A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 31

Siniko siya ng feature editor na si Therese. “Ano ka ba? Di mo ba alam iyon? Pinag-uusapan na iyon sa page niya. Marami kasing gusto na ma-meet si Lance as a writer at sobrang busy siya para sagutin pa ang mga tanong sa kanya ng schoolmates natin at pati na rin ang mga fans niya sa internet. Kaya naman bumuo ang publication niya ng forum para mas makilala natin siyang mabuti at makapagtanong tayo about writing at kung paano maging appealing sa readers. Makapagbigay siya ng tips at insights sa struggles niya as a writer.”

“Ha? Talaga?” aniyang parang gustong humalakhak nang malakas. Ano naman kaya ang gagawin nito sa event? Magpapa-cute? Magpi-pictorial? Malamang kasing sabaw lang ang sagot nito gaya sa mga sulat nito kung tungkol sa pagsusulat ang pag-uusapan. Pero kung ang mga tanong lang naman ay, “What is love? Who is your first crush? Pwede ka bang maging boyfriend?” baka masagot nito.

“Wala naman tayong masyadong poproblemahin dahil publication niya ang magha-handle sa pag-aayos ng venue. Kailangan lang tayo sa information dissemination at sa pag-invite ng audience,” paliwanag ng teacher adviser nila.

“Kung magiging successful itong event, magkakaroon pa ng school tour at gusto ko na The Newsmaker din ang mag-cover ng event,” paliwanag ni Lancelot nang nakangiti. “Sana matulungan ninyo ako sa event na ito.”

“Siyempre naman. Suportado ka namin. Fan mo kami,” kinikilig na usal ni Misty habang nakasapo ang mga palad sa sariling pisngi.

“Ang swerte talaga natin dahil dito ka nag-transfer sa school natin. Sa bawat eskwelahan na pupuntahan mo, dala mo ang pangalan ng Bright Minds Academy,” anang si Miss Castillo.

“Siyempre po. Di ko iyon makakalimutan. Salamat sa suporta ninyo,” sabi ni Lancelot at bahagyang yumukod.

“So we only have two weeks to prepare. And we should start now. Ikaw ang bahala sa pictorial niya, Sylvie,” anang si Roumel at itinuro siya.

Napanganga siya at itinuro ang sarili. “Ako? Bakit ako?”

“Kasi ikaw ang photographer? After this meeting, pwede mo nang simulan ang pictorial. Okay lang ba sa inyo?” tanong ni Roumel.

“I am available anytime, basta para kay Sylvie,” anang si Lancelot na may kampanteng ngiti.

“We are good then. Next week na ang Math Olympiad? Ikaw na ang mag-cover, Natasha,” anang si managing editor na si Kitty at isa-isa nang ibingay ang schedule sa iba. Ni di man lang tinanong kung okay sa kanya. Mukhang di na mawawala sa anino niya si Lancelot.

PARANG sinisilihan si Sylvie habang meeting nila sa The Newsmaker. Nang matapos iyon, dali-dali niyang nilapitan si Roumel at hinila sa isang sulok ng headquarters. Nakita niya sa gilid ng mata si Lancelot. Naghihintay ito sa kanya. Ang alam nito, may pictorial na sila matapos iyon. Wala siya sa mood na magkasarilinan sila. Okay lang sana kung di nito inilabas ang video nito na nagde-dedicate ng kanta sa kanya. Ginawa lang ni Lancelot na komplikado ang lahat ng bagay.

Lumapit siya kay Roumel na kausap si Kitty. “Ano… Roumel, excuse me lang. ‘Di ba pwedeng gamitin na lang ‘yung dating picture ni Lancelot? I mean, if you are in a hurry to promote the event.”

Nanlaki ang mata ni Kitty. “Dearie, that’s soooo last month. Gagamitin natin sa campaign iyon? Para pa saan ang pagiging magaling mong photographer kung di namin magagamit ang skills mo? Ikaw pa naman ang pinili ni Knight para maging photographer niya sa event na ito. He could ask someone else to take his photos like a professional from the publication. Pero ikaw ang pinili niya. Don’t miss this chance.” Tinapik nito ang balikat ni Roumel. “Excuse me. I will just interview Knight for the article.”

Nanlumo si Sylvie. Hindi niya inaasahan na ganito ka-big deal ang event ni Lancelot at kung gaano kabigat na responsibilidad ang nakaatang sa balikat niya. Magandang oportunidad ito kung bubuo siya ng portfolio habang bata pa. Pati ang reputasyon ng paaralan niya ay nasa mga kamay na rin. Bakit ba inilagay siya ni Lancelot sa ganitong sitwasyon?

Binalingan siya ni Roumel. “May problema ba? Dahil ba sa video na pinost ni Knight para sa iyo?”

Namanhid ang mukha ni Sylvie nang pagmasdan iyon. “Napanood mo rin iyon?”

“Pinilit ipapanood sa akin ni Abegail kahapon,” tukoy nito sa reyna ng siga sa Bright Minds Academy pero kaibigan ni Roumel. “Tinatanong niya ako kung ikaw din daw ba ‘yung kinukwento ko na girlfriend ni Mark Andrew sa kanya.”

Tumirik ang mata ng dalaga. “Ugh! Please. Ang dami nang nakakaalam. Nakakahiya. Paano pa kami magkakatrabaho ni Lancelot ngayon?”

Malamang iniisip ng lahat na may romantic connection sila ni Lancelot. Paano kung lagyan ng malisya ang pictorial na iyon ng mga makakakita?

“Iniisip mo ba si Mark Andrew? Alam niya na trabaho lang iyan. Ipapaalala niya na kailangan mong maging professional. Na kung may ‘di ka gustong tao, kailangan mo pa rin gawin ang trabaho mo. Tama?” mariing paalala nito sa kanya.

Marahang tumango si Sylvie. “T-Tama naman. P-Pero paano ‘yung video?” Gusto niyang malaman kung ano ang opinyon nito bilang kaibigan ni Mark Andrew. Alam niyang poprotektahan siya nito.

Naningkit ang mga mata ng lalaki. “May ginawa bang hindi maganda sa iyo si Knight? Sinaktan ka ba niya o binastos kaya siya nagso-sorry sa video?”

“Hindi,” tanggi niya agad sabay iling. “Dahil lang ‘yon sa project namin. Nagka-misunderstanding lang kami pero... tapos na iyon.”

Sana lang di niya ginawang malaking isyu ang tungkol sa project nila para di na umabot sa ganito. Nagkakailangan tuloy sila. Di na sana siya naging masyadong sensitibo sa grade niya at mas nilawakan ang pang-unawa sa isyu.

“Nanliligaw ba siya sa iyo o niyaya kang makipag-date?” tanong ni Roumel.

Kuntodo iling si Sylvie. “Hindi ‘no?”

Tinapik nito ang balikat niya at ngumiti. “Then good. Walang problema kung magkasama man kayo sa pictorial. Di ka naman niya nililigawan. Sabi mo misunderstanding lang ‘yung sa project n’yo. Okay na ang lahat. Maliban na lang kung may malisya sa iyo kaya ayaw mong magkasama kayo.”

Umirap siya. “Siyempre hindi. Wala iyon. Si Mark Andrew lang ang mahal ko.”

Lumamlam ang mga mata nito at pinisil ang balikat niya. “Wala namang duda na mahal mo si Mark Andrew. Alam ng lahat iyon. Pero walang masama kung susubukan mo na buksan ang puso mo sa iba o kahit makipagkaibigan ka. I-appreciate mo ang mga taong nag-e-effort para sa iyo at ipinaparamdam nila na mahalaga ka sa kanila. Knight did a great gesture. I am sure, gusto ng kaibigan ko na mapaligiran ka ng mga tao na nagmamahal sa iyo kahit na wala ka na. Kaya okay lang sa akin kung magka-interes ka man kay Knight. He looks okay…”

“Hindi! Wala lang ‘yung video na iyon at huwag mo na akong itulak sa kanya.” Hindi pa ba sapat na sinabihan siya ng nanay niya na buksa ang puso kay Lancelot? Pati ba naman si Roumel na kaibigan ni Lancelot? Itinaas niya ang hintuturo at umiling. “Ito na ang huling beses na ia-associate mo ako romantically kay Lancelot. Magkaklase lang kami at magiging photographer ako niya dahil iyon ang trabaho ko sa school paper natin. But that’s it. Wag mo nang lagyan sana ng malisya.”

Nagkibit-balikat ito, parang di man lang nakokonsensiya na itinutulak nito ang dating nobya ng matalik nitong kaibigan sa iba. “I just want to make you feel better.”

“Hindi ka nakakatulong,” nakaingos niyang sabi at naglakad pabalik sa sulok kung saan ini-interview pa rin si Lancelot.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.