"TWENTY Likes? Twenty likes lang ang nakuha ng post tungkol sa feature article ni Mark Andrew tungkol sa Philippine Mythology?"
Dismayado si Sylvie nang makita ang engagement sa page na ginawa niya para kay Mark Andrew. Nakaupo siya sa kama at nagtse-check ng mga messages sa paggising. Tuwing nagbubukas siya ng message, pakonti nang pakonti ang nakukuha na likes ng page ni Mark Andrew.
Doon niya pino-post ang mga naisulat nito noong nabubuhay pa. Gusto niyang manatiling buhay ang mga ideya nito para ma-educate ang mga kabataang gaya nila pati na rin ang mga susunod na henerasyon. Paggising pa lang sa umaga, page agad nito ang tinitingnan niya. Pero kahit gaano pa kaganda ang pagkakasulat nito at maraming kaalamang mapupulot, mukhang di naman interesado ang mga tao.
Noong kamamatay pa lang nito, masipag pa na mag-like at share ang mga tao. Ngayon, puro like na lang at wala na halos nagko-comment. Parang nakalimutan na ito ng mga tao o di na interesado kahit gaano pa napapanahon at kahalaga ang mga ideya nito. Ayaw niya ng pakiramdam na parang dahan-dahan nang nawawala ang bakas nito sa mundo. Kahit man lang sana magandang diskurso ay makapagbigay ang mga ito pero wala.
At saan nakatambay ang mga schoolmates niya? Nasa page ni Knight. Ipinost lang nito ang gatas na tinimpla ng nanay nito habang gumagawa ito ng assignment pero naka-ten thousand likes na at one thousand na shares sa magdamag. Nagtatanong pa ang mga kaklase niya kung ano daw ang brand ng gatas na iniinom nito pati brand ng ballpen at notebook. Bibili din daw ang mga ito. At ngayon nagkakagulo ang mga fans nito sa pagpapangalan sa salagubang na nakapasok sa kuwarto nito.
Sinapo ni Sylvie ang noo. "Ano na ba ang nangyayari sa mundo?"
Libo ang likes at comments sa mga pictures nito at pa-cute na quotes galing sa nobela nito o kaya ay nilalaro nitong online game pero wala namang kalaman-laman. Habang bente lang na likes sa mga importanteng isyu na makakapagdagdag ng kaalaman sa iba.
At pagbukas ng messenger niya at notification sa Facebook, puro pa tungkol kay Knight ang tanong ng mga dating kaklase, kaibigan na nasa ibang lugar, mga pinsan at pati mga kakilala ng kakilala niya na di naman niya kilala.
Sikat ang pinsan ko. Nakapagtanong siya kay Knight. How to be you po?
At may naka-tag na screencap ng Facebook nila ng binata mula sa live video ng isang estudyante ng Bright Minds Academy.
Close pala kayo ni Knight. Ibang level ka na talaga, friend.
Pa-fansign naman, besh.
Ano ang ideal girl ni Knight? Ilakad mo naman ako. Tutal pinapahiram naman kita ng pambura noong kinder tayo.
"Wow! Hello to you, too. Baka gusto n'yo akong kumustahin kung okay lang ako at humihinga pa ako. Ngayon nga lang kayo nagparamdam sa akin, tungkol pa sa Knight na iyan. Tse!" Nagdadabog siyang pumunta sa banyo para maghilamos at magsepilyo. Nang matapos iyon ay nakabusangot pa rin siya.
"Sino naman ang kaaway mo, anak? Ang aga-aga nakabusangot ka na," nag-aalalang sabi ng inang si Meldy nang dalhan siya ng mainit na gatas sa kuwarto. Ritwal na nito na dalhan siya ng mainit na gatas o hot chocolate bago siya mag-shower.
Kahit pa abala ito sa farm resort na mina-manage nito kasama ang ama, may oras pa rin ito para sa kanya. Nag-iisa lang siyang anak. Gusto ng nanay niya na personal sila nitong asikasuhin na mag-ama. Mas gusto rin nito na bukas sila sa isa't isa at walang itinatagong sekreto. Kaya nga hinayaan ng mga ito na manligaw sa kanya si Mark Andrew dahil alam nila ang limitasyon nila at humarap nang maayos sa mga magulang niya. Nasa tabi din niya ang mga ito nang nagdadalamhati siya sa nobyo. Maswerte siya na may ganoong klase siyang magulang.
"Binabasa ko lang po ang mga message sa akin,” sagot niya.
"That is good."
"Hindi naman po ako ang gusto nilang kumustahin kundi si Knight, 'yung bago ko pong kaklase."
Ngumiti ang ina. "Siya 'yung sikat na young adult writer na magkakaroon ng pelikula. Pinag-uusapan ng mga nanay sa chat group namin. Nagpalitan pa nga kami ng recipe ng red velvet cupcakes at matcha cake ng nanay niya, si Gracia.” May sariling group chat ang mga nanay ng kaklase niya. Kung tutuusin, mas active pa sa social media ang nanay niya kaysa sa kanya.
Di umurong ang haba ng nguso niya. "Hindi ko lang alam anong nakita nila sa Knight na iyon. Hindi naman siya ganoon kagaling magsulat."
"He looks charming. Di mo ba siya gusto? May ginawa ba siyang masama sa iyo?" nag-aalalang tanong ng ina.
Nagkibit-balikat siya. "Wala po. Ayoko lang sa kanya."
"Anak, sa buhay naman di kailangang laging magaling. Minsan may mga tao na marunong makisama. O kaya gusto lang nilang magpasaya ng tao. Madaling makipag-connect sa ibang tao. They make people listen."
Tumaas ang kilay ni Sylvie. "Kahit walang sense ang sinasabi niya?" tanong niya at uminom ng gatas.