Ang Pag-ibig ni Lester Chapter 27

"Nasaan ka Zeke? Nasaan ka Ezekiel?"

'Zeke?'

'Ezekiel?'

'Dalawang pagkatao na may iisang mukha...'

'Bakit nga ba hindi ko naisip ang posibilidad?'

Samu't-saring kaganapan, Samu't-saring ala-ala. Mga naburang pangyayari, pilit umuukilkil sa nanghahapding ulo ni Lester. Tila mabibiyak ang kanyang bungo at luluwa ang kanyang utak. Napakahapdi! Nais niyang malimutan ang kirot!

"Ahh!"

Humihiyaw ang kanyang isipan subalit walang tinig na lumalabas sa kanyang lalamunan. Nais niyang mawalan muli ng ulirat kung sa paggising ay parehong hapdi ang kanyang mararamdaman. Mamarapatin niya pa ang tuluyan na lamang lumisan.

Subalit...

'Naaalala ko ang aking paglisan sa aming lalawigan. Nangako pala akong siya'y aking babalikan.'

Bago pa man dumako sa kung saan ang mga ala-ala ni Lester ay nakaramdam siya ng kirot sa kanyang mga bisig at unti-unting nanlabo ang kanyang mga ala-ala, namanhid ang kanyang pandama kasabay ng paglalaho ng samu't-saring mga tinig sa kanyang kapaligiran ay nilamon siyang muli ng walang hanggang karimlan.

"Ahh! Mas nanaisin ko na lamang ang ganitong kapayapaan."

Kung gaano katagal nang siya ay nahimbing ay wala siyang kaalaman.

Nagising siya sa isang maliit na papag sa loob ng isang maliit na tahanan. Nakasuot siya ng puting kamesitang may punit sa ibaba at pantalong kupasin. Mayroong manipis na tsinelas sa paanan ng papag na kanyang isinuot matapos bumangon sa papag. Napakabango nang niluluto ng kanyang ina! Tiyak na iyon ay ang kanyang paboritong lugaw na may manok at tanglad.

"Oh, anak! Gising ka na pala. Halika dito at ipinagluto kita ng paborito mong pagkain," tawag ng inang nasa mahigit tatlumpong-taong gulang. Bakas man ang kahirapan sa mukha nito'y naroroon pa rin at hindi maikukubli ang angking kagandahan mula sa nakalipas niyang kapanahunan.

"Aha! Tama po ba ang hula kong lugaw na may tanglad ang iyong niluto ina?" masiglang tanong niya.

Tumawa ang butihing Ginang at tumango, ipinaghila ng upuan ang anak matapos ay ginulo ang kanyang buhok bago ito sumagot, "Tama ka anak. Espesyal ang araw na ito, nalilimutan mo ba?

"Syempre hindi po ina! Unang araw ng eskwela ko ngayon sa mataas na paaralan at talagang sabik na sabik na akong pumasok. Matagal ko nang pinangarap ang makatuntong man lamang sa paaralang iyon subalit ang makapag-aral doon ay higit pa sa pinapangarap ko! Haha."

"Oo anak kaya kumain ka na't magpalakas. Huwag kang magpapaapi sa mga tao roon subalit huwag ka ring makikipag-away, matuto kang sumagot sa tamang paraan lamang. Kung ikaw ang nagkamali, matuto kang magpaliwanag at magpakumbaba."

"Ano ka ba naman ina? Alam ko po ang mga bagay na iyan kaya't huwag niyo akong alalahanin. Ang mabuti pa ay samahan niyo akong mag-agahan."

Nakangiting ginulo ng ina ang buhok niya at nagtungo ito sa tabi ng lumang kabinet at kumuha ng damit. Nagpatuloy naman siya sa pagkain.

Makalipas ang trenta minutos ay nakagayak na siya upang pumasok sa eskwela. Masiglang-masigla ang kanyang pakiramdam kaya naman pakanta-kanta pa siya.

Hindi naglaon ay magkasamang nagtungo sila ng ina papuntang eskwelahan habang may dalang bilaong puno ng gulay ang ina at nakapatong iyon sa ulo. Dala niya naman ang basket na puno rin ng gulay. Doon kasi sa malapit sa eskwelahan magpupwesto ang ina para itinda ang mga gulay.

Nang pumasok siya sa paaralan ay pinagtitinginan siya ng ilang mag-aaral sapagkat nakikilala siyang anak ng tagatinda ng gulay sa may labasan. May mga tinging mapangutya, may nagtataka marahil ay kung bakit naroroon ang katulad niyang isang dukha lamang sa paaralang para sa kanila ay sa may mga kaya lamang. Ang hindi nila alam ay isa siyang skolar.

Walang nararamdamang hiya sa katawan at hindi apektado ang kanyang kasiglahang dumeretso siya sa pakay na klase. Naupo sa bakanteng upuan at naghintay sa guro na mag-umpisa ang klase.

Hindi naglaon ay dumating ang guro kaya sabay-sabay silang nagbigay-galang dito.

"Magandang umaga po Binibini!"

"Magandang umaga naman sainyo. Ngayon ang unang araw ng klase kaya naman tayo ay magpakilala sa isa't-isa. Ako si Binibining Anabelle Corazon, ang inyong guro sa loob ng isang taon. Ako rin ang inyong guro sa Sibika at Kultura. Nais kong magkaibiganan kayo at huwag mag-away-away. Ngayon naman ay magpakilala kayong isa-isa," mahabang pakilala ni Binibining Corazon.

Isa-isang nagpakilala ang mga mag-aaral hanggang sa siya na ang magpapakilala. Tumayo siya at buo ang loob na nagwika, "Magandang umaga sa lahat. Ang pangalan ko ay Allen Chen. Isa lamang akong dukha at pagtatanim ng gulay at pagtitinda ang aming ikinabubuhay. Nais ko sana kayong makilalang lahat at maging kaibigan," nakangiting pakilala niya.

Nagbulungan ang mga kaklase subalit hindi niya na iyon binigyang-pansin.

'Ako ay si Allen Chen, matibay ang aking loob at handa kong gawin ang lahat upang makapagtapos at matulungan ang aking magulang.'

Dumaan ang maraming araw subalit walang nakipagkaibigan sa kanya sa paaralang iyon. Pagkukutya ang kanyang naririnig.

"Isa lamang siyang dukha! Hindi siya nararapat sa paaralang ito!"

"Dapat sa kanya ay paalisin at huwag nang pabalikin!"

Mga bulungang bulong nga subalit dinig naman niya sa kanyang pagdaraan. Tahimik lamang siya na tila ba hindi naririnig ang mga pagkukutya o sabihing tila ba hindi iyon para sa kanya kaya hindi siya kakikitaan ng pagkaapektado.

'Mga sira-ulo. Patutunayan kong mas may kakayahan pa ako kesa sa inyo! Paluluhurin ko kayo sa aking harapan at lilinisan niyo ang aking sapatos gamit ang inyong mga dila!'

Dahil sa mga naiisip ay napangiti siya. 'Haha. Mukhang magandang tanawin iyon sa aking palagay.'

Hinayaan niyang dumaan ang mga araw sa ganuong paraan subalit hindi siya nagpapaapekto ni sumasagot sa isa man sa kanila. Nginingitian lamang niya ang mga mag-aaral doon. Pagkagaling sa eskwela ay tutulungan naman ang ama't ina sa pag-aayos ng mga gulay o kaya sa pagtitinda.

Ikatlong taon sa paaralang iyon ay may kakatwang nangyari sa kanya. Isang hapon ng byernes, naupo siya sa ilalim ng isang punong akasya. Napakalaki noon at napakalilim subalit hindi doon tumatambay ang mga mag-aaral. Ang dinig niya ay mayroong taong hindi raw nakikita na nakatira sa punong iyon. Subalit hindi siya ang tipo ng taong naniniwala kung hindi naman niya napapatunayan. Sa pakiwari niya ay takot lamang ang mga mag-aaral doon sa puno dahil hindi sanay makakita ng ganoon. Samantalang siya ay sanay sapagkat mayroong katulad na puno doon sa taniman nila ng mga gulay sa bukid. Katunayan ay doon siya namamahinga at wala naman siyang nakikitang kakaiba ni nararamdaman man.

Sa loob ng mahigit dalawang-taon ay palagi niya lamang tinatanaw ang matayog na puno at hindi kailanman binalak na tambayan. Isa pa, sobrang lawak ng paaralan at doon siya sa kabilang panig nag-aaral. Ngayong ikatlong-taon ay dito naman siya sa kabilang panig kung saan ang tinatanaw niyang puno noon ay maaari niya nang lapitan ngayon.

Tumingala siya sa puno at payapang ngumiti. Talagang napakapaya ng kanyang pakiramdam sa tuwing nasisilayan ang puno. "Magandang umaga, sabi nila ay mayroong nakatira sa punong ito. Hindi man ako naniniwala ay nais ko pa ring magpaalam na ako'y inyong pagbigyan. Nais ko sanang mamahinga sa lilim ng iyong katawan."

Malakas na humangin na para bang nagsayawan ang mga dahon at nag-indayog ang mga sanga. Tila ba senyales na siya ay pinapayagan kaya naman naupo nga siya sa ilalim noon. May malaking batong kamangha-mangha ang kinis. Aakalain mong tao ang gumawa noon at doon siya pumwesto. Inilapag niya ang bag sa gilid at kinuha ang ilang kwaderno, ballpen at isang aklat. Mayroon silang takdang-aralin at nais niya nang tapusin iyon bago pa umuwi nang sa ganoon ay hindi na iyon maging hadlang sa mga gawaing bahay. Nag-umpisa siyang magbasa at magsulat nang makaramdam siya ng tila mga matang nakatitig sa kanya. Iniangat niya ang paningin at lumingon sa paligid subalit wala naman siyang nakitang tao. Ganunpaman, ramdam niya pa rin ang kakaibang mga titig sa kanya.

Sabi ng mga matatanda, kung totoo man iyon, ay kausapin na parang timang ang mga hindi nakikitang tao sapagkat nakakaunawa at pinapakinggan ka nila. Kaya naman parang timang nga siyang nagsalita, "Ako ba'y inyong pinagmamasdan ngayon? Wala po akong planong manggulo. Nais ko lamang ng pahingahan sapagkat..." Yumuko siya at halos pabulong na lamang ang sumunod na mga salitang lumabas sa kanyang labi, "Wala kasing nais makipagkaibigan sa akin sa paaralang ito kaya naman wala rin akong mapuwestuhan. May kanya-kanyang grupo ng studyante ang nagkukumpulan sa iba't-ibang sulok kapag ganitong bakanteng oras. Maaari niyo ba akong pagbigyang mamalagi dito araw-araw?"

Bigla na lamang bumukas ang kanyang kwaderno at kusang gumalaw ang ballpen at nagsulat.

'Malugod ka naming tinatanggap. Manatili ka rito anumang oras mo naisin. Subalit may kundisyong anumang makita mo rito o kakaibang nangyayari sayo ay huwag mong ipagsabi.'

Nanlamig ang buong katawan ni Allen at pakiwari niya ay hihiwalay ang kanyang kaluluwa.

"Grabe! Totoo ngang may nakatira rito!"

Sa kabila noon ay nagawa niya pa ring bumigkas ng pagkamangha bago tuluyang mawalan ng malay!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.