“Oh! You really look pretty, darling. Kamukhang-kamukha kita noong kabataan ko,” sabi ni Evita nang sunduin siya sa kuwarto niya.
“Ma, kailangan ko po bang mag-dress? Di naman party ang pupuntahan ko. I will just watch a play,” reklamo niya. She was wearing a fuchsia pink sheared dress. Parang overdressed na siya para sa okasyon.
“Silly. Date ninyo ni Johann. You should look beautiful.” Kinuha nito ang brush at sinuklayan ang buhok niya. “I really like that young man Johann. He is intelligent and nice. He has a character. So don’t do anything stupid to jeopardize your date, Fridah Mae. Huwag mo kaming ipapahiya sa kanya.”
“Yes, Mama,” sang-ayon na lang niya. Di naman masama kung isipin ng mga ito na magde-date nga sila ni Johann. Mukhang namang natutuwa ang mga ito. Huwag lang sanang malaman ni Johann at baka tumakbo ito pauwi.
Pagbaba niya sa sala ay naroon na si Johann at kausap ang Papa niya. Kinamayan ni Sergio si Johann. “Ikaw na ang bahala sa anak ko, CJ. May tiwala naman kami sa iyo.”
“Thank you, Tito. We are leaving, Tita,” paalam ni Johann.
“Have fun!” anang si Evita at ihinatid sila ng tanaw habang papalayo ang kotse ni Johann.
“Thank you, ha?” basag niya sa nakakatulig na katahimikan sa loob ng sasakyan nito. Kung di kasi siya magsasalita ay tiyak na pareho silang mapapanisan ng laway. “Mabuti na lang wala kang ka-date. Para hindi ka malungkot, isipin mo na lang nagde-date tayo.”
“Anong sabi mo?” tanong nito sa mataas na tono.
Napangiwi siya. Bad words. Sabi na nga ba niya’t magagalit ito. “Ito naman! Violent reaction agad. Di ka na mabiro.”
“Alam ng buong Zamboanga na hindi kita ide-date. Tandaan mo nagmamagandang-loob lang ako sa iyo.”
Humalukipkip siya. “Oo na. Huwag mo nang ipagdiinan.”
Kulang na lang ay sabihin nito na di bagay ang kagandahan ng isang diyosang tulad niya sa kasungitan nito. She deserved someone better. Humalakhak siya.
“Baliw ka ba?” nakakunot ang noo nitong tanong. “Tumatawa kang mag-isa.”
“Gusto ko lang tumawa. Masama ba?” asik niya. Sa kasungitan nito, bagay nga itong prinsipe ng mga lamanglupa.
“Maging normal ka nga habang kasama mo ako. Bagay pa mandin sa iyo ang fuchsia. Sayang naman ang suot mo kung hindi mo aayusin ang sarili mo.”
“Talaga? Maganda ako kapag nakasuot ng fuchsia? Sabi na nga ba at gandang-ganda ka sa akin,” aniya at hinaplos ang sariling buhok.
“Wala akong sinasabing maganda ka. Iyong fuchsia ang maganda.”
Lumabi siya. “Ganoon na rin iyon. Di mo lang maaming maganda ako.” Bakit ba napakahirap para dito na purihin ang kagandahan niya?
Pagdating nila sa auditorium ay ilang minuto na lang bago magsimula ang play. Malamig ang aircon at parang hinihila siyang matulog.
“Sabihin mo lang sa akin kapag inaantok ka na.”
“Bakit? Hahayaan mo akong matulog sa balikat mo?”
Hay! Napaka-romantic manood ng play kapag ganoon. Isa iyon sa mga dream niya. Ang makatulog sa balikat ng isang guwapong lalaki. Pwede na niyang pagtiisan si Johann. Guwapo rin naman ito.
“Lalagyan ko ng toothpick ang mga mata mo para di ka makatulog.”
“Killjoy naman nito.” Nasira tuloy ang pantasya niya.
“Hindi na sana kita isinama kung matutulog ka lang.”
Pinilit niyang mag-concentrate sa play kaysa naman malagyan ng toothpick sa mga mata. Surprisingly, she enjoyed the play. Tungkol iyon kay Professor Tuko at sa apat nitong makukulit na estudyante. Nakaka-relate siya sa mga eksena sa classroom at sa mga nakakatawang punch lines.
Umugong ang tawanan sa buong auditorium. Mukhang nakaka-relate din ang audience dahil lahat naman ay dumaan sa pagiging estudyante.
“Ang galing! Nakakatawa, di ba?” aniya at hinampas sa braso si Johann. Nang lumingon siya ay mataman lang itong nakatitig sa stage. Ni hindi man lang ito nangingiti. “H-Hindi ka ba natatawa?”
Habang lahat ay sumasakit na ang tiyan sa katatawa, seryosong-seryoso pa rin ito habang nanonood. Napapangitan ba ito sa palabas?
“Natatawa naman ako, ah!” anito at hinaplos ang sariling baba.
“Natatawa ka na niyan? Gumugulong na nga ako sa katatawa dito, eh! Tapos ikaw walang kangiti-ngiti diyan. Paano ka ba tumawa?” Ni isang pekeng ‘hahaha’ ay wala siyang narinig mula dito.
“Natatawa na ako niyan. Nanonood pa ako, di ba? Kung di ako natutuwa sa palabas, kanina pa ako umalis. Wala akong tiyaga na manood sa mga boring na palabas.”
Napanganga siya. Saka niya naisip na kahit minsan ay di pa niya ito nakikita o naririnig na tumawa. “Normal ka ba, Johann? Baka naman may nawawalang gland sa katawan mo at di ka makatawa.”
“Shut up! Mag-concentrate ka sa play. Seryoso na sila.”
“May kiliti ka ba?” tanong niya at pinaglakad ang daliri sa braso nito.
Pinigilan nito ang kamay niya. “Fridah Mae, don’t!”
“Sige na! Nasaan na ang kiliti mo? Patatawanin lang kita.”
“Huwag ka sabing magulo. Fridah…”
Tinusok niya ng daliri ang tagiliran ng baywang nito ay umalingawngaw sa buong auditorium ang malakas nitong halakhak.
Nagtinginan ang lahat sa kanila sa tahimik na auditorium. Dinig na dinig ang halakhak nito dahil wala na itong kasabay na tumawa. Seryoso na ang eksena sa play at may iba pang naiiyak. Kitang-kita ang pagkakalantarian nilang dalawa.
Pilit siyang ngumiti. “S-Sorry po. Slow kasi itong kasama ko. Ngayon lang niya naintindihan ang mga late nang scene,” palusot niya at kunyari ay nagko-concentrate sa play.
Nakatakip naman ang palad ni Johann sa mukha nito. “This is embarrassing.”
Humagikgik siya. “Guwapo ka pala kapag tumatawa,” bulong niya. “Gosh, Johann! Kung lagi ka lang ngingiti, tiyak na hahabulin ka ng mga girls. Basta ako ang presidente ng fan’s club mo, ha?”
“Huwag mo na akong kakausapin!” walang kangiti-ngiti nitong sabi.
She liked him. Napakalayo nito sa laging nakangiting rockstar na si Jed. Di ito ang type niya. Pero may kakaibang karisma si Johann na nagsisimulang umakit sa kanya. Nakalimutan na niya ang pangakong di na mai-in love pang muli.
“ANG swerte mo naman, Fridah Mae. Si CJ Cristobal pa ang ka-date mo noong play. Paano nangyari iyon? Di ba masungit siya?” tanong ng kaklase niyang si Ara habang nasa library sila at nagre-research ng project nila.
“Well, si Johann mismo ang nagyaya sa akin na um-attend ng play. Siya rin mismo ang nagpaalam sa parents ko.”
Impit itong tumili dahil nasa library nga sila. “Wow! Hanga na ako sa ganda mo, dear. Isipin mo, siya pa mismo ang lumapit sa iyo. At saka balita ko galit na galit iyan kapag tinatawag ng Johann.”
Legendary sa buong school ang kasungitan ni Johann. Madalas itong Dean’s lister kaya kilala ito. Kilala din kasi ang pamilya Cristobal sa Zamboanga. Sikat na veterinarian ang ama nito at doktor naman ang ina. Maging ang mga kapatid nito ay nasa linya din ng Medisina at alumni ng naturang unibersidad.
“Wala siyang magagawa kung gusto ko siyang tawagin nang Johann. O Cedric Johannson Resuena Cristobal. Kilitiin ko pa siya kung gusto niya.”
Humagikgik si Ara. “Ang sweet nga ninyo nung play. Inggit na inggit ako sa iyo. Nanliligaw ba siya sa iyo?”
“Ha? Ewan ko,” aniya at nagkibit-balikat. “Naiinis nga ako dahil di naman siya nagsasabi sa akin kung type nga niya ako.”
“Malay mo nagpapalipad-hangin na. Di ka naman niya isasama sa play kung walang dahilan, di ba?”
Nangalumbaba siya na parang nangangarap. “Sa palagay ko nga may gusto sa akin iyon.” Di naman siya pinapansin ni Johann dati. Biglang-bigla na lang ay nakasunod na ito sa mga galaw niya.
Huminga siya nang malalim. Dahil kay Johann, hindi na niya matandaan kung anong trauma ang pinagdaanan niya kay Jed. Nagkaroon siya ng bagong pagtingin sa buhay. She felt that someone genuinely cared for her. Kahit pa nga hindi matatawaran ang kasungitan at kasupladuhan nito.
Walang masama kung si Johann ang magiging boyfriend niya. Gusto ito ng pamilya niya. He was perfect. Ang kasungitan nito, kaya na niyang sakyan.
Natigil ang pangangarap niya nang gising nang kabalitin siya ni Ara. “Fridah Mae, si CJ!” anito at itinuro si Johann.
Nang lumingon siya ay papasok ng library si Johann. Nakasunod siya sa bawat detalye ng kilos nito. Ang paghawi nito sa buhok na natural nang maayos, Ang paraan ng pagdadala nito ng aklat sa isang kamay at ang pagmumulsa nito ng isa. It was so weird. Napaka-keen niya sa detalye ng bawat galaw nito. As if she was watching him for the first time in his life.
Guwapo na si Johann pero mas gumuwapo pa ito sa paningin niya. Unti-unting lumakas ang tibok ng puso niya. At kahit na malakas ang aircon ay pinagpapawisan siyang di niya maintindihan. Di siya magkandatuto sa dapat gawin at isinubsob na lang ang mukha sa binabasang libro. Naroon lang ang paningin niya kahit na nararamdaman pa rin niya ito kahit di niya nakikita.
Siniko siya ni Ara. “Hoy! Di mo ba papansinin si Johann?”
“Shhh! Nagbabasa ako!” saway niya kay Ara. Pasimple niyang sinapo ang kinalalagyan ng puso niya. Ang lakas-lakas ng tibok.
Pilit nitong hinawi ang librong nakatabing sa mukha niya. “CJ! CJ Cristobal! Nandito si Fridah Mae, o!” anang si Ara at itinuro pa siya.
Lumingon si Johann sa direksiyon niya at nagsalubong sila ng matalim nitong mga mata. Bakit ba ang guwapo ni Mr. Sungit sa kanya? She wanted to take her eyes off him but she simply couldn’t pull away.
Naglakad ito palapit sa kanya nang may isang babaeng humarang dito. “Hi, CJ! Pwede ba tayong mag-date?”
“May klase pa ako,” anang si Johann sa malamig na boses.
“Ay!” nanghihinayang na sabi ng babae. “Eh, di mamaya.”
Malamig ang matang tiningnan nito ang babae. Tipong kahit sino ay nagyeyelo kapag tiningnan. “Sabi ko mag-aaral pa ako. Excuse me.”
Nilagpasan ni Johann ang babae at may isa pang babaeng lumapit. “CJ! Nabasa mo na ba ang love letter na bigay ko?”
“Hindi ko binasa. Unahan pa lang na-bore na ako,” sabi ni Johann.
“Hindi mo nabasa nang sabihin kong “I love you”?” malungkot na tanong ng babae. “Hirap na hirap pa mandin ako na gawin iyong sulat na iyon para lang maibigay ko sa iyo.”
“Bakit hindi ka na lang mag-aral?” tanong ni Johann.
Napanganga ang babae. “Ha?”
“Mag-aral ka nang maging fruitful ang pag-I-stay mo dito sa university. Babasahin ko ang love letter mo kapag kasama na iyan sa curriculum.”
Nakagat niya ang labi at ibinalik na lang ang atensiyon sa pagbabasa ng libro.. Sanay na siya sa kasupladuhan nito. Pero nakakapanlamig ngayong nakita niya kung paano ito makipag-usap sa ibang babae. Naalala niya ang sinabi ni Ara na baka may gusto ito sa kanya. Ito yata ang tipo ng lalaki na di magkakagusto basta-basta sa babae. Baka sabihan pa siya nitong ambisyosa kapag tinanong niya kung may gusto ito sa kanya.
“Fridah Mae!” tawag ni Johann sa kanya.
Nanginginig siya nang iangat ang tingin dito. “B-Bakit?”
Napapitlag siya nang ibaba nito sa harap niya ang isang libro. “Basahin mo.”
“World literature? Next semester pa namin pag-aaralan iyan.”
Inilapit pa nito ang libro sa kanya. “Magbasa ka nang di ka gumaya sa ibang babae na walang inisip kundi maghanap ng boyfriend,” sabi nito at umalis na.
Iyon lang? Di siya nito sasabihang ambisyosa o ilusyunada?
“Wow! Super sweet naman niya,” hangang-hangang sabi ni Ara. “Talagang iniisip pa niya ang future ninyo. Samantalang iyong dalawang babae pinagalitan niya. He really likes you, Fridah Mae.”
Abot-tainga ang ngiti niya nang isama sa salansan ng libro niya ang librong ipinahiram ni Johann. “Bagay ba ang mala-anghel na tulad ko sa isang nuknukan nang sungit na tulad niya?”
“Bagay kayo. Sana ako rin may boyfriend na ganyan.”
ISA-ISANG binubuklat ni Fridah Mae ang mga pahina ng librong binabasa niya habang nasa botanical garden. “I love him. I love him not.”
Hindi niya matiyak sa sarili kung mahal nga ba niya si Johann o hindi. It was entirely different from what she felt for Jed. Isang celebrity si Jed. Kahit sino ay kaya itong mahalin. Pero iba si Johann. Sa halip na ma-turn off sa kasungitan nito ay lalo pa siyang na-attract dito. Di na niya ito maalis sa isip niya. It must be love.
Nilingon niya si Johann na nasa kabilang bench ng botanical garden at tahimik na nagbabasa. She was sure that she was in love with him. At di siya matatahimik hangga’t di niya nasasabi dito ang nararamdaman.
“Johann!” tawag niya dito at tumayo sa gilid nito.
“Bakit? May problema ba?” tanong nito at inangat ang tingin sa binabasa.
“Ah…Pwede bang manligaw?”
Kumunot ang noo nito. “Ano bang kalokohan iyah, Fridah Mae?”
Hinawakan niya ang balikat nito. “Johann, I think I am in love with you.”
“Paano mo naman nasabing in love ka sa akin?”
Umupo siya sa tabi nito. “Basta malakas ang kaba ng dibdib ko kapag nakikita kita. Saka di ka rin maalis sa isip ko.”
Isinara nito ang binabasang libro. “That is not love. I can assure you. It must be that time of the month.”
“What time of the month?” tanong niya.
“Fertile period mo siguro. Ganyan daw ka-intense ang emotion ng mga babae sa ganyang panahon. Parang mating season sa mga hayop.”
Napatigagal siya dito. Kung ipaliwanag nito ang nararamdaman niya ay parang isang biology lesson lang. Walang damdamin. “Huwag mo namang pababain ang nararamdaman ko. Sa palagay mo ba basta-basta na lang ako nagkakagusto sa isang lalaki. Iyong huli kong nagustuhan si Jason Erwin Dean. Aba! Sikat iyon! Dapat ipagparangalan mo na ikaw ang gusto ko ngayon.”
Ibinaba na nga niya ang pride niya at nanliligaw dito. Tapos animal nature lang ang paliwanag nito sa nararamdaman niya? Insulto naman iyon! Di pa naman niya ito pinagnanasaan ng todo. Inosenteng pag-ibig ang nararamdaman niya.
He patted her head. “Sabihin mo ulit sa akin iyan kapag lumipas na ang ilang taon. Iyong mas matured ka nang mag-isip. Dahil kung ngayon, di ako maniniwala na in love ka nga sa akin.”
“Patutunayan ko sa iyo na mai-in love pa rin ako sa iyo mula ngayon hanggang sa maging matured ako. Kahit pa siguro tumanda ako.”
Hindi na niya kailangang hintayin na mag-mature siya. Kilala niya ang sarili at kilala niya ang nararamdaman niya. At dadating ang panahon na di na siya matatanggihan pa ni Johann. She’d make sure of that.