ALAS diyes na ng gabi pero di pa rin makatulog si Ashley. Tulog na ang mga tao sa bahay pero di pa rin siya inaantok. Nakatunghay lang siya sa Christmas tree at naalala kung paanong siya ang naglalagay sa tuktok ng Christmas star. Pakiramdam niya kapag Pasko noon ay di siya umalis sa pagiging bata. And she felt that way again. Masaya siya dahil may magaganda siyang alaala at naalala din niya ang mga lumang alaala.
“Gising ka pa rin?” untag sa kanya ni Robinson.
“Ikaw nga akala ko kanina ka pa tulog.” Matapos kasi nitong buhatin sa kuwarto ang dalawang bata na nakatulog sa kwentuhan nila ay nagpaalam na rin itong matutulog sa kubo.
“Nakita ko kasing bukas pa ang ilaw dito kaya tiningnan ko dahil baka nakalimutang isara ang Christmas light.”
“Sorry. Hindi pa kasi ako makatulog. Nagre-relax lang ako dito.”
“Napagod ka yata sa pakikipagkwentuhan sa mga pamangkin ko,” anang binata at tinabihan siya.
“Sila ang napagod sa akin. They are curious. Gusto nilang malaman kung ano ang meron sa Amerika at kung ano ang trabaho ko.”
“Gusto na rin nilang sa New York magtrabaho at maging accountant gaya mo. Mukhang ikaw na ang paborito nila ngayon.”
Huminga ng malalim si Ashley. “Ganoon din ang pangarap ko dati. Makarating sa Amerika ang buong pamilya tapos doon kami magkakaroon ng mas magandang buhay. Pero dapat pala maging maingat ka sa hinihiling mo. Baka hindi iyon ang inaasahan mong makukuha mo. Baka may malaking kapalit. Natupad nga lahat ng hiniling ko pero mag-isa lang ako. Wala na ang pamilya ko.”
“Pinaghirapan mo naman kung saan ka naroon. Nag-aral kang mabuti at nagsikap ka. Hindi naman ibig sabihin kapalit niyan ang pagkawala ng pamilya mo.”
Nilingon niya ang binata. “Oo. Pero iniisip ko rin kung hindi kami napunta ng Amerika, buo pa kaya ang pamilya ko? Mahirap kaya kami pero buo at masaya?”
“Wala naman sa mga kamay mo kung anong nangyari sa kanila o desisyon nila sa buhay. Seventeen ka lang nang maghiwalay ang magulang mo. Wala kang magagawa sa desisyon nila. Di mo mababalikan ang nakaraan pero pwede mo pang baguhin ang buhay mo ngayon. Pwede ka pang magkaroon ng sarili mong pamilya na magpapasaya sa iyo,” anito at ginagap ang kamay niya. “Gusto ka ng pamilya ko. Mas paborito ka na nga ng mga pamangkin ko kaysa sa akin. Saka pati si Nanay asikasong-asikaso sa iyo para daw di mo ako hiwalayan agad.”
Humilig siya sa balikat nito para di nito makita ang pangingilid ng luha niya. “Salamat kasi pinahiram mo sa akin ang pamilya mo. Salamat dahil hinayaan mo akong maglagay ng Christmas star. Salamat dahil naramdaman ko ulit na may pamilya ako kahit na sa loob ng mahabang panahon akala ko ayos lang ako kahit mag-isa.”
Hinaplos ng binata ang buhok niya. “Kahit anong mangyari, parte ka na ng pamilyang ito. Pwede kang laging bumalik dito. Hindi mo kailangang maramdaman lagi na mag-isa dahil nandito kami para sa iyo. Kahit pa bumalik ka na sa Amerika, pwede mo pa rin kaming kausapin kung gusto mo ng pamilya.”
Habang nakahilig siya sa balikat ni Robinson ay naramdaman niya na kontento siya nang mga sandaling iyon. Kung nasa New York siya ngayon, maaring natataranta siya dahil sa trabaho. Doon na naman iikot ang buhay niya pero di siya masaya.
Now she felt at home and content. Si Robinson ang nagbibigay ng direksyon sa kanya para mabalikan niya ang masasayang alaala at matagpuan ang mga tao at bagay na nagpapasaya sa kanya.
He was star. He was giving her a new direction. Kapag nawawala siya, ito ang tumatanglaw sa kanya sa dilim para malaman niya kung saan siya pupunta. Sana lang ay hindi ito mawala sa paningin niya. She didn’t feel want to feel lost anymore.
“TITA ASHLEY, wala na sila. Pwede ka na pong pumasok,” sabi ni Duncan sa kanya habang nakatago sila sa gilid ng lumang kamalig na ngayon ay tirahan na ng alagang itik ng pamilya. Pinanood niya ang pagdaan ng mga itik kasunod ang kiti ng mga ito para lumangoy sa sapa.
“Okay. Ako na ang bahala,” anang dalaga at dali-daling pumasok sa kamalig.
Katatapos lang nilang magsibang-gabi. Ayaw siyang patulungin na magluto ng agahan dahil bisita daw siya kaya napagdesisyunan niyang kuntsabahin ang dalawang bata para may magawa. Ang mga ito daw ang nautusan na manguha ng itlog para sa agahan at nagprinsinta siyang siya na lang ang gagawa. Di naman siguro mahirap kumuha ng itlog mula sa pugad.
Mistula siyang pumasok sa kuweba ni Alibaba nang makapasok at makita ang pugad ng mga ibon. Nagningning ang mga mata niya na parang mamahaling ginto at hiyas ang nasa paligid niya. Excited siyang dumampot ng itlog. “Shopping spree!” Nakakuha na siya ng sampu nang sumigaw ang dalawang bata. “Alis na po tayo. Andiyan na sila.”
“Sinong sila?” tanong ni Ashley. Nagtakbuhan na ang mga bata at napilitan na rin siyang lumabas. Ilang metro sa pinto ay pabalik na ang batalyon ng mga itik. Ang pinaka-lider ng mga ito na pinakamalaki sa lahat ay ibinuka ang pakpak at parang nanlisik ang mga mata. Tumili siya nang bigla siya nitong sugurin. Mukhang nagalit ito dahil sa pagkuha niya sa itlog nito. Di niya alam kung saan susuling. Ayaw niyang matuka dahil tiyak na masakit iyon.
“Takbo na, Tita!” sigaw ng dalawang bata na nasa loob na ng bahay at nakatayo sa pinto.
Nagtatakbo siya habang nararamdaman niya ang ingay ng mga itik sa likuran niya na tinatangka siyang abutan. It was like a bad movie. Under attack siya ng mga itik. Imagine that? Itik! And she had no choice but to run.
Malakas na malakas ang kabog ng dibdib niya nang sa wakas ay isara ang pinto at sinandalan iyon. Habol ang hininga niyang sinandalan ang pinto. “O! Among nangyari sa iyo? Bakit isinara mo ang pinto? Palabas ako at...”
Umiling siya. “Huwag kang lalabas. Inaatake tayo ng mga itik.”
“Tayo? Ano iyan? May itik invasion?”
Huminga siya ng malalim. “Hinabol nila ako. Galit na galit sila. Baka akong gawin nila sa atin.”
Tumawa lang si Robinson. “Ano ba kasing ginawa mo at nagalit?”
“Kinuha po niya ang itlog ng itik,” sabi ni Aleli.
Binalingan nito si Duncan. “Akala ko kayo ang kukuha? Di pa kilala si Ashley ng mga itik. Susugurin talaga siya ng mga iyan.”
“Huwag mong pagalitan ang mga bata. Ako ang namilit sa kanila. Gusto ko kasing masubukan. Akala ko madali,” paliwanag niya.
“Hindi ko naman sinabing gumawa ka dito. Paano kung masaktan ka? Mapipingot pa ako ni Nanay kapag may nangyaring di maganda sa iyo. Saka si Sir Ron, baka sabihin di kita maalagaan,” sermon ng binata.
“Alam mo naman na ayokong tinatratong prinsesa. I am not one. Gusto ko pong makatulong dito. Gusto kong maging parte ng pamilyang ito. I want to do my part,” sagot niya dito.
“Tama na ‘yang pagtatalo ninyo, Robinson. Hayaan mong si Ashley ang maggayat ng sibuyas at magbati ng itlog. Ituturo ko sa kanya kung ano ang gusto mong luto ng itlog,” nakangiting sabi ni Nanay Talia. Pero bakas pa rin ang pag-aalala sa mga mata ng binata nang sundan sila ng tingin.
“Salamat po dahil pinayagan ninyo akong tumulong,” sabi niya habang naggagayat ng sibuyas.
“Kasi itong si Robinson akala niya kaya niyang alagaan lahat ng mga babaeng mahalaga sa kanya. Kulang na lang siya ang gumawa ng lahat dito. Kaya naman natin. Kaya nauunawaan kita kung bakit gumagawa ka pa rin kahit ayaw niya.”
Nalaman niya na ginising itlog pala na may patatas ang paborito ng binata. Sa instruction ni Nanay Talia ay nailuto niya iyon. Nakadama ng sense of fulfillment si Ashley nang masarapan ang mga nakatikim kasama na si Robinson. Worth it ang paghabol sa kanya ng mga itik.
“O! Naubusan na si Tito Robinson ninyo,” sita ni Nanay Talia sa dalawang apo. Di naman kumikibo ang binata.
“Ito na lang sa akin ang sa iyo,” sabi ni Ashley at ibinigay kay Robinson ang parte niya na di pa nagagalaw. Okay na ako sa saging na prito at gatas na kalabaw. Diet. Mahalaga makakain ka ng paborito mo dahil niluto iyan para sa iyo. Bawal kumontra.”
Sumilay ang ngiti sa labi ng lalaki. “Salamat. Kahit na hinabol ka pa ng itik ginawa mo pa rin para sa amin.”
“You know that I will do anything for you.” Hindi alam ni Ashley kung bakit niya sinabi iyon pero naramdaman niya na parang hinugot ang salita sa puso niya. Kahit habulin ulit siya ng mga itik sa susunod.
“Sa wakas naman may nag-aalaga na kay Kuya,” sabi ni Jonnelyn.
“Paano kapag bumalik ka na sa Amerika? Hindi na rin kayo bumabata,” paalala ni Nanay Talia. “Malalaki na rin ang mga apo ko. Kailangan na ng bagong apo. ‘Yung amoy baby naman at di araw at dayami.”
“Tito, kailangan po ng dayami para sa Christmas presentation namin mamaya,” sabi ni Duncan.
“Dayami? Bakit di mo sinabi agad?” tanong ng binata.
“Nakalimutan ko po.”
Pumalatak ang binata. “Inuuna kasi ang laro. Nagbibinata ka na,” paalala nito.
“Sige na. Kumuha na lang tayo,” sabi niya at tinapik sa braso ang binata.
Binalingan siya ni Robinson. “Tayo?”
“Sasama ako sa iyo.”
“Sa bukid?”
Tumango siya. “Di mo pa ako naipapasyal sa bukid,” paalala niya.