A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 38

Picture. May nag-click sa utak ni Sylvie kasabay ng panlalamig ng buong katawan niya. Kailangan niyang bumalik sa pagiging photographer ng event. Kailangan niyang maging professional. Kailangan niyang kuhanan ng masasayang larawan si Lancelot at ang mga fans nito na kanina lang ay nanlait at nag-”boo” sa kanya. Kaya ba niyang humarap sa kay Lancelot habang di pa namamatay ang apoy sa dibdib niya? O di na siya welcome sa event na iyon ngayong kontrabida na siya sa paningin ng iba?

Iba kapag bina-bash siya sa internet pero iba kapag harapan na. Di siya natatakot na harapin ang mga ito pero kaya ba niyang makipagtuos sa daan-daang fans ni Lancelot nang sabay-sabay?

“Excuse me. Sa iba mo na muna ipahawak ang camera. Masama ang pakiramdam ko. I am sorry.” Inabot niya ang camera kay Roumel at tumakbo palayo. Mukhang na-shock din ito. Di nito inaasahan na iiwan na lang niya ang trabaho.

Na-shock din ang dalaga pero wala na siyang lakas. Hindi pala siya ganoon katapang gaya ng inaakala niya. At kailangan niyang makalayo. Hindi pa niya kayang harapin si Lancelot at ang mga fans nito.

Tumakbo siya palabas ng auditorium gamit ang pinto sa likod. Malayo sa nang-uuyam na ngiti ng tagahanga ni Lancelot. Malayo sa kay Lancelot mismo na malamang ay kinamumuhian na niya ngayon dahil ipinahiya niya ito.

Tumakb lang siya nang tumakbo palabas ng Bright Minds Academy. Kahit na parang pinipiga na ang baga niya at nanginginig na ang tuhod niya, hindi siya tumigil hangga’t di siya nakakarating sa gate.

Sa kauna-unahang pagkakataon, pakiramdam niya ay di siya kasali sa paaralan na itinuring niyang pangalawang tahanan. Saan kaya siyang lupalop ng mundo magtatago para di na makita nito at ng mga tagasunod nito?

"I'M sorry, Mark Andrew. I'm sorry. Nadamay ka pa sa gulong ito."

Kausap niya ang larawan ng namayapang nobyo habang nakadapa sa kama. Paborito niya ang larawang iyon nang mag-courtesy call ito sa Malacañan. Iyon ang huling parangal na natanggap nito bago ito namatay. Pero nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay di masaya ang nobyo sa mga nangyayari. Ito ang ipinaglaban niya pero sa huli, nabahiran pa ang pangalan nito.

Sumakay siya ng taxi pauwi sa bahay. In-off niya ang cellphone matapos mag-text sa nanay niya na pauwi na siya at kung ano ang plate number ng taxi. Gusto niyang iwasan ang mga tatawag sa kanya o magme-message, nag-aalala man sa kanya o bashers niya. Pagdating sa bahay, nagkulong agad siya at doon ibinuhos ang luha at sama ng loob.

Nag-aral siyang mabuti. Ina-apply naman niya ang pinag-aralan niya. Pero bakit walang nakikinig sa kanya? Bakit parang siya ang mali? Bakit nabubulagan ang mga ito kung ano ang tama?

"Mark Andrew, anong gagawin ko? Gusto ko lang naman na ipagtanggol ka at ang mga kagaya mo na nagpakahirap para makapag-discuss ng makabuluhang ideas pero nababalewala lang. Na-point out ko lang 'yung mali sa grammar at loopholes sa kwento, ako pa ang masama. Tapos parang ako pa ang dapat na mahiya ngayon? I don't really know what to do. Parang di ko na rin kilala ang eskwelahan natin mula nang dumating si Lancelot.”

Nag-iba na rin ang paningin niya pati sa paaralan kung saan siya pumapasok at sa mga schoolmate niya. Ano nang nangyari sa mga estudyante ng Bright Minds Academy? Akala ko ba may standard na sinusunod ang mga ito. Pero nagmistulang lutang ang mga ito dahil mas kinakampihan pa ang mga mali ni Lancelot. Ngayon lumalabas na siya pa ang kalaban, na siya pa ang mali. Na parang masamang maging matalino at nag-iisip.

Nakarinig siya ng sunud-sunod na katok kasunod ng pagtawag ng inang si Meldy. "Sylvie, gising ka ba? Kinukumusta ka ng teacher mo na si Miss Castillo. She wants to know if you got home safely."

Tumikhim siya. "I am okay, Ma. Medyo masama lang po ang pakiramdam ko. I just want to rest.”

"Iyon nga ang sinabi ko. Tumawag din si Roumel at tinanong kung okay ka lang. Basta ka na lang daw umalis ka daw sa event ni Knight. Iniwan mo pa nga daw ang camera mo sa kanya. Ni hindi pa tapos ang event. Gusto ka sana niyang makausap."

Humikbi siya. "Masama po talaga ang pakiramdam ko."

“Are you crying?” tanong nito. “Kung masama talaga ang pakiramdam mo, magpapatawag na ako ng doktor." Hindi siya umiiyak nang walang matinding rason. At madalas matinding sakit ang nararamdaman niya. Pero walang magagawa ang doktor sa kanya sa pagkakataong ito. Wala ring gamot na makakatulong sa kanya.

"No, Mama! Di ko po kailangan ng doktor.” Dali-daling bumaba ng kama si Sylvie, binuksan niya ang pinto at sinilip ang ina. “Wala po talaga akong sakit."

"Anong nangyari sa iyo?" nanlalaki ang mga matang tanong nito at hinawakan ang balikat niya. “You look awful.”

Di niya masisi ang ina kung tingin niya ay mukha siyang biktima ng trahedya. Namumula ang mata niya sa kaiiyak, basa ng luha ang mukha, magulo ang buhok na nawala na sa pakaka-pony tail at lukot ang suot na uniform na di pa niya napalitan mula nang dumating.

"I... I messed up, Ma. I am sorry."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.