Asociacion de las Solteras Series Chapter 33

Hindi niya napigilan ang sarili at niyakap ito. “H-Hindi totoo ang sinabi niya, Keith. Hindi ko siya inakit. Nagsisinungaling siya.”

Hinihintay niya ang pagyakap ng mga bisig nito sa kanya. Ngunit itinayo lang siya ng mga bisig nito at inilayo. Pinahid nito ang luha niya. Wala siyang mabasang ekspresyon sa mukha nito.

“Magpahinga ka na. Magpapadala ako ng katulong dito para maglinis ng mga kalat at para asikasuhin ka. Gusto mo ba ng kape, tsaa o gatas?”

Umiling siya at mahigpit itong hinawakan sa braso. “Sabihin mo muna sa akin na ako ang pinaniniwalaan mo at hindi si Conrad. Gusto kong marinig, Keith.”

Tinitigan siya nito ng matagal. Nanatiling walang emosyon sa mga mata nito. Maya maya’y pumikit ito at kinintalan siya ng halik sa noo.

“Matulog ka na, Brazile. Sasabihin ko kay Ninang Lilia na masakit ang ulo mo kaya hindi ka makakababa sa party. Mag-usap tayo bukas.”

Parang namatay siya nang isara nito ang pinto. Animo’y naubos ang kanyang lakas nang umupo siya sa paanan ng kama. Niyakap niya ang sarili at umagos ang sariwang luha sa kanyang mukha.

Wala na si Keith. Gusto niyang nasa tabi ito at kayakap para tiyaking ligtas siya. Na sabihin nitong hindi ito naniniwala sa anumang bintang ni Conrad laban sa kanya.

Subalit hindi niya naramdaman ang yakap nito. Ni hindi niya narinig sa mga labi nitong naniniwala ito sa kanya, kahit pabalat-bunga lamang parang bumuti ang pakiramdam niya.

Nakakadama siya ng matinding lamig na sumisigid sa kanyang kaibuturan. Dahan-dahang nagpapatigil sa pagtibok ng puso niya na minsan niyang pinatay subalit nabuhay nang muli niyang mahalin si Keith. Mamatay muli ang puso niya. Subalit sa pagkakataong ito ay hindi na siya ang pumatay dito kundi si Keith.

NAALIMPUNGATAN si Brazile nang may kumatok. Napagod siya sa kaiiyak at hindi man lang niya napalitan ang damit na suot niya sa party. Napasulyap siya sa bintana at napansing madilim pa sa labas.

Kinusot niya ang mata bago binuksan ang pinto. Bumungad ang katulong sa kanya. “Bakit?” tanong niya. Saka niya naalala na hindi pa nalinis ang piraso ng nabasag na lampshade. “Maglilinis ka ba?”

Umiling ito. “Hindi po, Ma’am. Itatanong ko lang po sana kung narito si Señorita Jerus. Nawawala po kasi siya.”

“Ano?” gulat niyang sabi at lumabas ng silid. Nagmamadali siyang bumaba sa sala at naabutan doon ang mga tao na nagkakagulo.

Sinalubong siya ni Lilia na bakas ang pag-aalala sa mukha. “Hija, hindi mo ba nakita si Jerus?” tanong nito.

Umiling siya. “Ano po ang nangyari? Nawawala po siya?”

“Kanina sabi niya susunduin niya sa kuwarto si Conrad. Natagalan kasing bumalik sa party. Pero pagkatapos noon basta na lang siyang nawala. Nawawala din ang kotse niya. Hindi namin alam kung saan siya nagpunta.”

Hindi sinasadyang nagkatinginan sila ni Keith na naroon din at kausap ng Papa ni Jerus. Pareho marahil sila ng iniisip na maaring narinig ni Jerus ang mga pagtatalo nilang tatlo sa itaas. Akala marahil ay inakit niya si Conrad kaya ito umalis.

“Gusto ko pong makatulong, Tita,” sabi niya.

Naiinggit siya kay Jerus dahil may inang nag-alala dito. Hindi katulad ng Mama niya na walang minahal kundi ang sarili. Walang ginawa kundi mamasyal sa mundo kasama ang mga kaibigan nito. Isang mabuting ina si Lilia at ayaw niyang makita itong nasasaktan. Pakiramdam niya ay responsible siya sa pananakit dito.

“Salamat, hija.” Tinawag nito si Keith. “Subukan ninyong hanapin si Jerus sa resthouse sa Cabagan. Doon madalas magpunta si Jerus kapag may problema siya.”

“PAGLIWANAG na kayo bumiyahe,” anang si Manang Lita na katiwala sa resthouse ng mga Redondo. “Alas dos pa lang ng madaling-araw. Magpahinga muna kayo.”

“Salamat po,” sabi nila ni Keith at pumasok sa loob.

Nang dumating sa resthouse ng mga Redondo sa Cabagan, Isabela ay napag-alaman nila sa katiwala na wala roon si Jerus. Hindi magawang magsalita ni Brazile nang silang dalawa na lang ni Keith sa sasakyan. Sa palagay niya ay wala ito sa kondisyon na makipag-usap sa kanya. Pareho silang nag-aalala kay Jerus at hindi mabuting sa biyahe nila pag-usapan ang problema nila.

“Itong kuwarto sa kanan ang okupahin mo,” sabi nito. “Dito ako sa kaliwa. Magpahinga na tayo.”

“Keith, kanina mo pa ako pinagpapahinga. Gusto kong mag-usap tayo.”

Pagod ang anyo nito nang humarap sa kanya. Maraming nangyari nang araw na iyon. Bukod sa pag-aalala kay Jerus ay malayo pa ang biniyahe nila.

Matiim siya nitong tiningnan. “Ano pa ba ang dapat kong malaman tungkol sa inyo ni Conrad, Brazile? Na hanggang ngayon ay mahal mo pa rin siya? Na kahit ikakasal na sila ni Jerus at pilit na kitang inilayo sa kanya, pilit ka pa ring lumalapit. Mahal mo pa siya, hindi ba?”

“Mahal?” hindi makapaniwala niyang sabi. “Iyon ba ang sinabi niya sa iyo?”

Umiling ito. “Hindi ko na siya kailangan pang tanungin dahil alam ko na noon pa kayo nagkaroon ng relasyon.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.