The Substitute Chapter 17

"HINDI ko kaagad sinabing alam ko nang nagpapanggap ka lang." sabi kong ikinaiwas ng tingin ni Quia.

Bakas sa mukha niya ang halu-halong emosyon. Pero lamang ang tuwa na bakas sa kaniyang mga mata. "Hindi ko alam kung paano kitang pasasalamatan. Masyado nang malaki ang nagastos mo sa pagpapagamot ko. Pati na rin sa pagtulong kay Tatay at Lemuel. Baka hindi—,"

"Sapat nang kabayaran ang huwag mo akong iwan." putol ko sa sinasabi ni Quia.

Isang alanganing ngiti ang kaniyang pinakawalan bago humarap muli sa labas ng bintana. "Hindi ako si Jianna, Yvo."

"Wala akong pakialam."

"Hindi mo ako mahal. Akala mo lang iyon. Una, dahil kamukha ako ng babaeng pinakamamahal mo. Pangalawa, dahil sa nangyari sa atin na nagbunga. At ang huli, pakiramdam mo'y responsibilidad mo ako dahil sinisisi mo ang sarili mo sa nangyaring pambababoy sa akin ni Ocampo." Mahabang sabi ni Quia na nagpahulog sa akin sa malalim na pag-iisip.

"Quia..."

"Saka mo na lang sabihing mahal mo ako kapag hindi mo na ako nakikita bilang anino ni Jianna." sabi niyang ikinatahimik ko nang tuluyan.

Sinundan ko ng tingin ang paglakad niya palapit sa pinto. Bago niya iyon buksan ay muli siyang humarap sa akin. "Narinig ko ang lahat Yvo. Patawad kung nararanasan mo ang lahat ng pambabatikos nila dahil sa akin. Salamat sa mga nagawa mo, babayaran kita, hindi man sa ngayon, pero sana mahintay mo. Babayaran kita ng buo."

"Are you leaving me?"

"Ginagawa ko ang sa tingin ko'y tama. Huwag kang mag-alala maayos na ako, makakaya kong labanan ang bangungot na ginawa ni Ocampo. Kailangan ko lang lumayo para magpahilom ng sugat sa puso. Hindi—,"

"Ilalayo mo sa akin ang anak ko? Iiwan mo ako? Quia, mahal kita!"

"Hindi ko ipagkakait sayo ang anak natin Yvo. Malaya mo siyang makakasama, pero hayaan mo muna akong lumayo. At ang pagmamahal na nararamdaman mo, kapag dumating ang panahon na nariyan pa rin iyan, pangako, ibabalik ko ng buo. Mahal rin naman kita."

"Iyon naman pala, bakit kailangan—,"

"Dahil hindi ako si Jianna. Sana makuha mo ang ibig kong sabihin." Sabi ni Quia bago siya tuluyang lumabas ng kuwarto ko.

Pakiramdam ko'y nakapako ang mga paa ko sa sahig. Hindi ako makahakbang. Parang may parte sa akin ang gusto siyang pigilan sa pag-alis. Pero may parte ring gusto ko siyang hayaan sa gagawin niya.

"Jianna?" Mahina kong bulong bago mariing napasabunot.

Talaga nga bang mahal ko si Quia? O baka tama siyang nakikita ko lang sa kaniya si Jianna?

"Fuck!"

-

"Here's your things, naihanda ko na ang lahat. Lampin, bimpo, baby powder, diapers, baby clothes, bottle, big—,"

"Jino, ayos lang ako. Na-double checked na iyan ni Lemuel bago ka umalis kanina." Nakangiwi kong sabi kay Jino. Mas mukhang kinakabahan pa ito kaysa sa akin.

"God! I'm shaking!" Sabi nito bago tumalon-talon. Natatawang napapangiwi na lang ako dahil sa reaksiyon ni Jino at dahil sa paghihilab ng tiyan ko. Ang sabi ng Doktor, ano mang oras ay manganganak na ako. Ramdam ko na ang pagsakit ng aking tiyan at pati na rin ang lahat ng kasu-kasuan ko. Every two minutes ay para akong papanawan ng ulirat sa sobrang sakit.

"Dapat kasi hindi ka na lang pumarito. Nariyan naman sina Tatay para samahan ako eh." sabi kong nakapikit nang mariin.

"Are you crazy?! Hindi kita iiwan basta na lang! You broke your water inside my car. Kargo kita!" Hindi mapakaling sabi nito. "Shit, that bastard Yvo!" mariin nitong bulong na narinig ko.

Ilang buwan na ang nakakalipas simula nang umalis ako sa bahay ni Yvo. Hanggang ngayo'y hindi ko pa rin siya nakakausap o nakikita. Iniiwasan kong mapag-usapan siya. Baka kainin ko ang mga sinabi ko noon. Baka bigla'y liparin ko ang distansiya naming dalawa.

Mahirap ang nangyari sa akin. Tumagal rin ang ginawa kong pagpapagamot. Pero dahil sa mga taong sumusuporta sa aki'y nilabanan ko ang takot. Isa pa, ayaw kong maapektuhan ang anak ko.

"Bakit ba kasi hindi mo na lang siya tawagan?! Ako ngayon ang namomroblema eh!" Pagrereklamo ni Jino. Pinilit ko ang sariling iangat ang kamay bago binatukan si Jino.

"Sabi mo kanina kargo mo ako! Tapos magrereklamo ka? Baliw ka ba? At saka bakit ka ba kinakabahan? Hindi naman ikaw ang manganganak!" Malakas kong sabi bago ako napaungol ng mahaba. Mas tumindi ang sakit ng tiyan ko. Para bang may lalabas na sa pagitan ng mga hita ko ano mang oras.

"Ano? Manganganak ka na ba? Lalabas na ba ang pamangkin ko?" Natatarantang sabi ni Jino. Halos hindi ito magkamayaw sa ginagawang paghawak sa braso ko at sa tiyan.

"Tumawag ka na ng Doctor! Ipadala niyo na ako sa delivery room! Nararamdaman—fuck!" malakas akong sumigaw nang hindi ko na makayanan ang sakit.

Sa loob ng siyam na buwang paghihintay ay tila isang magandang musikang pumailanlang ang pag-iyak ng sanggol na iniluwal ko. Naiiyak na tumitig ako sa malusog na batang lalaki na ibinabalot sa napakaputing lampin. Tuloy-tuloy na dumaloy ang mga luha ko nang itabi na sa akin ng mga Doctor ang anak ko.

"Hugo, baby." garalgal ang boses na tawag ko sa sanggol na nasa mga bisig. Magaan kong idinampi ang aking mga labi sa kaniyang noo.

"Nasaan ang pamangkin ko?"

Matalim ang tinging ipinukol ko kay Jino nang walang pasabi itong pumasok sa delivery room. Kung maka-claim na pamangkin niya si Hugo'y parang totoo niya talaga akong kapatid. Pero natutuwa pa rin naman ako. Hindi niya pa rin binabali ang pangako niyang tutulungan ako.

"Oh my baby Hugo. Kamukha mo si Tito, pareho tayong guwapo." Malaki ang ngiting sabi nito nang makita ang anak ko.

"Siraulo," mahina kong sabi bago muling tinitigan si Hugo.

Ilang minuto lang ang ipinaghintay namin bago ako inilipat sa private room. Doon malayang nakita nila tatay si Hugo bago ito dinala sa nursery. Kailangan raw munang tingnan ang baby para malaman kung may sakit o ano pa man.

"Kailan mo sasabihin kay Yvo?" tanong sa akin ni kuya Jino nang kami na lang dalawa ang nasa kuwarto.

"Hayaan mo siyang magkusang pumunta sa amin ni Hugo. Kung talagang mahal niya ako, dapat siya ang unang gumawa ng hakbang."

"Pero umuwi na si Jia."

"Eh 'di magaling. Mapapatunayan lang kung mahal niya talaga ako kapag bumalik na si Jia. Isa pa, kung totoo ngang mahal niya ako dapat noon pa lang dumalaw na siya sa akin. Ni dulo ng kuko niya hindi ko man lang nakita." Nakaismid kong sabi. Hindi ko maiwasang makaramdam ng inis kay Yvo.

Tama naman diba? Kung talagang mahal niya nga ako, paglabas ko pa lang ng kuwarto niya, dapat pinigilan niya na ako. O kaya nama'y sana pinuntahan niya ako sa bahay. Pero hindi niya iyon ginawa. Ibig sabihin, nagdadalawang-isip siya sa nararamdaman niya. Na tama ang sinabi kong mahal niya lang ako dahil nakikita niya sa akin si Jia.

"Galit ka ba sa kaniya?"

"Hindi! Naiinis lang ako!" sabi kong nakasimangot.Natatawang ginulo ni Jino ang buhok ko.

"Magpahinga ka na." sabi nito bago ako tinulungan na makahiga nang maayos.

Halos magdadalawang oras nang nakaalis si Jino'y hindi pa rin ako nakakatulog. Siguro dahil sa mga bumabagabag sa akin. Marami akong gustong itanong kay Yvo.

Mahihinang katok ang nagpalingon sa akin. Mula sa pinto ay sumungaw ang isang babaeng hindi ko aakalaing makikita ko sa personal. Para akong nananalamin. Ang kaibahan nga lang ay mahaba ang buhok ko samantalang ang sa kaniya'y maiksi. Magara ang kaniyang damit na mukhang napakabango.

Nang makalapit siya sa akin nang tuluya'y doon ko natingnang maigi ang kaniyang mukha. Parehong-pareho kami, pero may nunal siyang maliit sa gilid ng mata at sa noo. Mas mahaba ang pilik-mata ko kaysa sa kaniya.  May bahid ng make-up ang mukha niyang maganda. Isa pang kaibahan, ay ang pilat ko sa pisngi.

"H-Hi?" naiilang na bati niya sa akin. Shit! Magkahawig ang boses namin pero sa tingin ko'y magkaiba kapag tumagal. Ewan, nababaliw yata ako!

"Hindi naman siguro tayo kambal diba?" pagbibiro kong ikinangiti niya.

"I'm sorry..." sabi niyang bigla sumeryoso. Bakas sa kaniyang mukha ang paghingi ng tawad. "Nang dahil sa pagiging makasarili ko nadamay ka pa."

"Ginusto ko iyon, Jia." malumanay kong sabi.

"Naikwento ka sa akin ni kuya noong pinipilit niyang umuwi ako. Noong una ayaw kong maniwala. Pero noong makausap ko si Yvo, para akong tangang hinahanap ka. Pati sina Mommy pinipilit ako kung matutuloy pa ba ang kasal—,"

"Ituloy mo." Ewan ko ba kung bakit ko iyon nasabi.

Umiwas ng tingin si Jia. "Marami akong napagtanto noong manganak ako kay Zarha. Kailangan niya ng ama, kaya bumalik ako rito."

Para akong tinutusok ng ilang daang karayom sa dibdib. Si Yvo ba ang gusto niyang tumayong ama sa anak niya? Paano na si Hugo? Paano na ako?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.