When He Cries Chapter 31

Nagdesisyon siyang umuwi na lang ng bahay ay doon magmukmok. Mukhang maghapon ang shooting nila Kenji sa café. At sa totoo lang ay ayaw niya itong makita o makausap. Sapat na ang pagpapaka-hoping niya sa nagdaang linggo. Oras na para mag-move on na siya sa buhay. At siya lang ang pwedeng makatulong sa sarili niya sa pagkakataong ito.

Bumili muna siya ng kalahating galong cookies and cream ice cream saka monay. Nag-rent din siya ng DVD ng Jeepers Creeper na pinaka-hate niyang horror movie. Umiiyak kasi siya kapag nanonood ng horror movie. Umiyak man siya, kahit paano ay hindi lang dahil kay Kenji. May ibang dahilan pa ang luha niya. Baka sakaling kapag tinakot niya ang sarili niya ay mawala ang sakit at hinagpis niya dahil sa pag-ibig.

Pero umiyak lang siya nang umiyak habang kumakain ng ice cream. Wala na nga siyang pakialam sa katatakutan na palabas dahil nanlalabo na ang paningin niya sa kaiiiyak. Nakikita pa rin niya ang masasayang sandali nina Kenji at Margaret habang magkasama sa kanyang balintataw. Kung paanong mas pinili ni Kenji ang kapeng ipinabili ni Margaret mula sa Starbucks. Masakit. Sobrang sakit. Wasak na wasak ang ilusyon niya.

Nang mapagod umiyak at kumain ng ice cream ay nakatulog siya. Gabi na nang magising siya at nakatanggap siya ng text mula kay Armie na umalis na ang crew kasama si Kenji at si Margaret.

Sa huli ay napilitan siyang bumangon. Marami pa siyang naiwang trabaho sa café. Kailangan pa niyang mag-place ng order sa suppliers nila. Di siya pwedeng magmukmok habambuhay. Nag-shower siya at nag-make up para di halata na namumugto ang mata niya.

Pagdating niya ay bumalik ulit sa normal ang café. Naroon na ang mga suki nilang golfers at mga nagtatrabaho sa opisina na tapos na ang trabaho sa araw na iyon. Wala ni isa mang bakas na may shooting doon kanina o naroon si Kenji Matsunaga. Pero maraming nagbago lalo na sa kanya.

“Ma’am, akala namin di na kayo babalik,” sabi ni Frecy na kumaway sa kanya sa counter. “Sayang po wala kayo. Artistang-artista na kami kanina. Inalok pa nga ako na maging artista kaso sabi ko na ayokong mag-showbiz. I am private person.”

“Echusera ka!” pakli ni Armie dito. “Inalok ka kamong maging tagapaypay ni Kenji. Ambisyosa! Artista ka diyan.”

“Iyon lang ang simula ng lahat. Later on, level up na ang ganda ko.”

“K-Kumusta si Kenji?” aniyang di maiwasang magtanong tungkol sa binata. Hihahanap kaya siya nito? O di na siya nito naalala?

“Ayos na ayos siya. Sobrang bait niya at napaka-nice sa amin. Nagpa-picture pa nga po kami sa kanya,” kwento ni Frecy na nagniningning ang mga mata.

Umingos si Armie. “Kaso nakakainis ang Margaret Choi na iyon. Walang ginawa kundi dumikit kay Kenji. Ultimo pagpapa-picture namin kay Kenji kailangang nakadikit siya? Hindi naman siya ang kailangan namin.”

“Selosa yata,” nausal na lang niya.

“Baka naman ayaw niyang nasasapawan ng guwapo niyang boyfriend. Baka gusto niya siya lang ang sikat so kailangang lagi siyang nakasingit. Ika-crop ko siya sa picture namin. Panira ng moment,” sabi ni Armie.

“Hayaan na ninyo iyon,” aniya sa matamlay na boses. “Paano? Doon muna ako sa opisina ko.”

“Ma’am, hinahanap pala kayo ni Kenji. Nasaan na daw kayo,” sabi ni Armie. “Sayang, Ma’am. Kundi lang may inasikaso kayong emergency, sana nakasama ninyo siya nang matagal. Okay na ba ang inasikaso ninyo, Ma’am? Magkakaroon na ba tayo ng Sulu brew?”

Malungkot siyang ngumiti. “Magiging okay din ako.”

Nakita niya ang pagtataka sa mukha ng mga tauhan niya subalit tumalikod na siya bago pa makapagtanong ang mga ito at pumasok sa opisina niya.

Makaka-recover din siya sa kalokohang ito. It just takes time.

"GANITO ba ka-boring ang buhay ko? Buti ka pa guwapo ang napiling ipakasal sa iyo ng lola mo. Ako walang kabuhay-buhay ang love life," nanlulumong wika ni Yngrid kay Justine habang kumakain sila sa isang Italian restaurant sa The Fort. Katatapos lang nilang magpunta sa isang sale doon. Nag-splurge sila sa pamimili dahil parang mababaliw na si Justine sa sitwasyon nito.

Pasimple siyang pinatamaan ni Justine sa braso ng inikid na cloth napkin. "Bruha ka! Kinainggitan mo ako, Yngrid? Nasisiraan ka na. Ipapakasal ako sa lalaking ayaw sa akin. Anong kainggit-inggit doon?"

Katatapos lang na makipag-usap ni Justine sa lalaking inirereto ng lola nito dito - kay Stefan aka Mr. Hibok-Hibok, ang lalaking nakilala nila sa Camiguin at pinagbigyan nito ng number. Nakiusap ito na huwag sabihin sa lola nito ang tungkol sa pagkikita ng mga ito sa Camiguin kung saan iba ang ipinakita nito kay Stefan na pagkatao. Oras na mangyari iyon ay malilintikan ito sa lola nito.

"At least may bagong nangyayari sa buhay mo at kasangkot ang isang hot na guy. Come on. Wala nang exciting na nangyari sa buhay ko since Kenji Matsunaga," aniya at sumubo ng tiramisu. Ni hindi nga sapat ang endorphine na dulot ng chocolate para sumaya siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.