See you in a bit, Bright Minds Academy.
Nag-post si Lance ng selfie niya habang suot sa uniform ng Bright Minds Academy habang sakay ng kotse na minamaneho ng ama. Nakasuot siya ng long sleeve white polo na may black and yellow stripped necktie. Nakapatong sa ibabaw ang black V-neck vest na may logo ng bagong paaralang papasukan. Matapos I-post sa social media account niya, sunud-sunod na ang tunog ng notification ng Facebook, Twitter at Instagram niya. Sunud-sunod na ang comment sa kanya.
“Lance, tama na iyang kakadutdot mo sa cellphone mo. May sinasabi ako sa iyo,” untag ng ama niyang si Arnulfo Valdrez.
“Ano po iyon, Papa?” tanong niya. Nasa manibela ito at personal na maghahatid sa kanya sa bagong paaralang papasukan.
“Na-review mo na ba ang school book mo at ang rules and regulation ng school? Istrikto sila lalo na sa grades. Ayokong doon ka pa magkakalat,” bilin nito at tiningnan siya sa rearview mirror.
Yumuko siya at marahang tumango. Bumaba na ang saya at pagkasabik na nararamdaman niya. “Opo, Pa. Na-review ko po,” mahina niyang usal at bumalik ang nerbiyos niya. “Masyado silang istrikto. Di ko alam kung bakit ililipat ninyo ako ng eskwelahan. Okay naman ako sa dati kong school. Maganda rin naman ang dati kong school, Pa.”
“But it is not Bright Minds Academy, Lance. Your new school is one of the top ten schools in the country. Magiging kaklase mo ang mga inaasahang future leaders and movers and shakers ng bansang ito. Imagine the network that you will have in the future.”
Parang sumikip ang necktie sa leeg ng binata at lalo siyang sinasakal. Top ten school, the future of the country, leaders and pride of joy of the Philippines - iyan ang mga salitang kakabit ng Bright Minds Academy at ng mga estudyante nito. Oo, galing siya sa isang private school pero di elitista ang mga kaklase niya. Pag-asa ng bayan ang mga gaya niya pero sapat nang pumapasa sila.
Pero ayon sa mga kakilala niya, di na siya ordinaryong estudyante ngayon. Hindi siya si Lancelot Valdrez na walang academic achievement o bangko sa basketball. Escort sa klase niya taon-taon pero di niya maitutulong iyon sa bayan.
Siya si Knight, isang sikat na manunulat ng mga pang-teenager na aklat. Nagsimula lang siya sa pagpo-post ng mga kwento sa internet. Katuwaan lang. Libangan lang niya kapag wala siyang ginagawa at gusto niyang mawala ang stress sa sermon ng ama at sa mga gawain sa paaralan. Di niya inaasahan na dadami ang readers niya. Dumami pa lalo ang tagahanga niya nang mag-post siya ng pictures sa internet.
Hanggang isang publication ang nag-alok ng kontrata sa kanya at gusto daw ilathala ang Mystic High, kwento tungkol sa isang teenager na lalaki na naligaw sa paaralan ng mga pasaway na estudyante sa bansa na may nagtatagong hiwaga. Na-sold out iyon at dalawang beses na ni-reprint pero marami pa rin ang tumatangkilik. Di pa rin siya makapaniwala sa narating ng simpleng kwento niya.
“Don’t ruin your chance on this one, Lancelot,” may kapormalang sabi ng ama. “Ilang beses ka na bang bumagsak sa exam nila noon? Hirap na hirap kang matanggap. Mabuti na lang may recommendation ang publisher mo kaya ikinonsidera ng director ng school na tanggapin ka.”
Pumitlag siya. Tanggap naman niya na di siya elitista kahit na may garments factory sila at kaya ng ama niya na bayaran ang nakakalulang tuition fee sa naturang paaralan. Pero di niya alam kung tao pa ba ang nakakasagot sa exam na ibinigay sa kanila. Parang di naman itinuro sa kanila noong junior high school. Iniisip nga niya na baka sa ibang planeta galing ang tanong - What is the toughest creature on Earth? Si Duterte dapat ng sagot niya dahil sa kamay na bakal nito. Pero wala sa choices.
What is the biggest volcanic eruption in two million years? Pinatubo ang isinagot niya pero Toba Volcano daw iyon ng Indonesia. Aba’y malay niya. Mahalin ang sariling atin.
What is Stephen Hawking’s theory on the blackhole? Hindi ko kilala si Stephen Hawking. Hindi kami close. Sino ba ang nakakakilala dito? Stephen King pa siguro dahil hilig ng daddy niya na manood ng pelikulang halaw sa libro nito.
Kaya sa halip na matuwa, mas natakot siya na pumasok sa bagong paaralan. Entrance exam pa lang, nangangatog na siya. Paano pag nakapasok na siya? Baka robot ang mga kaklase niya o mga alien.
“Arnulfo, nakaraan na ‘yang di siya nakapasa. Ang mahalaga nakapasok na siya sa Bright Minds Academy,” nakangiting sabi ng inang si Gracia. “Our son is an accomplished young man. Sino bang disisiete anyos na senior high school student ang may sold out books na, may TV interview at gagawin pang pelikula ang libro? Si Lance lang.”
Pinisil niya ang kamay ng ina. “Salamat, Ma.” Buo ang suporta nito sa kanya, sa pagsusulat niya at kahit saang paaralan niya gustong mag-aral.
“Ano bang ipinagmamalaki mo? ‘Yung libro ng anak mo tungkol sa eskwelahan ng mga engkanto, demonyo, at mga pasaway na estudyante na malayang nagagawa ang gusto nila habang nagpapasaway sa lipunan? Ano naman ang matututunan ng mga mambabasa doon? Makakatulong ba iyan sa ekonomiya ng Pilipinas? Role model ba ng kabataan ang mga character niya? Maihahalintulad ba iyan sa gawa ni Rizal?”
Bumuga si Lancelot ng hangin. Di pa nito nababasa ang gawa niya, parang basura na ang tingin nito. “Pa, chill lang po kayo. Entertainment lang po ang gawa ko. Para lang sa mga kaedad ko ang kwento kaya mahihirapan po kayong maka-relate. Saka wala pong nagbabasa ng tungkol sa pulitika sa mga kakilala ko. Masyado pa kaming bata para humalo sa problema ng mga matatanda.”