A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 18

Nasanay na kasi ang matandang lalaki sa mga kaklase niya na naglalagay ng dibisyon para ipakita na nakatataas ito sa mga nagtatrabaho sa kanila. Bagama’t di iyon ang nakagawian niya, nagulat siya na pareho sila ni Lancelot na mag-isip.

“Kayo po ang bahala,” anang matandang lalaki.

“Kumusta naman po ang mga anak ninyo?” tanong ng binata kay Manong Udo.

“May dalawang high school na po ako. Wiling-wili po sila sa writer na si Knight ba iyon na mukhang artista? Kahawig nga po ninyo. Baka kayo po ‘yung Knight. May nabanggit si Madam sa akin na may bagong kaklase si Miss Sylvie na writer.”

“Ako nga po,” pagkumpirma ni Lancelot.

Napahampas pa ang matandang lalaki sa manibela. “Naku! Libro po ninyo ang hiningi niyang regalo sa birthday ng panganay ko.”

“Kailan po ang birthday niya?” tanong ng binata kay Mang Udo.

“Sa isang buwan na po.”

“Ako na po mismo ang magreregalo sa kanya ng libro na may autograph ko kung masipag naman po pala siya sa pag-aaral.”

Nakita ni Sylvie ang panlalaki ng mata ng matandang lalaki sa rearview mirror ng kotse. “Talaga po? Bibigyan ninyo ang anak ko ng libro? Nakakahiya naman po yata. Ni hindi mo siya kilala.”

“Hindi po iyan. Reader ko po siya kaya halos kilala na rin niya ako sa pamamagitan ng mga kwento ko. Kaya kapag po nagkikita kami ng readers ko, parang matagal na kaming magkakilala. Parang kaibigan na rin po kasi ang trato ko sa kanila. Sila ang nakakaintindi sa akin kapag walang ibang gustong umintindi. Sila ang nakikinig sa kain kapag walang gustong makinig. Minsan sa estranghero pa tayo nakakatagpo ng magmamalasakit sa atin.”

“Ah! Siguro nga may mga ganyan mga tao na kailangan pang sa mga di nila kakilala nakakatagpo ng masasandalan o makakaintindi sa kanila. Pero ayokong maramdaman iyan ng mga anak ko. Kaya kahit gaano ako kapagod sa trabaho, gusto ko silang kumustahin kung ano ang ginagawa nila sa araw-araw o may mga inaalala ba sila. Gusto ko bukas sila sa akin. Na bukas kami ng asawa ko na makinig sa mga problema nila o kung ano ang nagpapasaya sa kanila. Mabuti sana kung lahat ng taong nakikilala nila sa internet mababait. Sa panahon ngayon, maraming kabataang napapahamak dahil di nagsasabi sa magulang at sa ibang tao pa ang pinipili nilang maging pamilya.”

“Mabuti po ganyang klase kayong magulang na marunong makinig sa mga anak nila. May mga magulang po kasi na sarili lang nila ang pinakikinggan nila…” May pait sa boses ni Lancelot. Nagsasalita ba ito ayon sa karanasan ng ibang fans nito na nagkukwento dito? O baka naman sarili nitong karanasan na hindi ito pinapansin ng mga magulang nito.

“Iba-iba ang pag-aalaga ng mga magulang sa anak nila. Pero kahit di ninyo gusto kung mahigpit kami minsan o mausisa, gusto lang naming mapabuti kayo. Kung anuman ang tagumpay na narating ninyo, kami ang unang magiging masaya. Kapag nasasaktan kayo, kami ang unang nasasaktan. Mas masakit nang isandaang beses para sa magulang kapag napapahamak ang anak nila at wala kaming magawa para protektahan sila.”

“Baka gusto mong mag-contribute sa usapan namin, Sylvie,” untag ni Lancelot sa kanya. “Wala sigurong reklamo sa iyo ang parents mo.”

“Naku! Mabait po na bata ‘yang si Ma’am Sylvie. Walang angal ang magulang niya sa kanya.”

At patuloy sa pagbibida sa kanya si Mang Udo. Tumingin lang si Sylvie sa labas ng bintana. Hindi siya ganoon kaperpektong anak. Habang pinipilit naman ng magulang niya na gawin ang lahat para sa kanya. Nang nagdaang taon, mabigat ang pinagdaanan niya. Madalas gusto niyang mapag-isa. Mas gusto niyang sarilinin ang nararamdaman niya. Gusto ng mga ito na maging bukas siya at makipag-usap sa mga ito, lalo na ang nanay niya. Gusto rin nito na maglalabas siya at makihalubilo sa ibang tao. Parang di siya makahinga.

Patuloy ang kwento nina Mang Udo at si Lancelot. Nakagaanan agad nito ng loob ang lalaki. Kung tratuhin kasi ni Lancelot ay parang dati nang kakilala. Feeling close. Kahit kay Mark Andrew di naging ganito ka-animated makipag-usap ang matandang lalaki na sa pamilya na nila nagsisilbi pagkasilang pa lang niya.

Siguro dahil di naman nag-attempt si Mark Andrew na makipag-usap sa kay Manong dati. Minsan na nga lang sila nag-usap, nagkontrahan pa sila dahil sa pinakamagaling na presidente ng Pilipinas. Sinopla ni Mang Udo ang dating nobyo dahil iba daw ang alam ni Mark Andrew sa naranasan nitong buhay. At di daw dapat kontrahin si Mang Udo dahil ito ang nabuhay nang panahon na iyon. Nairita tuloy si Mark Andrew dito. Pride marahil iyon ng lalaki na nagagawang humarap sa mga international diplomats at pinakikinggan ito pero ayaw paniwalaan ng isang simpleng tsuper.

At mas gusto niyang pakinggan ang masayang kwentuhan nina Mang Udo at Lancelot. Di mababa ang tingin nito sa driver di gaya ng ibang kaklase parang tau-tauhan lang ang trato ng ibang kakilala niya sa driver nila at kasambahay kapag dumadalaw sa bahay. Nagpapasalamat siya kay Lancelot dahil iba ito. Siguro naman pwede niya itong magustuhan kahit na kaunti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.