THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 35

NAPAIGTAD si Riki nang marinig niya ang pagbukas ng front door. Nasa kusina siya at umiinom ng tubig pero hindi siya kumilos para tingnan kung sino iyon. Araw ng paglilinis ni Bona kaya alam niyang darating ang babae. Sa totoo lang, walang balak na magpakita sa kahit na sino si Riki pero dahil trabaho naman ang ipinunta ni Bona roon ay mato-tolerate naman siguro niya iyon kahit sandali.

Hindi pa rin nawawala ang pagrerebeldeng nararamdaman ni Riki sa mga nangyayari sa buhay niya. Bakit ba tila pinaglalaruan siya ng kung sino kaya hindi matahimik ang buhay niya? Hindi ba niya puwedeng gawin ang lahat ng gusto niyang gawin nang hindi siya magiging laman ng balita kinabukasan? Hindi ba siya puwedeng maglabas ng galit na hindi siya hahamakin ng mga taong hindi naman talaga alam kung ano ang totoong nangyari? Hindi nga iyon ang unang beses na naging laman si Riki ng balita ng mga pahayagan at telebisyon pero hindi naman iyon sunod-sunod gaya ngayon. Nakakasawa at nakakapagod maging sentro ng kontrobersiya!

To make matters worse, Riki woke up to Jeremy’s bad news. Nakatanggap daw siya ng warning mula sa Australian Open Tournament. Dahil sa Internet, nakarating sa mga opisyales ng Australian Open ang nangyari. Idagdag pa ang nangyari sa US Open kung saan may mga tao pa ring naniniwalang sinadya niyang saktan ang katunggali niyang player. Nagpahayag na raw ang mga opisyales ng pagkabahala. Ayon sa warning letter na ipinadala kay Riki, na si Jeremy ang nakatanggap, ay mapipilitan ang mga opisyales na i-disqualify siya sa tournament na gaganapin sa darating na Enero kapag na-involve na naman uli siya sa gulo. And in Riki’s opinion, not being able to play tennis was the worst punishment he could ever receive. Kaya hayun siya at pilit nagkukulong sa bahay niya.

Narinig ni Riki ang mahinang tinig ni Bona na tila may kausap pero hindi niya mawawaan ang sinasabi ng may-edad na babae. Napakunot-noo siya at mabilis na inilapag sa mesa ang hawak niyang baso bago nagtungo sa living room para alamin kung sino ang kasamang dumating ni Bona.

Nagitla si Riki at napahinto nang makita kung sino ang kasama ng housekeeper niya. “Ailyn, hindi ba sinabi ko nang huwag ka nang magpunta muna rito?”

Napaigtad si Ailyn dahil marahil sa biglang pagsasalita niya. Lumingon sa kanya ang dalaga. Napaawang ang mga labi ni Riki at tila may sumuntok sa sikmura niya nang makita niyang namamaga at nangangasul ang isang cheekbone ni Ailyn. “What happened to you?” aniya, saka mabilis na lumapit sa babae. Bago pa napigilan ni Riki ang sarili ay umangat na ang kamay niya at marahang hinaplos iyon. Napaigtad si Ailyn kaya mabilis niyang binawi ang kamay.

“Sa tingin mo ba ikaw lang ang nagkapasa sa away na nangyari noong nakaraang gabi?” nakangiwing sagot ng dalaga.

Hindi maipaliwanag ni Riki kung bakit pero bigla siyang nanlamig at matiim na tinitigan ang mukha ni Ailyn. “D-did I hurt you?” tanong ni Riki bago pa niya mapigilan ang bibig niya. Aminado siya na lasing na lasing siya nang gabing iyon. Hindi niya agad napansin ang presensiya ni Ailyn noon sa bar kung hindi pa siya nahimasmasan sa sinabi nito tungkol sa paglala ng eskandalong iyon. The thought that he might be the reason that her face was swollen made his stomach turn.

Ilang segundong napamaang sa kanya si Ailyn bago ito marahas na umiling. “Hindi ah.” Nakahinga nang maluwag si Riki. “Isa sa mga lalaking kaaway mo ang bigla akong tinabig noong inawat ko kayo.”

Nakaramdam si Riki ng pagbugso ng galit sa kung sino man sa mga gagong iyon ang nanakit kay Ailyn. He had the urge to look for them and punch all of them again, especially the one who bruised Ailyn’s face whoever did that.

Seriously, they were not even his friends. Nagkataon lang na naging kaklase ni Riki ang mga lalaking iyon sa ilang subjects noong nasa kolehiyo pa sila. Nagmula rin sa mayamang angkan ang mga lalaki kaya naging malapit na rin si Riki sa mga iyon. Hinayaan lang niya ang mga lalaking iyon na magsalita nang magsalita hanggang sa hindi na niya mapigilan ang galit niya.

“Bakit ka ba kasi nakipag-away, Riki?” tanong ni Bona sa kanya.

Napakurap si Riki at tiningnan si Bona pero walang salitang lumabas sa mga labi niya. He just couldn’t bring himself to say what the reason was. Ang kaalamang binabastos ng mga lalaking iyon si Marietta, kahit pa sabihing matagal na silang hindi nagkikita ng babae ay nakakapagpawala ng kontrol ni Riki sa sarili. She didn’t deserve it.

“Away lasing lang iyon, Bona. Alam mo naman ang mga lalaki kapag nalasing mabilis magkapikunan,” sabad ni Ailyn kaya napatingin uli si Riki sa dalaga. Nagtama ang mga mata nila nang tingnan din siya nito. Tila may sumuntok sa sikmura ni Riki nang may makita siyang kung ano sa mga mata ni Ailyn. She knew. For an inexplicable reason the realization made him feel guilty. Mayroon ding nagtutulak sa likod ng isip ni Riki na magpaliwanag kay Ailyn kahit kung tutuusin ay hindi naman kailangan iyon.

Napakurap siya nang si Ailyn ang unang magbawi ng tingin at humarap uli sa housekeeper niya. “Maglilinis ka, hindi ba? Tutulungan na kita kung gusto mo. Tutal mukhang wala namang balak lumabas si Riki.”

Napalunok si Riki nang titigan niya si Ailyn. Napagtanto niya na iyon ang unang beses na binanggit ni Ailyn ang pangalan niya. Pleasure shot through him. Hindi alam ni Riki kung bakit big deal sa kanya na sabihin ni Ailyn ang pangalan niya tulad din ng kakaibang damdamin na nararamdaman niya sa tuwing kasama niya ang dalaga. Bago iyon sa kay Riki. Ayaw na niyang pakaisipan pa kung ano iyon, ang mahalaga lang sa kanya ay nawala ang iritasyong nararamdaman niya kanina mula nang dumating si Ailyn.

Napabuga ng hangin si Riki habang nakatingin pa rin sa dalaga. “Dapat sinasamantala mo kapag binibigyan ka ng day off. Bakit ka ba punta nang punta rito kung hindi ko naman kailangan ng bodyguard sa loob ng bahay ko?” tanong niya kay Ailyn.

Hinintay muna ng dalaga na makarating si Bona sa kusina bago ito tumingala kay Riki. Sinalubong ni Ailyn ang mga mata niya. “Hindi ako mapakali na hindi ka nakikita, eh.” Napamaang si Riki. Nang tila ma-realize ni Ailyn kung ano ang namutawi sa mga labi nito ay tumikhim ang dalaga at umiwas ng tingin. “Malay ko ba kung nagpapakamatay ka na rito. Trabaho kong protektahan ang buhay mo hindi lang sa ibang tao kundi maging sa sarili mo. Tutulungan ko na si Bona sa paglilinis sa kusina.”

Iyon lang at tila napapasong mabilis na sumunod si Ailyn kay Bona. Sinundan ni Riki ng tingin ang dalaga. Ilang segundong nablangko siya sa nangyari. Pero hindi niya napigilan ang pagsilay ng munting ngiti sa mga labi niya nang maalala ni Riki ang pagkailang at pamumula ng mga pisngi ni Ailyn habang nagsasalita ito kanina. He never thought she was capable of taming his anger and irritation just like that. Mas magaan na ang pakiramdam ni Riki ngayon. Nagkibit-balikat siya at nagtungo sa kaniyang silid.

HINDI ako mapakali na hindi ka nakikita. Hindi makapaniwala si Ailyn na nagkaroon siya ng lakas ng loob na sabihin ang mga salitang iyon kay Riki. Kulang ang hilinging sana ay lamunin siya ng sahig para makatakas sa binata pagkatapos niyang sabihin iyon sa labis na kahihiyan. Mabuti na lang at nagawa ni Ailyn na makabawi at nakalayo kay Riki bago pa man ito magsalita.

Sa totoo lang, hindi niya alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob niyang iyon. Marahil dala iyon ng hinanakit na hindi napansin ni Riki na may pasa pala siya sa mukha noong huli silang nagkita. Patunay lang iyon na hindi siya napagtuunan ng pansin ng binata mula nang gabing iyon. O mas tamang sabihing, mula nang mabanggit ang pangalan ni Marietta sa anonymous letter na natanggap nito.

Ang reyalisasyong iyon ang nagdulot ng kakaibang pagrerebelde sa dibdib ni Ailyn. Para siyang sinapian at nakapagsalita siya ng ganoon. Napabuga siya ng hangin at marahas na umiling. Itinutok ni Ailyn ang atensiyon sa pagpapalit ng ilaw sa laundry area na ipinakiusap sa kanya ni Bona na gawin. Ayaw kasi ng matandang babae na tumulong siya sa paglilinis.

“What are you doing?”

Napaigtad si Ailyn at muntik nang mawalan ng balanse sa biglang pagtatanong ni Riki. Mabuti na lang at maagap na nahawakan ng binata ang hagdan kaya hindi siya nahulog. Nahigit ni Ailyn ang kanyang hininga sa sumunod na nangyari. Nakulong ang mga binti niya sa magkabilang braso ni Riki dahil sa ginawa nitong pagsuporta sa tinutungtungan niya. Nang yukuin ni Ailyn si Riki ay halos kaharap na ng mukha nito ang pang-upo niya. Nakakunot ang noo ng binata habang nakatingala sa kanya. Nag-init ang mukha ni Ailyn at tarantang bumaba ng hagdan. Inalis ni Riki ang pagkakalapat ng isang kamay nito habang nanatiling nakahawak sa hagdan ang isa pa.

“Pinapapalitan ni Bona ang ilaw dito dahil namamatay-matay na raw kapag binubuksan,” ani Ailyn habang bumababa ng hagdan.

Nang isang hakbang na lamang at makakababa na nang tuluyan si Ailyn ay walang anumang pumaikot ang isang braso ni Riki sa baywang niya. Nanlaki ang mga mata niyang napatingin sa binata. Nagtama ang mga mata nila. Sumilay ang munting ngiti sa mga labi ni Riki. Pagkatapos ay humigpit ang hawak nito sa baywang ni Ailyn. Walang kahirap-hirap na ibinaba siya ni Riki sa sahig. Napahawak siya sa dibdib ng binata para maibalanse niya ang sarili. Naramdaman ni Ailyn ang init at tigas ng dibdib ni Riki at tila napapasong mabilis na inalis niya ang mga kamay niya sa dibdib nito.

Inalis ng binata ang braso nito sa baywang ni Ailyn at bahagyang natawa. “Sometimes, you can act a little like a lady in distress you know. You will appeal to men more like that,” sabi pa ni Riki.

Napatingala si Ailyn rito. May amusement sa mukha ni Riki ngunit nagdulot ng munting sundot sa dibdib niya ang sinabi nito. Hindi kasi siya ganoong babae. Ibig bang sabihin niyon hindi siya appealing sa mga lalaki?

“Ganoon ba si Marietta?” natanong ni Ailyn bago pa niya napigilan ang sarili.

Nawala ang ngiti ni Riki at napatitig sa kanya. Nakagat niya ang loob ng ibabang labi niya sa reaksiyon ng binata. Nag-iwas ng tingin si Ailyn at tumikhim. “Sorry. Hindi mo kailangang sumagot,” mabilis na bawi niya.

Ilang segundo ang lumipas, akala ni Ailyn ay galit sa kanya si Riki kaya akmang aalis na siya roon nang sa wakas ay magsalita ang binata. “Yes. Marietta is a gentle, vulnerable woman. She always tugs at my protective instinct whenever I’m with her.”

Tiningnan ni Ailyn si Riki. Seryoso ang mukha nito. Lampas sa kanya ang tingin ng binata na para bang may inaalala ito mula sa nakaraan. May kislap ng maamong emosyon sa mga mata ni Riki na alam ni Ailyn na dulot ng mga alaalang iyon. Sigurado siyang si Marietta ang nakikita ni Riki sa alaala nito. Lumunok si Ailyn. Pakiramdam niya ay biglang may bumara sa lalamunan niya at hinintay na magpatuloy ang binata. Ano pa ba ang maaari niyang sabihin sa pag-amin na iyon ni Riki?

“She is also the prettiest woman I have ever seen. Maganda siya at mas mahiyain kompara sa ibang babae sa campus. Madalas siyang i-bully ng mga schoolmate naming babae. Imagine that, we were already college students but they still bullied her. Ang mga lalaki naman, sinasamantala ang timidity niya at tinatangka siyang gawan ng hindi maganda. I bet she rejected those bastards and that’s why they’ve been badmouthing her. Pero alam ko na hindi ganoon si Marietta. Kumukulo ang dugo ko kapag nakakarinig ako ng mga ganoon. She doesn’t deserve it,” patuloy ni Riki.

Napahinga nang malalim si Ailyn. “Kaya nag-ala knight in shining armour ka sa kanya, ganoon ba?” mahinang tanong niya.

Tiningnan siya ni Riki. Bahagyang umangat ang isang sulok ng mga labi ng binata. “Yeah. At that time, tennis lang ang nasa isip ko, wala nang iba. `Tapos nagpunta siya sa tennis club namin at kahit halatang nahihiya siya ay lakas-loob niyang hiniling na turuan ko siyang maglaro ng tennis. Gusto raw niya magkaroon ng something na masasabi niyang kaya niyang gawin. So I taught her and the rest is history. We’ve been together for five years.”

Hindi inalis ni Ailyn ang tingin sa mukha ni Riki. Nagtama ang mga mata nila ngunit hindi na nagsalita pa ang binata. Marahil ay hinihintay nitong siya naman ang magsalita. Sandaling nagdalawang-isip si Ailyn kung isasatinig ba niya ang tanong na kanina pa niya gustong sabihin kay Riki. Pero dahil nagkuwento na ang binata ng tungkol kay Marietta ay nagbaka-sakali na siyang sasagutin din nito ang tanong niya. “Bakit kayo nag-break?” marahang tanong ni Ailyn.

Mukhang inaasahan na ni Riki ang tanong niya dahil hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha ng binata. “Hindi kami nag-break.”

Alam iyon ni Ailyn. “Bakit kayo magkahiwalay ngayon?”

Nagkibit-balikat si Riki at dumeretso nang tayo. “She wants space and time alone.”

Napakunot-noo si Ailyn. Ilang taong “time” ba ang kailangan ng babaeng iyon para sa sarili nito? “At pumayag ka?”

“I didn’t. Alam kong taon na ang lumipas kaya unofficially break na kami. Still, hindi ko hahayaang may mang-insulto sa kanya ng ganoon,” sagot ni Riki.

Patunay lang na mahal mo pa rin siya, dismayadong sabi ni Ailyn sa sarili. Sa totoo lang, hindi maganda ang hinala niya habang nagkukuwento si Riki ng tungkol kay Marietta. Hindi matukoy ni Ailyn kung ano iyon. Nakaramdam siya ng takot. Hindi puwede ito. Hindi puwede, tanggi ng isang bahagi ng isip niya.

Napakurap si Ailyn nang tumunog ang doorbell. Napatingin siya sa direksyon ng pinto ng laundry area na nakakonekta sa kusina. Maging si Riki ay napatingin din doon.

“Is that Bona? Lumabas siya kani-kanina lang dahil may ipinabili ako sa kanya. Pero hindi niya kailangan mag-doorbell,” nagtatakang sabi ni Riki.

Nagpatuloy ang pagtunog ng doorbell. “Tingnan na natin,” ani Ailyn, saka nagpatiunang humakbang patungo sa sala. Sumunod sa kanya si Riki. Napakunot-noo siya nang makitang wala namang tao sa screen na nakadikit sa gilid ng pinto ng binata. “Prank lang,” aniya.

“No,” ani Riki sa likuran niya. Nagtatakang nilingon ni Ailyn ang binata nang marinig niyang may kakaiba sa tinig nito. Titig na titig si Riki sa screen at tila may nakikita roon na hindi nakikita ni Ailyn. “Isang tao lang ang hindi tumatayo sa harap ng pinto ko kapag nagdo-doorbell.”

“Riki?” tawag ni Ailyn rito. Pero mukhang hindi siya narinig ni Riki dahil mabilis na lumapit ito sa pinto at binuksan iyon. Nakita niya nang ma-tense ang katawan ng binata.

Pagkatapos ay narinig ni Ailyn ang isang matinis na tinig. “Hi, long time no see, Riki.”

Nanlaki ang mga mata niya at nanlamig ang buong katawan niya. Lalo nang marinig ni Ailyn ang halos pabulong na tinig ni Riki.

“Marietta.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.