A Clash With the Knight 1 and 2 Chapter 70

Inilabas niya ang cellphone at hinanap ang picture ni Lancelot. “Gusto mo ba ito?” tanong niya at ipinakita dito ang selfie ni Knight sa cellphone niya noong isang araw. Lagi na lang nitong kinukuha ang cellphone niya para sa selfie. Pribiliheyo daw niya na may ekslusibong larawan nito. Sa pagkakataong ito, may hawak itong bulaklak at kunyari ay ibinibigay sa kanya.

“Gusto ko po iyan,” anang si Glaymar at humagikgik. “Ang cute ni Kuya Knight.”

Nailing na lang si Sylvie. Malakas talaga ang karisma ni Lancelot. Kahit mga bata ay gusto ito. Magaling din itong makisama sa mga bata. Parang kaedad lang nito ang mga bata kanina kung makipagkulitan.

"Gumawa ka ng square box at hatiin sa apat para sa mukha. Tapos tingnan mo kung anong shape ng mukha ng ido-drawing mo. Pabilog ba, patulis o square?" At iisa-isa niyang ipakita dito kung paano gagawin ang iba’t ibang hugis ng mukha sa loob ng simpleng kahon na ginawa nila. “Anong shape ng mukha ni Kuya Knight?”

Humagikgik ito. "Medyo pahaba ang mukha ni Kuya pero flat po ang baba niya."

"Good observation. Kapag nagdo-drawing ka, kailangan mo ng detalye para maisalin mo sa papel o sa kahit anong medium ang gusto mo. Dapat tingnan mo ang hugis, kung makinis ba at kung ano ang kulay."

Tuluyan na niyang nakalimutan ang pagkain dahil nalunod siya sa pagbuo sa drawing ni Lancelot. Iba pala kapag kumukuha lang ng picture kaysa sa pagdo-drawing dito. Mas personal. Parang mas malapit siya sa isang tao. Di niya basta iginuguhit lang ang panlabas na anyo nito. Alam niya na may kwento ang bawat ngiti nito o ang lungkot sa mga mata nito. At kailangang paglaanan ng panahon para mabuo ang isang artwork. Di gaya ng picture na pwedeng makuha sa isang click lang.

Ito ang unang tao na ginawa niyang artwork mula nang mamatay si Mark Andrew. Pakiramdam niya mas kilala niya si Lancelot kaysa sa iba at gusto pa niyang malaman kung ano pa ang sekreto nito.

"Sylvie, malapit na tayong umuwi," untag sa kanya ni Lancelot. Saka lang niya napansin na tapos na ang program at nagliligpit na ng mga upuan, lamesa pati ang dekorasyon sa entablado. Kailangan din niyang tumulong pero di niya kayang iwan si Glaymar nang di tapos ang artwork nito. Madidismaya ito.

Malungkot na tiningala ni Glaymar ang lalaki. "Kuya, di pa po kami tapos na i-drawing ka. Pwede po huwag muna kayong umuwi?"

"Ako ang dino-drawing n'yo?" tanong ni Lancelot. "Patingin nga."

Tinakpan agad ni Glaymar ang drawing pad nito. "Hindi pa pwede. Di pa tapos."

Napakamot sa ulo ang binata. "Sige na nga. Tapusin n'yo muna."

"Hindi pa kayo uuwi, Kuya? Hihintayin n'yo po na matapos?" puno ng pag-asam na tanong ni Glaymar.

Tinapik ni Lancelot ang ibabaw ng ulo ng bata. "Oo naman. Pero sa isang kundisyon. Kailangang muna ninyong ubusin ni Ate Sylvie ang rainbow cupcakes." At inilapag ng binata ang apat na pirasong cupcake sa harap nila at juice "Hindi pa kasi siya kumakain mula kanina."

"Kumain na po ako. Si Ate Sylvie po ang hindi pa," ani Glaymar at inilapit ang plato at baso sa kanya. "Ate, kumain ka na po para makatapos na tayo."

"Thank you," usal niya at nakangiting tumingala kay Lancelot. Alaga talaga siya nito. Napapansin nito ang mga bagay na napapabayaan niya kahit na gaano ito kaabala. "Kaso di na ako makakatulong sa pagliligpit ninyo."

"Ako na ang bahala. Marami naman kami. Basta tapusin mo iyan. Saka kumain ka muna. O gusto mo subuan kita?" nanunuksong alok ni Lancelot sa kanya.

Pinanlakihan niya ito ng mata. "Kaya kong kumain mag-isa," aniya at kumagat agad ng cupcake. OA na kung susubuan pa siya nito.

Humagikgik si Glaymar. "Di na bata si Ate Sylvie para subuan."

"Okay lang iyan. Baby ko iyan," sabi ni Lancelot at kumindat sa kanya. Umalis ito bago pa siya makapagsimula ng argumento.

"Ate, bakit ka po naging baby? Ang laki-laki mo naman," nanghahaba ang nguso na tanong ni Glaymar.

"Kain na lang tayo para matapos na natin 'yung ibibigay mo kay Kuya Knight. Okay?" At mag-uusap sila nang masinsinan ni Lancelot. Hindi siya nito baby. Mabuti na lang walang nakarinig dito na tagahanga nito kundi ay malaking isyu iyon.

MAHIGPIT na yumakap si Sylvie sa mga bata sa ampunan nang magpaalam. Nag-iiyakan ang iba sa mga bata at ayaw pa siyang paalisin. Ayaw din niyang umalis pa pero ginabi na sila. Sila na lang ni Lancelot ang naiwan doon at hinihintay na sila ng mga kasama. “Huwag ninyong kalilimutang mag-practice, okay? Mag-aral kayong mabuti."

"Dalawin n'yo po kami, ate," ani Chichi. "Mami-miss kita."

"Oo naman. Kapag may umaway sa iyo, sabihin mo kay Miss Yumi para tawagan ako." At pinahid niya ang luha ng bata. "Pag nagkita ulit tayo, gusto kong makita ang iba mo pang drawing."

"Opo. Maraming-maraming flowers."

Napalapit na ang loob niya sa mga bata sa maigsing sandali. Napakapuro kasi ng mga ito at parang maraming pagmamahal na pwedeng ibigay. Habang nagluluksa siya sa loob ng isang taon, may sariling sakit din na nilalabanan ang mga ito dahil sa mga umabandona dito. Pero di tumitigil na magmahal ang mga ito. Di sila natatakot. At gusto pa niyang makasama ang mga ito nang mas matagal. Gusto pa niyang maibahagi sa mga ito ang alam niya at mapasaya ang mga ito.

"Sylvie, let's go," yaya ni Lancelot at inilahad ang kamay sa kanya. "Nasa van na sila at tayo na lang ang hinihintay."

Tinanggap niya ang kamay nito at mabigat ang hakbang na naglakad palabas ng gusali. Matapos pasalamatan ng publisher at editor ni Lancelot sa pagtulong, sumakay na sila ng van na maghahatid sa kanila sa kanya-kanyang bahay.

Pagod na pagod siya at akala niya makakatulog na siya pagsayad ng likod sandalan ng van gaya ng ibang kasamahan nila. Pero di siya tinantanan ni Lancelot na buhay na buhay pa rin. Parang di ito tinablan ng pagod.

"Tingnan mo ang regalo sa akin ni Glaymar," pagmamalaki ni Lancelot matapos kuhanan ng picture ang drawing ng bata at ipakita sa kanya. "May potensyal siya at magaling ka talagang teacher."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.