A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 71

"Ngayon ko lang naranasan na magturo sa mga bata. I just do things on my own."

“Talaga? Pero magaling kang artist," sabi nito.

"Paano mo naman nasabi? Finger painting lang ang nakita mo kanina ng mga bulaklak." Ni hindi nga niya naipakita dito ang sketch na ginawa niya dito na pinaggayahan ni Glaymar. Nasa bag niya iyon at di niya natapos. Simpleng sketch lang at di niya masasabing "magaling".

"Nakita ko ang paintings mo sa bahay n'yo. Astig kaya. Mas maganda pa kaysa sa nakikita ko na binebenta sa art galery."

May lungkot sa puso niya sa papuri nito. “Matagal na akong tumigil sa pagpe-paint. Pero kahit noong active ako, di ko naranasan na mag-share ng nalalaman ko sa iba. Mas gusto kong i-practice ang art ko nang mag-isa. Parang may sarili akong mundo. Ipapakita ko na lang kapag tapos na ako." Kahit si Mark Andrew naiinis sa kanya dahil wala daw siyang pakialam kapag nagpipinta o nag-i-sketch siya. Ngumiti sila. "Masarap sa pakiramdam na natututo sila at ina-apply nila 'yung natutunan nila."

"At nakita ko na masaya ka ulit na magpinta kahit pa sabihing simpleng finger painting lang iyon. Ang ganda-ganda ng ngiti mo dito. You look so happy."

Nanlaki ang mata niya nang makita ang video na kuha nito. Tutok na tutok ang atensiyon niya sa pagpipinta ng mga bulaklak gamit ang daliri niya. Humalakhak siya nang pahiran siya ng watecolor sa mukha ng isa sa mga bata. “Hindi ko alam na kinuhanan mo pala ako ng video.” Wala siyang pakialam sa mga nasa paligid niya noon dahil naka-focus siya sa ginagawa.

“Pero masaya ka. Ngayon lang kita nakita na ganyan kasaya. Ibig bang sasabihin babalik ka na ulit sa pagpe-paint?” tanong nito.

Natigilan siya at pinakiramdaman ang sarili. “Hindi ko alam.”

“Bakit hindi mo subukan ulit? Bakit kailangan mong pigilan ang sarili mo na gawin ang bagay na nagpapasaya sa iyo dahil lang nasaktan ka? ‘Yung ibang tao masaya na sila na ipagmalaki ang kaya nilang gawin kahit di sila ganoon kagaling. Ikaw pa kaya na may talent? Di mo dapat sinasayang iyan. ‘Yung mga talent na tulad mo ang ipinagmamalaki sa mundo.”

Tumingala siya sa kisame. “Masyadong personal sa akin ang pagpipinta. I always relate it with happy thoughts. Pero mula nang mawala si Mark Andrew, parang kinuha rin niya ang mga bagay na nagpapasaya sa akin.”

Hindi lang iyon tungkol sa pagkawala ng isang taong mahal niya. Maraming ibang kinuha si Mark Andrew sa kanya nang umalis ito. Kaya di madaling buksan ulit ang puso niya. Di niya kayang gawin ang isang bagay na nagpapaalala sa kanya kung gaano siya kasaya. Dahil baka mamaya, nakikita lang niya kung ano ang gusto niyang makita. Di niya nakikita kung ano ang totoo.

Ginagap ni Lancelot ang kamay niya. “Alam ko natatakot ka nang maging masaya ulit. Pero nabuhay ba talaga tayo sa mundong ito para di maging masaya? Iyon ba ang gusto mo? Kapag natagpuan mo ang bagay na nagpapasaya sa iyo, dapat hindi mo na pakawalan. Parang pinaparusahan mo lang ang sarili mo kung pipigilan mo ang sarili mo na gawin ang bagay na nagpapasaya sa iyo.”

“Kahit na nagpapaalala sa akin ng masasakit na bagay?”

Huminga ito ng malalim. “Kung may isang bagay akong natutunan, dapat hinaharap ang sakit. Di dapat tinatakbuhan. Kapag hinarap mo ang sakit, doon ka lang magiging totoong masaya.”

“Naks! Deep,” tukso niya dito.

Pero nanatili pa ring seryoso ang binata sa kabila ng panunukso niya. “Isipin mo na lang na ‘yung talento mo nagpapasaya sa maraming tao. Ibinigay sa iyo ng Diyos ang talento mo para mai-share sa iba. Di mo lang siguro nakita kung gaano kasaya ang mga bata kanina nang makita ang painting mo. Kung gaano ako kasaya na makita ‘yung mga painting mo kanina. Isipin mo na lang ‘yung saya ko nang makita ko kung gaano ka kasaya. Dapat I-serve natin ang purpose natin sa mundong ito. ‘Yung makapagpasaya ka ng mga tao sa maliit na paraan, malaking bagay na iyon. Dahil may ibang tao diyan, sumusuko at nawawalan ng pag-asa. But you have a gift to make people happy. Use it.”

“That is so inspiring. Ewan ko lang kung kaya ko.”

“Kaya mo iyan,” anito at pinisil ang kamay niya. “Kasi kinaya ko dati. Nang mga panahon na bagsak na bagsak ako. May isang tao na nagsabi sa akin na huwag akong susuko. Tapos nilagyan niya ako ng star sa kamay ko. Sabi niya, isang araw mahahanap ko rin ‘yung bagay na magpapasaya sa akin at sa ibang tao.”

Tinitigan niya ang magkahawak nila na kamay. Hindi niya alam kung imahinasyon lang niya iyon pero parang nakikita niya ang kamay nito na nilalagyan niya ng star. Nahigit niya ang hininga at ipinilig ang ulo.

“Maswerte ka na may isang tao na nagbigay ng lakas ng loob sa iyo,” sabi niya. “Kita mo ngayon sikat ka na at maraming nagmamahal sa iyo. ‘Yang naabot mo ngayon dahil pinaghirapan mo.”

“At di ko maaabot ito kung nagmukmok na lang ako dahil masakit at nakakapagod lumaban. Pwedeng sabihin mo na magkaiba tayo ng sitwasyon. Na di ako namatayan tulad mo. Pareho lang tayong nasasaktan hanggang ngayon, Sylvie. Paulit-ulit akong nasasaktan hanggang ngayon. Pero di na ako masyadong malungkot katulad ng dati kasi may ibang tao na nang naniniwala sa akin kahit wala pa ring bilib si Papa sa akin. Sa buhay, may lungkot at may saya. Mas gugustuhin ko nang maranasan na maging masaya kahit na malulungkot din ako sa huli. Kaysa naman pipigilan ko ang sarili ko na maging masaya at habambuhay na malungkot. Pwede bang hayaan mo lang ako na kulitin ka na mag-painting para maging masaya ka? Ayoko lang pabayaan ka. Ayoko na isipin mo na sinukuan ka na lang ng mga tao sa paligid. Ayokong maramdaman mo na mag-isa ka.”

Kung ibang pagkakataon siguro, sasabihin niya dito na pabayaan lang siyang mag-isa. Na okay lang siya. Na huwag siyang pilitin na gawin ang ayaw niya. Pero di niya magawa. Nakakapagod nang itulak ang mga tao na nagmamalasakit sa kanya palayo. Natikman niya kanina kung paano maging masaya at gawin ang bagay na nakagawian niya noon. Parang ayaw na niyang bumalik sa dati.

“Susubukan ko na mag-paint ulit, Lancelot. Salamat.”

Hinaplos nito ang noo niya pababa sa mata niya. “Iyon lang ang gusto kong marinig. Magpahinga ka na.”

Pumikit siya nang may ngiti sa labi. At di niya binitawan ang kamay nito. Ayaw na niyang maramdaman na mag-isa siya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.