Asociacion de las Solteras Series Chapter 32

Bago pa nakahuma sa pagkabigla si Brazile ay naitulak na siya ni Conrad papasok sa loob. Hindi inaalis ang paningin sa kanya ay isinara nito ang pinto.

“Nagsasawa na ako sa laro mo, Brazile,” anito sa malalim na boses.

Itinulak niya ito palayo. “Lumabas ka! Wala akong alam sa sinasabi mo.”

Hinila nito ang braso niya at nagkalapit ang katawan niya. Pinilit niyang ilayo ang katawan dito lalo na’t naamoy niya ang alak sa hininga nito. Naalarma siya dahil sa tingin niya ay lasing ito. Sa party ay marami na itong nainom at hindi maganda ang pakiramdam niya sa pagsugod nito sa kanya.

“Don’t deny it.” Sa isang saglit ay nasa tainga ay mas malapit na sa tainga niya ang pinagmumulan ng boses nito. “Alam ko na matagal ka nang may gusto sa akin. Kung hindi lang sana nanggulo ang pinsan ko noon, matagal na sanang may nangyari sa atin. Sa akin ka na sana.”

Iniiwas niya ang mukha nang tangkang hahalikan siya nito. “Hindi mo ako makukuha, Conrad. Dahil wala akong gusto sa iyo,” mariin niyang sabi. “Kaya pakakawalan mo ako. Nakakalimutan mo yata na nasa ibaba lang ang babaeng pakakasalan mo at ang lalaking mahal ko.”

Sinampal siya nito. “Hangal!” Ngumisi ito subalit nasa mata nito ang matinding selos. “Mahal mo si Keith? Sa tingin mo ba mamahalin ka rin niya pagkatapos ko sa iyo. Sa akin ka lang, Brazile. Walang ibang makikinabang sa iyo.”

Itinulak siya nito at bumagsak siya sa kama. Tinangka niyang tumayo subalit dinaganan siya nito at hinalikan siya. Lumaban siya. Sinipa niya ito at itinulak subalit lubhang napakalakas nito sa kabila ng nainom nitong alak. Pinanatili niyang nakasara ang kanyang labi. Ipinagpatuloy niya ang paglaban. Hindi siya papayag na makuha siya nito. Pinaglabanan niya ang takot ng tangka nitong pananamantala sa kanya dati. Masakit ang ulo niya ngunit hindi siya kasinghina noon.

“Tulungan ninyo ako!” sigaw niya.

Sinabunutan siya nito at sinampal. “Istupida! Nasa baba ang mga tao. Sa lakas ng tugtog, sa tingin mo ba may makakarinig pa sa iyo?”

Isa-isa nitong binuksan ang butones ng kanyang damit. Sapat na ang naipon niyang lakas at bahagyang nawala ang bigat nito sa kanya. Gumulong siya pababa sa kama subalit bago pa siya makabangon ay nahablot nitong muli ang buhok niya.

“Akala mo ba makakatakas ka sa akin? Wala ka nang kawala.”

Hinila siya nito pabalik sa kama. Kinapa niya ang bedside table. Baka may bagay doon na makakatulong sa kanya para makaligtas dito. Nahagip ng kamay niya ang lampshade. Masyado iyong mabigat para mabuhat ng isang kamay lang. Itinulak niya iyon at nakalikha ng ingay. Nagbabaka-sakali siyang may makarinig sa kanya.

“Talagang ginagalit mo ako,” gigil na sabi nito at muli siyang sinibasib ng halik. Umiwas siya sa halik nito sa kabila ng panghihina. Mamamatay muna siya bago siya maangkin nito.

Maya maya’y may yabag ng paa na palapit at bumukas ang pinto. Kasunod ang pagkawala ng bigat ni Conrad sa kanya. Nang bumangon siya ay nakita niya si Keith na nakikipagbuno kay Conrad.

“Keith,” mangiyak-ngiyak niyang bulong. Galit na galit si Keith dahil tumutunog ang bawat pagtama ng kamao nito sa katawan ni Conrad. Mas matindi sa galit na nakita niya nang unang beses na iligtas siya nito.

“Hayop ka talaga, Conrad!” sabi ni Keith at pinatama ang kamao sa pisngi pinsan. “Ikakasal ka na, hindi mo pa rin tinitigilan si Brazile.”

Sa kabila ng tinamong pinsala ay nagawa pang ngumiti ni Conrad. “Ipinagtatanggol mo ba siya? Dapat siya ang pinangangaralan mo at hindi ako.”

Lalong naglatang ang galit sa mukha ni Keith. Binitbit nito si Conrad sa kuwelyo. “Linawin mo ang sinabi mo!” angil nito.

Pinahid ni Conrad ang labing may dugo. “Ang babaeng ipinagtatanggol mo ang siyang nang-akit sa akin,” anito at itinuro siya.

Nanlaki ang mga mata niya at bumaba siya sa kama. “Hindi totoo ang sinasabi mo, Conrad. Hindi kita inakit!” tutol niya.

Parang nangyari ang eksena noon. Subalit hindi siya papayag na takasan nito ang kasalanan noon sa pamamagitan ng pagpapasama sa kanya.

Matalim siyang tiningnan ni Keith bago muling ibinaling kay Conrad ang tingin. “Bawiin mo ang sinabi mo kung ayaw mong masaktan sa akin.”

“Ano naman ang babawiin ko?” nakakalokong sabi ni Conrad.

Bitbit sa kuwelyo ay ihinagis ito ni Keith palabas sa silid niya. Pinigilan niya si Keith nang tangka na namang susugod. “Tama na,” sabi niya.

Hindi niya ito nagawang pahinahunin kahit kaunti. Humihingal ito sa galit. “Isa pang pagkakataon, Conrad. Bawiin mo ang sinabi mo!”

Umiling si Conrad at nangungutyang ngumiti. “Inakit ako ni Brazile. Pinalalabas niyang ako ang masama para paghiwalayin kami ni Jerus. Matagal na niya akong gusto. Kahit magpapakasal na ako, ayaw pa rin niyang tumigil sa kahahabol sa akin.”

“Sinungaling ka, Conrad!” sigaw niya.

Ngumisi lang ito at naglakad palayo. Nanlulumo siyang napaupo at isinubsob ang mukha sa palad. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin siya sa matinding takot. Kasunod ang pambibintang ni Conrad sa kanya. Wala siyang nagawa para ipagtanggol ang kanyang sarili.

Hinaplos ni Keith ang buhok niya. “Stop crying, Brazile. Umalis na siya.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.