namutla silang tatlo nang makita kung sino ang sumigaw. It was Reid Alleje himself and he definitely looked deadly. He came towards them with angry strides at hinatak siya palayo sa dalawa.
“Kuya Reid!” tanging nasabi na lang ni Reichen habang nakangiti. Habang si Rolf ay tuluyan nang di nakapagsalita sa takot.
“Anong ginagawa ninyo kay Tamara?” tanong ni Reid.
“Kasama mo pala siya, Kuya,” anang si Rolf. “Is she our client?”
“No. She’s my personal guest at sa grand villa siya tumutuloy,” sagot ni Reid.
“What?” sabay na bulalas ng dalawa. “Bakit doon mo siya…”
Itinaas ni Reid ang kamay at natigilan sa pagsasalita ang dalawa. “No more questions for you two.” Reid tugged her arm. “Let’s go, Tamara.”
MALAKAS ang kaba sa dibdib ni Tamara habang nakasakay sa kotse ni Reid. Sa halip na ipasyal sa mga atraksiyon ng riding club ay ibinalik nito ang sasakyan sa villa. Pagdating ng grand villa ay nagkulong sila sa library.
Madilim na madilim ang anyo nito habang nakatitig sa kanya. “Sinong may sabi sa iyo na pwede kang umalis sa villa nang walang permiso ko?”
“Sorry. Nainip ako. Pero babalik ako agad.”
“I told you that I would tour you around. Bakit di ka makapaghintay?”
Napapikit siya nang tumaas ang boses nito. “Kasi kahapon mo pa ako pinaghihintay. Di ka nagpakita sa dinner. Tapos buong umaga rin kanina akong nakatunganga. Nasasayang lang ang oras ko.”
“So you took the liberty of showing your self around?”
“Hindi ako nagtagal. Pabalik na ako nang makita mo.”
“Look what you’ve done. It is not advisable for unescorted women to roam around the place,” he emphasized.
“Hindi ko naman alam,” aniya at iniwas ang tingin dito.
“Nakita mo. Muntik nang maglaban ang dalawa dahil sa iyo.”
“Hindi naman ako makikipag-date sa kanila.”
“Kung di ako dumating, hindi sila titigil hangga’t di ka namimili sa kanilang dalawa. It is not easy to resist them,” he said in a teasing tone.
Naningkit ang mga mata niya. “What do you mean?”
“They are good looking guys. Maraming babae ang nagpapakamatay na maka-date sila. Naisip ko lang na baka may mapili ka.”
“Reid, kahit kailan wala akong hilig na makipag-date. Mas gusto ko pang makasama ang isang komodo dragon kaysa ang isang lalaki. And besides, I am a married woman. Kasal ako sa iyo.”
Umangat ang gilid ng labi nito. “I am glad you remember that.”
Huminga siya nang malalim. This man was starting to get into her nerves. Kung umasta ito ay basta-basta siyang maaakit sa kahit sinong lalaki. Kung ganoon nga siya, sana noon pa siya nakipag-date sa ibang lalaki.
“Huwag mo akong itulad sa iyo, Mr. Alleje. Hindi ako nangangakong pakasalan ang isang babae kahit na di pa annulled ang kasal.”
Kumunot ang noo nito. “Ako? Kanino naman ako magpapakasal?”
“April Princess Uy. Huwag mong sabihin na di mo siya kilala.”
“Of course I know her. Pero di ko siya girlfriend. Bakit ko naman siya pakakasalan?” katwiran nito.
Ngumisi siya dahil naiinis na siya sa mga palusot nito. “Ibig sabihin sinungaling pala siya. It was all over the papers. Sinabi niya sa press na magpapakasal na kayo. Matagal na daw ninyong plano iyon pero naghintay ka pa daw ng tamang panahon. Kaya siguro nagmukha akong tanga kahihintay sa iyo dahil siya ang kasama mo kagabi at kanina. Namasyal muna siguro kayo.”
Itinaas nito ang mga kamay at ibinagsak din sa sobrang frustration sa kanya. “Enough of your accusations! Last month pa nga nang huli ko siyang makita. Trabaho ang inasikaso ko kanina. At di rin kami magpapakasal. Kahit kailan hindi ko siya naging girlfriend. Wala rin akong naging girlfriend habang kasal tayo.”
Inirapan niya ito. “You don’t have to deny it.”
“Mas naniniwala ka pa sa nasa diyaryo kaysa sa akin?”
Tumayo siya at namaywang. “I don’t really care about those news on paper. Wala akong pakialam kahit na ilang babae pa ang pangakuan mo ng kasal. Bago mo gawin iyon, ipa-annul muna natin ang kasal natin.”
Naiinis na siya sa kabi-kabilang tsismis tungkol dito. Siya ngang asawa nito ay walang claim dito pero hinahayaan naman nito ang kung sinu-sinong babae na angkinin ito. Kung gusto ng mga ito na maging Mrs. Alleje, sa mga ito na lang si Reid. Ayaw na niyang magtago bilang asawa nito.
“So you are really eager to get an annulment, huh? Bakit? May lalaki na bang nag-propose na pakasalan ka?”
“Don’t hurl it back to me. Ikaw itong maraming issue. Mas madaling maayos ang annulment natin, mas maganda.”
Ito naman ang humalukipkip. “An annulment isn’t that easy to get.”
“Bakit? Di naman consummated ang kasal natin.”
“Di mo rin naman masasabi na inabandona kita dahil sa sustento ko.”
“Na di ko naman ginalaw. Kung inaalala mo ang lupa sa lakeside, pwede mong bilhin. Bahala ka kung paano mo babayaran. Di naman ako nagmamadali. Basta sa akin na ang lake cabin ni Mommy. I won’t ask anything for you.”
“This is not about the money, Tamara. Noon siguro papayag ako na makipaghiwalay sa iyo pero hind na ngayon.”
“Bakit? Ano ba ang kaibahan noon at ngayon?”
Mataman siya nitong pinagmasdan. “Malaki ang kasalanan mo sa akin.”
Iniwas niya ang tingin. “Wala akong natatandaan.”
“Nagprotesta ka kasama ang mga feminist sa harap ng riding club. That is a big blow on my part. You, my own wife, launched a protest against me. Nakita ko sa camera ang placard na hawak mo. Reid Alleje, King of ladykillers.”
Lalo siyang di makatingin dito. “Wala akong alam doon.”
“You betrayed me!”
“Inosente nga ako doon.”
“After making a total fool out of me, you also created chaos at my riding club by disobeying me. Wala ka nang dinala kundi gulo!”
Napakasaklap ng kapalaran niya. Nananahimik siya sa mundo pero sa kanya isinisisi ang kasalanan ng sangkatauhan. Para kay Reid Alleje, siya na agad ang may kasalanan. Kahit anong paliwanag niya ay di rin ito makikinig. Isa lang ang malinaw dito. Panggulo lang siya sa buhay nito.
“Oo na. Kasalanan ko na. So why don’t you just cooperate? Magpa-annul na tayo para wala ka nang iniisip na responsibilidad.”
Hinaklit nito ang braso niya. “I won’t let you go. Kailangang mabawi ko ang pangalan ng mga Alleje na dinungisan mo.”
Nanlaki ang mata niya. “Sobra ka! Parang napakalaki ng kasalanan ko.”
“Hindi pa ba mabigat ang ginawa mo? Kahit di alam ng iba na asawa kita, pakiramdam ko harapan mo akong pinagtaksilan.” Inilapit nito ang mukha sa kanya. “So if you want your freedom, you have to work hard for it.”
Niyakap niya ang sarili. “Anong gagawin mo sa akin?”
Sabi na nga ba niya’t may pagnanasa ito sa kanya. Kung katawan lang naman niya ang hahabulin nito, kahit di na sila magpa-annul pa.
“I am not interested with your body,” anitong nabasa ang iniisip niya.
“Wala akong sinasabi,” kaila niya at inirapan ito. Walang masamang mangarap.
“Magtatrabaho ka bilang resident veterinarian nitong riding club.”
“P-Paano ang trabaho ko?”
“Mag-resign ka. Suswelduhan naman kita. Bumalik ka na lang doon kapag annul na ang kasal natin at tapos na ang trabaho mo dito.”
The nerve of this man. Napakadali para dito na sabihing iwan niya ang trabaho niya. Parang hari talaga ito. “Pwede bang iba na lang?”
Umiling ito. “Take it or leave it. You want your freedom, right?”
She started to feel pressure kicking in. This man really unnerved her. Di na ito guwapo sa paningin niya. Gusto pa talaga siya nitong pahirapan dahil lang nasaktan ang pride nito. “Fine. I will work for you. Di ako makakatagal ng isang minuto na isipin na kasal ako sa iyo!”
“Good. I will set you free once I am satisfied with your performance. So when will you start working for me?”