"QUIA..."
"Ano? Magkukunwari kang hindi mo alam ang sinasabi ko? Papalabasin mong ako ang may kasalanan? Diyan ka naman magaling eh!" malakas kong sigaw.
"Talagang hindi ko alam ang sinasabi mo." Seryosong sagot ni Yvo na ikinapikit ko nang mariin. "Totoo ang mga sinabi't ipinakita-,"
"Ayan! Sige ipaalala mo lahat! Konsensiyahin mo ako!"
"Sabihin mo nga sa akin, nagseselos ka ba?" tanong niyang ikinatigil ko. "Nagseselos ka ba dahil magkasama kami ni Jianna?"
"Umalis ka na lang Yvo. Wala kang karapatang marinig ang mga sasabihin ko." Sabi kong may matalim na tingin. Kaagad kong hinawakan si Hugo para kunin sa kaniya. Pero mas lalo lang hinigpitan ni Yvo ang pagkakayakap sa anak ko.
"Hindi mo man lang ba ako bibigyan ng pagkakataong makasama ang anak natin? Quia naman, mahigit dalawang taon akong wala sa tabi ninyo! Dalawang taon na dapat ako ang kasama ninyo hindi si Jino-."
"Eh bakit hindi ka nagpakita?! Bakit wala ka noong mga panahong kailangan ka namin ni Hugo? Ni hindi mo nga ako sinundan noong umalis ako sa pamamahay mo!" Sumbat kong umiiyak.
Pakiramdam ko'y bumuhos lahat ng sama ng loob ko para kay Yvo sa loob ng dalawang taong hindi man lang niya kami pinuntahan. Dalawang taong umasa akong magpapakita siya kahit isang beses. Para sabihing mali ang nasa isip ko; na ako at si Hugo talaga ang pipiliin niya. Pero hindi, malinaw na si Jianna at Zarha ang pinili niya. Bakit? Malamang, dahil sa nararamdaman niya kay Jianna.
"Dahil tinulak mo ako palayo." Mahina ang boses na sagot ni Yvo. Awtomatikong napako ang mga mata ko sa mga mata niyang matiim na nakatitig sa akin. "Sinabi mo sa akin noon na kapag sigurado na ako sa nararamdaman ko, saka lang ako pwedeng magpakita sayo."
Mahina akong napapalatak. "Kasalanan ko pa?"
"Hindi sa ganoon. Tama ka sa mga sinabi mo noon sa akin. Kinilala ko kung sino talaga ang nilalaman ng puso ko. And I was so-."
"Yvo..."
Pareho kaming napatingin sa lalaking bagong pasok. Matiim ang pagkakatitig sa amin ni Jino. Sa tabi nito ay si Louise na may pag-aalala sa mukha. Si Jianna na hindi ko mabasa ang ekspresiyong naglalaro sa mukha niya. At si Tatay na may pag-aalala sa mga mata.
"Alam kong kailangan ninyong mag-usap. Pero sana naman, huwag sa harap ng bata. Natatakot na si Hugo." sabi ni Jino. Noon ko tinapunan nang tingin ang anak kong nakalabi't malapit nang kumawala ang hikbi. Ilang minuto lamang ay umalog na ang mga balikat nito, kasunod niyo'y mahigpit na yumakap kay Yvo.
"Saan ang kuwarto ni Hugo?" mahinahong tanong sa akin ni Yvo.
Wala akong ibang nagawa kundi ang samahan siya papunta sa kuwarto ko. Hindi ko naman kasi inihiwalay si Hugo ng kuwarto. Mahirap ang ganoon. Gusto ko ay palagi kong nakikita ang anak ko.
Tahimik na inalo ni Yvo si Hugo. Nasa mga bisig niya pa rin ang anak namin habang siya'y nakaupo sa kama ko.
"Hush now, big boy." Mahina niyang sabi na ikinalihis ko ng tingin. Kaagad kong pinunasan ang luhang kumawala sa aking mga mata. Akala ko'y hindi na darating ang araw na mayayakap ni Hugo ang ama niya. Akala ko'y habambuhay na ako lang ang magpapatahan sa kaniya. Ewan ko ba kung bakit ako umiiyak. Gayong dapat ay masaya ako.
Makalipas ang ilang minuto'y narinig ko ang pagtawag sa akin ni Hugo. Nakaangat ang mga braso nito tanda na gusto nitong magpabuhat sa akin.
"Baka gutom na si Hugo." mahina kong sabi bago nagmamadaling kinuha ang malinis na boteng pinagtitimplahan ko ng gatas nito.
Kaagad kong kinuha kay Yvo si Hugo para mapainom ito ng gatas. Sandali lamang ay inihiga ko na ito sa kama. Kasunod niyo'y pinalitan ko na rin ito ng damit.
Tahimik lamang na nakamasid si Yvo sa aking mga ginagawa. Nakasunod ang mga mata niya sa bawat paggalaw ko.
Nang matapos ako sa ginagawa'y tahimik na naupo ako sa tabi ni Hugo. Marahan kong tinapik ang kaniyang hita para mabilis itong makatulog.
"Hindi ka ba napapagod?"
"Kung para naman kay Hugo, kahit mapagod ako, hindi ako titigil." Sagot kong hindi man lang tinatapunan ng tingin sa Yvo na nakaupo sa kabilang bahagi ng kama.
"Mahirap ba?" muli niyang tanong. "Shit." narinig kong mahinang dagdag ni Yvo. Marahil ay napansin niya kung gaano kabobo ang tanong niyang iyon.
"Mahirap dahil mag-isa lang ako." sagot kong nakataas ang kilay. "'Yun kasing ama ni Hugo, ibang bata ang inaalagaan. Ibang pamilya ang sinasamahan at ibang babae-,"
Muntik nang kumawala ang isang tili sa bibig ko kung hindi lamang iyon natakpan ni Yvo. Paano ba naman kasi'y bigla niya lang akong hinila't kinubabawan.
"You sounded like a jealous wife." Sabi niyang mariing nakatitig sa mga mata ko. Halos magdikit na ang mga noo namin sa sobrang lapit ng mukha niya sa akin.
Malakas akong napasinghap nang marahang haplusin ni Yvo ang aking pisngi. Ang parte kung saan naroon pa rin ang bakas ng kahayupan ni Ocampo.
Napansin ko ang pag-igting ng mga panga ni Yvo. Muli niya akong tiningnan sa mga mata. Para bang nag-uusap ang mga mata namin. Ilang sandali lang ay muling tumulo ang mga luha ko. Kasunod ay mahinang paghikbi nang masuyo akong yakapin ni Yvo.
"Bakit ngayon ka lang?" mahina kong sabi habang walang tigil sa pag-iyak.
"I'm sorry." halos walang boses na sabi sa akin ni Yvo. "Marami akong inasikaso noong umalis ka. Katakot-takot na pagpapaliwanag ang ginawa ko kay Tita Theresa at kay Mommy. And I also met a very important person. Bigla ring dumating si Jianna. Hindi kaagad ako nakabalik sayo."
"Si Jianna, talaga bang-."
Mabilis na pinatigil ako ni Yvo sa pagsasalita. "Huwag na muna natin siyang pag-usapan. Masyado ring komplikado ang buhay niya ngayon." Sabi ni Yvo bago niya ako tinulungang bumangon.
"Gusto ko lang malaman kung magkasama kayong dalawa sa loob ng dalawang taon."
Umiwas ng tingin si Yvo. "I don't have any choice. Kailangan nila ng matitirhan dahil hindi pa rin alam ni Tita na nakauwi na siya."
"Magkasama nga kayo." nanlulumo kong sabi.
"Hey, paminsan-minsan lang naman. Sa bahay sila nakatira habang ako'y sa bahay nila Mommy. Ayaw kong maging unfair sayo, kaya pinili kong lumayo rin sa kaniya kahit papaano." Sagot ni Yvo na ikinangiti ko nang maliit. Ibig sabihin niyo'y laman pa rin ako ng isipan niya. Na kinokonsidera niya ang nararamdaman ko.
Muli kaming natahimik. Magkalapat lang ang aming mga tingin. Para bang ayaw naming mawala ulit ang isa't isa sa mga mata namin.
Hindi ko napigilan ang pagngiti. "Yvo..."
"I missed your smile, babe." mahina niyang sabi na alam kong ikinapula ng mga pisngi ko.
Sabihin n'yo nang marupok ako pagdating kay Yvo. Pero totoong nawala bigla ang panunumbat sa puso ko. Nawala ang galit ko, pati na rin ang sakit.
"Marami pa tayong dapat pag-usapan." Sabi kong nakataas ang kilay. Kaagad na pumunit ang isang ngiti sa mga labi ni Yvo. Kasunod niyo'y marahan niya akong ipinaloob sa kaniyang mga bisig.
"We'll talk some other time. Sa ngayon kailangan-."
"You badly need a haircut." sabi kong ikinatigil ni Yvo.
"Why? Hindi mo ba gusto?"
"Bagay naman sayo, maganda. Pero mas gusto kong maiksi iyan, mas bagay sayo." nakangisi kong sabi.
Napansin ko ang biglang pagsalubong ng kaniyang mga kilay. "Okay, I will."
Lumipat ang tingin ni Yvo kay Hugo na tahimik na natutulog. Napapailing na hinalikan niya ito sa noo at sa pisngi.
"Kailangan mong bumawi." sabi kong nakatitig sa anak namin.
"Talagang kailangan kong bumawi. Uumpisahan ko bukas."
"Bakit hindi pa ngayon?" takang tanong ko.
"Ngayon babawi ako sayo. Bukas babawi naman ako kay Hugo." Sagot sa akin ni Yvo bago kumindat.
"Oh Yvo." naiiyak kong sabi bago siya niyakap nang mahigpit.
"Nagiging iyakin ka na."
"Kagagawan mo ito." natatawa kong sabi bago ko muling ibinaon ang mukha ko sa kaniyang dibdib.
"Quia,"
Mahina akong umungol bilang sagot. Bahagya ko ring inilayo ang mukha ko sa kaniyang dibdib.
"Wala ba akong kiss?" may pilyong ngiti sa mga labing tanong niya sa akin.
Biglang umangat ang kilay ko sa tanong ni Yvo. Hindi ko napigilan ang aking kamay. Mahina ko siyang binatukan pagkatapos ay lumayo sa kama. "Kiss? Kiss mo mukha mo. Magkaayos na nga tayo pero manigas ka, dahil hindi kita pagbibigyan."
"What? Quia naman." hindi makapaniwalang sabi ni Yvo. "Kahit isa lang?"
"Hindi pwede."
"Quia, babe, wala akong natatandaang hinalikan kita nang maayos."
"Iyon na nga eh, lahat idinaan mo sa dahas. Pati na ang pagdating ni Hugo sa buhay natin. Kaya manigas ka, kailangan ko ring magpakipot kahit papaano!" Sagot kong binanatan ng malulutong na pagtawa ni Yvo.