Ang Pag-ibig ni Lester Chapter 26

Nakarating sila makalipas ang mahigit dalawang oras ng paglalakbay sa nais na lugar. At talaga namang napahanga si Lester sa ganda ng tanawin.

Ang kabuuan ng pasyalan ay may nakapaligid na matatayog na luntiang mga puno na may mangilan-ngilang dilaw na mga dahon na para bang desenyo ito sa kanila. May mga ibong humuhuni at umaali-aligid sa mga punong iyon.

Habang sa unahan ay may naggagandahang halamanan na mayroong kakaibang mga bulaklak na may iba't-ibang kulay. Mayroon ding mga paru-parong palipad-lipad sa ibabaw ng mga bulaklak na tila ba sumasayaw sa himig ng malamig na simoy ng hangin.

Subalit ang mas kamangha-mangha ay ang matayog na lumang templo sa pinakagitna ng pasyalan. Ang templo ay nakatayo sa ituktok ng tila maliit na bundok na may mahigit isangdaang baytang pataas. Gawa sa mga bato ang templo at may mga halamang baging na nakakapit sa pader sa paligid nito. Pakiwari niya ay ginawa ang templo sa panahon ng medieval. Sobrang luma ngunit sobrang tibay rin. Iyon nga lang, sa palagay niya'y isa na lamang pasyalan ang lumang templo. Marami ring mga turista ang naglilibot at kumukuha ng mga larawan at mga video.

"Whoah! This place is awesome!" halos maglaway sa pagkamanghang komento ni Lester.

Maging ang mga kasamahan niya'y ganuon rin ang reaksiyon sa kanilang mukha, maliban sa tiyahin na tila pamilyar sa lugar. Kaya naman tinanong niya ang ginang ng may nakapaskil na ngiti sa mga labi.

"Are you familiar with this place, Auntie?"

Umiwas ng tingin ang tiyahin bago sumagot, "Of course not. This is my very first time I came here. And the scenery is really awesome! It's majestic!"

"Yes! Truly majestic," pagsang-ayon ni Lester subalit hindi man kumbinsido ay nanahimik na lamang siyang muli at muling pinagmasdan ang paligid.

Talaga ngang kahanga-hanga ang lugar. 'Kung sana'y kasama ko lamang si Zeke dito,' piping hinaing niya.

Dahil sa pagkahumaling sa tanawin ay hindi niya napansing napalayo na pala sa kanila ang mag-asawang Arnold at Samantha na pawang hindi rin makapaniwala sa ganda ng paligid habang ang tiyuhin at tiyahin ay nasa malapit lamang niya.

"Tito, nais ko sanang akyatin ang templo. Gusto niyo po bang sumama doon?"

"Naku Lester! Nais ko sana subalit baka lumagutok ang mga tuhod ko! Hahaha!"

"Haha!"

Natawa siya sa tiyuhin ganung hindi pa naman katandaan ang edad nito. Marahil ay dahil kulang ito sa ehersisyo.

Naglakad siya patungo sa hagdanan paakyat sa templo nang bigla na lamang may ala-alang dumaan sa imahinasyon ni Lester. Napahinto siya sa paglalakad at natulalang saglit.

"Magandang umaga po saiyo, Ginoo," nakangiting bati ni Lester sa isang matanda. "Kayo po ba ay magtutungo sa bayan?"

“Aba kay gwapong binata ito!” Kung pakatitignang maigi ay mababakas sa matanda ang paghangang pilit itinatago ng pilak nitong mga mata. Nagpatuloy siya, “Tama ka, Iho, ako'y bibili ng gamot sa rayuma at medyo palyado na ang aking tuhod. Hihi."

Lumapit siya kay Lester at bumulong, "Hindi ako makakarami sa Lola mo kapag lumagutok itong aking mga tuhod. Hihihi!"

Napakamot sa ulo si Lester at sa wari niya ay namula din ang kanyang pisngi dahil sa papuri nito at kabulgaran.

"Si Lolo talaga oh! Haha. Ako nga po pala si Lester. Makailang ulit na po kitang nasisilayan dito sa nayon subalit hindi ko po alam ang iyong pangalan," nakangiting wika niya. "Kayo po ba ay taga rito o bagong lipat lamang po?"

"Lucas ang aking pangalan. Hindi ako magtatagal dito. Ako'y nagbabakasyon lamang sa isa kong kaanak."

"Ahhhh. Sige po maiwan ko na po kayo Ginoong Lucas at tumataas na po ang sikat ng araw. Mag-iingat po kayo sa daan!" paalam ni Lester.

Ngumiti lamang ang matanda sa kanya at tumango.

Subalit...

Tama ba ang kanyang nakita? Tila may kumislap na kulay pilak sa mga mata ng matanda habang nakangiti ito ng malawak sa kanya. Para bagang mayroon itong nakamit na tagumpay na lubos ditong nagpasaya.

"Lucas?! Sino kaya ang matandang iyon? Pangalawang beses ko nang nasisilayan ang kanyang mukha sa aking ala-ala," bulong niya. Binabagabag ang isipan niya sa mga pasulpot-sulpot na ala-ala at mga panaginip. Nang dahil doon ay nagkakaproblema sila ng kasintahan. Lalong-lalo ang patungkol kay Ezekiel.

"Lester! Are you going up? Can you help Samantha? She wants to go up as well," wika ni Arnold sa likuran ni Lester na nagpagulat sa kanya. Una, nakakagulat na sa kanya makisuyo ang pinsan ganung siya ang asawa, pangalawa, nakakagulat na gustuhin ng babae ang umakyat ganung may saklay na nga ito dahil sa aksidente.

"Please..." dugtong pa ni Arnold nang makita ang pag-aalinlangan sa mukha ni Lester.

Gustuhin niya man tumanggi ay wala naman siyang magagawa kaya naman sumang-ayon na lamang siya, "Sure."

"Alright! C'mon honey, Lester will accompany you," nakangising wika ni Arnold sa asawa.

Subalit kapansin-pansin ang tila pangamba sa mukha ni Samantha o baka guni-guni niya lamang iyon.

"Okay. You must take care of me, Lester," wika ni Samantha na iniabot ang isang kamay sa kanya.

Walang magawa si Lester na inakay ang babae sapagkat iniwan na sila ni Arnold na mabilis bumalik sa tabi ng kanyang magulang.

'Bakit naman kaya sa'kin pa iniasa ang pag-alalay sa babaeng Ito?' Hindi niya mapigilang magtanong sa isipan.

"Pasensiya ka na Lester. Ikaw pa ang inobliga ni Arnold. Nais ko lamang talagang makita ang templo subalit kung hindi ka komportable'y..."

"Hindi, ayos lang. Tara na at baka abutan pa tayo ng sikat ng araw. Tignan mo lamang maigi ang daanan upang hindi ka matisod at hindi tayo mahulog," paalala ni Lester. Mahirap na at baka matalisod sila pareho, damay pa tuloy siya.

"Maraming salamat, Lester."

Inakay ni Lester si Samantha bago tumugon, "Walang anuman iyon."

Dahan-dahan at maingat ang mga hakbang na inakyat nila ang mataas na baytang patungong templo. May mangilan-ngilan rin silang nakakasabayan at nakakasalubong na mga turista.

Malapit pa lamang sa kalagitnaan ay nakaramdam na sila kapwa ng pagod. Una, sobrang taas ng hagdan, pangalawa, nakakapagod ang mayroong inaakay paakyat.

"Maaari ba tayong tumigil sandali? Napapagod na kasi ako Lester. Pasensiya ka na," puno ng paumanhin ang tinig ni Samantha nang makiusap sa kanya.

Huminto si Lester sapagkat pagod na rin siya sa kakabalanse paakyat kaya naman sumang-ayon na rin siya. "Tama ka, maging ako'y pagod na rin. Subalit may kataasan na ang araw. Makakaya mo pa bang umakyat Sam?"

Nakita niya ang pamumula ng mukha ng babae at nahihiyang sumagot, "Nais kong marating sana ang ituktok subalit mabilis ang pagkakaramdam ko ng pagod. Marahil ay dahil sa hindi pa maayos ang aking katawan."

"Nauunawaan ko iyon, Sam. Teka, ayos lamang ba saiyong tawagin kitang Sam?" Paniniguro ni Lester.

"Oo naman. Marami sa mga kaibigan ko ang tinatawag akong Sam kaya ayos lang sa akin iyon."

"Mabuti naman kung ganun."

Inakay ni Lester si Samantha at giniya paupo sa baytang na nasa itaas ng kaunti. "Halika, maupo ka muna saglit nang makapagpahinga ang iyong mga binti."

Nang maiupo ni Lester si Samantha ay may lalakeng tumatakbo sa itaas ng hagdan pababa. Nakasuot ito ng itim na jacket na may saklob sa ulo, itim ring pantalon na kupasin at gomang sapatos. Huli na ng kanyang mapagtanto na nawawalan ng balanse ang lalake at nagkataong tinutumbok ang kinapupuwestuhan niya.

Sinikap iwasan ni Lester ang pagbangga sa kanya lalake subalit sa bilis nito'y hindi rin siya nakaligtas at nahagip ang kanyang likuran.

Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi niya na nabigyang pansin ang pagtulak sa kamay niya ni Samantha at walang hadlang na napagulong siya pababa ng hagdanan. Narinig niya ang mga hiyawan ng tao at mga tinig na sumisigaw ng saklolo subalit tumama ang kanyang ulo sa kanto ng unang baytang bago siya tuluyang bumagsak sa semento at unti-unting nagdilim ang kanyang paningin.

Parang isang pelikula, sa kaparehong sitwasyon ay nakita niya ang sariling nakahandusay sa kalsada, puno ng dugo ang mukha at katawan at kalong siya ng isang makisig na lalakeng may puting buhok at pilak na mga mata.

"Subalit sa pagkakataong ito, hindi ka dumating sa aking tabi mahal kong Ezekiel. Ito na kaya ang aking katapusan?"

Mga katagang pilit binibitawan ng kanyang duguang labi. Kasabay sa pagragasa ng maraming ala-ala ay pagdaloy nang walang humpay niyang mga luha.

Hanggang sa tuluyang lamunin ng karimlan ang kanyang ulirat at kawalang-malay sa mundo.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.