12 Gifts of Christmas- Kissing the Christmas Killer Chapter 18

“AYOS lang ba itong kuwarto ni Kuya? Hindi naman kasi niya sinabi na may kasama siyang bisita kaya hindi kami masyadong nakapaghanda,” sabi ni Jonnelyn at hinawi ang berdeng kurtina sa kuwarto ni Robinson.

“Biglaan lang din kasi ang pagpunta ko dito sa Pilipinas. Sosorpresahin ko lang din si Dad.” Nasa ikalawang palapag ang silid ng binata. Walang aircon ang bahay pero presko ang hangin na pumapasok sa bintana. May kutson naman na higaan doon at mukhang bagong palit din ang punda, kumot at bedsheet. Umupo siya sa kama. “Di sana ako sasama pero ayaw daw niya na mag-isa lang ako na magdiriwang ng Pasko. Di kasi ma-contact ang Dad ko sa bakasyon.”

“Ituring mong parang bahay mo rin ito, Ate. Di ka na rin naman iba sa akin,” anang dalaga at kumindat sa kanya.

Tumayo siya nang mapansin ang mga oil painting na nakasabit sa dingding. It depicted the barrio life - mula sa pagtatanim ng palay, mga batang naliligo sa sapa at matandang babae na nagluluto pa rin sa pugon at palayok na kamukha ni Aling Talia. “Ang ganda naman ng paintings. Sino ang gumawa?”

“Gawa ni Kuya ang lahat ng iyan.”

“Really?” Ang paintings nito ang nakasabit sa condo. Pintor talaga ito. Pintor as in artist. Hindi ito pintor na nagpipintura lang sa mga infrastructure gaya ng tulay o building. Napahiya tuloy siya sa sarili. Kaya naman sobrang defensive ng binata sa trabaho nito at ganoon katindin ang pride nito. He was really good.

“Hindi mo ba alam na pintor si Kuya?”

“Well, ngayon ko lang nakita ang artwork niya.” Paano ay minaliit niya ito noong una dahil akala niya ay simpleng house sitter lang ito at tagapintura ng mga building at tulay. Tumutok ang mga mata niya sa isang babae na mistulang diwata habang na nagtatampisaw sa sapa. Morena ng babae na may mahabang tuwid na buhok. Maamo ang mukha nito at maganda ang katawan na bakas sa suot nitong puting dress. “Ang ganda naman. May model ba si Robinson dito o imahinasyon lang niya?”

“Si Lhala iyan. Kababata at niligawan ni Kuya,” sagot ni Jonnelyn habang inaayos ang damit niya sa aparador.

“Hindi niya girlfriend?” tanong niya. Sabagay conservative pa rin siguro ang mga tao sa probinsiya. Mga tipong lima hanggang sampung taong ligawan.

“Di niya papatulan si Kuya Robinson malibang bilyonaryo o sikat ang kapatid ko. Yung may mga hacienda o kaya may-ari ng mga building at negosyo lang ang papasa sa kay Lhala. Basta may pera, sasagutin ka niya,” di maipinta ang mukhang sagot ni Jonnelyn at bahagya pang nagdabog nang isara ang aparador.

“You mean, she doesn’t like Robinson because he is not well-off?”

Tumirik ang mata ni Jonnelyn. “Sinabi mo pa. Kung mata-matahin niyan ang kapatid ko, ganoon-ganoon na lang. Porke’t di kami kasing yaman ng mga manliligaw niya, mababa ang tingin niya kay Kuya. Samantalang kung tutuusin nagmula din naman siya sa hirap. Sa kay Kuya Robinson siya laging dumidikit noon kapag may kailangan siya. Nanalo lang siya ng Mutya ng Francisco, tumaas na ang ere. Awang-awa tuloy ako kay Kuya lalo na kapag tinatanong siya kung may sportscar na ba si Kuya o nakapunta na ba sa abroad para magbakasyon.”

Naningkit ang mga mata niya nang tingnan ang painting ng babae. Kitang-kita niya ang dedikasyon at pagmamahal ni Robinson sa babae. Gusto niyang mainis at sabunutan ang babaeng iyon dahil sa pangmamata niya sa binata. Pero sino ba siya para manghusga sa babae? Wala naman siyang kaibahan dito dahil nang unang beses silang nagkakilala ni Robinson ay di rin maganda ang reputasyon nito sa kanya. Inisip niya na isa itong manggagamit. Ang kaibahan lang nila ni Lhala ay kilala nito si Robinson mula pagkabata at minahal ito pero pinili pa rin nitong tapak-tapakan.

“Gusto pa rin siya ng kapatid mo?” tanong ni Ashley kay Jonnelyn. Kung nakakabit pa rin ang mga painting ng babae sa kuwarto nito, ibig sabihin ay mahalaga pa rin kay Robinson ang babae.

“Siguro.” Nagkibit-balikat si Jonnelyn. “Ewan ko ba doon. Sabi ko nga maghanap na ng iba. Kung sinu-sino na nga inirereto ko saka ni Kuya Rex pero walang epekto. Si Lhala pa rin ang gusto niya. Gusto ko na ngang batukan para matauhan.”

“She must be some special girl,” aniya at tipid na ngumiti kahit nagngingitngit ang kalooban niya. Ano ba ang nakita ni Robinson sa babaeng ito.

“Maganda lang siya. Hamak mas maganda ka naman sa kanya at matalino saka sosyal pa ang dating.” Tumabi ito sa kanya. “Wala ka bang gusto kay Kuya Robinson?”

Umiling siya. “Magkaibigan lang kami.”

“E ‘yung yakap kanina na nakita ko?” tanong nito at hinuli ang mga mata niya.

“Friendly hug lang iyon,” giit niya at nilabanan ang tingin nito. I can do this. I can do this.

Nanunukso itong ngumiti. “Baka naman pwedeng more than friends. Mukha kasing okay ka para kay Kuya.”

“Paano mo naman nasabi na okay ako?”

“Mukha kang may kaya at edukada. Kung hindi ka okay, hindi mo magiging kaibigan ang Kuya ko na isang probinsiyanong pintor. Mukha kasing di kayo magkauri. Kung magkakagustuhan kayo ni Kuya Robinson at magiging girlfriend ka niya, tiyak na tameme ang Lhala na iyon. Magsisisi siya sa pangmamaliit niya sa kapatid ko,” sabi nito at humalakhak nang malakas.

Kung magiging sila ni Robinson, gusto rin naman niyang ipamukha kay Lhala kung anong klaseng lalaki ang pinakawalan nito. Pero iba rin ang realidad.

“Magkaibigan lang talaga kami ni Robinson,” giit niya. “Iyon lang talaga.”

“Basta kung may gusto ka kay Kuya at kailangan mo ng tulong sa pagpikot, sabihin mo lang sa akin,” anitong tumaas-taas ang mga kilay na parang ine-encourage siya.

Don’t give me any ideas. Baka seryosohin ko.

Ipinilig niya ang ulo. “Magpapahinga muna ako, Jonnelyn. Nahihilo kasi ako sa biyahe.”

“Sige. Salamat, Ate Ashley. Pakiramdam ko kasi ikaw ang sagot sa dasal ko tuwing simbang gabi na magka-girlfriend na si Kuya Robinson ng babae na mapapasaya siya.”

Hindi rin magawang makatulog ni Ashley nang maiwan siyang mag-isa sa kuwarto ng binata. Di mawala sa isipan niya ang sinabi ni Jonnelyn.

Kung mapagsamantala at luka-luka lang si Ashley, baka patulan niya ang offer ni Jonnelyn. Gusto niyang makalimutan na ni Robinson ang babaeng nanakit dito. He deserves better. Pero siya ba ang someone better na iyon?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.