Pero para sa isang manunulat na di naman magaling para sa kanya pero ganitong klase ang pagsalubong na parang isang rockstar ang paparating o importanteng tao, ano naman ang sasabihin niya sa magulang niya kapag nangumusta? Yeah! Nasa school na rin po namin ‘yung writer ng kwento tungkol sa eskwelahan na pinto pala ng impyerno. ‘Yung nakita po ninyo sa kuwarto ko at tinanong ninyo kung bakit ine-entertain ko ang sarili ko sa kwento na mali ang grammar at spelling?
Baka mas gustuhin na lang ni Sylvie na lamunin ng lupa. No. Ni hindi nga niya maipaliwanag sa magulang niya kung paanong napasok sa eskwelahan niya ang lalaki. Pasikatan na lang ba? Paguwapuhan? Nasaan na ang high standard ng school? Samantalang napakahirap makapasa sa entrance exam dito. Di lang academic kundi kailangan may galing din silang maipakikita.
"Mukhang seryoso ka diyan," untag sa kanya ng editor-in-chief nilang si Roumel.
Matalik na kaibigan ito ni Mark Andrew. Magkalaban ang mga ito at magkaibigan. Gaya ng nobyo, nag-e-excel din ang lalaki pagdating sa literature. Habang creative writing ang expertise ni Roumel, sa mga research paper at opinion articles naman magaling ang dating nobyo. Nakasulat pa nga ito ng isang mini-thesis noong junior high school ito tungkol sa impact ng giyera at pulitika sa mga kabataang gaya ito dahilan para bigyan ito ng parangal sa Europe at makapagsalita sa harap ng United Nations leaders. Binibiro nga niya na may pagka-aktibista ito.
"Anong pakiramdam na wine-welcome nila sa school natin ang isang writer na puro loophole ang kwento at puro typo errors ang libro habang kayo ni Mark Andrew di man lang nabigyan ng hero's welcome kapag nananalo sa mga competition?" Nilingon niya ito. “Wala kayong welcoming party gaya nito samantalang kayo ang totoong nagdala ng karangalan sa school at sa bansa.”
At sa kabila ng parangal na naiwui ng mga ito, di man lang ito nakakuha ng maraming followers sa social media. Di man lang umabot ng five hundred ang likes nito. Kahit gaano kaintelehente at kapaki-pakinabang ang nagawa nito para sa maraming tao, parang walang kwenta sa mga ito.
Nagkibit-balikat si Roumel. "Maybe because we are not charming enough."
Napailing ang dalaga. "Really? Paguwapuhan na lang ba ang pasusulat ngayon? Kaya inirereklamo tayong millenials na mga sabaw tayo kasi makakita lang ng guwapo o maganda sapat na. Di na tinitingnan ang quality ng gawa."
Guwapo din naman sina Roumel at Mark Andrew. Pero intelehente ang dating ng mga ito kaysa pang-matinee idol. Mas guwapo ang mga ito para sa kanya dahil sa laman ng utak. Kapag nagsalita ang mga ito o nabasa niya ang sinusulat ng mga ito, napapanganga na lang siya sa sobrang paghanga. Gusto niya na may natututunan siya sa mga nababasa niya o sa mga nakakausap niya. At pagdating sa pagsusulat, ang mga ito ang authority. Pinag-aralan na mabuti ng mga ito ang sining ng pagsusulat hanggang mahasa ang mga ito at gumaling. At may sense ang sinasabi ng mga ito. Kaya mataas ang respeto niya sa mga ito.
Nagkibit-balikat ang lalaki. “I don’t want to sound insecure and whine about it. Kanya-kanya lang talaga ng panlasa ang tao. Kung may magkagusto sa mga isinulat ko, nagpapasalamat ako. Isa pa, mabuti na rin na maging parte ng Bright Minds Academy si Knight. Ipakita natin na may masa appeal din ang eskwelahan natin. Na di naman tayo mapagmataas. Na nire-recognize din natin ang mga unconventional ang kakayanan at nakaka-appeal sa nakararami.”
Naggiyagis ang ngipin ni Sylvie. “H-Hindi ko pa rin maintindihan. Anong taste? Anong mahirap intindihin sa laki ng diperensiya ng sulat ninyo sa isa’t isa pero siya pa rin ang pinipili ng mga tao. Ako na ang naiinsulto sa inyo at sa literatura. This is unacceptable.”
Magaan nitong tinapik ang ulo niya. “Hindi mo naman kailangang magustuhan ang gawa ni Knight para I-cover mo siya, hindi ba? Hindi mo rin siya kailangang maintindihan o kung ano ang nagustuhan ng readers niya sa kanya. It is their money and time. It is their life. Walang kaibahan iyan sa mga artista o pelikula na di naman pasado sa mga kritiko pero gusto ng marami. Kung nandito si Mark Andrew, sasabihin niya na mag-focus ka sa trabaho mo at I-welcome nang maayos si Knight. He is one of the Bright Minds now. He is one of our own. I am sure may nakitang potensyal sa kanya ang school director natin kaya siya kinuha.”
“Pero…”
Hindi na siya pinansin ng lalaki at humarap sa ibang kasamahan nila saka pumalakpak para kunin ang atensyon ng mga ito. “Team, are you ready to cover this event?”
“Yes! We are all ready, chief!” sabi ng lahat at sumaludo pa kay Roumel.
“The school wants to make this big. Thanos, ikaw ang may official video. Kitty will handle the Facebook Live.” At ibinilin ni Romuel ang kanya-kanyang assignment pati na rin ang pag-double check sa mga kailangan nila habang coverage.
“Hindi pa ready si Sylvie. Wala siyang make up,” nakangusong sabi ni Kitty.
“Hindi ko kailangang mag-make up. Di naman ako artista o model,” katwiran ni Sylvie at itinakip ang palad sa harap ng mukha.
“Di ka mapapansin ni Knight kung di ka Gandara Park,” anang si Thanos.
“Wala naman akong plano na magpapansin sa kanya. Not interested,” aniya at bahagyang umingos.
“Lampas isang taon nang wala si Mark Andrew. Wala naman sigurong masama kung mag-ayos-ayos ka na lalo’t espesyal na okasyon naman ito…” sabi ni Ehra.
Nanigas ang buong katawan niya. Isang taon? Babang-luksa? Akala ba nito ay natatapos ang sakit at makakalimutan niya ang boyfriend niya kahit mahigit isang taon na ang nakakaraan? Para saan? Para lang sa isang lalaki na di naman niya gusto?
“Mauna na ako sa baba. Marami nang tao. Kailangan ko nang makapwesto na bago pa dumating ang subject natin,” anang si Sylvie sa malamig na boses.
Kinuha niya ang aluminum na hagdan at isinukbit sa balikat. Ni di niya pinansin ang alok ni Roumel na bitbitin iyon. Kailangan niya ang hagdan sa balikat niya para maituon niya sa assignment ang atensyon niya. Wala siyang plano na alisin si Mark Andrew sa isip at puso niya.
At di siya titigil hangga’t’ di nakikilala ng marami ang gawa nito at naa-appreciate ng mga tao. Titiyakin niya na mas magiging sikat pa ito kay Knight na isang dakilang sabaw.