A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 40

Mariin siyang pumikit at gumulong ang luha sa magkabilang pisngi. "Mama, why are we working so hard to be excellent students when mediocre will do? 'Yung so-so na ideas ang tinatangkilik dahil maganda o guwapo sila. Ano naman ang laban ng iba kung ginagawa nang pageant ang pagsusulat? Paano 'yung magagaling talaga pero di napapansin kasi di naman sila maganda o guwapo? Nakakainsulto po para sa mga taong di natutulog para lang maabot ang standard ng school at manalo sa mga competitions.”

"Hindi nga siguro magaling si Lancelot pero siguro naman maiisip niyang i-correct ang mga kulang sa nobela niya ayon comment mo para mag-improve."

Mapait siyang ngumiti. "Sa palagay ko po hindi niya gagawin iyon. Mama, minahal daw siya ng fans niya sa mga grammatical error niya at sa loopholes niya. Lalo lang akong nafu-frustrate dahil pinatunayan lang nila sa akin na di sila nag-iisip. Para saan pa ang pinag-aralan namin kung hindi naman po gagamitin? At dahil lang ipinaalam ko sa kanila kung ano ang mali sa kwento ni Lancelot, ako pa ngayon ang masama. Nagsasabi lang naman ako ng totoo."

Mataman siyang tinitigan ng iba. "Kilala kita. Kung alam mong nasa tama ka, di ka natatakot kahit pa kalabanin mo ang buong mundo. You always stand your ground. The mere fact you ran away and crying right now, you know you did something wrong. Kung gusto mo talagang itama ang mga mali ni Kinght, sana kinausap mo nang personal o kaya nag-private message ka na lang sa kanya sa Messenger."

Itinaas niya ang baba at pinahid ang luha. "Mabuti na pong malaman ng lahat kung ano ang tingin ko kay Lancelot. Dahil sa video ng kanta na dine-dedicate niya sa akin, hina-hunting na po ako ng mga fans niya. Mabuti nang klaro na hindi ako interesado sa kanya. Na di nila ako karibal."

"By hurting Knight's feelings? By hurting his fans' feelings?"

"Bakit po ako 'yung masama? Bakit po ako ang mali?” angil ng dalaga. “'Yung mga teachers namin walang kwenta ang naituro kasi ang napa-publish 'yung mali-mali ang grammar. Napapagod sila sa pagtuturo pero walang natututunan ang mga estudyante nila. Paano naman ang mga magulang na nagpapaaral sa amin na nagpapakahirap magtrabaho para mabigyan kami ng edukasyon kung parang paurong naman at walang natutunan? Di ba nila nare-realize ang implication ng ginagawa nila?"

Bumuntong-hininga ang Mama niya. "Naiintindihan naman kita, anak. Masaya ako na binigyan ako ng Diyos ng matalino at masipag na anak. Naiintindihan ko rin ang frustration mo. May mga bagay na wala sa kontrol mo. Siguro nga mediocre lang si Knight. Hindi siguro siya kasing talino mo o ni Mark Andrew. Pero siguro may nakitang katangian sa kanya o sa kwento niya ang mga tao kaya nagustuhan siya."

"Kasi nga po guwapo. Ganoon na lang po ba iyon, Ma?"

Tipid itong ngumiti. "He makes people happy. May bagay sa kwento niya at sa pagkatao niya mismo na nakaka-relate sila. ‘Yung characters siguro niya ordinaryong tao na di perpekto pero pwedeng maging bida. Na pwede palang maging bida o magaling kahit na di sila perpekto.”

“Kahit na mali-mali? Ang swerte naman niya. Sinayang lang ang lahat ng pinaghirapan namin kung parang pageant lang pala ang buhay. Sana pala iyon na lang ang ituro sa eskwelahan. Huwag na kaming mag-aral, Ma. Wala naman po palang kwenta kahit maging magaling kami. Kawawa naman si Mark Andrew. Namatay siya nang di nire-recognize ng mga kaedad namin ang accomplishments niya. Kahit noong buhay pa siya, di interesado ang maraming schoolmates namin sa mga sinulat niya. They never really cared. Some even hate him for being smart. They ridiculed him for being good. Tapos puring-puri nila 'yung puro mali ang sulat. Hindi ko talaga maintindihan, Mama."

“Alam ko na pakiramdam mo nabalewala ang lahat ng effort ninyo lalo na si Mark Andrew. Pero may pagkakataon na kahit anong gawin natin, di natin nakukuha ang gusto natin. Wala tayong kontrol sa reaksyon ng ibang tao. Nagkataon lang na nakuha ni Knight ang kiliti nila. Di siya umabot sa level of excellence na inaasahan mo, di ibig sabihin masama na siyang tao o may mali sa pagsisikap ninyo. Lahat naman kayo ginagawa ang lahat para maabot ang pangarap n'yo. Maswerte lang siya.”

Huminga siya ng malalim at yumuko. Pagod na pagod ang pakiramdam ni Sylvie. Parang kahit anong gawin niyang paglaban sa tama, talunan pa rin siya sa huli. "Dapat ba magpa-cute na lang po ako, Ma? Tutal sayang naman ang lahat ng pagsisikap ko at pag-aaral ko. Hindi naman naa-appreciate. Kapag magaling ka, gusto ka pang hilahin pababa. Parang wala akong kwenta."

"I am proud that you are working so hard. Na ginagawa mo ang lahat para maging magaling. Di man ngayon pero alam ko na malayo ang mararating mo dahil sa pagsisikap mo. Siguro din hindi pa ngayon ang panahon para kilalanin ng iba ang accomplishments niya. Pero magagamit din iyon sa darating na panahon. It won't go in vain because you believe in his vision. Alam ko na nahihirapan ka na dahil sa dami ng kumokontra sa iyo at parang galit sa iyo ang mundo. But stick with what you are good at. Wag kang panghihinaan ng loob. Naniniwala ako sa iyo. At darating ang panahon, makikita mo rin ang bunga ng paghihirap mo at ni Mark Andrew.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.