“Lance,” pagtatama nito. “Call me Lance or Lancelot.”
“Lancelot, gusto ko lang linawin na hindi mo ako stalker. Photographer ako ng school paper at trabaho ko na kuhanan ka ng pictures para sa school paper, sa website ng school at kung anu-ano pang social media sites kapag may event.”
Nangalumbaba ito at pinapungay ang mata na parang kapit na kapit ito sa bawat sasabihin niya kahit na basagin pa niya ang ilusyon nito. “Ahummmm…”
“At dahil tapos na ang pagsalubong sa iyo at nakuhanan ka na ng pictures, tapos na ang trabaho ko. Pwede na akong mag-focus sa pag-aaral ko.” At binuklat ang libro. “Hindi kasi lahat ng tao gustong itutok ang atensyon sa iyo o sa mga celebrity. May mas importante pa kaming kailangang gawin sa buhay katulad ng pag-aaral, pakikinig sa teachers, pag-iisip ng mga bagay na makakatulong sa lipunan. Naiintindihan mo ba iyon?”
Bumagsak ang mukha nito. “Sayang. Gusto pa mandin kitang bigyan ng exclusive para ma-access mo ang mga lakad ko at mga ginagawa ko.”
“Exclusive?” Napailing ang dalaga. Kung magsalita ito, parang pinagpala siya ng langit para magkaroon ng exclusive photo opportunity nito. “Sa palagay ko maa-appreciate nila Ehra at Thanos ‘yang exclusive na sinasabi mo. Fan mo talaga sila. Alam mo kung anong gusto kong exclusive? Interview sa presidente ng Pilipinas, ‘yung mga sundalo na nakipaglaban sa mga rebelde at terorista, ‘yung estudyante na di natatakot ikondena ang mga drug pushers at drug lords. Ganoong mga tao sana ang gusto kong masundan at makuhanan ng picture.”
Itinaas nito ang isang kamay. “I also promote world peace. Nasa Chapter Four ng Mystic High…”
“Nabanggit lang ng character mo ang salitang world peace, promotion na agad? Ni wala naman ‘yung real essence at discussion tungkol sa kung paano magkakasundo ang mga tao sa mundo,” nakataas ang kilay niyang sabi.
Sa halip na mainis, ngumisi pa ito sa kanya. “So you read my book? Thank you. It is an honor. Sa palagay ko magkakasundo tayong dalawa.”
Anong honor pinagsasasabi nito? Ni di nga niya gusto ang sulat nito. Saka di ba nito napapansin na naiirita siya dito? Pero parang di yata nito na-detect na ayaw niya dito at na-criticize niya ang libro nito. Di niya alam kung di nito napansin o matigas talaga ang mukha nito para di makaramdam.
“Buksan mo na ‘yung libro mo. May activity tayo,” sa halip ay sabi niya sa lalaki sa malamig. Wala siyang oras sa pagpapa-cute nito at sa kagustuhan nitong humingi ng papuri mula sa kanya. Wala itong mapapala.
“Ano nga palang subject natin?” tanong nito.
“Di mo ba binasa ‘yung schedule?”
Ngumisi ito. “Hindi ko pa nababasa. I’ve been busy lately.”
“Oo. Talk shows, pagsagot sa mga readers at pagsusulat siguro ng latest book?” sarkastiko niyang sabi.
“Nagpaalam ako sa mga kaibigan ko. Elementary pa lang nasa Holy Grail na ako. Plano pa nga namin ng mga kaibigan sabay-sabay mag-apply ng college pero di na mangyayari iyon dahil lumipat na ako ng ibang school. Di ko naman inaasahang mata-transfer ako dito.”
Medyo nakonsensiya ang dalaga. Di madali para sa kahit sino na lumipat ng eskwelahan at malayo sa mga naging kaibigan nito. Habang ginagawa ng lahat na I-welcome ito at maging komportable sa Bright Minds Academy, sinusungitan naman niya ito. Di naman siya masungit noon. Siya pa nga ang unang taga-welcome sa mga bagong salta sa estudyante sa klase nila. May mga scholars kasi noon na ini-intimidate ng mga gaya ni Aiona. Katwiran ng mga ito, mayayaman, matatalino at talented lang daw ang makakapasok dapat sa eskwelahan nila. Kung tutuusin, wala naman itong ginagawang masama sa kanya.
“Okay. Filipino ang subject natin at ito ang lesson natin ngayon.” Kinuha niya ang libro at binuklat. “Huwag kang pakakampante kay Mrs. Castillo. Istrikto siya. Di nadadaan sa pagiging cute. At wala siyang pakialam kahit na sa Oxford o sa Harvard ka pa mag-aaral sa college. Gusto niya matuto tayo ng Filipino. Minsan may extra lesson pa siya sa ibang dialect para matuto tayo na I-appreciate ang salita ng ibang kababayan natin sa ibang rehiyon. At mas mahirap iyon kaysa sa English o Chinese, sa totoo lang.”
“Thank you sa pag-aalaga sa akin, seatmate.”
Napilitan na lang ulit ngumiti si Sylvie bago ibinalik ang atensyon sa guro nila. Dama niya ang presensiya ni Knight at ang pagsulyap-sulyap sa kanya. Di niya gusto ang pakiramdam na parang specimen sa microscope na sinisipat. Ano ba ang trip nito?
Pansamantala lang ito. Be nice. Pagkatapos ng subject na ito, pwede mo na siyang iwasan. At bukas, mag-request ka ng bagong sitting arrangement. Hayaan siya sa fans niya.
Siguro naman kapag napaligiran na ito ng mga tagahanga, makakalimutan na siya nito. Pipiliin nito ang mga taong baliw na baliw sa kaguwapuhan nito at nasisilaw sa kasikatan nito. Di ito magtitiyaga sa taong di naman ito gusto. Mabuting hayaan siya nito sa tahimik niyang mundo.