Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 21

CHAPTER 11

PARANG zombie na si Jemaikha nang lumabas ng kuwarto. Nanlalalim na ang mga mata niya at lutang ang pakiramdam. Isang buwan nang wala siyang matinong tulog muna nang isugod ang ama sa ospital at ma-confine doon.

Isang lalaki na nakasuot ng puting long sleeve polo at black pants ang lumapit sa kanya. Nakilala niya ito bilang driver ng pamilya ni Hiro na nagbitbit ng prutas at pagkain nang dumalaw ang mga magulang ni Hiro sa ama niya sa ospital. "Ma'am, ipinapasundo po sila ni Ma'am Estella Hinata."

Nakilala niya ang pangalan ng ina ng nobyo. Tumango siya at sumunod sa lalaki. Isang itim na Cadillac ang naghihintay sa kanya. Ipinagbukas siya ng pinto ng sasakyan at nakaupo na ang ina ni Hiro sa leather seat. Tinapik nito ang bakanteng upuan. “Get inside, Jemaikha.”

"Good afternoon po, Ma'am,” bati niya sa babae at umupo sa tabi nito.

"Nagsabi ako kay Hiro na magdi-dinner tayo. Di natuloy ang outing natin dati. I hope that is fine."

"I-It is an honor,” sabi niya. Bagamat ngumingiti ang babae ay may kapormalan pa rin. Idinala siya nito sa isang garden cafe sa Old Balara.

Pakiramdam niya ay nakasalang siya sa isang job interview habang kinukumusta nito ang pag-aaral niya at ang kalagayan ng ama. Nabigyan siya ng warning ni Hiro na may kapormalan ang magulang nito. Hindi niya napaghandaan iyon.

"May mga concerns lang ako, hija. Nag-charge nang mahigit one hundred thousand ang credit card niya,” sabi ng babae nang akmang susubo si Jemaikha ng matcha cheese cake.

"Nagamit po iyan ni Hiro dahil sa emergency. K-Kinailangan lang po ng para sa operasyon ni Tatay. Mapilit po siya. S-Sabi po niya maiintindihan ninyo. Babayaran ko po iyon,” maagapa niyang sabi.

Tumaas ang kilay nito. "How?"

Alumpihit siya sa upuan. "Hindi ko pa po alam sa ngayon. Pero m-may lupa pa po kami. Pwede po naming isanla iyon pero kailangan po munang masabi sa tatay ko. H-Hindi ko pa lang po masabi ngayon dahil baka lumala ulit ang kondisyon niya.”

"We don't need the money. Keep it. Nagbenta na ang anak ko ng stocks para lang di lumobo ang utang. It is his money anyway. Di na ako nakikialam sa mga desisyon niya mula nang mag-eighteen siya.”

Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Alam niyang nai-set up ng magulang ni Hiro ang stocks na iyon mula pagkapanganak dito para may sarili itong pera pagdating sa tamang edad. At sa pamilya niya napunta. Katwiran ni Hiro ay maliit na bagay iyon para sa buhay ng ama niya pero mukhang big deal iyon sa magulang ng binata. "Sorry po.” Baka isipin ng mga ito na gold digger siya o sinasamantala niya si Hiro.

"I'll be frank. Hindi kita gusto para sa anak ko."

"Dahil po mahirap ang pamilya ko?" tanong ng dalaga.

"I don't mind if you are dirt poor. Hindi isyu sa akin kung mahirap ka basta galing sa kagalang-galang na pamilya."

Kagalang-galang? Di ba kagalang-galang ang pamilya niya? "May problema po ba kayo sa amin? Wala naman pong masamang ginagawa ang pamilya ko."

"So, you are not aware of your father's embezzlement case. Here." At inilapag ang folder sa harap niya. "Bata ka pa siguro nang mangyari iyan kaya wala kang alam."

Nanginginig ang kamay na dinampot iyon ng dalaga. Naroon ang dokumento na naglalaman sa mga record ng pagnanakaw ng ama niya sa dati nitong kompanya. Nangilabot siya dahil nasa tatlong milyon din ang halaga niyon. At nangyari iyon nang matuklasan na may cancer ang ama.

"Pero malaya si Tatay. Wala ring kaso na isinampa sa kanya,” argumento niya.

"Ibinenta niya ang mga ari-arian ninyo kaya hindi siya nakulong."

Gusto man niyang ipagtanggol ang ama na mabuti itong tao, ano pang laban niya? Nasa harap na niya ang lahat ng ebidensiya. At pinagbayaran iyon ng ama niya.

"Pero wala po akong kinalaman dito,” anang si Jemaikha.

"Meron. Kapag kumalat ang tungkol dito,pati pangalan ng pamilya namin masisira. We have enemies, Jemaikha. Laging humahanap ng ibubutas sa amin. We have investors and shareholders who are very concerned about their investments. If they will learn about our family background, it could ruin our family as well. Naiintindihan mo ba?"

Napilitan siyang sumang-ayon kahit na sukal sa kalooban niya. "O-Opo."

"At the end of this semester, Hiro will go back to Japan to end his studies in Tokyo University. Mas makakabuti siguro kung maghihiwalay na kayo no'n."

Natulala siya. "Po?"

"Mas mabuting hiwalayan mo na siya kaysa naman malaman niya ang tungkol sa sekreto ng ama mo at siya pa ang lumayo sa iyo. Kung mahal mo talaga ang anak ko, hihiwalayan mo siya. Para sa kapakanan niya. Naiintindihan mo ba ako?"

Bakit kailangang mangyari ito sa pamilya niya? May sakit na nga ang tatay niya, kailangan pang gamitin ang kasalanan nito noon para lang ilayo siya kay Hiro.

Tumango siya at tahimik na umiyak. Isa iyong giyera na di niya kayang ipanalo. Para sa kinabukasan ni Hiro. Para sa katahimikan ng may sakit niyang ama. Wala siyang magagawa kundi isakripisyo ang puso niya.

"SA wakas makakapag-relax na tayo. That was a rollercoaster finals week. Nasolo rin kita," sabi ni Hiro habang kumakain sila sa Sunken Garden. Katatapos lang nilang mag-final exam at may aayusin na lang na ilang requirement. Isaw bouquet ang ibinigay ni Hiro sa kanya habang kikiam at squid balls naman ang kinain nito. Limitado ang panahon na magkasama sila dahl sa dami ng school activities.

"I'm tired," usal niya. "Wala pa akong tulog."

"We can get away for the weekend. Naalala mo 'yung horse ranch sa Tagaytay na pupuntahan dapat natin? Pwede na nating ituloy. Ipagpapaalam kita kay Tito "

"H-Hindi pa rin ako makakasama. Kailangan kong humanap ng bagong estudyante..." katwiran niya. Ilang beses na siyang niyaya ng binata na lumabas pero lagi niyang tinatanggihan.

"Just one day before I leave for Japan?" ungot nito at binigyan siya ng pamatay na ngiti nito na di niya magagawang tanggihan.

Mataman niyang pinagmasdan ang binata. Dalawang linggo na lang at babalik na ito sa Tokyo. Wala nang panahon para tuparin ang usapan nila ng ina nito kundi ngayon.

Uminom muna siya ng tubig bago ibinagsak ang bomba kay Hiro. "Mas mabuti siguro kung maghiwalay na tayo."

Nabura ang ngiti sa labi nito. "Maghiwalay? You mean break up?"

"Yes. Break up,” aniya sa matatag na boses. Ilang beses na niya itong inensayo sa isipan niya. This was the moment of truth. “Hiro, tingnan mo ang nangyayari sa akin. Nandito ka pero wala tayong oras na magkita. Masyadong maraming nangyayari sa buhay ko ngayon. Nag-aaral ako, nagtatrabaho at inaasikaso ko ang tatay ko. Hindi na ako makahinga sa dami ng gagawin ko."

"Nakakaabala ba ako sa iyo? Nagiging pabigat ba ako?"

"Hindi. Pero hindi ito ang oras para sa isang relasyon.”

"Hindi naman ako manghihingi ng oras na di mo kayang ibigay sa akin. After all, I am leaving soon."

Inilahad niya ang palad. "Exactly. Mas lalo akong mawawalan ng oras sa iyo. At bakit naman gugustuhin mong makasama ang isang babae na walang oras sa iyo?"

"Sa ngayon lang iyan, Jemaikha. Kapag naging maayos ang lahat ng ito at naka-graduate ka na, susunod ka sa akin sa Japan. Iyon ang usapan natin.”

Umiling siya. Walang balak ang binata na isuko siya. "Hindi ko na matutupad ang pangako ko na iyan. Hiro, maraming pwedeng mangyari."

Hinawakan siya nito sa pisngi. "Hindi mo na ba ako mahal?"

Muntik nang mapapikit si Jemaikha dahil parang may sibat na tumagos sa dibdib niya. Kung alam lang ni Hiro kung gaano niya ito kamahal. "Mahal kita. Pero hindi ito ang oras para sa atin. Kung mananatili ako sa isang relasyon, gusto ko 'yung kaya kong pangatawanan. Hindi ganito. You need someone who will take care of you, who will make time for you." Isang babae na di makakasira sa pangalan nito.

"I want to take care of you and make time for you. Ikaw ang gusto kong alagaan.”

Umiling siya. "Hindi mo pinadadali ang sitwasyon. D-Dito na natin tapusin ang lahat, Hiro. Sayonara,” sabi niya at tumalikod. Pinara agad niya ang dumadaang taxi at inutusan ang driver na paandarin iyon agad pagkasakay niya.

Hindi niya nilingon si Hiro kahit nang kinakalampag nito ang bintana ng taxi. Hindi na rin nito nagawang humabol. Isinubsob niya ang mukha ang palad at humagulgol ng iyak.

Kung alam lang nito na wasak na wasak ang puso niya nang mga oras na iyon. She had to let him go for his own sake. Di siya ang sisira sa pangalan ng pamilya nito at mga pangarap nito. She would protect Hiro even at the expense of her own happiness.

"Hindi kita gustong pahirapan. I told you that I will make things easy for you. You want to break up? Ibibigay ko sa iyo. But can I hug for one last time?"

Napilitan syang tumango at humagulgol siya ng iyak habang dinadama ang init ng yakap nito. Yakap na pwede niyang maranasan sa huling pagkakataon. It was probably the most heartbreaking break up. Mahal pa nila ang isa't isa pero kailangan nilang maghiwalay. Kung pwede lang ay di na siya kumawala sa yakap nito. Parang mamamatay ang puso niya.

"Magiging masaya ka rin kahit na wala ako,” sabi niya sa binata habang yakap ito.

Mahabang sandali itong di kumibo. "I want us to be friends. Like before."

"Hiro..."

Hinawakan nito ang balikat niya at inilayo siya dito. "Mangako ka sa akin na magiging magkaibigan pa rin tayo. Kapag may kailangan ka, pwede ka pa ring lumapit sa akin."

Tumango siya. "Thank you. Kailangan ko nang umuwi.” Hindi na niya makakayang makita ang sakit sa mga mata nito. Ayaw din niyang makita nito kung paano mahati ang puso niya.

"Ihahatid na kita. Magpapaalam lang ako sa pamilya mo. Pwede bang huwag nating sabihin na break na tayo hanggang makabalik na ako ng Japan?"

Marahan siyang tumango. She broke his heart. At sa palagay niya ay gusto siya nitong panghawakan hanggang sa huling sandali. Pero wala siyang magagawa dahil hanggang doon na lang sila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.