“Ganoon talaga, anak. Minsan kailangan mong maghirap para makuha mo ang magagandang mga bagay. It would take time. At ang ginagawa mo ngayon, parang nagtatanim ka lang ng magandang halaman na aanihin mo rin ang bunga sa huli. Ano ngayon kung di ka sikat? Ano ngayon kung di popular ang mga ginagawa mo o ang opinyon mo? Pero naniniwala ako na gagamitin din iyan ng Diyos sa takdang panahon.”
Nanariwa na naman ang luha sa mata niya nang tingalain ang ina. "Hindi po ninyo ako ikinakahiya? Di kayo galit na ikinahiya kahit na kinontra ko ang paborito ninyong si Knight?"
Kinintalan siya nito ng halik sa noo. "Syempre mahal kita. Ikaw ang anak ko. But Sylvie, when you're smart, be humble. Kapag nakasakit ka ng kapwa mo, kailangan ipakita mo na marunong ka rin tumanggap ng pagkakamali.”
Mahabang sandali siyang natahimik. "I should apologize to Lancelot? Ako pa rin ang magso-sorry kahit na binastos ako ng fans niya?””
Tumaas ang kilay nito. "Alam mo kung ano ang tamang gawin. You are taught well. Di lang pwedeng puro utak, Sylvie. Alam ko naman na di masama ang intensyon mo. Tama o mali, pag nakasakit ka ng kapwa mo, dapat matuto ka na mag-sorry. Di iyan nakakababa ng pagkatao mo. Ika nga nila, may taong mataas ang IQ at may taong mataas ang EQ. At sa huli, EQ ang mas matimbang. Work on your EQ. Di pwedeng puro talino lang. And I know you can do it."
Niyakap niya ang ina. "Thank you for understanding, Mama."
"Hinahayaan ka naming magdesisyon ng Papa mo. At alam mo rin na kailangan mong harapin ang consequences ng mga pagkakamali mo at ituwid iyon. Susuportahan ka namin ng papa mo."
Kinagat niya ang labi. "Hindi pa ako handa na kausapin si Lancelot, Mama."
"Take your time. For now, gusto mo bang sa farm mag-spend ng weekend? Baka makatulong sa iyo kung lalayo ka muna sa social media at mag-relax."
"Thanks, Ma." May panahon pa siya para maghanda sa paghaharap nila ni Lancelot. At kailangan niyang ihanda ang sarili dahil ang totoo, di siya sanay na siya ang humihingi ng paumanhin.
“KNIGHT, mami-miss kita. Ayoko pang umuwi,” mangiyak-ngiyak na sabi ng isang estudyante ng Holy Grail High matapos niyang pirmahan ang libro nito at nagpa-picture. Nasa junior high school pa ito at isang masugid na tagahanga niya.
Natawa ang binata dahil alas sais na ng gabi at kanina pa siyang matapos magtanghalian pumipirma ng mga libro at nakikipag-usap sa mga mambabasa niya pero parang di pa rin nauubos ang mga tao. “Amethyst, di pwedeng di ka umuwi. Baka sa susunod na event ko di ka na payagan ng parents mo.”
“Bumalik ka na sa Holy Grail High please? Ayaw naman nila sa iyo dito,” ungot naman ni Breanna na admin ng page niya at dati niyang kaklase sa Holy Grail Academy. Ito ang kaibigan niya na kasama sa kauna-unahan din niyang reader.
“That is not true,” nakataas ang kilay na sabi ni Aiona. “Love na love namin si Knight dito sa Bright Minds Academy. He is perfect here. Huwag na lang ninyong pansinin si Sylvie kasi di talaga sila magkasundo ni Knight sa simula pa lang.”
“True. Inaalagaan namin si Knight dito kaya hindi siya aalis,” sabi ni Ariane at pinanlakihan ang dalawang taga-Holy Grail. Usherette ng event ang mga ito pero parang guwardiya sibil kung magbantay sa kanya.
“Guys, we can all be friends. Lahat tayo kakampi ni Knight dito,” singit naman ng assistant ng publisher ni Lancelot na si Frecy. “Hindi na mahalaga kung nasaang school siya. As long as we support him and love his works.” Sumang-ayon naman ang iba. “Anyway, that’s a wrap, guys. Abangan n’yo ang next book at movie niya.”
Nag-inat siya at inikot-ikot ang kamay. Hindi biro ang ngumiti at pumirma nang ilang oras para sa mga mambabasa niya pero sulit naman kapag nakikita niyang masaya ang mga ito. Di siya makapaniwala na nakakapagala ng saya sa mga tao ang ordinaryong estudyante na katulad niya. Kung lahat sana ng nakakabasa ng gawa niya napapasaya niya. Sana ganoon din Sylvie sa kanya.
Luminga siya sa paligid at di nakita ang babae. Napansin niya na iba rin ang kumuha ng pictures nang meet and greet na. Dapat ay trabaho iyon ni Sylvie. “Nasaan si Sylvie?” tanong niya kay Mindy.
“She’s gone. Huwag mo na lang akong tanungin kung nasaan. Mabuti na rin iyon dahil baka nakuyog siya ng mga fans mo kung nagtagal siya. Let’s go. Naghanda sila ng dinner para sa atin.”
Ngumiti siya nang salubungin siya ng inang si Gracia pagbaba ng entablado. “Congratulations! Successful ang talk mo. I am proud of you, anak." At kinintalan siya nito ng halik sa magkabilang pisngi. Masaya siya dahil sinamahan siya ng ina sa event na iyon. “Masaya kami ng papa mo para sa iyo.”