A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 37

Humalukipkop si Sylvie. “Inaamin mo ba na may kulang sa sulat mo at dapat i-improve?”

“Kami ang may gusto na huwag I-revise. Gusto namin ang gawa niya nang walang binabago,” pag-ako ng isang nasa likuran.

“Huwag ka ngang pakialamera. Kami naman ang bumibili. Perfect na sa aming mga fans ang kwento niya kahit na may mali,” sabi naman ng isa pa sa bandan gitna at nagsisang-ayon naman ang iba.

“Bumili rin ako ng libro niya. Nag-ipon ako ng baon ko para makabili ng libro. Kung kayo satisfied na sa kalidad ng libro niya, ibahin ninyo ako. Masama ba na punahin kung may error? Sa palagay ko bilang manunulat, kailangan mong maging responsable sa mga sinusulat mo, lalo na kung bibilhin ng mga tao ang kwento mo. Iyan ang itinuturo sa amin dito sa Bright Minds Academy. Kailangang ibigay namin sa isandaang porsyento namin o higit pa para maging excellent. Dapat mai-apply namin ang mga pinag-aaralan namin. Siguro ganoon din kayo bilang estudyante.”

“All your comments are noted, Sylvie. Thank you,” sabi ni Lancelot at kumilos na ang ibang organizer para sa paghahanda sa meet and greet event. Tapos na ang usapan? Dini-dismiss na siya nito? Ni wala man lang siyang napiga dito?

Parang may apoy sa dibdib ni Sylvie na tuluyan nang sumabog. Wala pa siyang planong tapusin iyon Nagsisimula pa lang siya. Di siya papayag na tratuhin ni Lancelot na parang walang kwenta ang mga isyu na ipinunto niya.

Mahigpit niyang hinawakan ang mikropono. “Ganon lang iyon? Masaya ka nang bigyan kami ng kwento na parang di pinag-isipan habang maraming mga writers na napakarami nang award pero di naman nabibigyan ng atensyon ang achievements. Mga ideas na magagamit ng mga kabataan na gaya natin na magiging susunod na leaders ng bansang ito? Hindi ka ba nagi-guilty?”

Natigagal si Lancelot sa kanya at di ito agad nakasagot. Wala siyang pakialam kung magalit man ito sa kanya. Laban niya ito.

Lumamlam ang mga mata nito at inilahad ang palad. “I am sorry. Di ko naman makokontrol kung ano ang reaksyon ng mga tao sa sinusulat ko. Di ko naman pinilit ang mga tao na magustuhan ang gawa ko. Wala akong kontrol sa kanila.”

At sumang-ayon naman ang tagahanga nito. “Oo nga. Kami ang may gusto sa kay Lancelot.”

“Insecure ka lang, Miss.”

“Kahit di siya perfect, mahal namin siya.”

“Masyado ka namang bitter.”

Itinaas ni Sylvie ang tingin sa lalaki. Bitter na kung bitter pero real talk lang. “Sa palagay mo ba binabasa ang kwento mo dahil magaling kang writer o baka naman kaya gusto lang nila ang kwento mo dahil guwapo ka?”

“Thank you for the compliment,” suwabeng sagot ni Lancelot. Di man lang ito nainsulto. Ipinagmamalaki pa nito na guwapo ito. Ibang klase!

Sa pagkakataong ito, parang wala na itong balak na seryosohin siya at di ito sasagot nang matino. Bakit pa? Kakampi naman ito ng lahat. Parang ininsulto lang siya nito lalo sa tanong niya.

“Guwapo siya. And so?” angil ng ibang fans.

“Sinasabi mo bang mga di kami nag-iisip na mga fans ni Knight?” mataray na tanong ng isang galing matangkad na babae galing sa Holy Grail High. “Na gusto lang namin siya guwapo siya?”

“I just want an intelligent conversation here. Nagpapakahirap ang mga magulang natin na pag-aralin tayo at matuto. Para saan pa iyon kung di naman natin gagamitin ang utak natin? Kung di naman tayo matututo? Kung di tayo marunong magtama ng mali? Hindi beauty pageant ang literatura, guys.”

“Di namin kasalanan kung di kami maka-relate sa matatalinong sinasabi mo, tulad ng ex-boyfriend mong si Mark Andrew. Hindi namin kayang ma-achieve ‘yung excellence niya o makipagdebate sa mga leaders sa United Nations. Di mo ba naisip na hirap na hirap na kaming laging abutin ang standard ng mga gaya niya?” tanong ni Shannah na lumapit na sa harapan niya.

Nakuyom ni Sylvie ang palad. “This is not about Mark Andrew. Huwag mo siyang idamay.”

“Idinadamay mo rin naman si Knight sa frustrations mo sa buhay. Nanahimik kami. Hayaan mo kami kung saan kami masaya. We don’t care if it is not up to your standard. Basta mahal namin si Knight,” segunda naman ni Aiona dito.

Nanginginig na siya sa galit nang mga oras na iyon. Nagkaka-personalan na. Hindi na utak ang ginagamit ng mga ito sa diskusyon dahil alam ng mga ito na di nila kayang depensahan si Lancelot sa intelehenteng usapan. Kaya sinasaktan siya ng mga ito at alam niyang wala siyang panalo.

“That is the end of our discussion,” anunsiyo ni Roumel at hinawakan siya sa siko para igiya palayo sa grupo nila Aiona. “Thank you, Sylvie. We will start with our meet and greet soon.” Bumulong ang lalaki sa kanya. “Come on. Let’s get back to work. I am sure gusto na rin ng mga fans na magpa-picture.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.