Ang Pag-ibig ni Lester Chapter 17

Papasok na sila ng bahay ng may maalala si Lester subalit nahihiya siyang magtanong kay Zeke. Huminto siya at nagdalawang-isip kung papasok sa bahay. Hindi niya kasi alam kung invisible pa rin siya. Hindi siya dapat makita ng tiyuhin sa mga oras na iyon.

'Ano kaya ang aking gagawin?'

Sumandig siya sa malaking poste doon sa garahe at nag-isip. Hindi siya maaaring pumasok, paano niya ba malalaman kung hindi siya nakikita ng iba? Nakayuko siyang nag-iisip ng malalim.

Nagulat na lamang si Lester ng may tumapik sa kanyang balikat.

"Anong ginagawa mo? Bakit hindi ka sumunod sa akin sa loob?"

Napalunok si Lester. Hindi siya makatingin kay Zeke dahil nahihiya pa rin talaga siya.

"Hindi ko kasi alam kung invisible pa rin ako..." mahinang-mahina lamang ang tinig niya. Nakatungo pa rin siya.

Pumunta sa kanyang harapan si Zeke at hinawakan siya sa baba upang iangat ang kanyang mukha nang magpantay ang kanilang tingin.

Subalit hindi niya magawang salubungin ang mga mata ni Zeke.

"Kailan ka pa nawalan ng karapatang magtanong sa akin?" mahinang tanong ni Zeke.

Hindi niya alam kung paano sasagutin ang lalake. Naroroon na naman ang pagbara sa kanyang lalamunan ng kung ano.

"You're invisible, come with me."

Walang emosyong hinawakan ni Zeke ang nanlalamig niyang palad at hinila siya papasok sa kabahayan.

"Tito!" sigaw ni Zeke.

"Oh Zeke, Johnson is in the library. He is waiting for you. Go ahead," asawa ng Tito niya ang bumungad sa itaas at sumagot kay Zeke, si Tita Connie. Isa siyang English.

"Good afternoon Auntie. I will go ahead then," magalang na tugon ni Zeke at hila-hila pa rin siya patungong library. Nasa dulong silid iyon ng unang palapag.

Nadatnan nila ang tiyuhin na may hawak na mga album. Inilalagay ito ng matanda sa ibabaw ng mesang naroroon.

"Good afternoon, Tito," bati ni Zeke pagkapasok sa library. Isinara niya ang pinto.

"Ito ang mga lumang larawan, teka maghahalungkat pa ako sa estante at baka may nakaligtaan ako. Ano ba ang gagawin mo diyan Zeke?"

"May gusto lamang po akong alamin Tito."

Naupo si Zeke sa katapat na sofa ng mesa at inumpisahang buklatin isa-isa ang mga album. Dahil hindi siya nakikita ng kanyang tito, wala siyang magawa kundi tingnan lamang kung ano ang binubuklat ni Zeke. Alangan namang magbuklat din siya eh di hinimatay ulit ang tito niya pag nakitang mag-isang bumubukas ang album. Haha. Kasayangan nga lamang iyon sa oras.

Matagal-tagal na ring nagbubuklat ng mga album sina Zeke at Mr. Wang ng maalala ng matandang magtanong, "Teka, ano ba ang hinahanap natin Zeke? Para tayong tumitingin lamang ng walang patutunguhan."

Nagkamot ng ulo si Zeke at bumulong sa kanyang tainga ang tinig nito, "Ano bang hinahanap natin?"

Sumagot naman si Lester ng pabulong kay Zeke, "Kuhanin mo iyong larawan sa loob noong envelope, yung larawan ng apat na lalake. Iyon ang hinahanap natin, kung may makita tayong kamukha noong nasa larawan. Hindi ako maaaring magkamali, kamukha talaga siya ni ama."

Napakurap si Zeke ng ilang ulit saka dinukot sa loob ng kanyang jacket ang envelope. Matapos ay inilabas niya ang mga larawan at pinakita sa kanyang Tito.

"Ito Tito, tignan mo ang larawang ito." Itinuro ni Zeke ang larawan ni Chen Allen at nagpatuloy, "May hawig siya sa iyo, hindi kaya malayong kamag-anak niyo ang taong iyan?"

Natigilan ang kanyang tiyuhin at napaisip. Dinampot nito ang larawan at maiging tinitigan, "Ibig mo bang sabihin ay maaaring siya ang susi upang maintindihan natin ang puno't dulo ng galit ni Mr. Han?"

"Exactly, Tito!"

Ilang minuto pang tinitigan lamang ng tiyuhin ang larawan ng may maalala, "Nasa 1940's pa ang larawang ito, masyado ng may katagalan at mga nasa edad bente pa lamang sila. Paano nga ba ito nahagilap ng mga imbestigador?"

"Iyan ang hindi ko po alam, Tito. Maaari niyong tanungin si Mr. Guan Jin."

"Ahh nevermind," sagot ng tiyuhin.

Nagbuklat silang muli ng mga album at tila nagsasayang lamang sila ng oras. Tinignan ni Zeke ang suot na orasan, alas siyete na ng gabi. Ilang oras na pala silang nagbubuklat.

Nagpalakad-lakad si Lester dahil mukhang mali ang kanyang hinala. Malalim siyang nag-isip at nagpaikot-ikot sa loob ng library. Tinignan niya ang mga nakalagay na mga libro at baka may nakasuksok pang mga lumang larawan doon. Napahinto si Lester sa tapat ng isang estante, may katabi itong malaking larawan ni Mona Lisa, nakadikit sa dingding mula kisame hanggang sahig. Nakuha ang atensiyon ni Lester ng isang aklat na hindi nakahanay sa normal na pagkakahanay ng mga aklat. Nakasulong ito at halos hindi kapansin-pansin kung hindi tititigang mabuti. Itim ang pabalat kaya naman aakalaing walang naroroon

Dala ng kuryusidad, tinawag niya si Zeke ng mahina, "Zeke halika dito, tignan mo ang nakaipit na aklat."

Nagmadali namang tumayo si Zeke at lumapit sa kanya, hinila nito ang aklat subalit lahat sila ay nagulat.

Hindi nakuhang tuluyan ni Zeke ang aklat dahil hindi talaga ito aklat! Isa itong hindi malamang materyal na nakawangis-aklat lamang subalit isa itong seradora!

Bumukas ng dahan-dahan ang malaking larawan ni Mona Lisa matapos hilahin ni Zeke ang inakalang aklat. Napatayo ang tiyuhin sa pagkamangha! Bahay niya iyon subalit hindi niya alam na may pinto doon!

Nag-abang silang tatlo hanggang bumukas ng tuluyan ang pintuan. Tila may mga nakakonekta sa bawat bahagi dahil awtomatikong bumukas isa-isa ang mga ilaw sa loob ng pintuang iyon. Nabungaran nila ay isang maiksing pasilyo at hagdanan pababa ang karugtong. Isang underground!

Nang tumigil sa pagbukas ang mga ilawan, saka pa lamang nag-umpisang humakbang pababa sa hagdan ang tatlo. Nauuna si Zeke. Pagkababang-pagkababa nila'y nagkaroon ng munting kalinawan ang kanilang katanungan sapagkat pagkababa nila sa palikong hagdan, naroroon nakasabit sa dingding ang isang malaking larawan ng isang lalakeng nasa edad bente. Black and white ang kuha nito at luma na, subalit ang nasa larawan ay walang iba kundi si Chen Allen!

Nagkatinginan sina Lester at Zeke. Kumabog din ang puso niya, kung ganoon, sino ang Chen Allen na ito sa kanilang pamilya?!

Nanlalaki ang mga matang nakatitig lamang ang kanyang tiyuhin sa larawan. Halos Hindi ito kumukurap. Maya-maya'y bumukas ang kanyang labi at nagsabing, "Hindi kaya'y si ama ito?!"

Nagulat si Lester, paanong ama? Hindi niya ba alam ang hitsura ng kanyang ama? Subalit sa totoo lamang ay hindi niya rin alam ang hitsura ng kanyang lolo sapagkat kahit na kailan ay hindi niya iyon nakita.

Mukhang nabasa ni Zeke ang iniisip niya dahil sa sinabi nito, "Paanong siya ang iyong ama, Tito? Hindi mo ba alam ang hitsura ng iyong ama?"

Umiling si Mr. Wang bago sumagot, "Ako ang bunsong anak ni ama at dalawa lamang kaming magkapatid, ako at si Jonas, ang ama ni Lester. Matanda na si ama noong mag-asawa siya, nasa apatnapung taong gulang na kaya naman may katandaan na ang kanyang hitsura na kinalakhan ko. Ang napangasawa niya'y Pilipina. Mayaman si ama, siya ang nagtayo ng Wang Industrial Company at mag-isa niyang pinalago iyon. Nagtungo kami noon sa Pilipinas upang magbakasyon at upang makilala na rin ang pamilya ni ina, at may negosyo ring ipinunta doon si ama subalit wala pa akong muwang sa ganoong mga bagay. Si Jonas noon ay nasa siyam na taong gulang na, ako naman ay tatlong taong gulang. Sumakay kami sa isang barko patungong isla ng aking ina subalit hindi namin namalayang nawala si Jonas. Dala ng pagkamangha sa magandang tanawin sa loob ng barko, nawala ang atensiyon namin sa isa't isa, isa pa'y malaki na si Jonas kaya naman batid niya na ang mga nakikita kahit paano. Nag-umpisang lumayag ang barko. Ilang minuto na ang nakalipas ng mapansin naming nawawala si Jonas. Hinalughog namin ang lahat na parte ng barko subalit hindi namin siya natagpuan. Nagpadala ng mensahe ang kapitan ng barko sa pier na aming pinanggalingan kung may nakitang batang bumaba sa barko bago ito lumayag o baka napag-iwanan sa pier. Subalit walang ganoon. Nawala si Jonas mula noon."

"Kung ganoon paanong naging pamangkin niyo si Lester kung nawala si Jonas?" takang tanong ni Zeke.

Naupo sa isang silyang naroroon ang tiyuhin bago nagpatuloy, "Hindi tumigil si ama sa pagpapahanap kay Jonas maging nang bumalik kami sa Amerika. Subalit tila bula siyang naglaho. Halos hindi na namamahinga si ama sa pagpapalago sa kompanya upang hindi kami mawalan ng perang pangtustos sa pagpapahanap kay Jonas kaya naman sa murang edad ko, inaral ko ang negosyo ni ama. Ninais kong tulungan siya. Sa dibdib ko noon, baka patay na ang aking kapatid. Subalit makalipas ang napakaraming taon, may asawa't pamilya na ako, patay na rin si ama ng makatanggap ako ng telegrama mula sa malayong Isla ng Pilipinas."

Tumigil sa pagkuwento ang tiyuhin at pinahid ang luhang pumatak sa kanyang mga mata. Nagpatuloy ito, "Liham iyon buhat kay Jonas. Matalino ang aking kapatid at hindi niya nakalimutan kung sino siya maging ang aming address. Sabi niya sa liham ay may dumukot sa kanya noon sa barko. Mabilis siyang hinila palabas at isinakay sa isang truck. Napakadilim sa loob at hindi niya alam kung saan siya dinala. Ilang oras ang lumipas ay wala pa ring tigil ang sasakyan hanggang nawalan na siya ng malay sa loob dahil sa pagod, gutom, at sobrang init. Nagising siya sa hindi kilalang lugar at may napakaraming kasing-edad niya na tila mga kinulong din sa isang malawak na lugar. Napapaligiran iyon ng maraming sundalong hapon. Nagsimula ang paghihirap niya ng ilang taon. Naging utusan sila ng mga sundalong iyon at nagsasanay sila araw at gabi. Matapos ang halos anim na taon sa ganoong buhay araw-araw, ibinala sila sa mga labanan. Dahil sa kanyang hitsura at pananalitang English, mas lalo siyang pinahirapan. Hanggang nagkaroon ng pananakop sa isang Isla, kasama siya roon na isinabak sa labanan subalit nasugatan siya at nabaril sa tagiliran, nawalan siya ng malay at inakala ng mga sundalong hapon na namatay siya sa laban. Hindi niya alam ang nangyari sa mga kasamahan, nagising na lamang siya sa isang bahay-kubo sa liblib na bukid. May nakatapal na mga dinurog na dahon sa kanyang sugat at may telang nakabenda sa kanyang tiyan. Sinagip si Jonas ng isang magbubukid. Ang kuwento sa kanya ng lalake, hindi nagawang sakupin ng mga Hapon ang islang iyon sapagkat nakaalarma na ang mga militar at maraming sibilyan. Hindi inasahan ng mga Hapon na nakahanda sila sa laban. Nang makita siya ng lalake ay itinago siya sa bukid sa pag-aakalang isa siyang Hapon at baka makadamay pa ito sa labanan lalo't wala pa siyang malay-tao. Nagpakilala siyang isang Amerikano-Pilipino at bihag lamang ng mga Hapon, kaya naman naging palagay ang loob ng lalake. Natuto si Jonas ng wikang Tagalog at mga gawaing bukid. Ilang taon din siya roon at hindi niya naisipan hanapin pa si ama lalo pa't napakaraming taon na ang lumipas. Nang mag-edad bente-singko siya, nagtungo siya sa siyudad at nakipagsapalaran, nagtrabaho ng iba't-ibang uri, nag-ipon siya ng salapi. Hindi niya kami hinanap subalit inisip niyang mag-ipon upang makabalik sa aming lugar. Dangan nga lamang ay may nangyaring hindi inaasahan, nabuntis niya ang katrabahong si Selena, ina ni Lester na mayroong malalim na pagkakagusto sa kanya. Sa takot na baka patayin siya sa lungsod ng pamilya ni Selena, itinanan niya ito at gamit ang kanyang ipon ay basta na lamang sila sumakay ng bus patungong probinsya, saka niya napag-alamang Isla pala ang patutunguhan nila. Gamit ang kanyang naipon, bumili siya ng malaking lupain sa islang iyon at tahimik silang namuhay hanggang maisilang si Lester. Dahil marami na siyang natutunan sa pagbubukid, hindi siya nahirapang linangin ang lupaing nabili. Iyon ang nagsilbing pantawid pamumuhay nila. Hanggang isang araw na nagbenta siya ng napakaraming ani ng palay sa bayan, may nakita siyang lumang mga diyaryo na nakapatong-patong sa malapit na bodega ng kiluhan ng palay. Habang naghihintay sa kikitain, nagbasa siya ng isang diyaro hanggang nakita niya roon ang mga anunsiyo ni ama sa lumipas na mga taon na hinahanap siya. Subalit ang naroroong larawan ay ang kabataan niya pa. Mahirap na nga siyang makilala pa. Napaiyak si Jonas sa nalaman at doon siya nagkaroon ng matinding hangaring ipaalam sa amin na buhay pa siya. Gumawa siya ng liham at isinalaysay niya ang buong pangyayari sa kanya, sa kamalasan nga lamang, ilang taon ang lumipas bago nakarating ang liham niya sa amin. Isa lamang ang hangarin niya, ang makilala namin si Lester at maibigay sa kanya ang maayos na buhay na dapat ay para sa kanya. At ng ipahanap ko ang aking kapatid, doon ko nalamang namatay siya sa isang aksidente sa karagatan. Hindi na kami nagkita pang muli."

Muling nagpahid ng luha ang kanyang Tito. Maging siya ay hindi niya namalayang lumuluha na pala. Walang ikinuwento si ama tungkol sa masaklap nitong karanasan. Halos mawalan siya ng balanse, maagap nga lamang na inalalayan siya ni Zeke hanggang narinig niya muli ang kwento ng tiyuhin.

"Ang nais ni Jonas ay patapusin muna ng sekondarya si Lester bago ito dalhin sa Amerika subalit natanggap ko ang kanyang sulat ay edad bente-uno na si Lester, marahil ay nahirapan ang Coreo sapagkat pangalan pa ni ama ang nakasulat sa liham bukod pa sa pagkakabago ng pangalan ng aming address, lumang pangalan ang naroroon. Mabuti na lamang ay hindi ako umalis sa tahanang ito at ako ang nakatanggap ng sulat. Halos mawalan ako ng lakas ng sabihin ng Coreo na Jonas Aster Wang ang nagpadala ng liham. Malilimutan ko ba ang pangalang iyon?"

Matapos ang mahabang salaysay, napatingin siya sa mga lumang magkakapatong na mga papel na nasa ibabaw ng maalikabok na mesa. Maalikabok din ang mga papel. Binuklat ito ng tiyuhin at sinubukang basahin subalit wala siyang naunawaan sa mga titik na naroon.

"Anong lengguwahe ito? Wala akong maunawaan!"

Nagkatinginan sila ni Zeke.

Nilapitan ni Zeke ang tiyuhin at tinignan ang papel, nauunawaan niya ang nakasulat doon sapagkat lengguwahe niya ang naroroon. "Ang aking lengguwahe?! Hindi kaya'y may kilala siyang kauri ko?!"

Napatakip si Lester ng tainga ng marinig ang sigaw ni Zeke sa kanyang isipan. Bwisit nabingi yata siya. Lumapit siya kay Zeke at tinignan ang papel, hindi niya rin maunawaan ang nakasulat.

Zeke, "Nauunawaan ko ang nakasulat Tito. Isa itong journal. Ayon dito..."

...Ang pangalan ko ay Chen Allen at ulila na akong lubos. Isa akong Tsino at tagapaglakbay...

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.