When He Cries Chapter 14

Niyuko ni Yngrid ang paa. Namutla siya nang makitang nakapaa lang siya. Ano bang kashungahan ito?

Isang alanganing ngiti ang ibinigay niya kay Kenji. "Akala ko kasi… beach party. Kaya naisip ko… akala ko nakayapak lang.”

“Wala naman tayong beach dito sa resort. It is better if you wear shoes or sandals. Baka masaktan pa ang paa mo,” puno ng pag-aalalang sabi nito.

Pahiya! Pilit pa rin siyang ngumiti kahit parang gusto na niyang tumawag ng backhoe para hukayan siya ng libingan niya nang mga oras na iyon.

‘Poise pa rin dapat. Di pwedeng mahalata ni Kenji na shushunga-shunga ka,’ sabi niya sa sarili.

“J-Just give me a moment. Errr.... one minute,” aniya at isinenyas pa ang isang daliri.

"Take your time. I will just wait here," sabi ni Kenji at inokupa ang rattan chair sa labas ng cottage.

Isinara ni Yngrid ang pinto at saka binalikan ang sandals niya. "Shocks! Nakakahiya talaga," natataranta niyang sabi habang isinusuot ang wedge sandals.

Simpleng sapin lang sa paa ay nakalimutan niyang dahil kay Kenji. Kanina pa niya pinaghandaan ang lahat. Tiniyak niyang magiging perpekto siya pagharap sa binata pero isa pa rin siyang malaking palpak sa huli.

Narinig niya ang malakas na halakhak ni Dreamilyn. “Oy! Guidance counselor ka at Values Education teacher tapos pinagtatawanan mo ang taong nagkakamali,” paninita niya dito.

“Sorry. Pero ang cute mo kasi kanina pagharap mo kay Kenji,” wika ni Dreamilyn at tinutop ang bibig. Gusto nitong tumigil sa pagtawa pero di pa rin nito mapigilan. Ibig sabihin ay mukha talaga siyang tanga kanina?

"Hindi naman halata na excited kang makita at makasama siya," kantiyaw ni Justine. “That was epic!”

"Oh, shut up!" angil niya.

It was the most embarrassing moment in her life. Wala na ba siyang gagawing tama? Lagi na lang siyang may bloopers pagdating kay Kenji. Matalino naman siyang babae. Nagiging tanga yata siya pagdating dito. Nakakahiya!

Sinapo niya ang noo at humarap sa salamin. Just to make sure that she was perfect enough. Pantay ba ang make up niya? Tiningnan niya pati ang kamay at paa para i-check kung kumpleto ang mga daliri niya. Napapraning na siya!

"Mauna na kami sa party. Sumunod ka na lang sa amin ni Kenji," nanunuksong sabi ni Justine at binuksan ang pinto. "Pakisara ang ilaw at pakidala ang susi. Parang matatagalan ka pa yata diyan."

“Hindi ko hahayaang masolo mo si Kenji!”

Nagtatakbo siya kahit na hindi siya sana na magsuot ng mataas na takong dahil malulain siya. Dinampot niya ang susi na nasa ibabaw ng TV at isinara ang ilaw.

"Kenji, huwag ninyo akong iwan!" aniya at humihingal na humawak sa hamba ng pinto. Natigilan siya nang makitang naroon pa si Kenji sa harap ng suite at kausap ang mga kaibigan niya. Puno ng pagtataka siya nitong tiningnan. "Hi! I am ready," pambawi niya at matamis na ngumiti. Hindi naman halata na muntik na naman siyang magmukhang tanga, di ba? Daanin na lang sa projection at ngiti.

Lumapit si Kenji sa kanya at inalok ang braso sa kanya. "Let's go?"

Ikinawit niya ang kamay sa braso nito. And she gave Justine a smug smile. Siya ang nagwagi. Finally ay tuloy na ang date nila kahit na may dalawang panggulo sa gabi ni Kenji.

Itinuon naman ni Kenji ang atensiyon sa mga kaibigan niya. He casually asked them about their job. Hindi nito itinanong kay Dreamilyn kung ito ang dating nobya ni Casey Jimenez. Either he didn't know or he decided to keep mum about it.

"Salamat sa pag-invite sa amin," sabi ni Dreamilyn.

"It is my director's birthday. Sabi ni Direk Mac ay imbitahan ko kayo. Alam namin na marami kayong na-miss sa pagbabakasyon dito dahil sa pictorial. Hindi ninyo nagamit ang pool. And of course, my dog caused a ruckus back there. Muntik pang malunod si Yngrid. So we want to make amends,” paliwanag ni Kenji.

Toinks! Muntik na siyang matapilok sa sinabi ni Kenji. So it won't be an exclusive date. Party iyon. Hindi romantic date. Dreamilyn gave her an I-told-you-so look. Isa siyang malaking ASA.

Tuwid lang ang tingin niya sa pool area kung saan nakita niyang nakapaligid ang iba sa mga kasamahan ni Kenji sa photoshoot. Ano ngayon kung hindi iyon romantic date? She was in his arms. Siya pa rin ang ka-date nito. Pangit ang kumontra.

"Kasama ba si.. ang aso mo?" Wala naman siyang choice kay Iguana. PA ito ni Kenji at tiyak na kasama sa party.

"No. He is still a baby. Bawal siya na mag-party. He will just stay inside the room," kaswal na sagot ng binata.

"Baby?" naguguluhan niyang tanong.

"Parang anak ko na rin siya.”

“Ang sweet mo namang amo.”

“I prefer being called Missy’s dad,” anito sa seryosong tono at tinernuhan din ng seryosong anyo.

“Ang sweet mo namang daddy,” pagtatama niya. At saka lang ngumiti si Kenji. Ganoon talaga nito kamahal ang aso nito para tratuhing anak na nito.

E bakit di na lang ako maging ina ng anak mo para di lang aso ang ginagawa mong baby? Hindi naman na siya sinusugod ng aso ni Kenji. Pero mas madali yatang maging ina ng anak ng binata kaysa maging nanay ng aso.

"Kenji, kanina pa kita hinahanap," sabi ng PA nitong si Iggy, the Iguana. Tumaas ang kilay ng taong reptilya nang makita siya at nakataas pa rin ang kilay nang iikot ang tingin sa iba pa niyang mga kaibigan. "Oh! They are here! How nice!" Halata namang sarkastiko iyon.

"Inimbitahan sila ni Direk Mac. Saka may sasabihin ka sa kanila, hindi ba?" sabi ni Kenji sa bahagyang mariin na tono.

Na-stretch ang labi ni Iggy at nagmukha na itong si Joker na kalaban ni Batman. "Ane eyen?" tanong nito sa banat na banat na labi. Halata namang pinepeke nito ang ngiti. “Mey sesebehen ako sa kenela?”

"Magso-sorry ka sa kanila lalo na kay Yngrid. Kasi hinayaan mong dumulas ang tali ni Missy sa kamay mo. Alam mo naman kung paano siya mag-react kapag may kasama akong babae na hindi niya kakilala, hindi ba?” mas mariing sabi ni Kenji dito at matamis na ngumiti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.