12 Gifts of Christmas- Kissing the Christmas Killer Chapter 17

Ipinakilala siya ni Robinson sa ina nito na si Aling Talia. Ang nakababata naman nitong kapatid ay si Jonnelyn. Habang ang mga pamangkin naman nito ay sina Duncan at si Aleli na anak ng nakatatandang kapatid na babae ni Robinson na kasalukuyang nagtatrabaho sa Baguio.

Puno ng kuryosidad siyang pinagmasdan ng dalawang bata. “Girlfriend ka po ni Tito Robinson?” tanong ng mas matanda sa dalawa.

Biglang bumulalas ng iyak ang nanay ni Robinson. “Mag-aasawa na ang anak ko. Kaya siguro ayaw mong umuwi agad dahil gusto mo pang makasama ang nobya mo.”

Nanigas si Ashley sa kinatatayuan. Pakiramdam tuloy niya ay hindi siya welcome doon. Hindi naman siya nobya ni Robinson pero inagaw niya ang oras na para sana sa pamilya nito.

“H-Hindi po. Magkaibigan lang po kami ni Ashley,” anang binata at humihingi ng pang-unawa na tumingin sa kanya habang pinapapayapa ang ina.

“Nanay, ang aga-aga pa po para sa drama. Tingnan naman ninyo ang girlfriend ni Kuya, Maganda, makinis at mestisahin. Mukhang yayamanin din. Amoy imported pa,” nakangising sabi ni Jonnelyn.

Suminghot si Aling Talia at pinahid ang luha. “Pasensiya na. Na-miss ko lang itong anak ko. Ngayon lang kasi siya nagdala ng kaibigang babae dito sa bahay. Mabuti pa pumasok na tayo sa loob. Baka di pa kayo kumakain.”

“Nagkape at tinapay na po kami sa daan,” sagot naman ni Ashley.

“Kape at tinapay? Wala iyan. Masarap ang ihinanda ko na agahan.”

Sinangag, nilagang talong, daing na bangus at pritong itlog ang nakahain sa mesa. Simpleng agahan lang ang ihinanda ng ina ni Robinson pero parang gourmet food na ang nakahain doon kung maka-wow si Robinson. Nang matikman na niya ang luto ng ina ng binata ay napa-wow din siya. Sinangag pa lang ay masarap na. Napasawsaw din siya ng nilagang talong sa bagoong na may kalamansi dahil mukhang sarap na sarap si Robinson. And it was good. Sunud-sunod ang subo niya.

“Saan ka nanggaling, Ate Ashley?” tanong ni Jonnelyn na sa halip na kumain ay nakatanghod lang sa kanya. Parang aliw na aliw ito sa kanya.

“Sa New York.”

“Imported ka nga from US of A!” excited na sabi ni Jonnelyn. “Sabi ko sa inyo sosyal siya. Mukhang branded ang damit niya. Hindi mukhang ukay-ukay.”

“Paano kayo nagkakilala ng anak ko?” tanong ni Aling Talia saka kanya.

Nakagat ni Ashley ang labi. Sasabihin ba niya na nandoon siya para giyerahin ang bestfriend ni Rex at ilayo ang ama niya sa lalaki? Baka iba ang maging impresyon sa kanya ng pamilya ng binata. Baka kadarating pa lang niya ay pabalikin na agad siya ng Maynila. Sa kung anong dahilan ay ayaw niyang mabago ang magandang pagtanggap sa kanya ng pamilya ng binata. Gusto niya doon.

“Anak po ako ng kaibigan ni Rex. Umuwi po sana ako ng Pilipinas para sorpresahin si Dad pero nagbakasyon po pala siya at di po agad nakabalik ng Manila,” sa halip ay sabi niya at ngumiti. Pero ang kamay naman niya ay mahigpit ang hawak sa kubyertos. Makisama sana si Robinson. Makisama sana si Robinson.

“Mahihirapang kumuha ng flight dahil bakasyon kaya dito muna si Ashley. Wala po kasi siyang makakasama ngayong Pasko,” salo naman ni Robinson sa kanya.

“Pasensiya na po sa abala,” anang si Ashley sa alanganing ngiti.

“Kawawa ka naman pala.” Hinaplos-haplos ng babae ang buhok niya. “Bisita ka ng anak ko kaya walang kaso iyon. Di bale hangga’t dito ka sa bahay namin, di ka malulungkot. Kami ang pamilya mo ngayong Pasko.”

“Salamat po,” aniya at yumuko nang maramdamang naluluha siya. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay may nanay siya. May pamilya.

Matapos mag-agahan ay iginala siya ni Robinson sa bakuran nito. May taniman ng mga gulay sa likod-bahay at may alaga ding manok at itik ang mga ito. May sapa sa tabing-bahay at maraming namumungang puno sa paligid.

Umupo siya sa hammock na nasa ilalim ng punong mangga at inugoy iyon ni Robinson. Parang bata siya na inuugoy. “Lakasan mo pa.”

“Baka tumilapon ka na kapag nilakasan ko,” sabi ng binata. “Sabihin mo lang sa akin kung gusto mo nang bumalik ng Maynila o kaya ay nakukulitan ka na sa pamilya ko. Alam ko naman hindi katulad ng hotel o ng condo itong bahay namin. Wala ring Starbucks dito sa baryo.”

“No. Masaya ako sa kung anong meron dito. Gusto ko ang sariwang hangin. Walang ingay o traffic. And your family accepts me with open arms. Salamat pala sa pagdadala mo sa akin dito,” sabi niya at ngumiti sa binata.

“Di ka ba nakukulitan sa kanila?”

“Hindi. Mukhang masaya kasama ang pamilya mo. I feel at home here,” sabi niya at itinulak ang sarili para umugoy ang duyan. Medyo mausisa nga ang kapatid nitong si Jonnelyn at may pagka-matanong ang mga bata pero mababait naman ang mga ito.

“Oo. Ganyan sila sa mga bisita.”

“Pwede bang huwag mong sabihin sa kanila kung ano talaga ang sa buhay ni Rex?” tanong niya.

“Alin doon?”

“Na umuwi ako ng PIlipinas para paghiwalayin sila ni Dad. Na kontrabida ako sa relasyon nila.” Ayaw ni Ashley na mag-iba ang tingin sa kanya ng pamilya ni Robinson. Gusto niya ang mga ito. Gusto niya ang pagtanggap ng mga ito sa kanya. Di niya hilig ang gaanong makihalubilo sa mga tao pero gusto niya ang pakiramdam na kabilang siya sa isang pamilya.

“Walang problema. Iyon lang pala.”

“Thank you!” Tumayo at niyakap ito. “Thanks a lot.”

At that moment, time stood still. Mula sa ihip ng hangin hanggang sa huni ng mga ibon ay parang nagsitigil. Ang tanging nararamdaman niya ay ang mainit na katawan ng binata at ang dagundong ng puso nito. Nakadama siya ng kapanatagan at kapayapaan sa bisig nito. She wished she could stay like this forever.

Subalit natapos ang forever niya nang may tuhikhim sa likuran nila. Nang lumingon siya ay nakatayo doon si Jonnelyn. Malisyosa ang ngiti ng dalaga habang pinagmamasdan ang pagkakayakap niya kay Robinson. Dali-dali silang naghiwalay ng binata. Gusto sana niyang sabihin na friendly hug lang iyon pero parang napaka-defensive naman ng dating niya. Parang guilty na may malisya nga.

“Kuya, handa na ang kuwarto mo,” sabi ng dalaga.

“Sige. Ihatid mo na si Ashley,” anang binata at binitiwan siya.

Tiningala niya ang binata. “Sa kuwarto mo ako matutulog?”

“Okay lang iyan. Girlfriend ka naman ni Kuya,” sabi ni Jonnelyn at humagikgik,

“Jonnelyn!” saway ng binata at tumigil sa pagtawa ang kapatid nito. Bumaling sa kanya si Robinson. “Sa likodbahay ako matutulog. May kubo doon. Ikaw lang sa kuwarto ko.”

“Ayos lang ba iyon sa iyo?” tanong niya. Parang pinalayas naman niya ito sa pwesto nito. Akala niya ay sa guesthouse siya patutulugin.

“Oo naman. Mas madalas ako sa kubo kaysa sa kuwarto ko kapag nandito ako. Magpahinga ka muna.”

Nang sumama siya kay Jonnelyn papasok ng bahay ay nakadama siya ng panlalamig. Di pa man siya nakakalayo ay nami-miss na niya ang yakap ng binata.

Niyakap ni Ashley ang sarili. Wala iyon. Malamig lang ngayon dahil December. That hug doesn’t mean a thing. Pero bakit parang hirap siyang kumbinsihin ang sarili niya na balewala lang ang yakap na iyon at walang malisya?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.