BUMUNTONG-HININGA si Lorie, saka bumaling sa isang panig ng parlor ni Madam Tisay kung saan nagkukumpulan ang mga kaibigan niya. “Tigilan ninyo na `yan, baka matakot siya at umiyak,” saway niya sa mga katrabaho niya sa parlor ni Madam Tisay.
Humagikgik si Maja na nagdulot ng masayang ungol mula sa mga binabaeng hindi magkamayaw sa pagtitig sa bata.
“Kamukha nga niya. Ang gandang bata,” bulalas ni Mocha.
Muling nagbuga ng hangin si Lorie at lumapit na sa mga katrabaho. “Sana mukha lang ang namana ni Maja sa kanya,” mapait na sagot niya.
Sa wakas ay bumaling na rin sina Mocha kay Lorie. “Ano, aampunin mo na naman ito? Mayaman ka, teh?” tanong ni Orlan. Naikuwento na kasi niya sa mga ito ang mga nangyari kaninang dumating siya roon.
Pinanlakihan ni Lorie ng mga mata si Orlan at sinenyasan ang mga katrabaho niya na lumayo roon. Pagkatapos niyang ngitian at paalalahanan si Maja na manatili lang sa kinauupuan nito ay mabilis na lumakad si Lorie patungo sa kabilang panig ng parlor. Agad namang sumunod ang mga katrabaho niya sa kanya.
“Kawawa naman siya. Kung iiwan ko siya roon, malay ko ba kung sa kadesperaduhan ng lalaking iyon ay ipaampon niya kung kanino si Maja at mas matindi ay itapon na lang kung saan?” wika ni Lorie.
Tumaas ang mga kilay ng mga binabae. “Gagawin niya iyon?” ani Mocha.
“Oo! Ganoon siya kasama. Walanghiya siya,” gigil na sagot ni Lorie.
Lalong nagsiangatan ang mga kilay ng mga katrabaho ni Lorie sa parlor. “Ang kaso nga paano kayong tatlo? Hindi ka pa nga binabayaran sa pagiging babysitter mo. At anak mayaman iyang batang `yan, kaya ba niyang matulog sa bahay ninyo na walang aircon?” tanong naman ni Orlan.
Napabuntong-hininga si Lorie at sumulyap kay Maja na nakatingala sa ipinapalabas na cartoons sa TV bago muling tumingin sa mga kaibigan niya. “Bahala na. Pero puwede ba akong bumalik dito sa parlor?” pakiusap niya.
“Oo naman,” sabay-sabay na sagot ng mga ito.
Ngumiti si Lorie at nakahinga nang maluwag. “Salamat.”
“Hay naku ikaw talaga pagdating sa bata mahina ka. `Ayan nagmumukha ka nang bahay-ampunan,” pabirong bulalas ni Madam Tisay.
Malungkot na ngumiti si Lorie. “Naranasan kong mawalan ng magulang. Ayokong lumaki silang ganoon.”
Natahimik ang mga ito. Pagkatapos ay nagitla si Lorie nang sabay-sabay siyang yakapin ng mga binabae. “Ipapagawa ka na talaga namin ng monumento, Lorie.”
Natawa si Lorie at gumanti ng yakap. Alam niya na hanggang nasa tabi niya ang mga ito ay makakaya niyang alagaan sina Kai at Maja. Sapat na ang moral support ng mga katrabaho niya para makayanan niya iyon. At si Choi Montemayor, bahala ito sa buhay nito.
KINABUKASAN, naging laman uli ng mga tabloid at showbiz news ang ginawang press conference ni Choi Montemayor kung saan tinuldukan na ng binata ang mga balita at tsismis tungkol dito. Tulad ng suhestiyon ni Raiven ay pinalabas ni Choi na nagtsa-charity work lamang ito at dahil personal na malapit diumano sa puso ni Doña Edna ang mga batang iyon kaya si Choi ang naatasan upang gawin ang dapat ay gagawin ng ina nito kung hindi lamang nangibang-bansa ang Doña kasama ang asawa.
Habang pinapanood ni Lorie sa telebisyon ang presscon na iyon ay hindi niya maiwasang mapaismid sa galing magsinungaling ni Choi. Walang mababakas na pagkataranta o kahit kaunting hint lang na naiilang ang binata sa mga tanong na ibinabato rito. Magaling na artista.
Hanggang ng sumunod na araw ay si Choi pa rin ang laman ng mga balita. May mga espekulasyon kung nagsasabi ba nang totoo ang binata o pinagtatakpan lamang nito ang katotohanan. Halos gusto nang sigawan ni Lorie ang mga tabloid para sabihin sa mga ito ang katotohanan ngunit pinigilan niya ang sarili dahil baka may makarinig sa kanya at mapagkamalan pa siyang nasisiraan ng ulo.
Sa ikatlong araw ay natabunan na iyon ng ibang isyu tungkol sa iba pang miyembro ng alta-sosyedad. Nakikinita na ni Lorie si Choi na nagpapakasaya dahil sa wakas ay natabunan na ang isyu nito. Malamang din ay bumalik na ang binata sa dating buhay nito ng walang katapusang pakikipagsosyalan at pambababae. Sigurado si Lorie na masaya si Choi dahil nakawala na ito sa responsibilidad na alagaan si Maja.
“Mama, hindi pa ba tayo babalik kay Daddy?” inosenteng tanong ni Maja na nagpalingon kay Lorie. Naroon sila sa bahay niya. Inihahanda na ni Lorie ang tutulugan nila para sa gabing iyon habang nasa mesa si Maja kasama si Kai.
Nakagat ni Lorie ang ibabang labi, saka huminga nang malalim para maibsan ang kirot na naramdaman niya sa dibdib niya. “Ayaw mo na ba sa amin ni Kai?” pabirong tanong niya.
Marahas na umiling si Maja. “Gusto po. But Daddy’s alone at home. He will be sad,” sagot ng bata.
Nakaramdam si Lorie ng pait. Naku, hija, mali ka. Malamang, nagpapa-party na siya para sa kalayaan niya. “Huwag kang mag-alala matanda na si Daddy, hindi iyon malungkot,” sagot ni Lorie.
“Hindi nalulungkot ang matatanda?” inosenteng tanong ni Maja.
“Oo nga, Mama. Hindi ba kayo nalulungkot?” tanong naman ni Kai.
Natigilan si Lorie dahil parang direktang tumama sa dibdib niya ang tanong ng mga bata. Iniwan niya ang ginagawa at lumapit kina Maja at Kai. Hinaplos ni Lorie ang mga buhok ng mga ito. “Siyempre nalulungkot din. Wala namang taong hindi nalulungkot,” malumanay na sagot ni Lorie sa dalawang bata.
“Daddy, too,” sabi na naman ni Maja.
Tumingin si Lorie kay Maja. “Hindi malungkot ang daddy mo dahil nasa kanya naman ang lahat. Marami rin siyang kaibigan kaya siguradong may mga nagpapasaya sa kanya.” At marami siyang babaeng magpapalimot ng mga problema niya, mapait na dugtong niya.
“Okay. Pero pupuntahan ba tayo ni Daddy para makita niya tayo?” tanong uli ni Maja.
Hindi na napigilan ni Lorie ang pagsibol ng awa para kay Maja. Paano niya sasabihin sa isang bata na ayaw rito ng magulang nito? Masakit iyon para kay Lorie at sigurado siyang, lalo na kay Maja.
“Huwag kang mag-alala, Maja. Nandito naman si Mama Lorie,” alo ni Kai kay Maja.
Napatingin si Lorie kay Kai kaya lalong tumindi ang kirot sa dibdib niya. Huminga siya nang malalim at ngumiti sa mga bata. “Oo naman. Mahal ko kayong dalawa kaya hindi ko kayo pababayaan,” wika ni Lorie sa mas masiglang tinig.
Mukhang nakonsola naman si Maja na labis niyang ipinagpasalamat. Hinamig ni Lorie ang sarili at pinilit na pawiin ang bigat ng dibdib. Nasa ganoong posisyon pa rin sila nang makarinig siya ng tinig na tumatawag sa kanya mula sa labas ng bahay nila. Napatayo si Lorie at mabilis na lumapit sa pinto. Nabungaran niya roon si Aling Belen na may-ari ng pinakamalaking grocery store doon.
“Aling Belen, ano ho’ng atin?” tanong ni Lorie.
“Pauwi na ako at idinaan ko lang ito sa `yo. May sulat na dumating para sa `yo, kanina,” sabi ni Aling Belen sabay abot sa sobre. Dahil slum area ang kinatitirikan ng bahay nila ay wala silang matitinong numero ng bahay kaya ang mga sulat na ipinapadala ay ibinabagsak sa tindahan ni Aling Belen at doon naman kinukuha ng mga tao roon.
Inabot ni Lorie ang sulat at ngumiti. “Salamat po.” Nang makaalis na ang matandang babae ay nagtatakang pinagmasdan niya ang sulat. Maraming taon na ang nakalilipas mula nang huli siyang makatanggap niyon. Tiningnan ni Lorie ang pangalan ng nagpadala at nanlaki ang mga mata niya kasabay ng pagkabog ng dibdib niya nang mabasa iyon. Galing ang sulat sa ate niya. Makalipas ang maraming taon ay kinontak siya nito.
“WALA ka pa rin bang balita tungkol kay Sheila?” iritableng tanong ni Choi kay JT sa pangatlong magkakasunod na araw. Nakapuwesto uli sila sa VIP area ng club nila.
Inalis ni JT ang tingin mula sa dance area at bumaling sa kanya. Mukha pa itong disoriented kaya nakaramdam si Choi ng inis. “JT, lampas isang linggo ko na siyang ipinapahanap sa `yo. Hindi naman ganoon kahirap humanap ng tao sa panahon ngayon. Wala ba siyang account sa mga social networking site or something?” nakakunot-noong tanong ni Choi.
“Bakit ikaw ba may Twitter o Facebook?” balik tanong ni JT sa kanya.
“Wala,” mabilis na sagot ni Choi. Dati, nasubukan na niyang magkaroon ng mga iyon dahil na rin sa udyok ng mga kaibigan niya. But he just hated every minute of it. He had no intention of answering questions from people he didn’t know. Kaya sa loob lamang ng isang araw ay binura din ni Choi ang mga iyon at hindi na inulit pang gumawa ng account. “Pero imposibleng wala n’on si Sheila.”
“Wala na. Tiningnan ko na lahat. Binura na niya ang mga account niya. Halatang nagtatago at ayaw magpahanap.” Marahas siyang napabuga ng hangin sa ibinalita ni JT. “But,” pambibitin nito habang nakangisi. “Nakuha ko ang contact numbers ng sa pagkakatanda ko ay mga malalapit niyang kaibigan dati. Nakausap ko na sila. Hindi rin nila alam ang contact number ni Sheila dahil nagpalit na raw ng number at hindi rin nila alam ang address niya sa Amerika. But they promised me na kokontakin nila ang mga kakilala nila para malaman kung nasaan si Sheila,” paliwanag ni JT.
Tumango si Choi at pabagsak na sumandal sa couch. Napatingala siya at mariing pumikit. “Damn her! Wala talagang nangyaring mabuti sa akin na may kinalaman siya. At ngayon pinapahirapan pa niya ako,” mahina ngunit mariing bulalas ni Choi.
“Forget about her for now and let’s party, man. Kanina pa ako sinesenyasan nina Georgina sa dance floor. Wala naman nang naghihintay sa pag-uwi mo, hindi ba? So puwede ka nang magtagal dito hanggang madaling-araw gaya ng dati,” yaya ni JT na naramdaman niyang tumayo na.
Napadilat si Choi sa huling sinabi ng kaibigan niya at hindi kumilos. Right. Wala na nga siyang maaabutan sa condo unit niya. Tatlong araw nang sinasalubong si Choi ng katahimikan sa unit niya tuwing umuuwi siya. And he hated to admit it, but his house seemed bigger than it used to be. Emptier. Na para bang may kung anong parte niyon ang biglang nawala at ang kakulangang iyon ay umaabot kay Choi kaya pati siya ay ganoon ang nararamdaman. Hell, he felt as if something was missing in his life the moment Lorie went away with his daughter.
Nang mawala ang mga ito ay unti-unti ring bumalik sa alaala ni Choi ang mga salitang sinabi niya kay Lorie. Napagtanto niyang masasakit nga ang mga iyon at may karapatan talagang magalit sa kanya ang babae. Kasabay niyon ang naramdaman ni Choi na paghanga kay Lorie dahil hindi man lang ito umiyak kahit nasasaktan na ito. Sa huli taas-noo pa ring sinabi ni Lorie ang gusto nitong sabihin at umalis ng unit niya. Sa loob ng tatlong araw ay nakikipagtalo si Choi sa sarili niya kung kokontakin ba niya si Lorie o hindi. Hindi na rin niya mabilang kung ilang beses niyang tinitigan ang numero ng babae sa cell phone niya. Ngunit sa huli ay natatalo ng pride ni Choi ang pagnanais niyang makausap si Lorie. Who the hell did she think she was anyway?
“Hoy, Choi, ano na?” naiinip na untag sa kanya ni JT.
Hindi pa rin kumilos si Choi dahil biglang sumungaw sa isip niya ang mukha ni Lorie. Pagkatapos ay tila naririnig niya ang hagikgik ni Maja na madalas niyang nagigisnan sa umaga at huli niyang nakikita at naririnig sa gabi tuwing umuuwi siya. Choi suddenly remembered the nights Lorie offered him a drink and snack everytime he goes home. Naalala niya ang ngiti at masayang bati ng babae tuwing kagigising lang niya sa umaga. Naalala ni Choi ang araw na nasa amusement park sila. Ang araw na dahilan kung bakit siya naging laman ng mga balita. Ngunit napagtanto ni Choi na bukod sa pagkakakuha ng larawan nila, ay hindi niya pinagsisisihan ang ginawa niya nang araw na iyon. Including him holding her hand and the glint of happiness in her eyes. Most of all, he could still remember how her lips felt and tasted like.
Mariing napapikit si Choi. “Shit!” malutong na mura niya sa itinatakbo ng isip niya at sa biglang pagsisikip ng dibdib niya. He knew he was losing it and he hated it. Hated it but liking it at the same time. “Dammit.”
“Bahala ka na nga diyan, Choi. I think you’ve gone crazy,” manghang sabi ni JT sa kanya bago tuluyang umalis at nagtungo sa dance floor.
Nagmulat uli ng mga mata si Choi. “I know,” nausal niya sa sarili bago mabilis na tumayo at dinukot ang cell phone sa bulsa. To hell with his pride.
Agad na hinanap ni Choi ang numero ni Lorie at walang pag-aalinlangang pinindot ang Call button kasabay ng mabilis na paglakad niya patungo sa isang bahagi ng club na mas tahimik. Napamura si Choi nang operator ang narinig niya. Mukhang pinatay ni Lorie ang cell phone nito upang hindi niya ito ma-contact. Pero kung akala ni Lorie maiiwasan siya nito ng ganoon na lang ay nagkakamali ito. Nakalimutan yata ng babae na isa siyang Montemayor.
Choi scrolled his Phone book then called a number again. Matagal na nag-ring iyon bago sumagot si Raiven. “Brother, I have a favor to ask.”
“What is it?”
“Gusto kong malaman kung saan nakatira si Lorie. Hindi ko alam kung saan siya nakatira dahil si Mama lang ang nagpakilala kay Lorie sa akin. I don’t even know her surname. Can you possibly do something about it?”
“Of course. Who do you think I am?” walang pag-aalinlangang sagot ni Raiven.
Nakahinga nang maluwag si Choi at napangiti. “That’s my older brother. Thanks.”
“Just don’t mess up again this time, Choi. Ayokong makialam sa mga desisyon mo dahil bilin ni Papa na hayaan ko kayong magdesisyon at manindigan sa sarili ninyong buhay,” seryosong sagot ni Raiven.
Nagbuga siya ng hangin. “I know, bro. I will not let them leave me again,” sabi ni Choi sa determinadong tinig na ikinagulat niyang nanggaling sa kanya. Pagkatapos ay pinutol na niya ang tawag.
Nang sandaling iyon ay na-realize ni Choi na noon lamang siya nakaramdam ng ganoon katinding determinasyon sa buong buhay niya. Dahil mula nang magkaisip si Choi ay nakukuha niya nang walang kahirap-hirap ang lahat ng magustuhan niya at kahit iyong mga hindi naman niya hinihingi. Dahil nasa kanya na ang lahat ay wala rin siyang bagay na masasabi niyang labis na pinapahalagahan niya to the point na hindi siya mapapakali kung wala iyon sa kanya. Hindi takot si Choi mawalan ng pera o mawalan ng kaibigan at lalo na ang mawalan ng babae dahil alam niyang imposibleng mangyari iyon. He was never afraid to have someone walk away from him because it was always the other way around. Ngunit nangyari iyon ngayon at ayaw na ni Choi na mangyari iyon dahil ayaw niya ng pakiramdam na iniiwan niyon sa kanya.
Was it his daughter or was it her babysitter who was making havoc in his mind right now? Or maybe both? Malalaman iyon ni Choi oras na makita uli niya ang mga ito.