12 Gifts of Christmas- Kissing the Christmas Killer Chapter 16

NAALIMPUNGATAN si Ashley na humahampas ang malamig na hangin sa mukha niya. Madaling-araw sila umalis ni Robinson sa Maynila. Wala sila halos tulog ng binata dahil sinulit nila ang Christmas sale. Bukas ang mall hanggang alas dose ng hatinggabi. Mabilis lang sana ang pamimili nila kundi lang sila nagtalo sa mga ireregalo nito.

Napakakuripot kasi ng lalaki. Mga candy at gelatin lang daw ang ipapamigay nito sa mga pamangkin nito at ilang bagong damit sa kapamilya nito. Nag-suggest siya na tumingin sa ibang boutique na mas maganda ang tatak at uso ang design. Ayaw naman pumayag ng binata dahil mahal daw ang napili niya. Nagalit pa ito nang sabihin niyang tatanggapin ng pamilya nito. Iyon daw ang panuntunan nito sa buhay.

Dahan-dahan siyang dumilat at nakita niya na madilim pa rin ang dinadaanan nila. “Nasaan tayo?” paungol niyang tanong kay Robinson na nagmamaneho pa rin.

“Nasa Tarlac na tayo. Mabuti gising ka na para makapag-stopover tayo,” sabi ng binata at hinaplos ang hibla ng buhok niya na naligaw sa noo.

“May Starbucks ba dito?” tanong niya na bahagya pang excited.

Bumuga ito ng hangin. “Malabo sigurong magka-Starbucks dito. Pero meron naman silang kape.”

“Instant?” nakataas ang kilay niyang tanong.

“Three in one naman at may iba’t ibang flavor. Pasensiya na. Walang Starbucks.”

“O-Okay lang sa akin ang instant coffee,” aniya at ngumiti kahit na gusto niyang batukan ang sarili. Nang sumama siya kay Robinson, sinabi niya sa sarili na di siya magiging maarte dahil alam naman niyang probinsiya ang pupuntahan nila. Kailangan din niyang tanggapin na walang Starbucks doon. Masiyahan kung ano ang meron.

Alas singko y media ng umaga nang mag-stopover sila sa isang karinderya at bakeshop sa Tarlac. Matapos mag-restroom ay bumalik siya sa pick up at umupo sa likuran. Doon sila kumain ng mainit na malunggay pandesal at three in one na white coffee.

Pumikit siya at ngumiti nang samyuin iyon. Di na masama. Mabango naman ang kape at tama lang ang lasa. Di gaanong matapang.

“Not bad,” sabi niya at kumuha ng pandesal.

“Sabi ko naman sa iyo, ‘di ba?” At isinawsaw nito ang pandesal sa kape saka isinubo. Dapat ay na-turn off siya sa ginawa nito pero parang lalaking-lalaki ito. Wala yata itong pangit na gagawin para sa kanya. Nahuli siya nitong nakatitig dito. “Gusto mo ba?”

“Hindi. Okay na akong panoorin ka,” sabi niya at sumubo ng pandesal.

“Sige na. Subukan mo lang. Pag ayaw mo, huwag mo nang ulitin.”

“Okay,” aniya at huminga ng malalim. Isinawsaw niya ang pandesal sa kape at sumubo habang nakapikit ang isang mata niya. “Uhmmm... Not bad.”

Humalakhak ang binata. “Sabi ko naman sa iyo. Masarap iyan. Walang ipinagkaiba sa ginagawa ng mayayaman na isinasawsaw ang Oreo cookies sa gatas.”

“Oo na,” sabi niya at kinuha ang pandesal na dadamputin sana nito. Nagpaubaya naman ang binata subalit may ngiti sa labi.

It was crazy. Kung sa Amerika siguro ay luluwa ang mga kakilala niya sa pagkagulat kapag nakita ang ginagawa niya. She was one hell of a classy lady. She had a reputation to uphold. But right now, she didn’t care. As long as Robinson didn’t mind, walang problema sa kanya.

“Wow!” usal ni Ashley. Dahan-dahang sumikat ang araw at nakita niya kung paanong sumabog ang kulay sa paligid. Kung paanong unti-unting nagkaroon ng kulay ang lahat mula sa asul na langit hanggang sa . “Everything is green. This is wonderful.”

“Wonderful? Bukid lang naman iyan. Normal na iyan.”

“Yeah! But... This is priceless.” Inilahad ni Ashley ang isang kamay. “Kung matagal ka nang nasa malalaking city like Los Angeles and New York, hahanap-hanapin mo rin pala ang ganitong tanawin.”

Di na bago sa kanya ang bukid dahil may palayan din sa dati nilang tirahan bago siya lumipat sa Amerika. Pero sa loob ng sampung taon ay halos sementado na ang nakita niya. Higit sa lahat, wala namang taniman ng palay sa Amerika.

“Huwag kang mag-alala. Madaming bukid sa pupuntahan natin. Magsawa ka,” tatawa-tawang sabi ng binata.

Magaan ang pakiramdam ni Ashley habang pinagmamasdan ang malawak na berdeng bukirin. Hinayaan niyang nakabukas ang bintana at sinamyo ang malamig at sariwang hangin. Pumikit siya at ngumiti habang tinatangay ng hangin ang buhok niya.

Makalipas ang isang oras ay pumasok na sila sa baranggay Francisco. “Malapit na tayo. Mga five minutes na lang.”

Tumuwid ng upo si Ashley at tumingin sa nadaanan nilang bahayan. Manaka-naka ay may bahay kubo siyang nakikita pero marami nang sementadong bahay. Di nagtagal ay tumigil sila sa harap ng isang bakuran na puro makukulay na bulaklak at maraming puno sa paligid. Sa gitna ng bakuran ay isang bahay na gawa sa kahoy.

Di pa man nabubuksan ni Robinson ang pinto ay dalawang bata na agad ang lumabas ng bahay at naglambitin sa pinto ng sasakyan nito. “Tito! Tito! Tito, nandito ka na! Yehey!” sabi ng batang lalaki na nasa siyam na taon.

Sumungaw naman sa bintana ang isa pang batang babae na sa tantiya ay anim na taon. “Tito, kalong po!”

Tumawa si Robinson. “Palabasin muna ninyo ako.”

Nang makababa ng sasakyan ang binata ay ito naman ang pinaglambitan ng dalawa. Walang hirap nitong binuhat sa magkabilang bisig ang mga bata na parang balewala lang ang bigat ng mga bata.

“Bumaba na kayo diyan, mga bata. Baka mapilayan na ang tiyo ninyo,” anang matandang babae na may kulot na maigsing buhok at nakasuot ng Aztec-printed na duster dress.

“Mano po, Nanay,” anang binata.

Hinaplos-haplos ng matandang babae ang buhok ni Robinson. “Napagod ka ba sa biyahe, anak? Akala ko di ka na dadating. Noong isang araw ka pa kasi dapat umuwi,” anito at humikbi.

Niyakap ni Robinson ang ina. “Huwag na kayong umiyak, Nanay. Nandito na po ako.”

“Noong isang araw pa umiiyak si Nanay,” sabi naman ng babae na sa tantiya niya ay nasa disinuwebe o disiotso pa lang. “May pasalubong ka ba sa akin, Kuya?”

“Yung regalo ko sa iyo sa Pasko.”

“Iba pa ang pasalubong, iba ang regalo,” angal ng babae.

“Hindi pa Pasko. Maghintay ka,” sabi ni Robinson.

Bumaba si Ashley ng sasakyan at pinagmasdan ang masayang pamilya. Kitang-kita naman kung gaano kamahal si Robinson ng pamilya nito. Gusto ng mga ito na maging buo sa dadating na Pasko.

Nakadama siya ng munting kirot sa puso niya. Matagal na panahon na mula nang maranasan niyang magdiwang ng Pasko na may kasamang pamilya. Matagal na panahon na siyang walang pamilya. Katwiran niya ay nakaka-survive naman siya ng Pasko kahit na mag-isa.

Hindi niya alam kung bakit siya naaapektuhan sa isang masayang pamilya. Samantalang akala niya ay manhid na siya.

“O! May kasama ka palang bisita, Kuya,” pansin ng kapatid ni Robinson nang lingunin siya. “Nag-uwi ng chic si Kuya.”

“Good morning po,” magalang niyang bati at lumapit sa mga ito. Nagmano siya sa nanay ni Robinson. Di agad makakibo ang matandang babae.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.