“Brazile, bakit ikaw ang nag-aayos ng mga bulaklak?” tanong ni Jerus nang mabungaran siya kinaumagahan.
Inaayos ng mga kababaihan ang mga bulaklak na pang-dekorasyon. Magkaka-roon na ng party gabi-gabi sa hardin ng hacienda. Wala silang pictorial nang araw na iyon kundi sa hapon pa. Kaya sa halip na tumunganga ay naisipan niyang tumulong.
“Ngayon ko lang naman susubukan ito,” sabi niya. “Nakakaaliw pala.”
Matagal nang panahon mula nang magustuhan niya ang mga bulaklak. Iyon ay noong hindi pa siya disillusioned. Para sa kanya ay simbulo iyon ng kahinaan. Hindi niya alam kung ano ang humila sa kanya kanina para pakialaman ang mga iyon.
“Hindi ka rin marunong?” tanong ni Jerus at tumabi sa kanya. Kumuha ito ng baby’s breath at nilaro-laro.
“Nagpaturo ako kay Tita Lilia,” tukoy niya sa Mama nito.
“Mabuti ka pa nagpaturo sa akin. Samantalang ang babaeng iyan, walang alam sa gawaing bahay. Alam lang magpinta,” iritadong sabi ni Lilia.
Akala niya noong una ay suplada at aristokrata ito batay na rin sa naririnig niya sa kwento ni Jerus. Napatunayan niyang metikulosa lang ito. Gusto lang nito na nasa ayos ang lahat at maging perpekto.
“Ma, wala akong hilig sa pag-aayos ng bulaklak,” angal ni Jerus. “Where is Conrad?”
“Nangabayo kasama si Keith,” sabi ni Lilia.
Lumabi si Jerus. “Nakakainis, hindi man lang siya nagpaalam sa akin. Ikaw Brazile, nagpaalam ba sa iyo si Keith?”
Ngumiti siya at umiling. Siya na nga pala ang nobya ni Keith ngayon. “Hindi siya nagpaalam sa akin.”
“Pumapayag ka?” sabi nito. “Kung ako, hindi ako papayag. Baka mamaya may ibang babaeng umagaw sa kanya. Mabuti nang bantayan ko siya. Dapat nga ikaw ang magbantay dahil iilan pa lang ang nakakaalam na boyfriend mo si Keith. Kaya tiyak ko na marami pa ring umaaligid sa kanya.”
“Hindi ko pinoproblema iyon,” sabi niya. Hindi naman magtatagal ang ‘relasyon’ nila ni Keith. Pagkatapos ng kasal ni Jerus kay Conrad ay tapos na ang palabas nila.
“Bakit ganoon, Ma?” tanong ni Jerus. “Parang okay lang sa kanya na pakawalan si Keith. Parang hindi niya mahal.”
“Naku, Jerusal. Hindi naman lahat ng babae katulad mo na kulang na lang itali sa baywang ang boyfriend. Nakakasakal iyon. Minsan, kailangan mo talagang magtiwala dahil importante iyon sa relasyon. Lalo na’t ikakasal ka na.”
“May tiwala ako kay Conrad,” giit ni Jerus. “Pero sa ibang babae wala.”
Nanggigigil niyang ginupit ang tangkay ng rosas. Mali si Jerus ng pinagkatiwalaan. Dapat ay hindi rin buo ang kompiyansa nito kay Conrad. Hindi garantiya ang kasal para magtino ito.
“Good morning, ladies!” bati ni Keith pagpasok ng pinto. Kinintalan nito ng halik si Lilia sa pisngi. “Kumusta ang maganda kong ninang?”
“Malayo pa ang Pasko, Keith. Malaki ka na rin para bigyan ko pa ng aguinaldo. Huwag mo na akong bolahin. Girlfriend mo ang asikasuhin mo.”
Pumunta ito sa likod niya at niyakap siya. “Hello, sweetie. Na-miss mo ba ako?”
Itinuon niya ang atensiyon sa inaayos na bulaklak kahit nagtatayuan ang balahibo niya sa batok. “Bakit naman kita mami-miss samantalang lagi ko na lang nakikita ang pagmumukha mo? Wala ka nang ginawa kundi dumikit sa akin.”
“Good morning,” matabang na bati ni Conrad. Nagdilim ang anyo nito nang makitang nakayakap sa likuran niya si Keith.
Sinalubong ito ni Jerus. “Bakit hindi ka nagsabi na magho-horseback riding ka?”
Pagod ang anyo nitong hinaplos ang mukha ni Jerus. “Nagkakayayaan lang kami ni Keith. Wala na akong oras pa para sabihin sa iyo.”
“Conrad, Keith, yayain ninyo ang mga girlfriend ninyo. Hindi pa nag-aagahan ang mga iyan sa kahihintay sa inyo,” sabi ni Lilia. Tinawag nito ang kawaksi at nagpahanda ng agahan sa may verandah.
Kinintalan siya ni Keith ng halik sa dulo ng ilong. “That’s sweet of you. Huwag mo nang gawin sa susunod dahil baka malipasan ka ng gutom.” Inalalayan siya nitong tumayo. “Kumain na tayo.”
Nagitla sila nang hapitin ni Conrad sa baywang si Jerus at halikan. Nagkatinginan lang sila ni Keith at nagkibit-balikat. Akala marahil ni Conrad ay magseselos o maapektuhan siya sa ginawa nito.
“Kumusta ang pamamasyal ninyo?” tanong niya nang dumulog sila sa mesa.
“Okay lang,” anito at ipinaglagay siya ng toasted bread sa plato. “Nabulabog lang naman ang buong hacienda dahil akala nila may artistang dumating.”
“Gutom lang iyan,” sabi niya at ipinaglagay naman ito ng bacon sa plato. It looks like they were trying to feed each other.
“Hindi na yata ninyo kami nahintay,” sabi ni Conrad nang sumalo sa kanila.
Hindi sinasadyang napakapit ang isang kamay niya sa braso ni Keith. Subalit nang makita niya ang ngiti nito ay nawala ang takot niya kay Conrad. Parang sinasabing naroon ito para protektahan siya.
“Pasensiya na,” sabi ni Keith. “Akala kasi namin matatagalan pa kayo.”
May tensiyon siyang nararamdaman sa pagsusugpong ng tingin nina Keith at Conrad. Naipagpasalamat niyang hindi iyon napansin ni Jerus na abala sa paglalagay ng strawberry jam sa toasted bread nito.
“I’m really curious,” anang si Jerus. “Paano naging kayo?”
Hinawakan ni Keith ang kamay niya. “Brazile, ako na ang magpapaliwanag,” prisinta nito. “Kumain ka lang diyan.”
Subalit hindi niya magawang kumain habang hinihintay ang kwento nito. Hindi niya alam kung saang romance pocketbook ito kukuha ng kasaysayan nila.
“Oh, I’d love to hear a love story from a man’s point of view,” excited na sabi ni Jerus na kumapit sa braso ni Conrad. Samantalang ang huli ay parang walang pakialam at sumubo ng bacon.
“I saw Brazile when she was in first year high school. Fourth year naman ako” Tiningnan siya nito na parang nangangarap. “Dumaan siya sa harap ng building namin dahil nasa dulo pa ang building ng freshmen. I can still remember the emerald clip on her long hair. She looks like a princess. Nang maramdaman niyang nakatingin ako, tumigil siya at tumingin sa akin. I was pole axed. Pero hindi katulad ng ibang babae, inirapan lang niya ako. I never tried to approach her dahil masungit siya. Isa pa, she was practically a baby. Fourth year na ako at isang taon na lang ang itatagal ko sa St. Jerome. Paano ko pa siya mababantayan?”