THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 3

“ANAK, bumangon ka na para mapaliguan na kita. Baka mahuli tayo. Mahirap maiwanan ng bus,” malakas na tawag ni Lorie kay Kai habang abala siya sa paglalagay sa lunch box ng babaunin nilang pagkain. Sa araw na iyon ang field trip ng klase ni Kai.

Natapos na ni Lorie ang pag-aayos ng babaunin nila ay hindi pa rin lumitaw sa maliit nilang kusina ang anak-anakan niya. Napakunot-noo si Lorie. “Kai,” tawag uli niya. Napabuga siya ng hangin at mabilis na lumakad patungo sa silid na ginagamit nila, na nasabi lamang na silid dahil nilagyan iyon ni Lorie ng kurtina na siyang humati sa puwesto ng tulugan at sala.

Nanlamig ang buong katawan ni Lorie at kumabog ang dibdib niya nang makita si Kai na nakapamaluktot at patagilid na nakahiga sa papag nila. Bakas ang sakit at paghihirap sa mukha ng bata. “Kai! Anak, anong nangyayari sa `yo?” natatarantang lumapit si Lorie sa bata. Maayos naman ang lagay ni Kai kagabi bago sila matulog. Masaya pa nga ito at sabik na sabik para sa field trip. Kaya bakit nagkakaganoon ang anak-anakan niya?

“M-Mama… ang s-sakit ng tiyan ko,” mahina at hirap na hirap na sabi ni Kai. Tumingin kay Lorie ang bata at nagsimulang umiyak.

Lalo siyang nanlamig. Tiningnan ni Lorie ang bahagi ng tiyan ni Kai na mahigpit nitong hawak. Nagkaroon siya ng hindi magandang kutob nang makitang sa bandang tagiliran ang masakit kay Kai.

Hinamig ni Lorie ang sarili at mabilis na tumayo. “Sandali lang, anak,” usal niya bago siya patakbong lumabas ng bahay. Tinawag ni Lorie ang isang kapitbahay na napadaan at natatarantang nakiusap dito na itawag siya ng tricycle dahil itatakbo niya sa ospital si Kai.

Kasunod niyon ay mabilis na sinamsam ni Lorie ang lahat ng perang mayroon siya at nanginginig ang mga kalamnan na binuhat niya si Kai. “Kaunting tiis lang, anak, dadalhin kita sa ospital. Mawawala na ang sakit na `yan,” garalgal ang tinig na alo ni Lorie sa bata na umiiyak pa rin.

Naiiyak na rin si Lorie sa takot na baka kung ano ang mangyari sa anak ngunit nagpakatatag siya. Kailangan siya ni Kai. Sila lamang dalawa ang magkasama. Hindi na siya gaya noong namatay ang mga magulang niya na may ate na umaalalay sa kanya tuwing umiiyak siya. Hindi siya dapat magpakita ng kahinaan. Diyos ko, alagaan po Ninyo ang anak ko, paulit-ulit na dasal ni Lorie.

PAKIRAMDAM ni Lorie ay malapit na siyang himatayin sa nerbiyos at panlalambot nang pagdating sa ospital ay agad na dinala si Kai sa operating room pagkatapos niyang makiusap nang husto sa lobby na asikasuhin si Kai. Hindi kasi sapat ang perang naideposito ni Lorie para ma-admit sa ospital si Kai.

Lalo pang nanghina si Lorie nang kausapin siya ng doktor at sabihing kailangan operahan si Kai dahil sa appendicitis, ang dahilan ng pagsakit ng tiyan nito. Pumutok daw ang appendix ni Kai at kailangan iyong alisin upang hindi kumalat ang lason sa dugo nito na maaaring ikamatay ng bata.

“Gawin ninyo ho ang lahat para mailigtas siya, Doc,” pakiusap ni Lorie

Bumakas ang simpatya sa mukha ng doktor. Tumango ito at nagpaalam kay Lorie. Nang bumalik uli ang doktor sa operating room ay nanghihinang napaupo si Lorie sa bench na naroon. Naihilamos niya ang mga palad sa mukha niya at pilit pinigilan ang mapaluha.

Ilang oras ang lumipas bago lumabas uli ang doktor sa operating room. Halos mabingi na si Lorie sa lakas ng tibok ng puso niya dahil sa takot. Ayaw niyang may taong mahal niya ang mawala pa uli sa kanya. Kapag may nangyaring masama kay Kai ay mag-isa na lang siya. Ano ang mukhang ihaharap ni Lorie sa ate niya kapag bigla itong dumating at wala nang maabutang anak? Isipin pa lamang ang mga posibilidad na iyon ay hindi na makahinga si Lorie.

Nag-aalalang tiningnan ni Lorie ang doktor ng naramdaman niyang tinapik siya nito sa balikat at ngumiti. “Huwag kang mag-alala, Misis. Ligtas na ang anak ninyo. Kailangan na lang niyang manatili pa rito sa ospital para magpalakas at maobserbahan,” malumanay na sabi ng doktor kay Lorie.

Nakahinga siya nang maluwag. Nakagat ni Lorie ang ibabang labi at hinamig ang sarili bago nagsalita. “Salamat po. Puwede ko na ho ba siyang makita?”

“Kapag nakalabas na siya ng operating room at nailipat na siya ng silid.” Pagkatapos niyon ay ipinaalala ng doktor kay Lorie na magpunta siya sa lobby para sa mga dapat pang asikasuhin. Noon lang naalala ni Lorie ang isa pa niyang problema ngayong ligtas na sa kapahamakan ang anak niya—ang perang pambayad niya sa ospital.

HINDI alam ni Lorie kung ilang beses na siyang bumuntong-hininga habang hinang-hinang nakaupo sa isa sa mga upuan sa lobby ng ospital. Hindi na siya nakakaramdam ng takot dahil nakita na niya si Kai at maayos naman na ang kalagayan ng bata sa silid na pinagdalhan dito.

Iyon nga lang, dahil nalula si Lorie sa halagang kailangan niyang bayaran sa ginawang operasyon sa anak niya at kung ano-ano pang miscellaneous fees at gamot ay sa pinakamurang silid kung saan may sampu pang pasyenteng nagpapagaling niya ito nailagay. Mas mabuti na iyon kaysa sa wala.

Saan naman kaya ako kukuha ng pera? helpless na nausal ni Lorie sa sarili. Naubos na ang mga barya niya sa kakatawag sa payphone ng mga maaari niyang mahiraman ng pera ngunit wala pa rin siyang mahanap. Nang tawagan ni Lorie si Madam Tisay ay nangako ang binabae na itatanong sa mga kakilala nitong nagpapa-five six kung maaari siyang umutang ng pera. Kahit alam ni Lorie na malulubog siya sa utang kapag sa mga Bumbay siya nangutang ay umoo pa rin siya sa suhestiyon ni Madam Tisay.

Napatingala si Lorie sa telebisyon sa lobby nang may kung sinong nagbukas niyon. Agad niyang nakilala ang paboritong showbiz talk show nina Mocha na pinapalabas doon. Pine-feature na naman ng talk show ang isang party. Napatitig roon si Lorie nang lumabas ang mukha ng lalaking pinagnanasaan ng mga katrabaho niyang binabae sa parlor. Isa na naman pala iyong pagtitipong inorganisa ni Choi Montemayor.

“`Buti pa itong mayayamang `to, hindi namomroblema sa pera at nagtatapon pa nga sa mga party-party,” mahinang nausal ni Lorie. Narinig niya ang pagsinghap ng katabi niya pero hindi niya iyon pinagtuunan ng pansin. Titig na titig pa rin si Lorie sa mukha ng lalaking nasa telebisyon.

Marahil kung siya ang kasingyaman ng mga Montemayor, sa halip na magsayang siya ng pera sa sosyalan ay itutulong na lamang niya iyon sa mga mahihirap na gaya niyang nangangailangan. Sa tingin ni Lorie ay mas magiging makabuluhan ang yaman kung sa ganoong paraan iyon gagamitin at hindi sa mga luho na gaya ng ginagawa ng Choi Montemayor na iyon.

Nang maalala uli ni Lorie kung gaano kalaki ang perang kailangan niyang hagilapin ay napabuga uli siya ng hangin. Inalis niya ang tingin sa telebisyon.

Nakarinig si Lorie ng tikhim. “Kaano-ano mo ang naospital?” tanong ng malamyos na tinig ng isang babae.

Sa unang pagkakataon ay nilingon ni Lorie ang katabi niya. Nasalubong niya ang tingin ng babaeng may maamong mukha. Sa tantiya ni Lorie ay nasa kuwarenta na ang edad ng babae. May kung ano sa babae na kahit yata sino ay mapapakausap dito. “Anak ko ho. May appendicitis ho siya at kakaopera pa lang sa kanya,” sagot ni Lorie

Bumakas ang simpatya sa mukha ng matandang babae. “It must have been hard for you. Ang pinakamasakit sa lahat para sa isang ina ay makitang nahihirapan ang anak niya. Ano’ng pangalan mo, hija?”

Saglit na nag-alangan si Lorie kung sabihin ang pangalan niya. Ngunit naisip niya na wala naman sigurong mangyayaring masama kung sabihin niya iyon sa matandang abbae. “Lorie po. Kayo ho?” maingat na tanong niya.

Tipid na ngumiti ang matandang babae. “Ako si Edna. Maayos na ba ang kalagayan ng anak mo?” nag-aalalang tanong nito. Ginagap pa ni Edna ang mga kamay ni Lorie at marahang pinisil.

Sa ginawa ni Edna ay namalayan na lamang ni Lorie na inihihinga na niya rito ang lahat ng nararamdaman at alalahanin niya sa mga oras na iyon. Hindi ugali ni Lorie ang magsabi ng tungkol sa personal niyang buhay sa ibang tao, lalo na kung estrangherang gaya ni Edna. Ngunit sa hindi niya malamang dahilan ay napalagay ang loob niya kay Edna. Nakikinig ito kay Lorie at paminsan-minsan ay nagbibigay ng mga pang-along salita. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ni Lorie sa pakikipag-usap kay Edna.

“So, ang problema mo na lang ngayon ay ang pambayad sa operasyon at maintenance ng mga gamot niya?” tanong ni Edna.

Tumango si Lorie.

Ngumiti ang matandang babae at humigpit ang hawak sa mga kamay ni Lorie. “Kung ganoon ay huwag mo nang problemahin iyon. Ako na ang bahala sa lahat. Hindi mo na kailangang humiram ng pera sa kung kani-kanino at mabaon sa utang na malamang ay lalaki dahil sa interes. Puwede mo na ring ilipat sa mas magandang silid ang anak mo para mapabilis at maging komportable ang pagpapagaling niya. At huwag kang mag-aalalang wala kang pambili ng mga gamot niya,” paliwanag ni Edna na para bang nagkukuwento lamang ito tungkol sa panahon.

Napamaang si Lorie. Binibiro ba siya nito? O baka naman manggogoyo pala ang matandang babaeng ito at nagkukunwaring pilantropo pero sa huli ay uutakan siya? Subalit ano naman ang mapapala ni Edna sa kanya? Kakasabi lang ni Lorie na walang-wala siyang pera.

“Hija, kung iniisip mong niloloko kita ay puwede kang magtanong sa head ng ospital na ito o kahit sa kung sinong doktor dito. Kilala nila ako,” nakangiti pa ring paliwanag ni Edna.

Hindi pa rin inaalis ni Lorie ang tingin sa matandang babae. “P-pilantropo ho kayo?”

Ngumiti si Edna bago tumango at pagkatapos ay tumayo na. “Halika na at hanapin natin ang doktor ng anak mo para mapag-usapan natin ang bayarin.” Nang hindi pa rin kumilos si Lorie ay hinawakan uli ni Edna ang kamay niya at marahang hinila siya patayo. Tila wala pa rin sa sariling nagpadala na lamang si Lorie sa matandang babae.

Mabilis ang mga sumunod na nangyari. Nang makita nila ang doktor ni Kai ay kinompirma nito na kilala nito si Edna. Isa pala si Edna sa madalas na nagdo-donate ng pera sa ospital na iyon at madalas na sumagot sa gastusin ng mga pasyenteng kinasisimpatyahan nito. Masuwerte pala si Lorie na si Edna ang nakatabi niya sa lobby na madalas pala nitong gawing tambayan tuwing dumadalaw sa ospital na iyon.

Sinamahan si Lorie ni Ma’am Edna sa cashier. Pagkatapos pirmahan ng matandang babae ang isang tseke ay iniabot nito ang tseke sa cashier. Mabilis din nilang naiayos ang bagong kuwartong gagamitin ni Kai. Inabutan pa siya ni Edna ng pera na halos ikinalula ni Lorie dahil noon lamang siya nakahawak ng ganoong kalaking pera. Pambili raw iyon ng mga gamot ni Kai at pangkain nilang mag-ina. Halos mahilo si Lorie sa mga nangyayari dahil pakiramdam niya ay nananaginip siya sa biglang pagsulpot ni Ma’am Edna sa buhay niya kung kailan kailangang-kailangan niya ng tulong.

“Marami pong salamat. Para kayong anghel na biglang sumulpot na pakiramdam ko hindi totoo ang mga nangyayari,” naiiyak na sabi ni Lorie kay Ma’am Edna nang maiayos na nila ang lahat.

Bahagyang tumawa ang matandang babae. “Walang anuman, hija. Gusto ko lang makatulong sa isang gaya mong mabuting ina.”

“Hindi ko ho alam kung paano ko kayo mababayaran sa tulong ninyo.”

“I told you, huwag mo nang alalahanin iyon.”

Umiling si Lorie. “Hindi ko ho kayang ganoon na lang ho iyon, Ma’am Edna. Gusto ko hong makabayad sa ginawa ninyo dahil kung hindi ay parang inasa ko na lang talaga sa iba ang pagpapagamot kay Kai. Gusto kong masabi sa sarili ko na may ginawa ako para sa kanya, kaya kahit ano ho gagawin ko para makabayad lang ako sa inyo,” matatag na sagot ni Lorie

Pinakatitigan siya ni Ma’am Edna na tila ba may inaalam ito sa mukha ni Lorie. Pagkatapos ay kumislap ang mga mata ng matandang babae na tila may naisip na ideya. “Are you sure you’re willing to do anything?”

Natigilan si Lorie dahil may kung ano sa tono ni Ma’am Edna na hindi niya mawari kung ano. “O-oho,” aniya.

Ngumiti ang matandang babae at nagsalita, “It’s settled then. Sasabihin ko kung paano ka makakabayad sa akin.”

NANLAKI ang mga mata ni Lorie habang nakatingala sa napakataas na condominium building sa harap niya. Tiningnan uli niya ang piraso ng papel na ibinigay sa kanya ni Ma’am Edna na sinulatan nito ng address bago tiningnan uli ang building. Kumpirmadong iyon nga ang building na dapat niyang puntahan sa araw na iyon. Hindi pa man nakakapasok si Lorie ay may pakiramdam na siyang malulula siya sa karangyaan niyon.

Sa araw na iyon magsisimula ang pagbabayad ni Lorie ng utang-na-loob sa pagtulong ni Ma’am Edna sa kanya. Ang hiniling ng matandang babae ay ang tumayo si Lorie na tagalinis ng pad ng isa sa mga anak nito habang wala pa itong nakukuhang housekeeper. Hindi raw kasi kaya ng anak ni Ma’am Edna ang walang tagalinis at tagaluto kahit man lang isang beses sa isang linggo.

Walang pag-aalinlangan pumayag si Lorie. Alam kasi niya na kahit yata isang taon pa siyang maging katulong ng anak ni Ma’am Edna ay hindi pa rin niyon mababayaran ang utang-na-loob niya sa matandang babae. Maano ba naman ang isang beses isang linggo? Puwede namang gamitin ni Lorie ang araw na iyon bilang day off niya sa parlor. May maaasahan din siyang mabait na kapitbahay na magbabantay kay Kai kapag hindi siya kasama ng anak niya. Maaari din namang iwan ni Lorie si Kai sa parlor dahil alam niyang aalagaan nina Mocha ang bata. Kahit si Kai, sa kabila ng murang edad ay alam niyang naiintindihan ang sitwasyon nila.

Huminga nang malalim si Lorie bago lakas-loob na humakbang papasok sa loob ng building. Nahagip ng mga mata niya ang dalawang guwardiya na nakatingin sa kanya at mukhang naging alerto. Napabilis tuloy ang lapit ni Lorie sa reception area. Kinabahan siya nang suriin siya ng receptionist. Hindi ba papapasukin si Lorie dahil halata sa suot at ayos niya na hindi siya bagay roon?

“Sino ho’ng pupuntahan ninyo?” tanong ng lalaki sa reception sa magalang ngunit seryosong tinig.

“Ah, pinapupunta ako ni Ma’am Edna sa unit number na ito,” ani Lorie na ipinakita ang papel na ibinigay sa kanya ng matandang babae. “Ako ang magiging tagalinis ng unit na iyan mula ngayong araw na ito. Ang sabi ni Ma’am Edna tatawag daw siya rito para sabihin sa reception na papasukin ako,” mabilis na paliwanag ni Lorie dahil baka hindi maniwala sa kanya ang lalaki at ipakaladkad pa siya sa mga guwardiyang malapit sa kanila.

Tiningnan naman ng receptionist ang papel na iniabot ni Lorie. Pagkatapos ay tumingin sa kanya na may bahid ng simpatya. “Ah, oo tumawag na rito si Ma’am para sabihin na darating ka. Tumuloy ka na,” sabi ng lalaki na iniabot uli kay Lorie ang papel at iminuwestra ang elevator.

Nagtaka man si Lorie sa nakita niyang ekspresyon sa mukha ng lalaki ay alanganin pa rin siyang nagpasalamat at pumasok sa elevator. Pinindot niya ang pinakahuling floor number bago kabadong tumingala sa papalit-palit na numero ng nagsasabi kung nasaang palapag na siya.

Nang bumukas ang elevator at nakalabas si Lorie roon ay natigilan siya nang makitang dalawa lamang ang pinto roon. Ang nasa kanan niya ay may nakalagay na fire exit sign sa itaas. Kung ganoon ang pinto sa kaliwa ang pinto ng unit ng anak ni Ma’am Edna.

Naglakad si Lorie palapit doon. Sobrang yaman naman nila at mukhang solo pa ng anak niya ang top floor ng sosyal na building na ito. Saglit pa siyang napatitig sa pinto bago ibinaling ang tingin sa mailbox na nasa gilid niyon. Naalala ni Lorie na sinabi sa kanya ni Ma’am Edna na nasa loob daw ng box na iyon ang spare key card ng unit na gagamitin niya kapag naglilinis siya roon. Huwag na raw mag-doorbell si Lorie dahil kapag ganoong oras at tuwing Sabado ay wala raw ang anak ni Ma’am Edna roon.

Sa naalala ay nawala ang kaba ni Lorie. At least, hindi niya makikita ang magiging amo niya. Mabilis na kinuha ni Lorie ang key card at binuksan ang pinto. Nang makapasok siya ay nanlaki ang mga mata niya sa pagkamangha. Napakalawak ng paligid. Lahat ng gamit ay nagmumura sa karangyaan. Ubod ng laki ang telebisyon, ang mga muwebles ay kumikinang at maging ang mga displays ay nasisiguro niyang libo-libo ang halaga.

Nagsimulang maglakad papasok si Lorie. Nagulat siya nang maramdaman niyang lumubog ang mga paa niya sa carpet. Para siyang pumasok sa loob ng mga larawan ng mga magagandang bahay sa mga magazine. Sa isang panig ay may tila gym pa na kumpleto sa mga makabagong equipment na nahaharangan lamang ng salaming pader. Sobrang ayos ng paligid. Sobrang coordinated ng mga kulay, lalaking-lalaki.

Nakakunot-noong iginagala ni Lorie ang tingin sa paligid. Bakit pa siya pinapunta roon upang maglinis kung mukhang wala naman siyang lilinisin?

Napaigtad si Lorie nang biglang tumunog ang telepono. Awtomatiko siyang napalingon doon. Nag-alangan si Lorie kung sasagutin iyon o hindi. Nakailang ring na iyon at akmang kikilos na siya para lumapit doon nang biglang bumukas ang isang pinto. Nabaling doon ang tingin ni Lorie.

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang lalaking nakasuot lamang ng roba na hindi pa nakatali nang maayos at may hawak na tuwalya na nasa basang buhok nito. Napaatras si Lorie nang mapatingin din ang lalaki sa kanya. Bumakas ang pagkagulat sa mga mata ng lalaki ngunit walang-wala iyon sa pagkamanghang nadama ni Lorie. Kilala niya ito. Ito ang lalaking madalas na nakikita niya sa telebisyon. Choi Montemayor!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.