Inilahad niya ang kamay para ibalik nito ang cellphone sa kanya. "Tigilan mo na 'yan."
"Gusto ko rin makausap si Arice!" sabi ni Renzie. Sa halip na sa kanya ibigay ay dito inabot ang cellphone. "Alam mo ba na tanong ng tanong si Riva tungkol sa love? Sa palagay ko dahil sa 'yo. Matakot ka kapag na-in love 'to sa 'yo."
Pakiramdam niya ay nangapal ang mukha niya sa sobrang kahihiyan. Hindi pa siya tinukso ng ganito sa buong buhay niya. She didn’t know how to handle it. Mukhang walang balak sila Renzie na tigilan ang pangangantiyaw sa kanya.
Pasugod niya itong nilapitan at tangkang aagawin dito ang cellphone pero nagtago ito sa likuran ni Estrella. “O! Grabeng mag-blush si Riva. Sa tinagal-tagal naming naging magkaibigan ngayon ko lang siya nakitang nag-blush. Iba ka talaga, Arice. Dahil sa iyo nagba-blush si Riva.”
“Ano ka ba? Nakakahiya na kay Arice,” gigil niyang usal at natigilan nang makita ang malungkot na mga mata ni Estrella.
Bakit siya mahihiya kay Arice? Alam naman nitong ginagawa niya iyon para sa misyon nila. At malamang ay pini-flirt din siya nito at pinupuri di dahil attracted ito sa kanya. Iniisip din nito si Estrella. How silly of her.
Yumuko si Estrella at umiwas ng tingin. “Magkita na lang tayo sa baba mamaya.”
Nagpatuloy pa rin sa panunukso sina Renzie at Emarie sa kanya pero hinayaan na rin niya ang mga ito. Ang importante ay nakikita niyang effective ang plano nila ni Arice.
NAKAKUYOM ang palad ni Riva habang nakatuon ang isip sa binabasang pocketbook. Parang sasabog na ang dibdib niya sa inis at naiiyak na siya sa galit. Parang wala na kasing dinanas ang bidang babae kundi dusa at walang ginawa kundi umiyak. Puro bidang lalaki na lang ang nagsasakripisyo para dito.
“Hoy, Ate!” untag sa kanya ni Emarie at tinapik ang balikat niya. “Na-addict ka naman na diyan sa binabasa mo. Magdi-dinner na daw tayo.”
Saka lang niya napansin na madilim na pala sa labas at halos buong hapon na siyang nagbabasa sa kama. At di siya makapaniwala na naka-limang nobela na siya.
“Give me five minutes. Tatapusin ko lang ito,” sabi niya at pinaspasan ng basa ng istorya. Pero lalo lang siyang na-frustrate nang matapos ang istorya. Yes, it was a happy ending. Pero tingin niya ay walang kwenta ang bidang babae.
Nakakunot pa rin ang noo niya nang dumulog sa hapunan. “Anong problema?” tanong ni Ernest sa kanya.
“Iniisip ko lang ‘yung nabasa ko,” sabi niya. “I mean, parang napaka-unfair na ang lahat ng paglaban ginawa ng hero para sa heroine pero walang ginawa itong si babae kundi umiyak ng umiyak at magpaapi. Ni hindi niya magawang ipaglaban ‘yung hero. I think she’s so undeserving.”
“Anak, may mga babae naman talagang ganoon. Mahihina ang loob. Kaya kailangan nila ng lalaki na magmamahal sa kanya at mag-aalaga,” malumanay na paliwanag ng Mama niya.
“At ano naman ang mai-offer nila sa lalaki? Ang luha niya?” tanong niya.
“Baka naman may nakita ‘yung hero sa babaeng iyon kaya niya nagustuhan at minahal,” sabi naman ni Renzie.
Tumaas ang kilay niya. “Noong una, pinabayaan na lang niya basta ‘yung lalaki. Ni hindi niya ipinaglaban sa parents niya. Tapos kahit nang may chance na silang magkasama, hindi pa rin siya sumama sa hero kahit na mahal daw niya.”
“Baka naman natatakot siyang masaktan ‘yung hero,” sabi ni Estrella. “Minsan kailangan nating magsakripisyo para sa di masaktan ‘yung mga taong mahal natin.”
Tumaas ang kilay niya. Pinangangatwiranan ba nito ang ginawa nitong pang-iiwan kay Arice? Hindi niya alam kung paano pang masasaktan si Arice sa pagkakataong ito. Wala namang banta dito.
“Ang nakikita ko lang ay isang oportunista ang heroine na iyon,” sabi niya at direktang tumingin kay Estrella. “Kung saan lang siya makikinabang, doon lang siya. Kung mahal talaga niya ‘yung lalaki, di lang siya puro iyak sa isang tabi. Ipinaglalaban ang pag-ibig. Dapat parehong marunong magsakripisyo ang babae at lalaki. Hindi dapat iniisip ng mga babae kung ano lang ang mapapakinabangan nila sa isang lalaki. Dapat alam nila na kapag dumating ang pagkakataon na kaya nilang ibigay ang buhay nila sa isang lalaki, handa rin nilang gawin. Hindi niya hahayaan na ‘yung taong mahal niya lang ang lumaban. Dapat marunong din siyang lumaban para magkasama silang dalawa. Kung hindi marunong lumaban ang isang tao para sa kaligayahan niya, wala siyang karapatan na maging masaya. Masyado siyang pensiyonada sa buhay.”
Pumalakpak si Emarie. “Ate, okay ‘yang speech mo. Alam mo di ko naiisip iyon. Pero tama ka naman. Parang naiinis din ako sa babaeng masyadong pasarap sa buhay. Tanggap ng tanggap ng kaapihan pero di marunong lumaban. Tapos naghihintay lang ng Prince Charming na sasagip sa kanila. Sa akin na lang ‘yung mga guwapong nasisilat nila. Ipaglalaban ko siya ng sampalan. Hindi ko siya hahayaan na masaktan.”
“Sabagay wala naman sigurong ganoon kaswerteng babae sa totoong buhay,” sabi ng mama niya. “Masyado naman siyang pinagpala kung haling na haling sa kanya ang isang lalaki pero di naman niya masuklian ng kapareho ding pagmamahal.”
“But there’s unconditional love,” katwiran naman ni Ernest. “Na kahit hindi bigyan ng kapalit ang pagmamahal mo, magmamahal ka pa rin.”
“I don’t think so, my dear,” sabi ng mama niya. “Ano naman ang mararamdaman mo kundi ka ipaglalaban ni Estrella kahit na wala naman threat sa iyo. Kunyari mas pinili niya na di kayo magkasama dahil mas giginhawa ang buhay niya. Matutuwa ka pa ba noon?”
“H-Hindi naman po ako ganoon, Tita,” protesta agad ni Estrella at napansin niya ang pag-igting ng anyo nito.
“Alam ko naman, hija,” nakangiting sabi ng mama niya. “Alam naman namin na mahal mo si Ernest. Example lang naman iyon.”
Nagulat pa si Estrella at yumuko. “S-Sorry po.”
Muntik na siyang bumulanghit ng tawa sa reaksiyon ni Estrella. Sapul na sapul ito. Kung ganoon ay guilty ito. Lalo lang lumakas ang loob niya na ituloy ang mga plano nila ni Arice.
Wala talagang buting maidudulot ang babaeng tulad nito sa Kuya Ernest niya.