Asociacion de las Solteras Series Chapter 81

Halos hindi humihinga si Meredith habang hinihintay ang pagsasanib ng kanilang labi. Sabi ng isang bahagi niya ay ipinikit niya ang mga mata at hintayin ang halik nito. Samantalang ang isang parte naman niya ay nagsasabing hindi iyon maaring mangyari. Hindi siya dapat pumayag na magpahalik ulit dito.

Pinangibabaw niya ang huwisyo. Itinulak niya ito sa dibdib at humakbang palayo. “M-Mabuti pa siguro kukunin ko iyong champagne sa ref. Kailangan nating mag-celebrate,” aniya at nagmamadaling nagtungo sa kusina.

Habol niya ang hininga habang hawak ng pinto ng ref. Kung hindi siya tumutol, malamang ay nasa bisig pa rin siya nito. Magkasanib ang labi nila. At hindi na niya alam kung ano ang maaring mangyari pagkatapos.

“Need help?” tanong nito na nasa bungad ng kusina.

Napalingon siya at pilit na ngumiti upang hindi nito mapansing kinakabahan siya. “No, thanks. Kaya ko na ito.”

“I want to help. Nasaan ang wine glass mo?”

Umiling siya. “Ako na ang bahala sa flute, ikaw na lang sa champagne. Nandiyan siya sa loob ng ref. Kunin mo na lang.”

Matapos makuha ang flute sa cabinet ay bumalik siya sa sala. Naroon ito at naghihintay. “Alam mo bang hindi ko ito naisip noong nasa Singapore ako?” sabi nito. “Nasa isip ko na agad na bumalik dito para ibalita sa iyo.”

“Ibig bang sabihin niyan, may bonus kami?”

Idinaan lang nito sa ngiti ang sagot at tinanggal ang cork ng bote. Subalit sa kamalasan ay nasabuyan siya. Hindi niya magawang umiwas. Sa halip na mainis ay tumawa na lang siya. “Sabi ko iinom tayo ng champagne. Hindi ko sinabing paliguan mo ako.” Pinalis niya ng palad ang patak ng champagne sa braso. Subalit hindi hindi nakaligtas ng roba niya. “Ayan, basa na talaga ako.”

Natigil siya sa pagtawa nang makita itong matamang na nakatingin sa kanya. He got that hungry look on his eyes. Namuo ang takot at pagkasabik sa kanyang lalamunan. Matagal na niyang hinihintay na tingnan siya nito sa ganoong paraan.

Tumutok ang paningin nito sa kanyang labi. Pakiramdam niya ay nasa gilid siya ng isang matarik na bangin. Anumang gagawin niya sa susunod ay siyang magtatakda sa dapat niyang tahakin. Nabibingi siya sa lakas ng pintig ng kanyang dibdib.

Hindi nito inaalis ang paningin sa kanya at inangkin ang kanyang labi. Naghahanap ang mga labi nito. Nag-iimbita at mapusok. Sapat upang makalimutan niya ang kanyang sarili.

Ang isang halik ay naging dalawa. Tatlo. Kasunod niyon ay ang pagkawala ng basa niyang roba. Hindi siya nakadama ng panlalamig dahil mainit ang mga haplos nito. Bawat daanan ng kamay nito ay nagniningas. Hinayaan din siya nito nang tanggalin niya ang kurbata nito. Isa-isa rin niyang kinalas ang butones ng polo nito.

Bingi na siya sa nagbabantang boses sa maaring kalabasan ng kanilang kapusukan. Para sa kanya ay tama ang lahat. Walang mali. Sapat na ang mga pagkakataong pinigilan niya ang sarili sa nararamdaman niya para dito.

AWTOMATIKONG ngumiti si Meredith pagdilat ng kanyang mga mata. Maganda ang naging panaginip niya nang nakaraang gabi. Dumating daw si Siege and he made love to her endlessly. Mabuti at nakakaalala siya ng ganoon kagandang panaginip.

Kinapa niya ang tabi at natuklasang bakante iyon. Isinubsob niya ang mukha sa unan. Panaginip lang ang lahat. Subalit hindi niya imahinasyon lang ang amoy ng pabango nito sa kanyang unan.

Bumalikwas siya ng bangon. Saka niya naramdaman ang pananakit ng kanyang katawan. Sa ilalim ng kumot ay wala siyang suot na damit. Gusot ng kanyang kama. Hindi iyon nangyayari kung normal ang kanyang pagtulog. Hindi rin nakaligtas ang pulang mantsa sa kobre-kama.

Hindi niya mapigilang mapangiti. Kung ganoon ay hindi panaginip ang lahat. Dumating nga si Siege at nagniig sila. Maingat ito sa pag-angkin sa kanya. Hindi ito nagmadali na animo’y hawak nila ang lahat ng oras. Ginawa nito ang lahat ng paraan upang hindi niya maramdaman ang sakit.

Napalis ang kanyang ngiti nang maisip na wala ito. Saan kaya ito pumunta? Marahil ay natuklasang isang malaking pagkakamali ang nangyari sa kanila at nagtatakbo na ito pauwi. It was just a spur of the moment.

Masyado lang itong nagsasaya dahil nanalo sila sa isang international competition. Natapunan siya ng champagne at naakit ito sa kanya. Kailangan niyang ituloy ang buhay nang hindi umaasang mapapasakanya ito. Tapos na ang kahibangan.

Kung paano niya ito haharapin pagpasok sa opisina ay hindi niya alam. Siguro ay ituturing na lang niyang isang magandang panaginip ang lahat.

Pababa na siya ng kama upang magpunta sa banyo nang bumukas ang pinto. Nakasuot ito ng kaswal na damit. Pantalon at T-shirt. Hindi siya sanay na makita itong ganoon dahil lagi niya itong nakikitang naka-pormal o kaya ay semi-formal.

Nakangiti itong pumasok hawak ang bed tray. “Good morning! Akala ko tulog ka pa. Gigisingin sana kita.”

Mabilis niyang hinapit ang kumot sa katawan. “A-Ano pang ginagawa mo dito?”

Kumunot ang noo nito. “Bakit itinataboy mo ako?”

“Kasi wala ka na dapat dito.” Humigpit ang hawak niya sa kumot at yumuko. “K-kasi hindi naman…Siege, mali ang nangyari sa atin. Bakit hindi ka na lang mag-sorry ngayon at umalis ka na? I promise, hindi ako maghahabol. I won’t pressure you into marriage. I’ll pretend that it didn’t happen.”

“Iyon ba talaga ang gusto mong mangyari?” malambing na tanong nito.

Nanatili siyang nakayuko dahil hindi niya kayang tingnan ito sa mga mata. Malalaman nitong nagsisinungaling siya. “Iyon ang dapat na mangyari. Iwan mo na lang ang pagkain na niluto mo diyan at umalis ka na.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.