“Pwede bang patuluyin mo muna ako?” anito sa mapagpakumbabang boses.
Pagod na pagod ito. Saka niya naalalang kagagaling lang nito sa biyahe mula sa Singapore. Hindi nito kailangan ng away ngayon.
“Sorry,” sabi niya at niluwagan ang pagkakabukas ng pinto. “Pumasok ka. Ano ang gusto mong inumin?”
“Wala,” may kahinaang sabi nito. Umupo ito sa sofa at ikinatang ang ulo sa sandalan. “Gusto ko lang magpahinga dahil pagod na pagod ako. Pasalubong ko nga pala sa iyo. Favorite mong champagne.”
Kahit hindi siya nagbilin ng pasalubong ay nag-uwi pa rin ito. Hindi niya maiwasang mapangiti. At least naalala pa rin siya nito.
“Thank you. Ilalagay ko lang sa ref,” sabi niya at iniwan ito.
Sinamantala na rin niya ang pagtitimpla ng kape habang nasa kusina. Kahit anong tanggi pa nito, alam niyang gusto nito ng kape. At kailangan din niya ng kape para may ibang mapagbalingan ng atensiyon habang naroon ito sa bahay niya.
Inilapag niya ang isang tasa ng kape at chocolate muffins sa harap nito. Iyon ang hapunan niya kanina. Mabuti at may natira pa.
“Hindi ba dapat bukas pa kayo uuwi?” tanong niya at umupo sa tapat nito.
“Bukas pa sila uuwi.” Kinuha nito ang tasa ng kape at ininom. “Nauna na ako dahil gusto kong makauwi agad. Ayoko nang magtagal pa sa Singapore.”
“Bakit napadpad ka dito sa condo ko?” tanong niya. Hindi niya maiwasang magtaka. Dapat ay umuwi na ito at magpahinga.
“Nagda-drive ako mula sa airport. Pero parang hindi ko na kaya. Since malapit na ako dito, nag-decide na akong dumaan. Gusto kong magpahinga kahit sandali.”
Pinagmasdan niya ito. Nanlalalim ang mga mata nito at parang walang tulog. Naawa siya dito dahil mukhang hindi ito nakapagpahinga.
“Sana nag-check in ka na lang sa hotel kung alam mong hindi mo kaya.”
Tumingala ito at minasahe ang batok. “Ayokong pumunta sa isang lugar kung saan wala akong makakausap. Hindi ko naman kailangang matulog. I just need someone to talk to.”
Napailing siya. “At dahil ako ang malapit, ako ang pineperhuwisyo mo,” aniya sa tonong may halong pagbibiro.
Kahit na sanay na siyang tuwing babalik ito ng Pilipinas mula sa tour sa ibang bansa ay dumadaan ito sa kanya. Pagkatapos magpahinga ng mga isang oras ay saka ito babalik sa biyahe upang umuwi sa mansion ng Mama nito. Kung bakit ayaw na ayaw nitong magpapasundo sa airport. Mas gusto nitong gamitin ang sasakyan na iniiwan sa car park at iyon din ang gagamitin pauwi.
“Palagi namang ikaw ang pineperhuwisyo ko, hindi ba?” nangingiti nitong sabi subalit bakas pa rin ang pagod. “Saka gusto kitang makita.”
May kakaibang init ang mga titig nito sa kanya. Hindi niya mapigil ang mabilis na pagpintig ng dibdib. Naalala niya ang sinabi nito na mag-uusap sila pagbalik nito. Hindi pa maari. Hindi pa niya alam ang sasabihin dito.
Tumikhim siya. “Kumusta naman ang biyahe ninyo?”
“Okay lang,” kaswal na sabi nito at kumagat ng muffin. “The feedback is good. Sa mga susunod na buwan, maaring tumaas ang volume ng circulation natin.”
Ganoon din ang pagtanggap na ginawa ng mga subscriber sa Pilipinas. Bukod pa doon ay maaring magpadala ng sariling designs ang mga readers at kapag napili ay maaring ma-publish ang designs na iyon. Kaya ang mga amateur designer ay nagkakaroon ng pagkakataon na ipakita ang kanilang creativity.
Tumango siya. “That’s good. How about the competition?”
Lumungkot ang anyo nito at humugot ng malalim na hininga. Nagkibit-balikat ito at ibinaba ang tasa ng kape. “Ganoon siguro talaga ang buhay. May nananalo at may natatalo,” anitong pilit pinasisigla ang boses.
Nakadama siya ng kurot sa puso. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang umaasam ito ng award. Tinabihan niya ito at hinawakan sa balikat. Hindi siya sanay na makita itong mukhang binagsakan ng langit at lupa. Kahit na ano pang problema ang kaharapin ay lagi itong matatag. Parang pader na maaring sandalan.
“Hey, it’s okay. First time pa lang nating na-nominate sa competition. Malaking honor na kung ma-nominate man tayo.”
Ngumiti ito subalit mabilis ding binawi. “Alam ko. Pero mas malaking karangalan kung nanalo tayo. Makakatulong iyon sa promotion ng magazine natin.”
Pinisil niya ang balikat nito bilang pagsuporta. “Babawi na lang tayo sa susunod.”
Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi nito. “Tama ka. Gaya nga ng nasabi ko, may nanalo at may natatalo. Nagkataon lang na nanalo tayo. Grand prize pa.”
“What?” bulalas niya. “Grand prize tayo? Hindi tayo natalo?”
Natawa ito. “Wala naman akong sinabing natalo tayo. And I want to praise you as the editor in chief of The Bride dahil kayo ang nanalo ng grand prize para sa Bridal Magazine of the Year.”
“T-Totoo? Hindi ka nagbibiro?” hindi makapaniwala niyang sabi.
Nang tumango ito ay nasugod niya ito ng mahigpit na yakap. Masayang-masaya siya dahil hindi birong hirap ang dinanas nila nang nagsisimula pa lang.
“I can’t believe it. We are the best in Asia,” sabi niya at ipinakit ang mga mata.
Wala nang nagsalita sinuman sa kanila. Subalit hindi siya umalis mula sa yakap nito. Masaya na siya nang ganoon. Yakap ito habang pinakikinggan ang tibok ng kanilang mga puso.
“Meredith…” halos pabulong na wika nito.
“Mmmm…” Dumilat siya. Saka niya natuklasang yakap pa rin niya ito. Mabilis siyang kumalas at tiningnan ito. “B-Bakit?”
Nahigit niya ang hininga nang makitang ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nito sa kanya. At palapit iyon nang palapit. Hahalikan siya nito.