With You Series Chapter 25

BOOK 4: CLOSE TO YOU

“ANG sabi ko sa `yo, dalhin mo ako sa lugar na mai-inspire ako dahil nagkaka-writers block ako. Pero sa tingin ko ay napukpukan ka na rin ng martilyo ng ilan sa mga gamit dito `no? Mukhang nasisiraan ka na kasi ng bait at talagang sa construction site mo pa ako dinala para makahanap ng inspirasyon,” pumapalatak na wika ni Frances sa kaibigang si Lucy nang sinadya pala talaga nitong papuntahin siya sa trabaho nito para raw tulungan siya sa kanyang sakit ngayon.

“Eh `di ba sabi mo, kailangan mo ng maraming lalaki? So dinala kita rito sa work ko! Maraming lalaki dito! Marami kang magiging inspirasyon,” tila aliw na aliw pang sabi nito.

Pinaikutan niya ito ng mata. “So ito ang description mo ng inspirasyon? Kung ganoon, sana ay pinatambay mo na lang ako doon sa kanto `no? Parang katulad kasi ng mga tao doon ang nakikita ko sa mga tao dito, eh,” may pagkasarkastika ang boses niya.

Tumawa naman ito. “You told me you want to meet hot guys. Sorry ka pero ganito kasi ang description ko ng mga hot guys. Ang gaganda kaya ng katawan nila dahil sa nature ng work nila. And besides, mga construction workers pa lang naman ang nakikita mo. `Di mo pa nakikita ang ilan sa mga co-engineers ko kaya ganyan ang reaskyon mo,”

Napasimangot siya. Dalawang linggo na siyang nagkaka-writers block at nahihirapan na siya. Hindi siya sanay na wala siyang naisusulat kahit man lang limang pages sa isang araw pero dahil masyado yata siyang naapektuhan sa ginawa niya sa huling manuscript na isinulat niya, iyon at parang nabablangko tuloy siya. Isa kasi iyon sa mga paboritong manuscript niya pero dahil hindi naging maganda ang feedback noon sa editor niya ay nalungkot siya. Pakiramdam tuloy niya ay may mali sa sinusulat niya sa tuwing magsisimula siya ng bagong nobela dahil paulit-ulit na nagpe-play sa utak niya ang mga sinabi ng editor. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng ganoon pero dahil paborito niya iyon ay naging malaki ang epekto noon sa kanya.

Nang dahil doon ay napagdesisyunan niyang kausapin ang kaibigan niyang si Lucy. Lucy had been her friend since she was in her college years. Magkaiba sila ng kurso pero dahil magkasama sila sa iisang organization noong college ay naging malapit sila sa isa’t isa. Lucy is taking up BS Civil Engineering while she’s in Journalism. But eventhough Lucy is marrying engineering, she still had the passion in writing. Nang dahil doon ay nag-apply ito bilang contributing writer sa school paper nila. They were both writers of their school paper. Nagkakilala sila nang dahil roon.

Marami silang kaibahan sa isa’t isa dahil na rin sa pagiging magkaiba ng interes ng pag-aaral nila. Pero dahil sa nakilala niya ito at nag-click ang personality nila ay itinuring niyang kaibigan ito. Bukod pala sa pagsusulat ay mahilig rin itong magbasa ng mga pocketbooks kagaya niya. Nagsimula sila sa mga hiraman ng pocketbooks hanggang sa maging close sila sa isa’t isa dahil na rin madalas silang magkuwentuhan ng mga istoryang nababasa nila.

Hindi siya gaanong friendly na tao. Pero siya naman iyong tipo na kasama mo ay kaya rin na makisabay sa kalokohan ng isang kaibigan mo. Madalas ay gusto niyang mag-isa. Nahihirapan kasi siyang mag-observe o mag-isip kapag may kasama siya. Kapag nasa mall siya, gusto niyang nag-iisa dahil na rin gusto niyang tahimik na nag-o-observe sa mga ginagawa ng mga tao doon. Nakakuha kasi siya madalas ng inspirasyon sa pagsusulat niya sa pag-o-observe sa mga tao. May mga nagsasabi sa kanya na loner raw siya lalo na noong bata-bata pa siya. Epekto siguro noon ang nangyari sa kanya noong bata pa lamang siya. She never had the chance to know her parents at lumaki siya sa isang orphanage. Ang sabi ng madre na nagpalaki sa kanya ay nakita na lang siya ng mga ito sa pintuan ng orphanage noong sanggol pa lamang siya. Lumaki siyang ilag sa mga tao. Pitong taon siya ng may umampon sa kanya. Pero kahit ganoon ay nanatili pa rin siyang ilag sa mga tao dahil na rin sa paraan ng pagpapalaki ng mga ito sa kanya.

Hindi niya masabi ang totoong dahilan ng mga ito kung bakit siya inampon ng mag-asawa. Pero sa tingin niya ay inampon lang siya ng mga ito para may ipakita sa mga tao na may pinapalaking anak ang mga ito. Sa pagkakaalam rin niya ay palaging pinapayuhan ito ng matandang kapitbahay nila na mag-ampon para kapag naging matanda at maging masasakitin ang mga ito ay mayroong mag-aalaga sa mga ito. Sinunod nga nito ang utos ng kapitbahay nila pero parang hindi naman isinasadibdib ng mag-asawa ang pag-aampon. Parang napilitan lamang ang mga ito dahil sa udyok at dala na rin siguro ng takot sa maaring mangyari kapag tumanda ang mga ito. Kung ituring kasi siya ng mga ito ay para lamang siyang pakainin ng mga ito sa bahay. Oo at ibinibigay ng mga umampon sa kanya ang mga pangunahing pangangailangan niya sa pang-araw-araw pero ang mahalin? Hindi niya maramdaman iyon sa mga ito.

Noong bata pa siya ay kinakausap lang siya ng mga ito kapag may itatanong ang mga ito sa kanya kagaya na lamang ng mga kailangan niya sa eskuwelahan. Never ang mga itong kinausap siya sa paraang itatanong ng mga ito kung masaya ba siya sa buhay niya sa bahay ng mga ito o kung ano ang nangyari sa araw niya sa eskuwelahan. Minsan ay sinusubukan niyang mag-open up sa mag-asawa tungkol sa nangyari sa mga araw niya pero parang wala man lang ang mga itong pakialam dahil madalas na nagdadahilan ang mga itong may gagawin kapag nagtatangka siyang kausapin ang mga ito. Sa huli ay sumuko rin siya dahil mukhang wala naman ang mga itong interes talaga sa kanya. Katulad ng pakikitungo ng mga ito sa kanya ay ganoon rin siya sa mga ito. Mas lalong lumala pa iyon nang mag-umpisa ang madalas na pag-aaway sa pagitan ng mag-asawa ng mag-highschool siya. Nang minsan kasing magtangka siyang pumagitan sa mga ito ay sinaktan lamang siya ng mga ito. Natuto siyang huwag ng pakialaman ang mga affairs ng mga ito dahil doon. Masakit man para sa kanya na makitang nag-aaway ang mga ito ay hinayaan na lang niya dahil palaging sinasabi ng mga ito sa kanya na mas mabuting huwag na lamang siyang makialam sa mga ito.

Hanggang sa mag-college siya at namatay ang mga ito ay walang nagbago sa pakikitungo ng mga ito sa kanya. Namatay ang dalawa sa isang car accident na sinasabi ng mga taong nakakita ay nangyari raw habang lasing ang Daddy niya at sinundo ng Mommy niya sa bar kung saan nag-inom ito. Nag-away daw ang dalawa sa sasakyan dahilan para mabangga ang mga ito. Walang kamag-anak ang mga ito kaya siyang legal na ampon ng mga ito napunta ang lahat ng ari-arian ng mga itong ginamit niya para makatapos siya ng pag-aaral.

At ngayong beinte-siyete anyos na siya, pakiramdam niya ay successful na siya. Hindi man siya ang most prolific writer ng publishing house na pinagtatrabahuhan niya, alam niyang malaki na rin ang narating niya. Marami ang nagsasabi na sikat na raw siya dahil marami ang bumibili ng libro niya. Magaganda raw ang gawa niya. Dahil roon ay nakakatanggap siya nang malaki-laking bonus at kita mula sa kompanya. Iyon nga lamang ay malaki rin siyang gumastos---lalo na kapag nagkaka-writers block siya. One addiction of her is to travel. At dahil hindi biro ang paglilibot, ang perang sinusuweldo niya na dapat ay sobra pa sa sapat para sa kanya ay nagiging kulang sa kanya.

Lalo na ngayon.

Having money is not that easy. Lalo na sa mga katulad niyang manunulat. Kagaya sa isang normal na trabaho, kapag wala kang gawa ay wala ka rin suweldo. Kapag tinamad siya o di kaya ay nagka-writers block kagaya ng nararanasan niya ngayon ay wala siyang pera. Wala siyang panggastos sa pang-araw-araw. Wala siyang ibang pinagkakakitaan kundi ang pagsusulat kaya naman nahihirapan siya sa lagay niya ngayon. Kailangan niyang alisin ang numero unong kalaban niya. Kailangan niyang makapagsulat lalo na at may naka-schedule siyang bakasyon sa Mayo sa Boracay---which is just two months from now. Matagal na niyang gustong makarating doon at kung sakaling wala siyang pera na panggastos kahit may naka-book na siyang flight at may hotel na rin dahil sa pinatos niyang promo ng isang travel agency limang buwan na na ang nakaraan ay baka hindi niya rin ma-enjoy dahil wala naman siyang magiging extra money dahil wala siyang pera hanggang ngayon. Kakaunti na rin ang ipon niya kaya naman malamang sa malamang ay pupulutin na siya sa Payatas Dump kung wala pa siyang maisulat hanggang ngayon. Lahat kasi ng savings niya ay galing lamang sa naitatabi niyang suweldo sa pagsusulat niya. Ang ari-arian na naiwan ng mga umampon sa kanya ay naubos na niya noong mga panahong nag-aaral pa siya. Hindi naman rin kasi kalakihan ang naiwan ng mga ito sa kanya.

She tried her very best to write. Sinubukan niyang baguhin ang dating lifestyle niya sa pagbabakasakali rin na mabago ang nangyayari sa kanya ngayon. At iyon nga at kinailangan niyang sumama pa kay Lucy para lamang makahanap ng inspirasyon. Pero sa tantiya niya, sa halip na inspirasyon ay “expiration” yata ang nahanap niya dahil sa kakaibang description nito.

Inilibot niya ang tingin sa buong paligid pero hindi pa rin mawala ang pagkasimangot niya kahit na ba lahat ng mga taong nandoon ay napangiti nang makita siya. Siguro nga ay “hot” kung titignan ang iba roon dahil nakikinita niya ang muscles ng ilang manggagawa. She has a huge bet that it is because of the nature of their work. She was a sucker of that kind of guys dahil iyon ang mga tipo ng heroes na ginagawa niya sa mga romance novels na sinusulat niya. She like macho men. Sinabi niya iyon kay Lucy at sinabi naman nitong tutulungan siya nito sa pinagdadaanan niya.

But her help was useless.

Hindi naman sa minamaliit niya ang construction workers at mga engineers. Alam niyang marangal na trabaho iyon at nirerespeto niya ang lahat ng mga may ganoong trabaho. Pero hindi ganoong klase ng hero ang puwede niyang isulat. She needed someone who is richer and looked neat. At sa tantiya niya ay hindi rin iyon ang tamang lugar kung saan puwede siyang mag-isip. Masyadong maingay doon. Hindi siya makakapag-isip ng ayos.

“Hahanapin pa natin ang mga co-engineers mo? For sure, kamukha rin sila noong mga construction workers dito. Babad sa init ng araw. Alam mo namang maarte ako sa lalaki kaya `di rin makakatulong sa akin kung magtatagal tayo dito. I always want them to be neat,”

Sa tanang yata ng writing life niya ay hindi pa siya nakakaranas na gumawa ng isang hero na nagtatrabaho sa field. She had made other engineer heroes pero hindi iyong mga nagtatrabaho sa field. Kapag kasi nagsusulat siya ng isang hero, palagi niyang iniisip ang isang tipo ng lalaking pangarap niya. At dahil mahilig siya sa mga neat and organized guys, ganoon palagi ang sinusulat niya. Kapag kasi sa field nagtatrabaho ang isang lalaki, feeling niya ay disorganized ang mga ito dahil babad sa araw. Mas gusto niya iyong mga lalaking nagtatrabaho sa office dahil pakiramdam niya ay malilinis ang mga ito dahil sa environment na ginagalawan.

“Alam mo, Frances, sa tingin ko, `yan ang problema mo kaya ka nagkaka-writers block. Dapat kasi `di ka palaging nag-i-stick sa kung ano lang iyong dream guy mo. You should also try something new. Sa tantiya ko kasi, nailagay mo na lahat ng mga gusto mo sa isang lalaki sa mga novels mo,”

“Nah. I think I just need some hot guys,” giit niya. Ayaw niya kasing umalis sa comfort zone niya dahil natatakot siyang baka hindi niya ma-justify ang gagawin niya. Ilang taon na rin naman siya sa career na iyon at wala namang reklamo ang mga readers o `di kaya ang editors niya sa mga ginagawa niya. Ang sabi pa nga nito ay mag-stick daw siya sa kung ano ang ginagawa niya dahil gusto naman ng readers niya kung paano siya sumulat. Patok rin ang mga heroes na sinusulat niya dahil kahit common features ng mga ito ang pagiging neat at organized sa mga bagay-bagay ay iba’t iba naman ang klase ng personality ng mga ito. “But of course, iyong hot naman na malinis, please?”

“Ang arte mo talaga, Franceska. Kaya hindi ka nagkaka-love life, eh,” iiling-iling na komento nito.

“I don’t care. `Di ko rin naman trip magka-love life `no,”

“Ikaw na talaga ang pinaka-weird na tao na nakilala ko. Isang romance writer na hindi gustong magka-love life! Pang-guiness ka, ha?”

Nagkibit-balikat siya. Weird na kung weird pero hindi niya man lang naisip na magka-love life. Kung ang mga babae ay atat ng makahanap ng lalaki sa buhay ng mga ito sa edad niya, balewala lang iyon sa kanya. Wala nga yata siyang balak mag-asawa. Many people thought romance writers are hopeless romantic. Pero ibahin mo siya. She writes happily ever afters but she didn’t believe in it. She was cynical about love.

Marami ang nagsasabi na kakaiba nga talaga siya. Dapat daw sa mga kagaya niyang hindi nakakaranas ng totoong pagmamahal ay naghahanap ng pagmamahal. Pero sa lagay niya ay hindi siya ganoon. Pakiramdam kasi niya ay hindi naman totoo iyon dahil sa tanang ng buhay niya ay wala namang nagparamdam noon sa kanya. Maybe some of her friends like Lucy care for her. Pero magkaiba iyon sa pagmamahal. Care is like giving attention to someone and love is different from that. She was just her friend and most friends feelings toward their friends are just care. That was her line of thinking when it comes to that.

Tungkol naman sa buhay pag-ibig niya sa isang lalaki ay iba rin ang tingin niya. Because of her career, natuto siyang mag-observe at alam niyang parang Cuban Flamingo na ang mga lalaking isinusulat niya sa libro niya---isang rare species. Kakaunti man ang kilala niya, dahil sa pag-o-observe niya sa paligid niya, alam niyang maraming failed relationships at madalas ay dahil iyon sa mga lalaki. Wala naman talagang Prince Charming dahil ang buhay naman ay hindi isang fairy tale. At alam niyang hindi rin siya isang prinsesa para makahanap ng ganoong klase ng lalaki kung mayroon mang nag-e-exist.

Hindi siya bitter sa love pero dahil ayaw rin naman niyang masaktan, hindi na lang niya inaasikaso pa ang love life niya. Hindi pa man siya nakakaramdam na umibig ay nakita naman ng mga mata niya kung paano nagsakitan ang parents niya nang dahil doon. Kahit hindi nangyari na totoong maghiwalay ang adopted parents niya ay nakita naman niya kung paano nagkasakitan ang mga ito kapag nag-aaway ang mga ito. She doesn’t want to experience pain like that. Ayaw niyang maggaya sa mga ito. Minsan na rin niyang sinubukang magmahal at iyon nga ay sa mga adopted parents niya pa. Pero ano ba ang napala niya ng sinubukan niyang lumapit sa mga ito? `Di ba’t hindi lang siya ng mga ito pinansin? Parang sinaktan lang din siya ng mga ito sa ginawa nito. Natatakot siyang baka kapag sinubukan niyang magmahal ay mangyari muli iyon. Sapat na rin sa kanya ang buhay niya. Nakaya nga niyang ilang taon na hindi nakakaramdam ng pagmamahal kaya naman ano naman ang maaring pagbabago kung sakaling sa mga susunod na taon ay wala pa rin? Masaya naman siya sa buhay na mayroon siya. Baka kung magka-lovelife siya ay magkaroon lang siya ng problema at iyon ang iniiwasan niya. Para sa kanya ay sa libro lamang nag-e-exist ang mga ganoong klase ng lalaki dahil iyon ang nakikita niya. Doon na lang din siya bumubuo ng love life niya. Iyon ang pananaw niya sa buhay. Isa pa, marami man ang may gustong manligaw sa kanya, hindi rin naman siya nakakaramdam ng kakaiba sa mga ito kaya siguro hindi pa rin nagbabago ang pananaw niya. Naka-focus lang muna siya sa career niya...sa ngayon.

“Gusto ko ng umuwi. Sa tingin ko ay wala naman talaga akong mapapala rito,” nilaro-laro niya ang strap ng bag ng laptop niya. “Manonood na lang siguro muli ako sa youtube ng ilang videos ng Abercrombie shirtless models at baka sakaling ma-inspired ako kapag nanood akong muli,”

Nanlaki ang mata ni Lucy sa sinabi niya. “Whoa! Talagang shirtless? I can’t believe you could be so dirty in writing! Sinapian ka na ba ni E.L. James?”

Binatukan niya ito. “Hindi naman mala-Fifty shades ang sinusulat ko `no! I just have this series na puro male models kaya kailangan ko talaga ng mga ganoong klase ng pinapanood. Kaya nga sinabi ko sa `yo na kailangan kong makakita ng hot guys,”

“Ganoon? Tapos sasabihin mo sa akin na ayaw mo ng mga lalaki rito dahil babad sa araw? Ganoon rin naman ang mga ibang models, ah,”

“Alam ko. Pero may mga stylist sila kapag nasa field sila kaya hindi sila mukhang marumi `no. Saka wholesome naman `yung sinusulat kong series kahit palaging shirtless ang mga lalaki ko roon,”

“Ah. Akala ko naman nag-iiba ka na ng genre. Kasi if ever na ganoon ang gawin mo, gawin mo akong heroine, huh? You know I’m willing to be a submissive kung ang dominant naman ay isang kagaya ni Christian Grey,” nagniningning pa ang mga mata nito habang sinasabi iyon.

“Sabi na nga ba at napukpukan ka na ng martilyo dito. Magpalit ka na nga ng trabaho!”

“Hah! Working here is heaven `no. Lalo na kapag nandito si Sir James,” humagikgik pa ito.

Kumunot ang noo niya. “Ano?”

“I’ll tell you about him later. Pupunta lang ako sandali sa office. Dito ka lang muna, ha? Tutal ay nagyaya ka na rin namang umalis, magha-half day na lang muna ako sa trabaho para dalhin ka naman sa ibang lugar. Kahit naman minsan ka na lang makipagkita sa akin, friend mo pa rin naman ako at ayaw naman kitang pabayaan,” sabi nito saka umalis na sa harap niya bago pa siya makapag-react. Naiwan tuloy siya sa gitna ng construction site ng building na isang major project ngayon ng firm kung saan employed si Lucy.

Napasimangot na naman siya. Ang init-init sa lugar na pinuntahan nila pero ito naman ay basta-basta na lamang siyang iniwan doon. Sinabi na nitong ayaw siyang pabayaan pero iyon at basta na lamang siya nitong iniwan. Inikot niya ang tingin sa buong construction site at naghanap ng lugar kung saan malilom para naman hindi masira ang kutis niya. Katanghaliang tapat pa naman at tirik na tirik ang araw. Wala pa naman siyang dalang payong. Nakakita naman siya ng maliit na bahay malapit sa may entrance ng site na tantiya niya ay isang lounge house ng mga mangaggawa at naisip niyang pumunta roon para makakuha ng lilom. May space kasi sa gilid ng lounge house na malilom dahil na rin sa bubong noon.

Habang naglalakad ay kinuha niya ang earphone at cellphone sa bag upang mag-soundtrip. Sobrang sakit kasi sa tainga ng tunog ng ilang makina sa loob ng site. Pinalsak niya sa tainga ang earphone at namili ng kantang gusto niyang patugtugin. Nakarating naman siya sa may lounge house at doon ay muling kinuha ang cellphone niya at nagtext kay Lucy na nandoon siya para doon na lang siya nito hanapin. Pero bago pa siya makapag-type ng text message dito ay nakaramdam siya na may gumalaw sa paanan niya kaya napatigil siya. Ganoon na lamang ang gulat niya nang makitang may tumalon na palaka sa paanan niya. Napatakbong napaurong siya dahil sa gulat sa nangyari.

“Shit, shit, shit!” sigaw pa niya habang umuurong. Wala na siyang pakialam kung pagtinginan pa siya nang mga tao sa paligid niya dahil sa gulat niya. Nandidiri kasi siya sa palaka dahil ang lamig at parang ang lagkit ng balat nitong dumikit sa paa niya. At kahit ilang beses na siyang nagpatalon-talon para paalisin ang palaka sa paa niya ay matagal na dumikit iyon bago umalis. Maraming bato sa lugar kung saan siya naroroon na nasisipa niya dahil sa gulat sa naramdaman pero wala na rin siyang pakialam. Nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay umalis na rin ang palaka at tumalon palayo sa kanya. Pero pagkatapos naman niyang ma-relieve sa pag-alis ng palaka ay may ibang balat naman na dumapo sa katawan niya. Napalingon siya.

“Ma’am, pasensya na po sa abala pero---“ hindi na nito naituloy ang sasabihin nang makita ang naging reaksyon niya sa nakita sa likuran nito.

“A-anong nangyari?” natanggal niya ang earphone sa tainga niya nang makita ang mga basag na salamin sa likod. Muli niyang narinig ang maingay na paligid pero nadagdagan pa iyon nang mga bulung-bulungan sa paligid. Lahat ay nakatingin sa kanya at ang iba pa nga ay napapailing pa. “Sinong may gawa nito?”

“Kayo po,” diretsang sabi ng lalaki.

Nanlaki ang mata niya sa narinig. Dinuro niya pa ang sarili. “Ako? Ano namang ginawa ko?”

“Marami pong witness sa ginawa niyong pagsipa-sipa sa bato, Ma’am. And I’m sorry na dahil po roon ay natamaan ang mga salamin na bitbit namin ng mga co-laborer ko. Sa contractor na lang po namin kayo magpaliwanag, Ma’am.”

Hinawakan nito ang braso niya at parang kulang na lang ay kaladkarin siya papunta sa opisina ng mga ito. Nagrereklamo siya habang “hinihila” siya nito pero parang wala itong tainga dahil hindi man lang ito nakikinig sa sinasabi niya. Pinapasok siya nito sa loob ng lounge house na kinatatayuan niya kanina. Maraming tao roon at lahat rin ay nakatingin sa kanya. Napapahiya na siya.

“Hoy Mama, ano bang problema mo, ha? Bakit ayaw mong makinig?” patuloy pa rin siyang umaasa na pakikinggan siya ng lalaki. “Bakit---ay kalabaw!” nasambit niya nang ilapit siya nito sa pinto ng isa marahil sa kuwarto sa loob ng lounge house. Pero sakto namang sa pakikipag-face to face niya sa pinto ay lumabas ang isang lalaki doon. Kung kanina ay nagulat siya sa “kasalanan” na ginawa raw niya sa pagbasag ng salamin, ngayon ay gusto naman niyang mapasinghap sa gulat sa “Diyos” yata na nasa harap niya.

Puwede na talagang magpalit ng trabaho si Lucy. May future kasi siya sa panghuhula. Nahulaan niya kasi na dito talaga ako sa work niya makakita ng inspirasyon,

Funny where with just a place ay marami na ang nangyari sa kanya. Nainis siya kay Lucy dahil sa pinagdalhan nito sa kanya, nandiri siya sa palakang kumapit sa paanan niya, hinila siya ng isang mamang ni hindi man lang niya kilala at ngayon ay nakatayo siya sa harap ng isang Adonis na lalaki. Pero kung may isang bagay man siyang kinatuwa sa lahat ng mga iyon ay ang pinakahuli iyon.

Sabi nila ay mataas na raw siya sa height niyang 5’4. Pero dahil sa lalaking ito, for the first time in her life ay nanliit siya. Lampas balikat lang kasi nito ang bumbunan niya. Mukhang gising na gising ito ng nagpaulan si Lord ng height at lahat ng magagandang physical features ng isang lalaki. He may not look so neat just like the way she wants her hero on her books be. Pero dahil sa nakita niyang itsura nito, parang gusto na niyang umalis sa comfort zone niya.

Magulo ang buhok ng lalaki at may mga butil pa nga siya ng pawis na nakikita sa mukha nito. Pero hindi iyon naging dahilan para hindi niya pansinin ang mala-Adonis na physical features nito. Bagay na bagay dito ang kulay itim na mata nito at matangos na ilong. Hindi niya rin maiwasang purihin ang labi nito na ubod ng sexy.

But oh, oh, oh! Hindi lang pala ang labi niya ang sexy, Franceska! Even his body is so freaking hot and sexy! Puwede na siyang mag-apply bilang isa sa mga male models ng Abercrombie and Fitch na naglipana ang mga shirtless videos sa Youtube!

Hindi niya alam kung bakit sa kabila ng airconditioned na lounge house ay pawisan ito. Pero kung anuman ang dahilan nito kung bakit ito nakaganoon, wala na siyang pakialam dahil enjoy na enjoy naman ang mga mata niya. Pakiramdam niya ay gusto na niyang kumuha ng mainit na kape dahil parang hinainan siya ng pandesal sa harap niya dahil na rin sa nakakawala ng katinuan sa utak na katawan nito.

Bodies like these should be outlawed! Dinedemonyo ang utak ko!

Dahil na rin sa series niya ay nasanay na siyang mag-view ng mga pictures ng mga shirtless models. Akala niya noon ay malala na ang nararamdaman niya kapag nakakita siya ng shirtless na picture ng lalaki. Pero mas malala pala talaga kapag personal na at ganoon pa kaganda! Parang nagha-hyperventilate ang pakiramdam niya. Kung ang iba ay natu-turn off sa pawis ng isang lalaki, siya naman ay parang nanuyo ang lalamunan habang sinusundan ang tingin noon. Wala na rin siyang pakialam kahit medyo may kadumihan ito. Masyado na siyang nainitan sa katawan nito kaya naman pati ang utak niyang palaging organized sa pagpili ng lalaki, iyon at nagpunta na sa outer space. Pakiramdam rin niya ay magkaka-heat stroke siya dahil sa pagtitig sa super hot na katawan nito.

“Sana naging pawis na lang ako,” nausal niya habang sinusundan kung saan pupunta ang butil ng pawis. Mula sa muscles, biceps, abs hanggang sa pecks ay hindi niya pinalampas ang tingin.

“Ano?” may pagkairita siyang narinig sa boses nito.

“Para libre rin akong makapaglakbay diyan sa katawan mo,”

Para itong na-amuse dahil sa sinabi niya. “Whoa! Dinadaya lang ba ako ng paningin ko? Ikaw ba talaga si Franceska Miranda?”

Noon bumalik ang ulirat niya. Napamalik-mata pa siya dahil sa pagkilala nito sa kanya. “You know me?”

He smirked. Kung kanina ay guwapo na ito sa paningin niya, mas guwapo ito ngayon kahit mukhang naasar ito. “You’re really bad for my ego,”

Sandaling natulala na naman siya. “Ha? Ano bang pinagsasabi mo? Hindi kita kilala,”

Napaismid muli ito at tumingin sa lalaking nagdala sa kanya sa opisina. “Anong mayroon at dinala mo sa opisina ko ang babaeng ito?”

“Siya po ang may kagagawan ng ingay sa labas, Sir,”

Umarko ang kilay nito. “Ang pagbasag ng salamin?”

Tumango ang lalaki. Tumingin muli ito sa kanya. Pakiramdam niya ay nawalan na naman siya ng kontrol lalo na nang diretso pa iyon sa mga mata niya.

“Oh. Kung ganoon ay mukhang marami-rami pala tayong pag-uusapan sa loob ng opisina ko sa lounge house na ito, Miss Miranda. I can’t believe that we would meet again. But I guess destiny wants us to be so---“

Destiny. Ang sarap marinig noon. Parang gusto tuloy niyang maniwala. “Anong pag-uusapin natin? K-kasal?”

Muli ay nakita na naman niya ang pagka-amused sa mukha nito. Siya rin naman ay sandaling nagulat dahil sa mga pinagsasabi niya. Ganito na ba talaga ang epekto ng nainitan ng araw at nakakita ng magandang katawan?

Eh kasi siya, eh! May pagsabi pa ng destiny!

“I’m sorry that my charms are lethal, Frances. But no, we’re not talking about marriage. Its far away from that. We’re talking about how you will pay for the damages you made just like what Mr. Marquez told me a while ago,”

Para siyang binuhusan nang malamig na tubig nang muling bumalik sa realidad ang isip niya. Gosh, ano ba itong napasukan niya? Sa isip-isip pa naman niya kanina ay kung mayroong isang bagay na magandang nangyari sa kanya ngayong araw ay ang pagkakita sa guwapong lalaking ito. Pero base sa boses nito ngayon, mukhang nagkamali siya dahil ngayon siya nakaka-sense na iyon ang pinakamasama---ang komprontahin siya sa kasalanang nagawa niya.

This too shall pass.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.