A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 36

Gulilat ang mga nasa harap dahil tumabi agad si Sylvie kay Roumel at inilahad ang palad nito. Nagulat ito pero inabot naman ang mikropono sa kanya bago pa magtanong ang isang estudyante mula sa General Academic Strand ng Bright Minds Academy. Narinig niya ang pag-angal ng mga nasa likuran lalo na’t may pila pero wala siyang pakialam. Di siya mapipigilan ng mga ito na magtanong.

“I am Sylvie dela Paz from Bright Minds Academy.” Di na siya takot magpakilala kung sino siya.

“Yes, Sylvie?” nakangising usal ni Lancelot.

“Uuuuuyyy!” pasimuno na panunukso ng Mystic Boys.

Tinatagan niya ang loob at nanatiling seryoso. Hindi siya nandito para magpa-cute sa lalaki at magtanong ng kahit ano na magbibigay ng clue kung paano siya magugustuhan nito. Malapit siyang magdeklara ng giyera. Malalaman ng lahat kung sino siya sa buhay ni Knight.

“Nabasa ko ang Mystic High,” panimula ng dalaga.

“Thank you very much. Isang karangalan na mabasa mo ang libro ko,” sabi ng lalaki at nangalumbaba pa habang pinagmamasdan siya. Na parang gusto siya nitong tunawin sa titig at ngiti nito.

Tumikhim siya para hamigin ang sarili. Wala siyang balak na magpadala sa pagpapa-cute nito. Nandito siya para dalhin sa intelehenteng diskurso ang talakayang iyon. “May concern lang ako sa kwento mo. Una, sabi mo ang Mystic Academy napupunta ang mga pasaway na estudyante na basta na lang nawawala o naglalayas. And guess what? Hindi sila sakop ng batas ng Pilipinas. May nawawalang mga estudyante tapos nasa isang misteryosong paaralan lang pala kung saan tine-train at bine-brainwash sila para manggulo sa mundo? At nakapasok ang bida at pasaway niyang mga kaklase sa loob dahil nakapulot sila mahiwagang mapa. Saan ka naman nakakita ng eskwelahan sa Pilipinas na ganoon kalaki na di sakop ng batas ng Pilipinas? Di bale sana kung ginawa mong parang alternate universe ang kwento o may mystical element ang kwento kaya hindi natutuklasan ng ibang tao sa bansa. Paanong posible na mawawala ang mga estudyanteng anak-mayaman na di man lang hahanapin ng mga magulang nila? Kahit nga mahihirap na magulang hahanapin ang anak nila. How much more kung mayaman. That is totally insane.”

Nawala ang ngiti sa mukha ni Lancelot at umupo nang tuwid. Nagbulung-bulungan din ang mga estudyante dahil di tungkol sa love life ng lalaki ang itinatanong niya. Seryoso na siya at kailangan din nitong magseryoso.

“Fiction lang ito. Di naman siguro kailangang maging seryoso,” anito at pilit na tumawa.

“Gusto kong maging seryoso. Kahit fiction ang isang kwento, dapat may bahid pa rin ng realidad at dapat nagre-research ang isang writer. Di ko maiintindihan kung bakit hindi sila hahanapin ng mga magulang nila o di maaalarma ang gobyerno sa pagkawala nila. Kahit sinong magulang uubusin ang kayamanan nila mahanap lang ang anak nila. Dahil iyon ang realidad. Ganon magmahal ang magulang. Mas mahalaga pa sa kahit anong kayamanan sa mundo ang mga anak nila. Di rin umaakto ang mga character ayon sa impresyon na binuo ng writer sa kanila.”

“Di ba pwedeng magbago ng isip?” mataray na tanong ng isang babae di kalayuan sa kanya.

Sinibat niya ng tingin ang babae na galing sa Holy Grail High na admin pala ni Lancelot. “You call that characterization. Di pwedeng basta-basta gumalaw ang character nang wala sa character niya nang di nabibigyan ng paliwanag o di man lang nag-iisip nang maayos. Sinusubukan kong ilagay ang sarili ko sa character na nasa isang sitwasyon. Kapag inconsistent ang character o walang tamang paliwanag, hindi siya kapani-paniwala.”

At iniisa-isa niya ang mga parte ng kwento na nakitaan niya ng butas pati na rin mali-maling pagkakasulat ng pangungusap at mga di nagtutugmang pangyayari. “Hindi mo ba naisip na I-correct iyon bago ma-publish ang libro? Na-publish ba ito nang di man lang ine-edit?”

“Booooo!!!” dumagundong ang sigawan ng mga tao sa auditorium.

“Wala kaming pakialam! Masaya kami sa gawa ni Knight!”

“Huwag ka na nga diyan! Panira ka ng araw.”

“The story is perfect for us. Di namin kailangan ng pang-intelehenteng comments. Masyado kang mamaru.

Wala siyang kakampi nang mga oras na iyon. Kung mayroon man, alam niyang hahayaan lang siya ng mga ito dahil nasa katwiran siya. At kahit mag-isa lang siya, kaya niyang ipaglaban ang argumento niya.

Tuwid lang ang tingin niya kay Lancelot habang hinihintay ang sagot nito. Nakangiti na naman ito. Di tuloy niya alam kung seseryosohin siya nito. Itinaas nito ang kamay para kunin ang atensiyon ng mga fans saka inilagay nito ang hintuturo sa ibabaw ng labi nito para patahimikin ang mga tao. At nabalot nga ng katahimikan ang buong auditorium.

“Naa-appreciate ko ang mga reader na katulad ni Sylvie na talagang ninamnam ang kwento ko at binigyan niya ng atensyon ang lahat ng detalye.” Malungkot itong lumingon sa kanya. “I am sorry. Noong isulat ko ang kwento, masaya lang ako na magsulat at mag-express ng nasa isip ko. I just did it for fun. Hindi ko naman naisip ang loopholes, error o characterization. Hindi naman ako nag-aral ng pagsusulat ng kwento. You see, I am just excited to have my book published. Na mapansin ng mga tao. Hindi ko alam na kailangan palang maging ganito kakomplikado ang lahat.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.