WIFE SERIES: The Annulment Chapter 10

Emilia

Kinabukasan ay maaga akong nagising. Tinignan ko si Roman sa tabi ko at tulog pa ito. Pinagmamasdan ko ang payapa nitong mukha bago ako napangiti. Bahagya kasi itong nakaharap sa direksiyon ko at sa tulong nang sinag ng araw sa bintana ay napagmamasdan ko ang kaniyang itsura.

Sa loob nang sampong taon na pagsasama naming dalawa, marami ang nagbago sa features ng mukha nito. Noong pinagmamasdan ko pa lang siya sa bar na dati kong pinagtatrabauhan ay hindi pa masyadong maganda ang pangangatawan nito. Wala pa siyang balbas ngunit ngayo'y may balbas na siya na kakaahit lang niya kahapon.

Matangos ang ilong nito na kuhang-kuha ni Rowan sa kaniya. Ang labi niya hindi manipis at hindi rin naman makapal. Hindi ko alam kung may lahi ba silang Spanish pero may nakikita akong iilang features ng mga Español sa kaniya. Nakakadagdag sa kaniyang kaguwapuhan ang mga mata nito noon na kumikislap ngunit ngayon ay tila may lungkot na akong nakikita.

Hindi na rin katulad noong mga panahong nasa malayo pa ako. Habang pinagmamasdan ko siya. Wala na iyong Roman na palaging nakangiti sa mga kasama niya habang nakikipag-inimuan, iyong Roman na sa tuwing naghahatid ako ng alak sa kanilang mesa ay palaging madaldal. Siguro'y sa kaniya nakuha ni Rowan ang pagiging madaldal ngunit nang magsama kami ay hindi na siya madalas magsalita.

Alam kong kasalanan ko kung bakit siya naging ganito. Biglang nagbago at malamig ang pakikitungo nito sa lahat ng taong nakakasalamuha niya. Ngunit sinubukan ko naman, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para lang maiparamdam sa kaniyang mahal ko siya noon. Siguro'y masyado lang matigas ang kaniyang puso at malalim ang galit nito dahil nabuntis niya ako't ikinasal nang sapilitan.

Kung maibabalik ko nga lang ang oras. Hinding-hindi ko siya lalapitan noon para tulungan, kung ganito lang naman pala ang kahihinatnan. Kung puro sakit lang pala ang mararanasan ko. Sana pala ay pinigila ko na ang sarili ko habang maaga pa.

Ngunit sabi nga nila, nasa huli ang pagsisisi. At ngayo'y nagsisisi ako na hindi ko napigilan ang sarili kong mahalin siya nang lubos. Ngunit hindi ko pinagsisihan na may batang nabuo sa tiyan ko noon at kasa-kasama ko na ngayon.

Gumalaw ito nang bahagya kaya napabalik ako sa aking ulirat. Dahan-dahan akong umalis sa kama at lumabas sa aming kuwarto. Alas-singko pa lang naman ng umaga at kailangan ay maaga akong magising dahil simula ngayo'y magtatrabaho na si Roman.

Pinuntahan ko muna si Rowan sa kaniyang kuwarto at nakitang tulog pa ito. Kaya bumaba na ako't dumiretso sa kusina nitong bahay. Inabala ko ang sarili ko sa pagluluto ng agahan at nagluto rin ako para sa lunch ni Roman sa kaniyang trabaho.

Masaya ako para sa kaniya na sa wakas ay may trabaho na ito. Hindi ko naman alam na ang palaging pagtutok nito sa kaniyang laptop ay nag-aaral pala siya. Kaya kahit sa ganitong paraan man lang na ipagluto siya nang dadalhin niyang pagkain ay gagawin ko para na rin humingi nang kapatawaran sa kung ano man ang naging kasalanan ko sa kaniya.

“Good morning, momma.” Napalingon ako sa maliit at tila paos na boses na nagsalita sa likod. Nakita ko ang anak kong kinukusot-kusot pa nito ang mga mata habang naglalakad papalapit sa akin.

Agad ko siyang hinagkan sa kaniyang magkabilang pisngi. Saka ko ito inalalayan papaupo sa kaniyang high chair.

"Good morning, 'nak. Kamusta ang tulog mo?" tanong ko sa kaniya at bumalik na ako sa pagpiprito ng isda.

"I have a nightmare po," sabi nito.

Pinahina ko muna ang apoy sa kalan bago ko siya nilingon. Malungkot ang mukha nito nang tignan ko. Kaya lumapit ako sa kaniya at naupo sa kaniyang tabi. Hinawakan ko ang kaniyang magkabilang mukha at saka ako ngumiti.

"Ano ba iyong napanaginipan mo?" tanong ko sa kaniya nang mahinahon. Marahan ko ring hinahaplos ang kaniyang mukha para ipadama na nandito lang ako sa tabi nito. Kahit na ano mang mangyari, hinding-hindi ko magagawang iwan ang anak ko.

"I-I dreamed that we left Papa and I saw that he was crying. Even though he sometimes treats us badly and coldly, momma. I can't leave him po."

Natigilan ko sa sinabi nito. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa kaniya dahil parang may nakabara sa lalamunan ko at hindi ako makapagsalita.

Ano'ng isasagot ko? Na hindi na ako masaya sa piling ng ama nito. Kaya mas gusto ko na lang lumayo at lumimot? Na gusto kong tuluyan na akong sumaya at gusto kong makita ang ama nitong sumaya ulit sa piling ng babaeng mahal niya.

"P-Panaginip lang iyon. Walang katotohanan ang panaginip. Okay? H-Hindi tayo aalis," sabi ko nang pahina nang pahina ang boses ko.

Gusto kong sabihin sa kaniyang, hindi ko alam. Hindi ko hawak ang oras at ang hinaharap kung ano ba ang kahihinatnan naming dalawa. Kung hindi lang dahil sa bata at sa umaasang mamahalin niya ako pabalik. Matagal na siguro akong umalis, matagal na akong lumayo at matagal nang nakapagsimula ulit.

––

“I want a lot of toys po, Papa. Please, buy me a toy po when you go home.”

Nasa bisig ni Roman ang anak nito habang nagpapaalam siya rito. Papaalis na kasi ito papunta sa kaniyang trabaho at humirit pa ang anak nito habang buhat-buhat niya.

"I will, young man. Basta magpakabait ka. Okay?" Tumango-tango naman si Rowan bilang sagot sa ama bago ito bumaba at nagtatakbo papalabas ng bahay.

Kinuha ko naman ang bag na naglalaman ng pagkaing niluto ko para sa kaniya. May tupperware ito sa loob kung saan nakalagay ang pagkain. Iniabot ko ito kay Roman na agad naman niyang kinuha sa kamay ko.

"M-Mag-iingat ka. A-At good luck sa trabaho mo. G-Galingan mo," nauutal kong sabi. Hindi pa ako makatingin sa kaniya nang maayos dahil nakatitig ito sa akin at hindi ko maintindihan kung bakit.

"Mag-iingat din kayo rito. I'll just call you when I get there," anito. Tumango lang ako at nanatiling sa ibang direksiyon ang tingin ko. "Look at me first..." Hindi ko alam kung bakit napalingon ako sa kaniya at nakipagtitigan sa kaniyang mga mata. "Gusto ko, pag-uwi ko rito ay nandito pa rin kayo ng anak ko, Emilia. Hinding-hindi mo magugustuhan ang gagawin ko kapag hindi ko kayo naabutan."

Hindi ko alam kung para saan ang sinabi nito ngunit tumango lang ako bilang sagot. Hindi naman kasi ako basta-basta aalis dito nang hindi siya nakakausap nang maayos. Gusto ko, bago kami maghiwalay ay maganda ang maging samahan naming dalawa. At, ayaw kong sumama rin ang loob sa akin ni Rowan dahil sinabi ko ritong hindi namin iiwan ang ama niya.

Agad na rin naman siyang umalis kaya nakahinga ako nang maluwag. Naging abala ako sa paglilinis ng buong bahay. Naglaba ako at nagdilig din ng mga halaman sa labas.

Abala ako sa pagdidilig nang nagkukumahog na tumatakbo si Rowan papunta sa direksiyon ko. Kumunot ang noo ko dahil sa hawak nito at nang makalapit siya sa akin ay nalaman kong isa itong isda na nakalagay sa supot.

"Momma, look! I got a fish po!" Masaya niyang ipinakita ang hawak nitong isda na nakalagay sa isang supot na may tubig.

"Saan mo nakuha iyan, aber?" tanong ko sa kaniya. Pinatay ko muna ang host na dinadaluyan ng tubig bago ako lumapit sa kaniya.

"My friend's father gave it to me po. He's a fisherman and I saw this small fish on his boat po and gave it to me."

"Talaga?" Tumango-tango naman ito habang pinagmamasdan ang isdang lumalangoy-langoy sa supot. "Tara sa loob at hanapan natin nang mapaglagyan sa kaniya." Sinamahan ko naman ang anak ko sa loob ng bahay para maghanap ng mapaglalagyan sa isdang alaga nito na ibinigay kuno ng tatay ng kaniyang kaibigan.

Nang mailagay namin ang isda sa isang bote na pabilog at dinala iyon sa sala. Iyon na ang pinagtuunan ng pansin ni Rowan kaya hindi ko na ito inabala pa. Muli akong lumabas ng bahay para tapusin ang ginagawa kong pagdidilig sa mga halaman sa labas.

Saktong pagbukas ko ng pinto nang may nag-doorbell sa gate. Kaya imbes na sa mga halaman ako dumiretso ay ang gate na muna ang pinuntahan ko't pinagbuksan ang kung sino mang taong maliligaw sa bahay namin. Nang buksan ko ito ay isang lalaking nakasuot ng kulay asul na camisa de chino at sa pang-ibaba nama'y isang maong na shorts ang suot. May suot din siyang sumbrero na gawa sa dahon ng anahaw.

"Ano pong kailangan nila?" tanong ko rito dahil hindi siya nagsasalita.

Itinaas nito ang kamay at nakita ang isang malaking isdang nakalambitin sa isang tali.

"I-Ipinabibigay pala ni n-nanay," anito at napapakamot pa sa kaniyang ulo. Ngumiti ito kaya lumitaw ang pantay-pantay niyang mga ngipin at ang biloy nito sa magkabilang pisngi.

"Auhmm..." Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko dahil hindi ko pa naman sila kilala rito. Halos mag-iisang linggo pa lang naman kami at si Rowan lang ang palaging lumabas ng bahay para makipaglaro sa mga anak ng aming kapitbahay.

"Kunin mo na. Nangangalay na kasi ang kamay ko." Tumawa ito kaya wala akong nagawa kundi ang tanggapin ang kaniyang ibinigay na malaking isda.

"Salamat. Saan pala ang bahay niyo para mapuntahan ko ang ina mo't pasalamatan siya nang personal," sabi ko. Tumingin ako sa mga kabahayan na gawa sa mga kahoy.

"S-Sumama ka na lang kay Rowan mamayang hapon. Birthday kasi ng pamangkin ko, iyong kaibigan niya."

"Sige. Salamat pala rito." Ipinakita ko ang isdang hawak ko at ngumiti sa kaniya.

Tumango lang ito saka nagpaalam na. Isinarado ko naman ang gate at agad nang pumasok sa loob. Inilagay ko sa lababo ang isdang ibinigay nito. Lilinisan ko kasi muna bago ko ilagay sa ref para kapag lulutuin na'y hindi na ako mahihirapan pang maglinis at mag-alis ng mga hasang nito.

——

Alas-tres ng hapon nang magising si Rowan. Pinatulog ko kasi muna ito pagkatapos naming kumain. Nang magising ay agad kong nilinisan at binihisan ng damit.

Sinabi rin kasi niya na birthday raw ng kaibigan niya at invited siya. Kaya sinabi kong sasamahan ko siya papunta roon para na rin personal na magpasalamat sa ina ng lalaking nagbigay sa amin ng isda.

Pinasuot ko lang siya ng simpleng t-shirt at shorts. Hindi ko kasi dinala ang mga bago nitong damit dahil akala namin ay uuwi rin kami agad. Pagkatapos ko siyang bihisan ay ako naman ang naligo at nagbihis.

Napili kong suotin ang dress na iniregalo sa akin ni Andoy noong birthday ko. Isa itong dress na hanggang tuhod ang haba at ang manggas nito'y hanggang siko naman. May desenyo itong mga bulaklak. Ngayon ko lang ito susuotin dahil hindi naman ako nakakapunta sa mga party noon. Dinala ko lang ito dahil pakiramdam ko'y magagamit ko ito.

Inilugay ko lang ang makapal at mahaba kong buhok na hanggang siko rin ang haba. Hindi ito straight dahil sa dulo nito'y kulot. Nagsuot lang din ako ng sandal na dala ko bago ako bumaba para puntahan si Rowan na naghihintay sa sala.

"You're beautiful po, momma." Napangiti ako sa komento nito nang makita niya ang suot-suot ko.

Kinurot ko ang pisngi niya na nagpangiwi sa kaniya. Hinawi niya ang kamay ko at inirapan ko kaya tumawa ako.

"Salamat. Ang guwapo mo rin sa suot mo kahit na simple lang."

"Mana po ako kay Papa," anito.

"Nama-"

"Where are you both going?" Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang may malalim na boses na nagpatigil sa akin.

Dahan-dahan akong lumingon sa direksiyon ni Roman. Nakatayo ito sa pintuan ng bahay habang matalim na nakatingin sa amin ngunit napansin ko ang pagkislap ng mga mata nito. Agad din naman iyong nawala at mas lalong tumalim ang tinging pinapakawalan niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.