12 Gifts of Christmas- Kissing the Christmas Killer Chapter 20

SOBRANG sarap ng tulog ni Ashley nang may kumatok sa pinto ng kuwarto bandang alas dos ng madaling araw. “Ashley, anak! Sasama ka bang magsimbang-gabi?” tawag ni Aling Talia, ang ina ni Robinson.

Umungol siya. “Five minutes na lang po.”

“Alas tres ang simula ng misa. Baka mahuli tayo sa simbang gabi. Sampung minuto pa ang layo ng simbahan dito.”

“Alas tres?” Mistula siyang binuhusan ng malamig na tubig nang marinig iyon. Thirty minutes nga lang ay inilalaan na niya sa paliigo pa lang. Magpapatuyo pa siya ng buhok. “Lalabas na po ako.”

Dali-dali niyang hinablot ang tuwalya sa ibabaw ng traveling bag niya at ang toiletries na nakahanda na kagabi pa. Napasarap kasi siya sa kwentuhan nila ni Robinson. Kundi pa siya sinundo sa kubo ni Nanay Talia bandang alas diyes ng gabi ay hindi pa matatapos ang kwentuhan nila. Inalam kasi niya sa binata kung paano ito nagsimulang mahilig sa pagpipinta at kung anu-ano pa ang medium na ginagamit nito.

“Saan po ang shower room?” tanong niya kay Nanay Talia paglabas ng kuwarto.

“Dito,” anito at hinila si Jonnelyn na papasok na sana para maligo. “Paunahin mo na ang bisita natin. Doon ka na sa kabilang banyo maligo.”

“I am sorry,” sabi niya sa binata na napakamot na lang sa ulo. “Bibilisan ko na lang po.”

Mistulang yelo ang ibinuhos niya saka niya naalala na walang hot shower doon. Binilisan na lang niya ang pagsa-shampoo at pagsasabon. Nangangaligkig siya sa lamig nang lumabas. Hindi na siya nag-blower pa ng buhok o nag-make up man lang. Nagbihis na lang siya ng pantalon at long sleeve blouse. She must look like a mess.

“Ready?” tanong ni Robinson nang lumabas siya ng bahay. Siya na lang pala ang hinihintay sa sasakyan. Lahat ay nakasakay na pati ang mga batang pupungas-pungas.

“Yes,” aniya sabay bahing.

“Masama ang pakiramdam mo?”

“Nabigla ako sa tubig. Malamig pala,” sabi niya nang sumakay sa tabi ng driver’s seat. “Pasensiya na kung nahuli ako.”

“Ipag-iinit kita ng tubig sa susunod. Sanay kasi kami sa malamig. Pasensiya na.” Inabot nito sa kanya ang metal canister. “Uminom ka muna ng salabat. Gagawan ka na lang ng calamansi juice mamaya para hindi ka tuluyang ubuhin at sipunin.”

“Salamat,” aniya at bahagyang ngumiti nang gumuhit sa lalamunan niya ang maanghang at mainit na salabat. Masarap talaga na may umaasikaso at nag-aalaga sa kanya. Pakiramdam niya ay spoiled siya kay Robinson.

“Ang sweet talaga ni Kuya. Pang-boyfriend material,” tudyo ni Jonnelyn na nasa likuran niya.

“Jonnelyn,” nagbababalang sabi ni Robinson.

“Naku! Ipagdadasal ko na magka-girlfriend si Kuya Robinson ng babae na pahahalagahan siya at mamahalin. Hindi siya mamatahin. ‘Yung tanggap ang pagiging simple niya.” Naramdaman niya na pinisil ni Jonnelyn ang balikat niya. “Tulungan mo rin sana akong manalangin, Ashley. Kailangan collective prayer para mas malakas ang kapit natin sa taas.”

“S-Sige ba,” sabi ni Ashley at bahagyang nangiti.

“Oo nga. Malay mo nasa tabi na lang ni Kuya ang sagot sa dasal ko.”

Napaubo si Ashley nang makuha ang tinutukoy ni Jonnelyn. Hindi naman masyadong halata na ipinagduduldulan siya nito kay Robinson.

“Bakit di mo na lang ipagdasal na pumasa ka para di sayang ang tuition?” pambabara ni Robinson sa kapatid.

“Si Kuya talaga,” nanghahaba ang ngusong sabi ni Jonnelyn.

Kakaiba ang pakiramdam ni Ashley nang pumasok sa loob ng simbahan. She had this alien yet familiar feeling. Kailan ba huling beses siyang nagsimbang gabi? Yes. Sa Pilipinas pa niya huling nagawa dahil wala namang simbang gabi sa ibang bansa. Hindi na nga siya halos nakakapagsimba.

Habang misa ay tahimik lang siya na ninanamnam ang mga dasal. Pamilyar sa kanya ang panalangin pero parang nagmumula sa malayong alaala. Kailan ba siya huling nagsimba nang taimtim? Kailan ba siya huling nagdasal? Sa sobrang abala niya sa trabaho, pati pakikipag-ugnayan sa Diyos ay napabayaan na niya. Ano na bang nangyari sa kanya? Ganito ba talaga ang buhay na gusto niya?

Pinisil ni Robinson ang kamay niya nang tahimik pa rin siya matapos ang misa at lumabas na sila ng simbahan. “Ayos ka lang ba?”

“Oo. M-Medyo matagal na pala akong di nakakasimba. Nakakapanibago lang na hindi ko maintindihan,” sabi niya at niyakap ang sarili.

“Talaga? Kailan ka ba huling beses na nagsimba?”

“Ang huling beses na nagsimba ako, nang makarating na kami ng Amerika. Bago kami pumunta ng Amerika, linggo-linggo kaming nagsisimba. Mula pagkabata ko kumpleto kami sa simbang gabi dahil gusto ni Daddy at Mommy na sa Amerika na daw kami mamuhay. Nang nandoon na ang pamilya ko, nag-iba na ang buhay namin. Naging abala na kaming lahat at nagkawatak-watak na ang pamilya. Para makalimutan ko ang lungkot, nag-focus ako sa pag-aaral at trabaho. Katwiran ko kaya ko pa rin naman na mag-isa. Nakalimutan ko na rin kung paano lumapit sa Diyos. Sa dami ng naibigay niya sa akin na biyaya, hindi na pala ako nakalapit sa kanya para magpasalamat. O kahit simpleng panalangin man lang.”

Ibinuka ni Robinson ang bisig. “Pero nandito ka na. Nakapagsimba ka na ulit.”

“Salamat. Kaya siguro sinadya akong pasamahin sa iyo sa probinsiya ninyo para maalala ko ang mga bagay na mahalaga pero nakalimutan ko. Mga simpleng bagay lang pero di ko na nagagawa dahil nagpakagumon ako sa trabaho.” Umungol siya. “I can imagine, marami na akong bagay na napalampas dahil naka-focus ako sa trabaho. Puro trabaho. Kundi pa ako nawalan ng cellphone at laptop, di pa ako patitigilin ng Diyos sa trabaho ko saka ko mare-realize ang mga bagay na nami-miss ko.”

“Huhulaan ko. Matagal ka na ring di nakakatikim ng puto bumbong at bibingka.”

“Tama ka,” wika ni Ashley at tumawa. Pumikit siya at suminghot. “I can smell it already. Nagugutom na ako.”

Hinawakan siya ng lalaki sa siko. “Halika. Ililibre kita.”

“Kuya, kami rin,” sabi ni Jonnelyn. “Hintayin na lang namin kayo sa sasakyan.”

“Anong gusto ninyo - puto bumbong o bibingka?” tanong ni Ashley sa mga bata.

“Puto bumbong at bibingka!” sabay-sabay na sagot ng dalawang bata.

“Mauubos yata ang pera ko sa katakawan ninyo,” biro ni Robinson sa dalawang pamangkin at ginulo ang buhok ng mga ito.

“Wow! Ganda naman ng chicks na kasama mo. Pakilala mo naman ako,” sabi ng tindero ng puto bumbong at bibingka. Matikas ang pangangatawan nito at halos kasing tangkad ni Robinson. Mas guwapo lang talaga si Robinson.

“Sergio, si Ashley. Kaibigan ko galing States. Ashley, si Sergio, kababata ko na ikinukuwento ko sa iyo,” makahulugang sabi ni Robinson.

“Oh, that’s him.” Si Sergio ang kaibigan ni Robinson na matinik sa babae.

Tumikhim ang lalaki. “Ano naman ang ikinukwento ni Robinson sa iyo? Na ako ang pinakaguwapo dito at masarap pa akong magluto ng bibingka.” Akmang bubuka pa lang ang bibig niya para kumontra nang humirit agad si Sergio. “Pwede ka bang ligawan? Kung sasagutin mo ako, libre na lagi ang bibingka at puto bumbong mo hanggang Bagong Taon.”

“What?” bulalas niya. Is that his pick up line or something? Anong klaseng babae ang nahuhulog sa ganoong klaseng paandar?

“Inglisera iyan. Baka dumugo ang ilong mo at basted ka rin naman sa huli,” tatawa-tawang sabi ni Robinson.

“Marunong naman akong mag-English,” pagmamalaki ni Sergio.

“Sige nga,” hamon ni Robinson at humalukipkip.

“I... I.... Ay ewan! Hindi na lang nga ako manliligaw. Baka kailanga ko pa ng blood transfusion diyan. Mapagastos pa ako lalo. Ano bang order ninyo?” anang si Sergio sa mas normal na boses.

“Anim na bibingka at anim na puto bumbong, please,” malambing niyang sabi.

“Sira ulo ka! Marunong naman palang mag-Tagalog. Ikaw yata ang may gusto kaya binakuran mo na,” singhal ni Sergio kay Robinson pero tinawanan lang ng huli.

Pinapanood niya ang pagluluto ng bibingka at puto bumbong. Pasko na nga talaga. She was ecstatic. Parang ibang tao na siya ngayon. Bumabalik siya sa nakaraan. Sa kabataan niya kung saan masaya pa ang lahat. At masaya na siya sa simpleng pag-aabang sa malulutong puto bumbong at bibingka.

“Nakabalik ka na pala, Robinson,” narinig niyang sabi ng isang babae sa tabi ni Robinson.

“Lhala!” Napalingon si Ashley nang marinig ang pangalan na tinawag ni Robinson. Nakita niya ang diwata sa painting ng binata. Di ito nalalayo sa painting dahil maganda talaga ito. Like an exotic fairy. Nakasuot ito ng bulaklaking dress na V-neck at lagpas sa tuhod ang laylayan. May nakapatong na puting cardigan sa damit nito. “K-Kumusta ka na?” nanginginig na tanong ni Robinson.

“Okay na okay. Kauuwi ko lang galing sa tour sa Japan at Korea. Ang ganda doon. Kapag nakita mo ang hotel na tinuluyan ko, parang di mo na gustong umuwi ng Pilipinas. So, nakabenta ka na ba ng paintings mo?”

“O-Oo naman. May pumakyaw ng paintings ko,” masayang sabi ni Robinson.

“Pero di ka pa rin sikat?” maasidong sabi ni Lhala.

Naku! Gusto niyang batuhin ng mainit na bibingka ang maaskad na mukha ng babae. Mas maganda siguro kung ‘yung kalan na lang ng bibingka. Sikat ba ito kung makapagtaray kay Robinson? Di rin naman ito sikat.

Napansin ni Ashley na bumagsak ang balikat ng binata. Bumaba na naman ang kompiyansa nito. Bakit di nito sabihin kay Lhala na dadalhin na sa New Y ork ang paintings nito para matameme ang impaktita. Gusto sana niyang ipamukha kay Lhala na di siya titigil hangga’t di sumisikat si Robinson. At titiyakin niya na di ito makakadikit sa lalaki kapag nangyari iyon. Naku! Kalalabas pa lang niya ng simbahan pero sumasama na ang ugali niya dahil sa babaeng ito.

“Ano... ‘Yan ‘yung kuwintas na gusto mo sa kapitolyo!”

“Binili na sa akin ni Rogel noong isang buwan.” At nilaro ni Lhala ang gintong kuwintas na may palawit na ruby na hugis puso.

“Si Rogel?” tanong ni Robinson.

“Yung anak ni Mayor galing sa States. Siya din ang kasama ko sa Korea at Japan. Sabi niya sa susunod isasama niya ako sa Europe.”

“Nobyo mo na siya?” malungkot na tanong ni Robinson.

“Siyempre naman. Palalampasin ko pa ba ang katulad niya? Siya na ang lalaking laman ng pangarap ko na magdadala sa akin sa magagandang lugar.”

Lhala was Ashley’s least favorite person right now. Kailangan niyang ilayo si Robinson dito sa lalong madaling panahon bago pa siya makagawa ng krimen.

Pagkabigay sa kanya ng puto bumbong at bibingka ay kumapit na siya sa braso ng lalaki. “Robinson, let’s go,” aniya sa masayang boses.

“Sino siya?” nakataas ang ginuhitang kilay na tanong ni Lhala.

“Si Ashley, kaibigan ko galing New York. Si Lhala pala, ang kababata ko,” sabi naman ng binata na parang di komportable na ipakilala siya.

“New York, Cubao?” puno ng pang-iinsultong tanong ng babae saka humalakhak.

Aba! Talagang hinahamon ang kamalditahan niya. Sinagot din niya ng mataginting na halakhak ang babae. “You mean, that’s all you know? New York, Cubao? I am from Manhattan, New York. In case you don’t know, sa Amerika iyon.”

Mariing nagdikit ang labi ng babae. “Alam ko na sa Amerika iyon. Di ako tanga. Ano naman ginagawa niya dito?”

At ginawa niya ang unang ideyang pumasok sa utak niya para tuluyan nang tigilan ng babaeng ito ang pangmamaliit kay Robinson. “Spending time with Robinson’s family. I am his girlfriend.”

Nanigas si Robinson sa tabi niya. “Girlfriend?”

“Surprised? Sabi ko naman sa iyo gugulatin na lang kita kung kailan kita sasagutin.” Hinawakan niya ang pisngi nito. “Robinson, I know that you are sincere when you told me that you like me. You also proved that you have a good heart. Sinabi mo sa akin na sigurado ka na ako ang babae para sa iyo. Matapos kong magdasal kanina, natitiyak ko na ikaw din ang lalaki para sa akin. Merry Christmas, Robinson.”

Hinila niya ito sa batok pababa. Then she kissed him infront of the whole town.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.